Chapter 45: Redemption

Kahit na gusto kong umuwi sa bahay, hindi ko pa puwedeng gawin kasi mukhang lalo ko lang pasasamain ang araw ko. Masyado pang maaga para makitang magalit sina Mama pag-uwi. Nagkulong ako sa restroom sa loob ng dulong cubicle. Hindi ko alam kung makapagpapalit ba ako ng damit. Hindi na ako nailigtas sa panahong ito ni PJ. Siguro kasi . . . masyadong alanganin ang oras? Ang dami kong nilampasan? Ang dami kong hindi nabigyang-pansin?

Napilitan tuloy akong ibabad sa sink yung buhok kong pagkahaba-haba, matanggal lang yung putik saka mga buo-buong lupa. Dapat talaga, nagpagupit na ako sa panahong ito.

Hindi ako puwedeng lumabas ng restroom nang naka-bra lang. Itong maong shorts, kaya ko pang dalhin palabas. Kahit sana sando, mapagtitiyagaan ko na.

Hindi ko alam kung paano ako naka-survive before sa kahihiyang ito, pero ngayon ko lang na-realize na ang strong ko naman para makapasok pa noon kinabukasan nang nakangiti at positive na matutuwa sa akin si Chim kahit na ganito ang nangyari sa akin.

Ang pathetic pakinggan at isipin, pero ang hirap pala talaga hugutin ng tawa kapag alam mo na sa sarili mong harap-harapan ka nang kinakawawa.

"Stella?"

May boses sa labas. Boses ng babae.

"Sino 'yan?" tanong ko.

"Si Carisa 'to."

"Sorry, hindi ako makalabas, wala akong damit."

"Alam ko, kaya nga nagdala ako ng damit. Uniform ko nga lang 'to for COCC. Amoy-locker pa, tiisin mo na lang. 'Pag nakita ka ni Sir Albert, sabihin mo, pinahiram ko kasi . . ."

"Okay lang, alam ko na. Ako na ang mag-e-explain." Bahagya kong binuksan ang pinto ng cubicle at nakita ko si Carisa'ng nag-aalala ang ekspresyon sa mukha. "Thank you sa concern. Sobrang na-appreciate ko."

"Okay ka lang ba, Ste?"

Siguro, kung may ayaw akong tanong sa mundo, iyan na iyon. Tipong nakikita na ngang hindi okay ang tao, itatanong pa kung okay siya. Parang nang-iinsulto at gusto pang sa iyo manggaling na hindi ka okay para lang maniwala sila. Pero siyempre, ang lagi namang isasagot doon ay "Okay lang ako. Salamat."

"Salamat pala sa ginawa mo para sa pinsan ko. Pinag-initan kasi ni Chim e."

Oh. Oo nga pala, magpinsan sila ni Gelo. Akala ko pa naman, concern talaga sa akin.

"Alam kong bully siya at binu-bully ka niya, pero totoo, salamat. Hindi siya mapapagalitan ni Tita Anna."

Nakagat ko na lang ang labi ko at napatango na lang. Hindi ko alam ang isasagot ko.

"Mabait naman talaga si Gelo e. Makulit lang talaga siya."

Naku, Carisa, alam ko naman. Pero iba ang kulit niya sa panahong ito. Alam kong mabait siya, proven na. Pero kasi . . . sa future pa iyon. Hindi ngayon.

"Salamat sa damit," iyon na lang ang nasabi ko bago ko isara ulit ang cubicle at magbihis na agad.

"Ste, babalik na 'ko sa waiting shed, ha?"

"Sige."

Alam kong mas malaking babae ako kaysa kay Carisa. Pero hindi ko naman in-expect na halos gawin akong suman ng V-neck shirt niya. Nagmukhang crop top sa akin ang sukat. Talo ko pa ang dancer ni Willie. Ang ikli na nga ng shorts ko, tapos fit na fit pa sa katawan ko ito. Kulay puti pa naman, buti sana kung makapal.

Haaay, bahala na. Ang mahalaga, hindi ako naka-bra-ng lalabas ng restroom.

Tahimik na sa quadrangle nang sumilip ako nang kaunti sa pinto. Tapos na kasi ang recess. Malamang na kami na lang ang year na nasa labas dahil wala kaming room.

Pagbukas na pagbukas ko ng pinto ng restroom, hindi ko na halos nakita ang sumunod na nangyari.

Biglang akong napaatras nang hindi ko alam kung gaano kalayo, biglang sumara ang pinto, at napunta na naman ako sa loob at nakasandal sa tabi ng pintuan. Nag-sink in lang sa akin ang lahat noong wala na akong ibang makita kundi ang mukha ni Angelo na mukhang sasapakin ako anytime.

"Bakit mo ginawa 'yon?"

Hindi ko alam kung huhugot ba ako ng hininga o pipigilin ko na lang.

"Tinatanong kita!"

Halos mapatalon ako sa kinatatayuan nang sinuntok niya ang pader sa kaliwang gilid ng ulo ko.

