Chapter 40: The Sad Present

Nasa kabisera ako ng mesa nakaupo. Hindi gaya noong nakaraang punta nila sa bahay—na literal na nakaraan—mas malungkot ngayon sa amin. At sila lang ang nagpaingay. Magkatabi sina AJ at Jasper sa kaliwang panig ko. Sina Gelo at Carlo naman sa kanan.

Kanya-kanya na silang kuha ng slice ng pizza at ng beer. Nakainom na ako ng beer noong panahong nagrerebelde pa ako dahil na rin kina Chim. Pero iyon na ang una't huling tikim ko. Hindi ko pa naubos ang halos tatlong kutsarang dami noon. Pero hindi ko alam kung bakit biglang sumarap ang lasa ng beer ngayon. Mapait pa rin naman pero madali ko nang mainom. Pakiramdam ko, gumagapang ang init sa lalamunan ko hanggang sikmura.

"Bakit nga pala naisipan n'yong mag-trespass dito sa bahay ko?" tanong ko pa habang naiilang kumuha ng pizza. Sobrang bihira lang akong makapag-pizza magmula nang mamuhay ako nang mag-isa. Siguro, sa isang buong taon, masuwerte na yung isang beses. Madalas, wala.

"Grabe ka naman, Ste. Trespass talaga?" sabi pa ni Carlo habang isinasabay ang pagnguya sa salita niya.

"O, e ano ba tawag sa ginawa n'yo, ha?" sermon ko pa.

Hindi na lang sila sumagot at inilayo na lang ang tingin sa akin.

"Apat na taon ka na bang mag-isa rito?" tanong pa ni AJ. "Wala yung Papa mo, Ste?"

"Oo," simpleng sagot ko. Hindi ko na sinabi ang tungkol kay Papa at sa ibang bahay at buhay niya.

"Pumayat ka nang sobra," puna pa ni Jasper. "Nakakakain ka pa ba nang maayos?"

Saglit akong napangiti dahil doon. Sobrang bitter pa. "Ang totoo, hindi ko na nga rin alam kung nakakakain pa 'ko three times a day. Hindi na 'ko nakakaramdam ng gutom. O kahit ang mabusog, hindi ko na rin alam ang pakiramdam."

Napahinto sila sa pagkain at napatingin sa akin. Nakikita ko sa mga mukha nila, parang may mali sa sinabi ko.

"Nagulat talaga 'ko kasi nandito kayong lahat ngayon. Kahit sa panaginip, hindi ko ma-imagine na maliligaw kayo rito sa bahay ngayon."

Gusto ko rin sanang sabihing wala rin akong idea kung paano ko sila naging kaibigan. Hindi ko kasi alam kung paano. Hindi ko rin alam kung kailan ako nagkaroon ng karapatan.

Halos makakalahati ko na yung beer ko. Gawa siguro ng pizza kaya hindi napupuro ang pait sa panlasa ko.

"Apat na taon na walang nakaalala sa 'kin. Sa mga panahong 'yon, inisip kong masuwerte pa nga yung mga patay sa sementeryo, nadadalaw tuwing November 1, samantalang ako, kahit Pasko walang nag-abalang dumalaw."

"Ste . . ."

"Naisip ko na ring mag-suicide kaso iniisip ko yung pusa ko. Baka walang magpakain 'pag nawala ako. Wala na rin kasing nanay. Ang hirap mabuhay 'pag walang nag-aasikaso sa 'yo."

Nag-cut ako nang malaki sa pizza at ilapag sa sahig para makain ni Miminggay. "Ming, may pizza tayo ngayon," masaya kong bulong kay Miminggay habang kinakamot ang ang ulo niya.

"Stella, okay ka lang ba rito?" tanong ni AJ. Hindi ko alam kung anong itatawag sa reaksyon niya. Para siyang malungkot na nahihiya na naiilang. Ewan.

"Oo naman! Ako pa ba?" sabi ko na lang.

"'Pag may kailangan ka, tumawag ka naman sa 'min para natutulungan ka. Eto naman, hindi ka na iba sa 'min," dagdag niya.

Naku, AJ, kung alam mo lang. At saka, saan naman ako magnanakaw ng number ng mga ito?

"Parang hindi naman kaibigan 'to si My loves, o! Gusto mo, dito na 'ko tumira e," sabi pa ni Carlo.

