Chapter 33: Common Factors
Nakaupo lang ako at tinitingnan ang board. May quiz pala ngayon sa math, wala akong kaalam-alam. Malas ko naman, ngayon pa ako naabutan.
Nagsusulat si Sir ng iku-quiz namin sa board. Hindi ko matandaang nagpa-quiz siya noong birthday ko. O baka hindi ko lang matandaan kasi never akong nagkainteres sa kahit anong quiz sa math. Mangongopya nga lang ako dapat kina Jane para sa sagot. Kaso, wala na akong kokopyahan ngayon. Pasalamat na lang ako dahil may papel ako. Sobrang thankful dahil may papel ako dahil wala akong balak magmakaawa para sa kakapiranggot na papel dito sa mga classmate kong mukhang iba na ang tingin sa akin.
"O, ten minutes," sabi ni Sir Bergado. Umupo na siya sa teacher's chair at nag-check ng mga papel na hindi ko alam kung kailan ipinasa.
Tiningnan ko ang board. Napaka-basic. Factoring at Special Product lang pala e. Katatapos lang namin diyan sa refresher ng College Algebra. Perfect ko pa ang exam namin. 1-20 lang ang nasa board. Parang gusto ko tuloy konyatan ang sarili ko dahil ganyan lang kadali ang quiz tapos mangongopya pa ako. Lalo pa ngayon, nasa mood ako para magsagot dahil bad trip ako.
Sinagutan ko nang walang kahirap-hirap ang quizz namin. Ino-oral recitation lang namin ito sa college e.
"Sir."
Tumayo na ako at pinasa ang papel ko. Wala pang five minutes, tapos na ako. Ewan ko sa teacher namin kasi sa pagkakaalam ko, hindi naman ito nagpapa-quiz nang ganito karami kapag tapos na siyang mag-lesson. X and Y lang naman ang mga given. Parang introduction pa lang yata ito. Wala pang whole numbers na involved.
Tiningnan ko ang mga classmate ko. Ang mga tingin, parang sinasabi na "Tapos na agad? May lakad ka?"
Uupo na sana ako nang biglang nagsalita si sir.
"Daprisia, lumapit ka nga rito."
Literal na natigilan ako at tinitigan si sir nang matindi.
"Bilis."
Ugh! Ano na naman?
Lumapit naman ako sa tabi niya at tiningnan ang mga classmate kong nasa akin na ang atensyon at hindi na sa ginagawa nila.
"At saan mo naman nakuha 'tong mga sagot mo?" Iba ang tono ng teacher ko. Parang may ginawa akong krimen.
"Sir, hindi po ako nangopya," sabi ko na lang imbis na sagutin siya. Malamang na sa utak ko kinuha, saan ba dapat?
"Alam ko. Mag-isa ka lang diyan sa row mo at nauna ka pang natapos. Sa saan ka naman makakakopya, aber?"
Insert heavenly eye roll here. "Sabi ko nga po, sir." Napakamot na lang ako ng batok.
"Ano ang lesson natin kahapon?"
Patay tayo diyan. Ano nga ba'ng lesson kahapon? Alam ko ba? May idea ba ako? Of course!
WALA.
"Sorry, sir, nakalimutan ko po."
"Nakalimutan mo. May notes ka ba?"
Patay tayo ulit! Notes? Ano iyon? Ngayon ko lang yata narinig iyon. Wala yata sa vocabulary ko ang word na iyon.
"I think so, sir."
"You think so? Ngayon, saan mo nakuha itong mga sagot mo?"
Naman! Ano ba'ng problema niya?
"Sir, hindi naman po ako nangodigo," katwiran ko. Naririnig ko na ang sarili kong nagpipigil ng sarcasm kaya kailangan kong magdahan-dahan. Baka ibagsak ako nito, e may babalikan pa akong future. "Nagkataon lang na madali 'yang quiz, sir."
"Madali." Tiningnan niya ang mga classmate ko. "Madali ba 'tong quiz, class?" tanong niya sa lahat.
"Hindi po," sabay-sabay pa sila habang umiiling.
Letse. Inosente ako, okay! Wala akong ginawang masama! Hindi ko kasalanang kale-lesson lang namin iyang Factoring na iyan last week! At saka, may Basic Algebra naman kami noong first year, ano? Hindi rin ba sila nag-aral?
Pati ba naman itong teacher ko, bubuwisitin ako. Baka ito talaga ang worst day ever ko, nagbago lang kababalik ko sa past.
"Sir, basic lang po 'yan e. Common Factor, Difference of Two Squares, Sum and Difference of Two Cubes, Perfect Trinomial, Square of Mutinomials, Cube of Binomials. Factorings at Special Products lang naman po 'yan. Kahit po i-oral recitation ko 'yan sa inyo ngayon, gagawin ko. Kayo nga po ang nagturo kung paano mag-shortcut diyan. Hahanapin n'yo lang yung GCF tapos times-times lang. Tinuro n'yo na po 'yan n'ong first week ng Febru—" Bigla akong natigilan.
"Kailan ko ulit itinuro ito? Pakisagot nga lang ako."
Letse.
"Uh." Napalunok ako. "Kahapon po?"
"Class, ano'ng lesson natin kahapon? Pakisabi nga lang dito kay Daprisia."
"Real Numbers."
Letse ulit. Real Numbers pa lang?