"Tanga ka ba, ha? Nabobobo ka na ba, ha?"

Putek, hindi ko alam kung iiyak ba ako o yayakapin ko itong siraulong ito ngayon. Ano na, Stella?

"Tinatanong kita, sumagot ka!" Sinuntok na naman niya yung pader. Abnormal. Hindi ba siya nasasaktan sa ginagawa niya?

"Tingin mo ba, magte-thank you ako kasi ginawa mo 'yon, ha? Sino'ng nagsabi sa 'yong umepal ka r'on?"

Ang dami-dami kong gustong sabihin pero walang kahit anong lumalabas sa bibig ko. Nakatitig lang ako kay Gelo. Galit na galit siya na parang kasalanan ko pang iniligtas ko siya sa kahihiyan niya.

Kung hindi lang nanlalabo ang mga mata ko, hindi ko pa masasabing umiiyak na ako sa harapan niya.

"Ang tanga mo! Ang tanga-tanga mo!"

Paulit-ulit niyang sinuntok ang pader at wala akong ibang nagawa kundi ikuyom na lang ang kamao ko dahil sa takot. Pumikit na lang ako nang mariin habang nararamdaman kong sinasaktan niya ang sarili.

Alam naman naming pareho na para sa akin iyon. Hindi ko lang alam kung ano'ng sinabi ni Chim sa kanya matapos kong tanggihan ang inuutos nitong huli. Pangatlong beses na ito. Ngayon ko lang tinanggihan si Chim sa utos niya. Hindi ako umoo pero nangyari pa rin. Nabuhusan pa rin ako. At si Gelo?

Bakit?

Sinabi ba ni Chim na kapag napahiya siya sa buong school, magiging sila? Malamang na hindi. Sabihin na nating sinabi ni Chim na bibigyan niya si Gelo ng pag-asa. Sapat na ba iyon? E, paaasahin lang din naman niya itong si Gelo. Si AJ pa rin naman ang gusto ni Chim kahit pa lumuha si Gelo ng dugo.

Napapikit na lang ako at mabilis na nagpunas ng basang pisngi nang mapagod si Gelo kasusuntok ng pader. Iniwan na lang niya yung kamao niya sa gilid ng ulo kong hindi niya naman tinamaan o nadaplisan man lang.

"Ang tanga mo . . . napakatanga mo . . ."

Sa mga sandaling ito, hindi ko alam kung para sa akin pa ba ang sinasabi niya kasi naririnig ko . . .

Naririnig kong malungkot din siya.

"Okay lang ako, Gelo." Pinilit kong magsalita kahit na gusto ko na lang humagulgol ng iyak at yakapin siya. Gusto kong yakapin siya kasi alam kong nasasaktan siya nang higit pa sa sakit na nararamdaman ko ngayon.

Pero kasi . . . hindi siya si Gelo ng future.

Hindi pa niya alam sa mga panahong ito na mahal pala niya ako—o mahal pa rin niya ako. Ang alam niya, gusto niya si Chim at iyon lang ang paniniwalaan niya.

Ang bigat ng paghinga niya. Nakayuko lang siya sa harapan ko. Nanginginig ang labi ko at hindi ko na alam kung makapagsasalita pa ba ako nang mahaba nang hindi iiyak. Ang hirap pa namang lumunok.

"'Wag mo nang uulitin 'yon." Mabigat na rin ang tono ng boses niya. Inuutusan na niya ako.

As if namang gugustuhin ko pang ulitin yung nangyari.

Tumayo na siya nang diretso tapos hinubad niya ang uniform niya at padabog pa niyang hinampas sa katawan ko.

"Magdamit ka nang maayos."

Pagkatapos niyang sabihin iyon, binuksan na niya ang pinto ng restroom tapos lumabas na rin siya.

Doon lang ako napahugot ng sobrang lalim na paghinga paglabas niya. Napapikit na lang ako at agad na pinunasan ang mukha kong basang-basa ng luha.

Alam kong magiging mabait din si Gelo kalaunan, pero hindi ko naman inaasahang aabot kami sa ganito.

Ang hirap sabihing kung alam ko lang sana, kasi alam ko na e. At ang tanga ko talaga kasi pangatlong beses na ito pero parang wala akong pinagkatandaan.

Isinampay ko na lang sa balikat ko ang uniform na bigay ni Gelo at naghilamos na naman ako ng mukha. Namumula ang mata ko pero buti na lang dahil hindi umabot sa ilong. Halos manlagkit ang laway ko kapipigil ng iyak.

Nakakaawa si Stella ng panahong ito. Dito ko lang talaga na-a-appreciate ang tibay ng loob ko noon para maka-survive sa ganitong sistema. Kung ako lang, susukuan ko talaga ito, baka nga magpakamatay pa ako.

Worst day ever ko ngayon at alam kong hindi pa ito ang worst.

Para lang makilala si Philip, kailangan ko na namang pagdaanan ito?

Dapat ba, hindi ko na langinalam?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top