Chapter 38: The Father
Tama nga. Napunta sa 7 ang kamay ng pocket watch.
Nasa harap ako ng computer at nag-fa-Facebook. Friend ko na sina Carlo, AJ, at Jasper. Binisita ko ulit ang profile ni Gelo. Walang ipinagbago, hindi pa rin niya tinatanggal ang cover photo na galing sa akin.
Pero, mas na-bother talaga ako kay Philip.
Hindi ko puwedeng sabihin na imagination lang siya dahil totoong nakita ko siya. Kumaway siya tapos may nakita pa akong kamukha niya. Hindi ko alam kung ano'ng pumasok sa utak ko pero nag-search ako ng Philip sa Facebook.
Ang engot ko lang talaga kasi ang daming lumabas na Philip na hindi naman ang hinahanap ko.
Ano nga ba'ng apelyido ni Philip? Sobrang weird talaga. Napunta siya sa school. Kumaway siya, meaning alam niyang nandoon ako. Nakakita pa ako ng kahawig niya. Letter P din ang simula ng name, nakalimutan ko pa. Pero ang sabi niyon, kapatid niya ang Philip. So, kung magkamukha sila, puwedeng magkapatid nga ang Philip na kilala ko at siya.
Siguro naman, magkikita kami bukas. Bukas ko na lang siya kakausapin.
"I will break these chains that binds me. Happiness will find me . . ."
"Cell phone ko ba 'yon?"
"Leave the past behind me. Today my life begins . . ."
Nagtaka ako kasi hindi naman iyon ang ringtone ng phone ko. Kinuha ko agad ang cell phone ko sa kama at sinagot ang tumatawag.
"Hello?"
"Stella?"
"Pa?"
"Kumain ka na ba?"
Kumain na ba ako? Teka . . . hindi ko maalala. Spaghetti, menudo, cake, lumpia, hotdog, at ice cream. Iyon ang kinain ko.
6. Years. Ago.
"Hindi pa . . . yata."
"Pumunta ka ngayon sa Ministop."
Ministop? Ano'ng gagawin ko roon?
"Yung sa may kanto rito sa bahay?"
"Oo."
Ano kaya'ng meron? Ano'ng oras na ba? 9:03 na pala ng gabi.
"Sige po. Ten minutes."
Matagal na rin noong huling tumawag si Papa. Nakaarang buwan pa noong huling allowance ko. Hindi ko alam kung ano'ng meron at bigla siyang tumawag. May pera pa naman ako at mukhang hindi pa naman siya magpapadala ng pera para sa school. Wala pang kinsenas.
Naglakad na ako papuntang Ministop. Hindi na ako nagpalit ng pantulog. Nag-jacket na lang ako kasi malamig. Hindi kalayuan ang convenience store sa bahay kaya wala pang ilang minuto ay nandoon na ako.
Naabutan ko si Papa'ng nakaupo sa loob. Mukhang galing siya ng trabaho. Ngumiti lang siya nang makita ako. Ngumiti na lang din ako at naupo sa kaharap na upuan niya.
"Alam ba ni Grace na male-late ka ng uwi?" tanong ko kasi alam naming pareho na hahanapin siya ng bago niyang asawa dahil gabi na.
Tumango naman si Papa.
"Kumakain ka ba nang maayos? Ang payat mo na, a. 'Wag mong ikatwiran sa 'king uso 'yan. Pinababayaan mo ang sarili mo." Pinagagalitan na naman niya ako. As if namang may mangyayari kung gagawin niya nga.
"Gabi na, bakit kayo napatawag? At bakit nandito kayo?" tanong ko na lang.
"Bumili ka ng gusto mong kainin. Mukhang hindi ka pa naghahapunan." Iniabot sa akin ni Papa ang buong sanlibo.
Tinitigan ko lang ang pera.
"Sige na. Bumili ka na."
Hindi na ako nagtanong. Mukha namang walang balak sumagot si Papa sa kahit anong itatanong ko.
Kinuha ko na lang ang pera at pumunta na sa counter. Makikipagtalo lang ako kay Papa kapag tinanggihan ko siya.
Um-order ako ng dalawang chicken meal, at dalawang Sprite. Pagkatapos, bumalik ulit ako kay Papa.
"Ito na, Pa." Iniabot ko sa kanya ang sukli, ang isang box na may lamang one-piece chicken at rice, at Sprite.
"Sa iyo 'yan." Hindi niya kinuha ang inaalok ko pati na ang sukli.
"Kunin n'yo na. Ayokong kumain mag-isa," sabi ko na lang sa pinakamalamig na paraang magagawa ko.
Kinuha naman niya ang pagkain pero hindi niya kinuha ang sukli.
"Akin na lang ba 'tong sukli?" sabi ko habang kumakain. Tumango naman si Papa.
Okay. Akin daw. Kailangan ko ng pera ngayon kaya ayaw kong tumanggi.
"Kumusta ang school mo?" tanong niya. Sinabayan na rin niya akong kumain. Mukhang hindi pa rin siya naghahapunan.
