Chapter 32: Apologies
Galing ako ng restroom at ch-in-eck ang itsura ko. Buti at hindi namaga ang mukha ko kaiiyak. At mas mabuti rin na hindi nagme-makeup ang Stella sa panahong ito kahit na sa pagkakatanda ko, dapat sabog na sabog ang mukha ko ng makeup ngayon dahil birthday ko nga.
Riiing!
Bell na agad. Ibig sabihin, ganoon ako katagal sa garden.
Nilalakad ko ang quadrangle pabalik sa room nang makasalubong ko si Carlo na humahangos pa.
"Stella!" Pansin ko ang paghingal niya. Hindi ko alam kung may hinabol ba siya o pinarusahan ni Allen sa CAT.
"Sa'n ka galing?" tanong niya habang hinihingal.
"Bakit ba?"
"Okay ka lang ba? Alam mo bang kanina ka pa namin hinahanap! Akala namin, may masama nang nangyari sa 'yo!"
Medyo na-bother ako sa tono niya. Iyong tonong galit pero alam kong nag-aalala.
"Bakit n'yo naman ako hahanapin?" malamig na tanong ko sa kanya.
"Stella naman e!" Bigla na lang niya akong niyakap—na mas lalong ikinataka ko. Nararamdaman kong hinihingal talaga siya. Ang bilis ng heartbeat niya. At ang init din.
"Saan ka ba galing?" mahinang tanong niya.
"Ano ba kasing problema?"
Tinanggal niya ang pagkakayakap niya sa akin at hinawakan ako sa balikat.
"Kanina ka pa namin hinahanap. Hindi ka namin makita sa kung saan-saan, alam mo ba 'yon?"
"Namin? At sino naman ang maghahanap sa 'kin maliban sa 'yo?"
"Bakit ka ba kasi tumakbo kanina?"
Napataas na lang ako ng kilay sa sinabi niya.
"Okay, fine. Stella, I'm sorry." Yumuko lang siya at lumunok. "Pasensya na talaga."
"Sorry? Sorry saan?"
"Pasensya na sa nangyari kanina. Kasi naman—ugh! Sorry pa rin."
Ah. Kanina. Sorry para sa kanina.
Biglang bumalik ang galit ko sa kanila. Tinanggal ko na ang pagkakahawak niya sa akin.
"Hindi ko kailangan ng sorry mo, Carlo. O ng kahit sino sa inyo. Tanggap ko, Carlo. Sino ba 'ko para kampihan?" Itinulak ko siya at naglakad palayo.
Hindi ko naman talaga kailangan ng sorry nila. Aanhin ko iyon e obvious na kinampihan nila si Chim.
"Stella! Stella, sandali!" Humabol si Carlo at hinawakan ako sa braso.
"Carlo, puwede ba?"
"Stella, please—explain lang ako saglit. Saglit lang talaga, promise!"
"Kung pipilitin mong mag-sorry sa 'kin, mas mabuting 'wag mo nang gawin. Tingin mo ba, may bago sa ginawa ni Chim? O kahit sa ginawa n'yo? Kailan n'yo nga pala ako ipinagtanggol? Kasi, alam mo, never kong naalalang may kumampi sa 'kin mula pa noon."
"Pero kasi—"
"Wala nang pero-pero. Kasalanan ko naman lahat kasi sinugod ko si Chim. Dapat lang yung ginawa n'yo kanina. Kasi kung hindi n'yo 'ko pinigilan, talagang babasagin ko ang mukha niya."
"Pero, Ste—"
"Sshh! Tama na. 'Wag mo 'kong sagarin, Carlo. Ayokong magalit sa 'yo."
Naglakad na ako palayo sa kanya. Hindi na siya humabol pa.
Sorry? Hindi ko kayang tanggapin ang apology nila. Nasaktan ako. Tapos kinampihan nila ang maling tao kaya lalong masakit.
Pero, di ba, dapat sanay na ako? Sino ba naman kasi ang kumampi sa akin mula pa noon?
Umakyat na ako para kunin ang baon ko. Nakasalubong ko si Jasper sa hagdan. Mukhang nagmamadali yata sa pagbaba. Napahinto siya noong makita ako.
"Stella."
