Chapter 44: Meant To Be

Maling desisyon siguro na bumalik ako para lang alamin kung sino ba talaga si Philip at kung kailan ko siya nakilala. Akala ko, okay na ang past ko—itong past ko kung saan ito ang worst day ever ko.

Pangatlong beses ko na itong nandito, at ang nakakainis, ang nabago ko na noon, nangyari ulit ngayon, at hindi ko napigilan ang lahat.

Malamang na pinagagalitan si Ma'am Amy ngayon. Walang pumasok na teacher sa amin. Malamang na parte ng parusa ang pag-suspend ng klase namin dahil nasa waiting shed kami nag-stay pansamantala.

Kalat-kalat tuloy kami ngayon sa buong school. Ako? Hinanap ko si Gelo para pigilan sa plano niya. Hindi ko na matandaan kung anong oras ba siya naghukay ng itatapon na putik sa akin, pero this time, I'm sure, hindi na iyon tubig dahil hindi ko siya napigilan.

Nakakainis kasi wala siya sa may fountain noong pinuntahan ko ang lugar. Sobrang nakaka-bad trip pa kasi hindi ko na siya makita ngayon!

Pumunta ako sa canteen, doon ko nakita si Carlo'ng bumibili ng meryenda.

"Carlo, si Angelo, nakita mo?"

"Hindi e, bakit? Inaway ka?"

Hindi ko na siya nasagot pa. Tumakbo na agad ako papuntang restroom ng mga boys sa Einstein building, baka doon nagbasa ng lupa si Gelo. Saktong nasalubong ko si AJ na galing doon bago pa ako makalapit.

"AJ, si Gelo, alam mo kung nasaan?"

"Pake ko sa kanya?"

Ugh! Ang lalayo ng agwat ng mga pinuntahan ko. Patakbo na ako papuntang botanical garden na halos kabilang panig na ng waiting shed nang masalubong ko si Jasper na galing sa computer lab ng Newton building.

"Jasper, nakita mo ba si Angelo?" Umiling lang siya bilang sagot bago nagpatuloy sa paglalakad.

Nakalimutan ko, hindi pa pala magtotropa itong mga ito ngayon. Pakialam nga naman nila kay Angelo.

Kahit ayoko sa garden dahil baka nandoon siya at takutin ako ng mga higad, pumunta pa rin ako sa garden.

Hindi ko alam kung magpapasalamat ako na hindi ko siya nakita roon o lalo lang akong madidismaya dahil wala siya.

Riiing!

Naalerto ako noong mag-bell na.

Putek! Napalingon ako sa direksyon ng stage. Hindi puwede . . .

Ano na ba'ng nangyayari? Hindi ko na alam!

Dali-dali ang labas ko sa garden at tinanaw mula sa kabilang panig ng school ang stage kung saan dapat gagawin ko ang sinasabi ni Chim.

Nanlaki na lang ang mga mata ko at napako sa kinatatayuan ko kasi nakahanda na roon sa itaas ng stage ang maliit na timba ng pintura na may putik-putik pa sa bibig.

Pero ang hindi ko talaga mapaniwalaan . . . si Gelo ang naroon sa dulo ng stage at nakaharap kay Chim imbis na ako.

Bakit?

Bakit siya?

At tinanggap niya?

Para kay Chim, tinanggap iyon ni Angelo? Ganoon na ba siya kabaliw para gawin iyon?

Halos isang building din ang layo ko sa stage na sobrang bilis kong tinakbo, maabutan lang si Gelo at ang plano ni Chim.

Baliw ka na talaga, Angelo! Nakakainis ka! Para kay Chim, sarili mong kalokohan, ikaw rin ang sasalo?

Bakit? Ano ba ang meron si Chim?

Kasi maganda siya? Kasi matalino siya? Kasi crush siya ng lahat? Kasi mahal siya ng mga teacher dahil sipsip siya?

Bakit si Chim? Hindi ko na maintindihan!

Hindi na ako nagdalawang-isip pa. Agad-agad ang akyat ko sa stage nang makalapit ako.

"Kasalanan mo lahat! Wala kang kuwenta!" narinig kong sigaw ni Chim. Noon ko lang nakitang si Belle pala ang may hawak ng lubid para bitiwan ang timba sa taas para matapon ang laman.

Dinamba ko agad si Gelo at malakas siyang itinulak para makalayo sa pabagsak na putik sa itaas niya.

Siguro nga, iyon ang common denominator ng araw na ito bilang worst day ever ko—ang pagiging tanga at katangahan ko.

Hindi ko nailigtas si Cara . . .

Napalayas kami nang tuluyan sa room . . .

Natapos ni Gelo ang putik na pambuhos niya sana sa akin . . .

At higit sa lahat . . .

"Hahaha!"

Sa pangalawang pagkakataon, narinig ko na naman ang tawanang iyon.

Iyong masakit sa pandinig. Iyong masakit sa damdamin. Iyong pangyayaring malamang na aabot hanggang katapusan ng academic year.

"Ano'ng ginawa mo . . . ?" narinig kong tanong ni Angelo habang pinanonood akong hawiin ang putik sa mukha ko.

Humugot na naman ako ng malalim na hininga at inisip na . . . ito na iyon. Mukhang kahit ano'ng gawin kong pagbalik, mangyayari at mangyayari ang dapat mangyari.

Bakit ko nga ba kailangang pigilan at baguhin ang lahat?

"Okay ka lang?" mahinahong tanong ko kay Gelo.

"Baliw ka na ba!" sigaw ni Gelo sa akin habang tumatayo siya nang maayos matapos ko siyang itulak. "Bakit mo—tanga ka talaga!"

Mapait ang naging ngiti ko sa kanya. Sunod kina Chim na tawa nang tawa dahil mukhang nangyari ang gusto nilang mangyari.

"Parehas kayong mga tanga!" sigaw pa niya sa amin. "Bagay kayo!"

Tumango na lang ako. Alam ko naman.

Napatingin ako sa buong quadrangle na tinatawanan ako at ang nangyari sa akin.

Pero sa pagkakataong ito, kahit nahihiya ako, hindi ako nagsisisi sa ginawa ko at sa nangyari. Kasi alam ko na, tanggap ko na.

Ito talaga ang kapalaran ko mula pa noong umpisa.

"Come on, girls! Tapos na tayo rito!"

Akala ko, masakit nang makitang nagtagumpay si Chim sa plano niya . . . hindi pala.

Kasi ang mas masakit? Iyong kahit si Angelo, tinalikuran na rin ako kasi ang tanga ko talaga.

Ni wala man lang pa-thank you kasi iniligtas ko siya sa sana'y kahihiyan niya.

But come to think of it. Para sa akin pala dapat talaga itong mga ito. Hindi kay Chim, hindi kay Gelo. So, bakit pa ako nadidismaya kung tinalikuran niya ako?

Siya pa rin naman ang bullyna si Angelo at binu-bully niya ako.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top