"Okay naman."
"May bagsak ka ba? May uulitin ka bang subject?"
"Dos ang lowest grade ko. Other than that, lahat uno."
Napansin kong napahinto si Papa sa pagkain at gulat na tumingin sa akin.
"Pa, nag-aaral ako," sabi ko na lang kasi hindi niya inaasahang ganoon ang grado ko. Alam naming parehong bulakbol ako noong high school dahil sa barkada. At least, wala na siyang principal na kailangang luhuran para lang ipasa ako. Ipinagpatuloy ko na lang ang pagkain at hindi na pinansin si Papa.
"Marami ka bang ginawa ngayong araw?" tanong niya sa akin kaya napahinto ako sa pagkain.
Marami? Oo. Marami.
Nalaman kong may bago akong naging kaibigan sa katauhan nina AJ, Carlo, at Jasper. Naging boyfriend ko si Gelo. Naging masaya si Mama sa huling birthday ko na buhay pa siya. Nakita ko rin si Philip sa past na very unexpected talaga.
Masyadong marami.
"Wala namang importante," sagot ko sa mababang tono. "Bahay at school lang ako."
"Wala ka bang kaibigan sa school?"
Kaibigan? Meron. Sina AJ. Sila ang mga bago kong kaibigan.
"Umiiwas ako sa barkada," sagot ko na lang.
Tumango na lang si Papa at hindi na nagtanong pa. Ipinagpatuloy na lang namin ang pagkain. Ilang minuto rin kaming natahimik bago may magsalita.
"Pa, kilala mo si Angelo?" tanong ko. Bakasakali lang na kilala niya kahit alam kong imposible.
"Sinong Angelo?"
Hindi siya kilala ni Papa. Good.
Good news.
"'Yon bang ex-boyfriend mo?"
Nanlaki agad ang mga mata ko sa sinabi ni Papa at hindi ko na naisubo ang kinakain ko.
"K-kilala n'yo si Angelo?" tanong ko pa.
"Natural. Nagpakilala sa 'kin 'yon no'ng niligawan ka. Bakit? Nagkabalikan na ba kayo?"
No . . . way.
Okay. Wait.
Hindi ako agad nakapagsalita.
Putek.
"Stella? Ayos ka lang?"
Napailing na lang ako.
Diyos ko. Kilala ni Papa si Gelo!
Seryoso? Totoo?
"Ano'ng meron kay Angelo?" tanong pa ni Papa. "Nakauwi na ba?"
Umiling na lang ulit ako. "Wala. Wala naman po. Nakita ko lang sa fast food no'ng isang araw. Manager na siya sa call center company."
Pasimple ko siyang tiningnan. Napansin ko ang tingin niya. Ang tingin niya sa akin, parang sinasabi niyang 'Dapat kasi, ipinagpatuloy mo ang pag-aaral mo dati.'
"Nahihirapan ka bang mag-isa?" tanong ni Papa.
Umiling na naman ako. Tumingin ako sa labas at pinanood ang mga ilaw na kasinglamya ng pag-uusap namin ni Papa.
"Pa, sa tingin ko, alam ko na kung bakit n'yo iniwan si Mama," sabi ko habang nakatingin pa rin sa labas.
"Anak . . ."
"Tanggap ko naman na, Pa." Natawa ako nang mapait. "Tanggap ko nang hanggang doon na lang talaga. Siguro mabuti na rin ang nangyari. Tutal, doon din ang magiging bagsak." Sinulyapan ko si Papa kahit dismayado ako sa mga sinasabi ko. "Hindi naman na 'ko bata. Nakita ko na ang realidad, sobra pa sa dapat kong makita. At mahirap mabuhay sa realidad kasi hindi lahat, pabor sa 'yo."
"Stella . . ."
"May mga bagay talagang hindi nakatakdang magtagal—parang kayo ni Mama." Napabuga ako ng hangin at napainom nang kaunti dahil nanunuyot ang lalamunan ko. "Kahit bumalik ako sa nakaraan, babagsak at babagsak pa rin kayo sa hiwalayan. Naiintindihan ko na. May hangganan din naman ang lahat." Saglit akong ngumiti kay Papa at tinanaw ang langit mula sa loob. Malinis. Kalmado. "Hindi naman na 'ko nagagalit sa 'yo, Pa. Tapos na 'kong magtanim ng sama ng loob."
Napansin ko na lang na may kinuha si Papa sa bag niya. Inilagay niya iyon sa table at inilapit sa akin. Isang maliit na itim na kahon.
"Kunin mo. Sa 'yo 'yan," sabi ni Papa.
Kahit na nagtataka, kinuha ko pa rin ang inaabot niya at binuksan.
"Pa?"
"Hindi 'yan mamahalin, 'wag kang mag-alala. Alam ko namang tatanggihan mo lang kapag mahal ang ibinigay ko sa 'yo."
Kinuha ko agad ang laman at tiningnang maigi.
Masyado akong nagulat para mag-react agad. Ngumiti na lang ako para ipakitang masaya ako at nagustuhan ko ang bigay ni Papa.