Tiningnan ko sina Chim. Letseng mga pagmumukha iyan. Kulang na lang ipagsigawan nila na: NAGMAMARUNONG KASI, HINDI NAMAN MATALINO.
Sarap sampalin isa-isa.
"Mali po ba yung mga sagot ko, sir?" tanong ko na lang para matapos na.
"Pass you papers," sabi ni sir sa lahat.
Yeah, right. Sarap kausap nitong teacher ko. Magwala kaya ako sa harap nito nang makakita naman siya ng kawindang-windang.
Pinasa naman ng mga classmate ko ang mga papel nila. Habang ako? Heto, nakatayo pa rin sa harapan at naiinis dahil ayaw akong paupuin ng teacher ko.
"Na-miss ko na tuloy yung prof ko sa Math 1. Wapakels 'yon sa 'kin e," bulong ko pa habang patingin-tingin kunwari sa ibang direksyon.
Kinuha na ni sir ang mga papel at ipinakita sa akin ang mga sagot ng mga classmate ko. Lahat ng papel, nakita niya at nakita ko.
Tumaas na lang ang kilay ko at tiningnan na rin si sir.
"Ano'ng nakita mo?" tanong niya.
Umiling na lang ako. Mga walang sagot ang mga papel ng classmate ko.
Ang papel ng mga nasa top, common factors lang ang may sagot. Hindi pa kompleto ang iba kasi maaga pa para magpasa.
"O, sagutan mo." Ibinigay sa akin ni sir ang chalk at itinuro ang board.
"Ako, sir?"
"Sino ba'ng kausap ko?"
Napasimangot agad ako. "Sabi ko nga po, ako."
Ano ba naman itong teacher namin. Ang lakas ng tama. Panira ng mood na sirang-sira na.
Pumunta naman ako sa board at sinagutan ang quiz namin na mukhang unknown sa mga classmate ko. Wala pang ilang minuto, tapos na agad.
"Sir, okay na po," sabi ko sabay lapag ng chalk sa table.
"Sit down."
Sa wakas! Buti naman!
Letse. Bad trip na nga ako kanina, mukhang tuloy-tuloy na yata hanggang uwian.
Tumayo na si Sir Bergado at pumuwesto sa kabilang dulo ng board.
"Class, sino ang nakakuha ng mga sagot na nandito sa board?"
"Sir, yung iba lang po," sabi ni Allen.
"Saang iba?" tanong ni Sir.
"Yung 1 to 4 lang po," sagot ni Allen.
"Sino ang nakasagot ng 1 to 4 na ito ang answer?"
Lumingon naman ako para tingnan kung sino-sino ang mga nakasagot.
Si Allen, si AJ, si Carlo, si Edison, si Mae, si Bryan, saka si James.
Mga nasa top. And wow, walang Chim.
Ha. Ha. Ha.
Gusto kong tumayo rito at ipamukha sa kanya na ako ang nakasagot sa lahat ng nasa board at pagtawanan siya endlessly.
Top 1 ka, Chim? Ano ngayon?
"Lahat ng sagot na nandito sa board ay tama. Mukhang nag-aaral ka na nang mabuti, Daprisia."
Dapat lang! Ang dali lang ng lesson tapos hindi ko pa itatama? Mahiya naman ako sa prof kong masipag magturo. Kahit boring siya magturo, at least, may natutunan ako kahit kaunti sa lesson niya.
Bigla na lang silang nagpalakpakan. Which is lagi naman. Pero siyempre, flattered pa rin. Nagpalakpakan sila e.
Ako na! Mainggit kayo! Sambahin ninyo ako!
Gusto kong isampal sa pagmumukha ni Chim na naka-perfect ako, at siya, hindi! Letse siya, asar siya sa buhay ko.
Masarap magmalaki kapag galing ka sa kabuwisit-buwisit na moment. Gusto kong ipamukha sa kanilang lahat na hindi ako tanga!
"Okay, class, this is our lesson for today, Factoring and Special Products."
Nagbago bigla ang timpla ng mukha ko sa narinig ko.
Lesson? Ngayon?
As in NGAYON pa lang?
Lesson pa lang pala ngayon tapos pina-quizz na niya agad? Sabi na nga ba, tama ang hinala ko e.
Oo nga pala. Sa kanya pala nag-originate ang motto sa room na "Test first, lesson afterwards."
Nakalimutan ko, letse.
"And Daprisia, enumerating the topics of our lesson is unexpected from you. Very good."
Uy . . . Na-very good ako ni Sir for the first time. Angas.
Nagturo na si sir. At, oo. Hindi ako nakikinig. As usual. Hindi na kailangan. Alam ko na ang lesson.
Sinulatan ko na lang ang likod ng notebook ko na kahit paano naman pala e may sulat. Uso pala sa akin noon ang notes.
"Stella, mahal kita."
"Sorry, Angelo. Hindi kita mahal."
Masyado bang rude ang ginawa ko?
Wala siya ngayon dito. Baka nasa fountain pa rin iyon hanggang ngayon. Na-offend kaya siya? Na-hurt? Hindi ko naman siguro siya na-busted. Nililigawan ba niya ako bago ang araw na ito? Lumuhod siya kanina sa akin. Hindi siya ang tipo ng taong luluhod lang sa kung sino-sino dahil lang sa simpleng misunderstanding. Si Gelo pa rin siya. Baka nga kahit si Chim, hindi niya luluhuran nang ganoon.
Ano kaya ang nangyari bagoang araw na ito?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top