"Sira!" sabi ko na lang. "Nga pala, ano'ng ginagawa n'yo ngayon sa mga buhay n'yo?" tanong ko sa kanila. "Wala ba kayong mga trabaho? Bakit nandito kayo?"

Nagmalaki agad si AJ. "Programmer ako sa isang firm sa Makati."

"Ako, nagtatrabaho doon sa call center sa Manila. Nandoon na kami nakatira ni Mia e," sabi ni Carlo. Si Mia siguro yung asawa niya.

"Call center din 'tong si Gelo, di ba?" sabi ko sabay tingin kay Gelo. "Ano ulit ang sabi mo sa 'king trabaho mo? Manager LANG."

"Ano ulit? Manager LANG?" ulit pa ni Carlo sabay titig kay Gelo na parang may gusto pang sabihing hindi maganda.

"Aba, parang ayaw mo pa, a! LANG, ha? Paano ka ba natanggap doon? Paki-explain nga lang."

"Nagtataglay kasi ako ng nag-uumapaw na looks and knowledge kaya qualified na qualified ako. Muntik pa nga akong hindi matanggap as manager kasi pang-president daw ang dating ko," sabi pa ni Gelo na parang normal lang sa kanya ang magyabang.

"Pakitaboy nga ng mayabang na 'yan dito sa mesa!" sabi ni Jasper habang binabato ng crust si Gelo. "Ako, nabuburyo talaga 'ko sa pagmumukha mong kupal ka e!

"Puwedeng sipain sa ngala-ngala yung Angelo Castello sa harap ko?" dagdag pa ni AJ sabay lagay ng maraming hot sauce sa kinakain ni Gelo.

"Pakialis nga nito sa tabi ko! Doon ka, shoo! Shupi! Allergic kasi ako sa mayabang e. Na-i-iritate ang skin ko. Oh, my god, allergies!" sabi pa ni Carlo habang umuurong palayo kay Gelo at nagpapahid ng braso.

"Haaay . . ." Umiling pa si Gelo habang nagtatakip ng noo. "Ibang klase talaga ang appeal ko. Nakaka-insecure sa iba. Tsk, tsk, tsk. Bale, puwede nang umalis yung mga pangit sa tabi-tabi. Malawak ang pinto. Go ahead," banat ni Angelo.

"Kapal mo talaga, hayop ka!" Sabay-sabay pa sila sa pagbatok kay Angelo.

"Ikaw ang lumayas dito!"

"Kapal ng apog mo!"

"Ampanget mo, p're! Pwe! Ikinahihiya kita!"

Ang sarap panoorin ng mga ito. Sige, magbugbugan pa kayo. Nag-e-enjoy ako. Inubos ko na yung beer ko at kumuha pa ulit ng pizza.

"Jasper. Ikaw?" tanong ko na lang ko Jasper. Napahinto tuloy sila sa ginagawa nila kay Gelo.

"Ako yung owner ng grocery store namin sa Davao," sagot ni Jasper sa tanong ko.

"Sa Davao? Ngayon?" tanong ko pa.

"Oo," sagot niya.

"Sa katunayan niyan, pupunta dapat kami kahapon dito kasi nga, di ba, birthday mo. E, itong si Jasper, nandoon pa sa Davao," kuwento ni AJ.

"Kaya hindi natuloy yung pagpunta namin kasi na-delay yung flight nitong si Jasper. Kanina lang siyang umaga nakalapag dito sa Manila," dagdag ni Carlo.

"Flight. Si Jasper, nag-eroplano? Para saan?" tanong ko pa.

"Para um-attend sa birthday mo," sagot niya habang ngumunguya.

"Ah . . . galing ka pa ng Davao para lang um-attend ng birthday ko. Maliban sa birthday ko, ano pa'ng gagawin mo rito sa Manila?"

"Wala na. Uuwi na rin ako pagkatapos nating mag-party."

"Ah . . . para mag-party." Ibinaba ko ang lahat ng kinakain ko at tiningnan sila isa-isa. "May mga trabaho ba kayo ngayon?"

"Uh . . ." Natawa na lang si Carlo at tiningnan si AJ para manghingi ng tulong.

"Naka-leave kami," diretsong katwiran ni AJ.

"Nag-leave kayo. Bumiyahe 'tong si Jasper mula Davao. Para saan? Para kumain ng pizza at uminom ng beer sa tanghaling tapat? Okay lang ba kayo?"