"Maganda ba?" tanong niya.
Tumango na lang ako kahit nangingilabot ako at gusto kong maluha. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Basta masaya ako sa bigay niya.
"Happy birthday, 'Nak."
Naghahalo sa ngiti ko ang lungkot at tuwa. "Thanks, Pa."
Ilang taon din. Ilang taon nang pagtatanim ng galit sa kanya. Dahil sa ginawa niya sa amin ni Mama. Dahil sa pag-iwan niya sa dapat na pamilya niya para sumama sa iba.
Kaso wala na si Mama. At nakita kong kaya naman palang maging masaya ni Mama noong huling pagbalik ko sa nakaraan kahit na wala si Papa. Kaya naming mabuhay nang wala siya. At pareho lang kaming masaya kahit hindi kami magkakasama. Mas maayos kaysa magkakasama nga kami pero pareho kaming galit sa isa't isa.
At siguro, panahon na para patawarin siya gaya ng pagpapatawad ko sa sarili ko.
Kasi, alam ko na . . . gaya ng ginawa kong desisyon sa pag-alis ni Angelo noong bumalik ako, hindi ko na kailangang pairalin ang pagiging selfish ko.
Kung hindi nakatakda para sa akin, wala akong magagawa kahit na ilang beses ko iyong ulit-ulitin.
"Pa, late na. Kailangan mo nang magpahinga. 'Wag mong masyadong pagurin ang sarili mo. Hahanapin ka na ni Grace."
Tumayo na ako at ganoon na rin siya. Sabay na kaming lumabas ng Ministop.
"Mag-ingat ka pauwi, Stella."
"Kayo rin, Pa."
Nauna na akong maglakad kay Papa.
Ilang hakbang pa lang pero . . .
Hindi ko alam pero may nagsasabi sa loob ko na dapat balikan ko si Papa.
"Pa?" tawag ko.
Tumalikod naman si Papa. Lumapit ulit ako sa kanya at niyakap siya nang mahigpit.
"Pa, I'm sorry. I'm sorry kasi nagalit ako sa 'yo. Sorry kasi inisip ko lang ang sarili ko."
Hinagod lang ni Papa ang likod ko. Ang sarap sa pakiramdam.
Lagi kong niyayakap si Papa noong bata pa ako, pero start noong mag-high school ako, hindi ko na nagawa pa.
Nakaka-miss.
"Pa, mahal kita. Mahal ko kayo ni Mama."
Hindi ako binitiwan ni Papa. Ilang minuto lang pero parang sobrang tagal.
Pakiramdam ko, ang safe ng mundo ko sa mga oras na ito.
"Mahal din kita, Anak." Hinalikan niya ako sa ulo. " Mahal ko kayo ng Mama mo."
Bumitiw na siya sa pagkakayakap sa akin at hinawi ang mga buhok na nasa mukha ko.
"Pasensya na, Anak, ha? Pasensya na kung hindi naging mabuting ama si Papa sa 'yo. Kasalanan ko, ""Nak. Kasalanan ko lahat."
Kahit na hindi ganoon kaliwanag sa lugar na iyon, nakikita kong pinipigilan ni Papa ang sarili niya sa pag-iyak.
Noong time na iyon, gusto ko ring umiyak pero ayokong gawin. Ayokong makita niyang mahina ako. Ngumiti na lang ako. Pinilit kong itago sa ngiti ko ang guilt at sakit na nararamdaman ko.
"Okay lang 'yon, Pa. Hindi rin naman ako naging mabuting anak sa 'yo."
Humakbang ako paatras.
"Salamat sa lahat, Pa. Babawi ako. Babaguhin ko lahat ng mali ko."
Babaguhin ko ang lahat ng pinagsisisihan ko.
Lumakad na ako palayo kay Papa. Pagtalikod ko, saka ako umiyak.
Hindi ko mapigilan dahil sa mga nangyari.
Ang hirap pigilan ng luha kapag gusto talagang lumabas.
Ang sama sa pakiramdam ng makita mo ang tatay mong pinipigilan ang pag-iyak niya dahil iniisip niyang kasalanan niya ang lahat kaya nasira ang buhay ng anak niya.
Nakikita ko ang pagsisisi kay Papa. Masakit.
Alam kong iniisip niyang kasalanan niya kung bakit ako nagkaganito.
Kung bakit malungkot ako ngayon.
Kung bakit nasira ang buhay ko.
Iniisip niyang dahil iniwan niya kami ni Mama kaya napariwara ako at nawalan ng saysay ang buhay ko.
Babaguhin ko. Babaguhin ko lahat. Lahat-lahat.
Gusto kong ipakita sa kanya at sa sarili ko na hindi ko dapat ibase ang itatakbo ng buhay ko sa mga taong wala namang pakialam sa akin.
Na makakaya kong mabuhay, nandiyan man sila o wala.
Dahil sarili ko lang dinang nasandalan ko sa mga panahong tinalikuran na ako ng mundo.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top