Yumuko siya at di-mapakali ang tingin. Hindi ko na lang pinansin pa at tumuloy na ako sa pag-akyat.
"Stella, sandali." Pinigilan niya ako nang makalagpas na ako sa kanya. Hawak niya ang kanang kamay ko nang may kaunting higpit.
"Kung balak mong mag-sorry, mas mabuting kalimutan mo na." Tinabig ko ang kamay niya.
"Hindi ko alam. Hindi namin alam . . ."
"Alam ang alin, ha, Jasper?"
"Sorry."
Umiling na lang ako at tumuloy sa pag-akyat.
Ngayon, wala akong ibang nararamdaman kundi galit. Galit, kapag naiisip ko ang nangyari kanina. Lalo lang akong nagagalit dahil nagso-sorry sila.
Okay, gusto kong mag-sorry sila, pero wala akong balak tanggapin iyon. Bahala silang makonsensya. Mali sila ng kinampihan. Palagi na lang.
Pumasok na ako sa room. Hindi pa bumababa ang iba kaya marami pa sila sa loob.
"O, nandito na pala ang paimportante," bungad ni Chim. Nasa may teacher's table pa talaga siya nakaupo. Kapal ng mukha.
Gusto ko tuloy syang ingudngod sa sahig at sipain nang paulit-ulit hanggang sa mapagod ako gaya ng ginawa niya sa kuwintas na bigay ni Gelo.
"Akala mo naman kung sino. Nagmamayabang na porke mayabang din yung boyfriend niya."
Haaay. Kung wala lang ako sa mood, kanina ko pa siya sinampal kabilaan. Suko na ako sa pagiging buwisit niya sa buhay. Kung ano-ano na naman ang binubunganga. Wala namang sense.
"Kahit ano'ng gawin mo, ako pa rin ang pipiliin ng lahat!"
Nagkamot na lang ako ng leeg at malamyang tumingin sa kanya. "O, tapos? Ikaw si Chim, kung piliin ka nila, may magtataka pa ba? Ikaw ang Valedictorian, ikaw ang Class President, ikaw na ang maganda, ikaw na reyna. Sige na! Ikaw na! The best ka!"
Tumaas lang ang kilay niya sa sinabi ko.
"Hindi ko alam kung bakit ganyan na lang ang galit mo sa 'kin. Masyado na yatang exaggerated. Ni hindi ko nga nakikita ang point kung bakit mo kailangang sayangin ang oras mo sa 'kin. Kailan ka pa naging ganyan ka-insecure, ha, Chim?"
"Ako?" Napatayo pa siya sa kinauupuan niya. "Insecure? Kanino? Sa yo? Huh!"
Kinalkal ko na ang bag ko para kuhanin ang wallet ko.
"Kilala kita, Chimberly. Alam ko kung paano tumatakbo ang utak mo. Hindi mo binibigyan ng atensyon ang mga taong wala kang mapapala. At pinipilit mong ibaba ang mga threat sa 'yo."
"Sa tingin mo ba, threat ka, ha? E worthless ka nga, di ba?"
"Worthless naman pala, e bakit nagpapapansin ka?" Nginitian ko siya nang sobrang peke at tiningnan ang mga classmate kong pinanonood kaming dalawa. "Kaya ba ganyan ka na lang kung ma-insecure sa 'kin? Kasi alam mo, lahat ng akin at lumalapit sa 'kin, inaagaw mo e." Hinawi ko na lang ang buhok ko at ngumiti nang malapad. "Don't worry, babawas-bawasan ko na ang pagiging maganda para sa 'yo para hindi ka naman lumabas na sobrang insekyora."
Ang kapal ng mukha ko, thank you. Nangiti na lang ako pati na ang mga classmate kong narinig ako. Dumiretso na ako sa may pintuan at nilingon si Chim.
"Ngayon ko lang na-realize . . . napakahina mo para lang matakot sa gaya ko."
Masyadong na-o-overload ang utak ko para isipin ang lahat nang sabay-sabay.
Ginutom ako ng pag-iyak-iyak ko. Naiinis ako. Buti at marami akong budget ngayong panahong ito kompara sa present time ko. Kahit mag-stress eating ako, okay lang.
Pagdating ko sa ground, nasalubong ko si AJ na mukhang galing din sa pagma-marathon gaya ni Carlo.
