Chapter 42: The Pocket Watch's Owner
Maaga akong naghanda ng almusal para kina Gelo. Wala akong balak sumabay sa kanilang mag-agahan para mapilitan silang umuwi agad sa mga bahay nila. Tapos na ang mga panahong nakasama ko sila—mga panahong hindi ko naman talaga maalalang nangyari dahil wala ako o hindi ako ang naroon.
Nag-iwan naman ako ng sulat sa mesa, sa kuwarto, sa ref, at sa mga pinto dahil alam ko namang maghahanap ang mga iyon. Nalaman nila sa ibang naging suicidal ako dahil sa pagkamatay ni Mama. At tingin ko, problema na iyon sa ibang banda.
Sa ngayon, kailangan ko nang pumasok sa school. Maaga ako dahil alas-sais pa lang ng umaga ay nasa biyahe na ako samantalang alas-otso pa ang talagang klase ko. May inaalala akong hindi ko alam kung nangyari nga ba. Napanaginipan ko kasi si Philip. Nagkita na naman daw kami sa tapat ng bahay ko.
Oo, alam ko, ang weird ng napapanaginipan ko si Philip. Hindi ko naman siya sobrang na-mi-miss. Napapanaginipan ko lang talaga siya habang nakatayo sa tapat ng bahay ko at masasaktong makikita ko siya roon.
At ngayon, papasok ako sa school, pero iba na ang rason ko para sipagin.
Gusto ko lang makausap si Philip. May gusto kasi akong malaman.
Hindi ko alam kung bakit paulit-ulit na tumatakbo sa isip ko ang lahat ng mga walang kuwenta niyang tanong sa akin. Ngayon lang nag-si-sink in sa akin ang lahat ng mind-blowing questions niya. Kahit anong isip ko, hindi ko talaga maalala kung saan o kailan ba kami nagkakilala.
Sa school?
Sa school nga ba?
Pa-diretso ako sa punong santol. Ayokong mag-stay sa room. Nakakabato kasi roon.
"'Musta?"
Napahinto ako sa paglalakad at napatalikod. "O, Philip!"
"Gusto mo?" Inalok niya sa akin ang isang cup ng kape.
"Salamat." Kinuha ko naman ang bigay niya habang pinananatili ang tingin ko sa kanya. Kanina ko pa siya hinahanap—o kahapon pa. Hindi ko alam kung bakit bigla na lang akong natameme ngayon.
"Ang aga mo, a," sabi pa niya habang patuloy sa paglalakad. Sumunod naman ako at sinabayan siya.
May gusto akong itanong sa kanya. Nakalimutan ko nga lang kung ano ang dapat kong itanong. Nakakainis, bigla akong nablangko.
Sabay kaming umupo sa ilalim ng santol.
"Philip."
"Hm?"
Pinanood ko siyang inumin ang kapeng hawak niya. "Ano pala'ng pangalan mo? Buong pangalan mo."
Sandali siyang hindi nakasagot. Tiningnan muna niya ang paligid. Wala pang tao dahil napakaaga namin doon. Hindi ko tuloy alam kung bakit pa niya kailangang tingnan ang paligid namin. Wala namang nanakaw ng pangalan niya.
"Philip. Jacinto. Philip Jacinto."
"Totoo?"
"Yes."
"May ID ka? Puwedeng patingin?"
Itinaas niya ang magkabila niyang kamay sabay kibit-balikat. "Wala akong dala. Pasensya na."
"Di ba, dapat lagi kang may dalang ID. Ilang taon ka na ba?"
"30, bakit?"
"Talaga?"
"Bakit mo naman natanong 'yan? Himala, a. Nagiging interesado ka na sa 'kin, 'no?" At sinundan niya ang linya niya ng mahinang tawa.
Gusto kong ma-bad trip sa sinabi niya, kaso ngayon, masasabi kong totoo ang sinabi niya. Gusto kong malaman kung sino nga ba si Philip. At kung bakit sa dinami-rami ng tao rito, ako pa ang napili niyang guluhin.
"Philip . . . paano kung makalimutan kita? Paano kita maaalala?"
Napansin ko ang pagtigil niya sa pag-inom ng kape dahil doon sa tanong ko. At alam kong hindi bago sa kanya ang sinabi ko. Tuwing magkikita kami, lagi niya iyang tinatanong sa akin at mas nauna na akong marindi sa kanya bago siya sa akin.
"Bakit mo naman ako aalalahanin?" tanong niya, at hindi ko alam kung pinipigilan lang ba niya o pinipilit lang niyang ngumiti dahil napakaalanganin ng pormada ng labi niya. "Akala ko ba, wala kang pakialam sa 'kin?"
May gusto akong itanong na hindi ko matandaan kung ano.
Ano nga ba ang itatanong ko sa kanya?
"Bakit lagi mong tinatanong sa 'kin kung makakalimutan ba kita kung hindi kita nakilala?" tanong ko, gaya ng lagi niyang tinatanong noon na lagi ko rin namang hindi sinasagot.