Napakamot na lang sila ng ulo at yumuko dahil sa sinabi ko.

"Masama bang samahan ka sa birthday mo?" tanong pa ni Gelo. At sa tono niya, parang sinisisi pa niya ako dahil sa inaasal ko. "Nag-aalala kami sa 'yo. Wala kaming balita. Akala nga namin, nagpakamatay ka na. Nag-leave yung dalawa, bumiyahe pa si Jasper mula Davao—"

"At ikaw?" putol ko sa kanya. Natahimik tuloy siya. "Hindi ka naman tumakas sa trabaho mo, 'no?" tanong ko pa.

"Hindi mo ba kayang maging masaya na lang?" inis niyang balik sa akin. "Nandito kami kasama mo. Kahit busy kami, nag-abala pa kami para dalawin ka. Ni hindi nga namin alam kung nandito ka sa bahay mo kung di pa kami pumunta. We took our precious time just to be with you here today. Can't you just be grateful 'cause we're here, Stella?"

"P're, nag-English na si Papsy Gels, patay."

"Sshh! Carlo!"

"O, masaya ako, okay? Masaya na kung masaya! Pero sana, ilagay n'yo naman sa tama! Puwede naman kayong dumalaw 'pag free time n'yo. O pagkatapos ng trabaho n'yo! Sana hindi na kayo nag-LEAVE!" Tiningnan ko sina Carlo na ikinaiwas nila ng tingin. "O BUMIYAHE!" Kay Jasper naman. "O TUMAKAS para lang sa 'kin." Hinuli ko ng tingin si Gelo.

Ibinagsak na lang din ni Gelo ang kinakain niya at kitang-kita kong naiinis na rin siya sa akin. "Gusto mo na ba kaming palayasin? Sabihin mo lang! Madali naman kaming kausap e!"

"Hindi mo nage-gets ang point ko! Ang pinupunto ko, sana hindi ngayong oras na 'to! May mga trabaho kayo tapos nandito lang kayo sa bahay ko para lang mag-inuman?"

"E ano pa'ng magagawa namin? Nandito na kami!"

"Guys, tama na."

"Pero sana pumili kayo ng tamang oras!"

"Gelo, 'wag mo nang sagutin."

"So, what do you want us to do? Pabalikin namin ngayon si Jasper sa Davao? Pumasok sa trabaho kahit pauwi na dapat kami?"

"At sa tingin mo, makakatulong 'yon? Nag-aaksaya kayo ng oras! Alam n'yo ba kung gaano kahalaga ang oras, ha? Hindi n'yo kayang ibalik yung oras na nawawala sa inyo dahil lang sa mga ganito n'yo!" Itinulak ko pa yung mga handa nila para sa akin.

"Uy, awat na, guys."

"Ano ka ba, Stella? Hindi mo ba kayang matuwa kahit ngayon lang? Hindi mo na ba kayang maging masaya kahit ngayon lang? Ano ka ba naman? Ikaw ang gumagawa ng ikalulungkot mo, alam mo ba 'yon? Wala sa 'min ang problema, Ste! Nasa 'yo! Ginagawa mong miserable 'yang buhay mo!"

Sandali akong natahimik at tiningnan nang diretso si Gelo. Angat-baba ang dibdib niya dahil sa sagutan namin. Saglit siyang napapikit, napailing, at napayuko na lang. Para bang noon lang siya natauhan sa pinagsasasabi niya kaya bigla na lang siyang sumuko.

"Ano nga ba'ng saysay ng away na 'to?" dismayado kong sinabi at tumayo na.

Medyo nahilo ako pagtayo ko kaya muntik na akong matumba.

"Uy, Ste! Okay ka lang?" Nasalo ako ni AJ bago pa ako bumagsak.

Tinanggal ko na agad ang pagkakahawak niya sa akin.

"Okay lang ako, AJ."

Naglakad na ako palabas ng kusina.

Hindi ko maintindihan ang pakiramdam ko. Parang umiikot ang paligid ko. Ang sama din ng tiyan ko, parang gusto kong masuka.

Diretso naman ang lahat sa akin kaso parang biglang nawalan ng lakas ang binti ko at parang tumutumba ang lahat.

Huli kong narinig ang pagtawag nila.

"Stella!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top