Nagbuntonghininga siya. "Gusto ko lang malaman. Bakit? Kung mawala na 'ko, hahanapin mo na 'ko?"
Hindi ko alam kung maiinis ako o ano sa tingin niya sa akin. Naghahamon ng tingin, nakakainis.
Ayokong sagutin ang tanong niya. Malaki kasi ang chance na umoo ako.
Inilipat niya ang tingin sa kung saan nang hindi ako sumagot. Nadismaya siguro dahil wala akong sinabi.
"Kung babalik ka sa nakaraan," pagbabago niya sa usapan, "may balak ka bang baguhin?"
Naningkit bigla ang mga mata ko dahil sa sinabi niya.
Okay. What if bumabalik nga ako sa nakaraan? Ano'ng balak niyang palabasin?
"Marami." Sobrang dami. Iyan ang sagot ko para sa kanya at sa sarili ko.
Tumango siya at humigop nang kaunti sa iniinom niyang kape. "You know what, Stella, may nakilala akong babae noon," pagsisimula niya ng kuwento. "Ayaw niya ng trabaho niya. Ayaw niya ng ginagawa niya. Ayaw niya sa lahat ng bagay." Nakita kong ngumiti siya pero saglit lang. "Nakilala ko siya sa tulay. Nakakasalubong ko lagi kapag pauwi ako galing store. Nakatulala lang siya sa tubig. Masungit din siya. Ayaw ng kinakausap. Pero minsan, naabutan ko siyang umiiyak. Sabi niya, gusto niya raw baguhin ang dati. Gusto niyang baguhin ang buhay niya. Kung may pagkakataon lang siya, gagawin niya 'yon."
Wala akong balak mang-intriga kaso na-curious ako. Ewan, parang naka-relate ako nang kaunti. Tinamaan kasi ako nang bahagya sa kuwento niya.
"Tapos? Ano'ng sinabi mo?" tanong ko.
"Tutulungan ko siya."
"Natulungan mo ba?"
Natawa siya nang mahina sabay yuko.
"Huy, tinatanong ka," sabi ko pa kasi tinawanan lang ako.
"Nagsisimula na sigurong magbunga yung pagtulong ko sa kanya." Tiningnan niya ako. "Naniniwala ka ba sa destiny?"
"Yuck." Napangiwi agad ako dahil doon. "Don't tell me, naniniwala ka?"
Napailing siya habang nakangiti. "Ang totoo, hindi ako naniniwala sa destiny. Kung kaya mong kontrolin ang tadhana mo, o kayang kontrolin ng iba ang mangyayari sa 'yo, maniniwala ka pa ba r'on? Maniniwala ka ba sa nagkataon lang kung sinadya yung nagkataon na 'yon?"
Wow. At last, may nasabi ring kakaiba si Philip na siguradong sasang-ayon ako.
Tumayo na siya at nagpamulsa.
"Siguro nga, tayo ang may hawak ng tadhana natin. Pero may mga bagay na hindi mo makokontrol. May mga pagkakataong itinakda nang mangyari. May mga oras na kahit paulit-ulit mong balikan, mangyayari pa rin ang dapat mangyari."
Bakit ba habang tumatagal, tinatamaan ako sa mga sinasabi niya. May kung ano sa loob kong nagsasabing tama siya dahil napatunayan ko na. Minsan ko na ring pinilit bumalik para baguhin ang nangyari noon . . . kaso wala rin namang nagbago.
"Iniligtas ko siya," pagpapatuloy niya, "nagtangka kasi siyang magpakamatay."
"Sino?"
"Yung babaeng tinutukoy ko." Tiningnan niya ako pero masyado siyang seryoso para sabihin kong nagbibiro lang siya. "Kung totoo ngang natulungan ko siya, sana pagbalik ko sa 'min, hindi ko na siya maabutang nag-aagaw buhay sa ospital kung saan ko siya dinala."
Nakaramdam ako ng lungkot sa sinabi niya. At napakabihira para sa akin ang makita si Philip na ganito kaseryoso, lalo pa't nasanay akong lagi siyang nakangiti kahit naiinis na ako sa kanya.
"Puwede ko ba siyang dalawin?" alok ko.
Nakapagtataka ang tanong na iyon para sa akin dahil hindi ko ugaling mag-alala para sa iba. Pero hindi ko kasi maiwasang hindi magtanong.
"Kapag nahabol mo ang oras ko, puwede mo na siyang madalaw."
At mas nakapagtatakang nauna siyang mag-walk out ngayon kaysa sa akin.
"Paanong kapag nahabol ko ang oras mo?" malakas kong tanong sa kanya dahil hindi ko alam ang ibig sabihin ng sinabi niya.
Wala siyang isinagot pero may ipinakita siya sa akin na nakapagpahinto ng mundo ko.
"Yung pocket watch ko."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top