Hindi ko na siya pinansin at nagpatuloy na lang ako sa paglalakad.
"Stella, sandali." Pinigilan din ako ni AJ gaya ng ginawa ng dalawa.
"Sana hindi ka magso-sorry," malamig kong sagot sa kanya. "Kasi kung gano'n nga, 'wag mo nang ituloy. Nauumay na yung tainga ko." Itinulak ko na lang ang balikat niya gaya ng ginawa ko kay Carlo at nagpatuloy na lang ako sa paglakad.
"Stella, hindi ko alam." Hinabol pa rin ako ni AJ. Mas mapilit kaysa kay Carlo.
Naglalakad ako nang matulin pero nasasabayan niya ako.
Ang totoo, mas nauunahan pa niya ako.
"Hindi mo alam ang alin? Hindi n'yo alam ang alin ha, AJ? Ano nga ba 'tong hindi n'yo alam?"
"Stella, kasi yung nangyari kanina—"
"Ah! Yung nangyari kanina? 'Yon ba!" sarcastic kong balik sa kanya. "'Sus! 'Wag mong isipin 'yon, sanay na 'kong dini-disregard. Okay lang ako. Sino nga ba 'ko para kampihan mo, e si Chim nga pala ang girlfriend mo."
Napahinto siya. "Sino?"
"Tapos na ang usapan, AJ! Kalimutan na lang natin ang nangyari."
Dumiretso ako sa canteen. Ang dami nang estudyante, ang hirap makipagsiksikan sa counter.
Buryong na buryong ako sa paghihintay.
Nagulat na lang ako nang may humawak sa braso ko at sapilitan akong hinatak sa kung saan.
"Hoy! Ano ba! Bitiwan mo nga ako!"
Sino ba itong taong ito?
"Hoy, ano ba!"
Hindi ko makilala ang likuran niya. Kahit yung buhok. Pinalo ko nang paulit-ulit ang kamay niya para bitiwan ako pero hindi niya ginawa. Dumiretso kami sa may fountain.
"Bakit mo ba 'ko dinala rito, ha!" Tinabig ko agad ang kamay niya kaya nabitiwan na niya ako.
Bigla akong nanghina nang makita ko ang kumaladkad sa akin. Hindi ko siya nakilala dahil sa bagong hairstyle niya. Na hindi ko rin yata napansin kanina habang nakikipagtalo ako kay Chim dahil iyak ako nang iyak.
"Kanina pa kita hinahanap. Saan ka ba nagpupunta, ha!"
Hinihingal siya. Gaya nina Carlo at AJ. Hindi ko alam kung ano'ng dahilan.
Nakikita kong galit siya. Ilang beses ko nang nakita ang mukha niyang galit na galit kahit noon pa man.
At ang totoo, gusto kong magalit sa kanya ngayon pero nangingibabaw sa akin ang takot sa kanya.
Si Angelo pa rin nga pala siya. Muntik ko nang makalimutan.
Ang bully na si Angelo na walang ibang ginawa kundi saktan ako, physically, mentally, and emotionally.
"Nagmukha akong tanga. Nagmukha akong tanga sa harap nilang lahat dahil sa 'yo!"
Napaatras ako. Nararamdaman ko ang galit sa kanya.
"Ngayon lang ako nakaramdam ng ganitong galit sa buong buhay ko, alam mo ba 'yon? Gustong-gusto kong manapak ng tao sa mga oras na 'to pero hindi ko magawa!"
Sa sobrang takot, galit, sakit, at lungkot na nararamdaman ko ngayon. Hindi ko mapigilang umiyak.
Ako ba?
Ako ba ang gusto niyang saktan kasi ipinahiya ko siya? Sa harap ni Chim? Ganoon ba?
Nanginginig ang labi ko habang nararamdaman kong panay ang tulo ng luha ko sa magkabilang mata.
Ano?
Bumalik ba ako ngayong araw para sa anong dahilan? Para ma-experience ang worst birthday ever ko? Ganoon ba? Ito ba ang hiniling ko sa pocket watch?
"'Wag mo 'kong iyakan!"
Sa sobrang takot, galit, sakit, at lungkot na nararamdaman ko ngayon, hindi ko mapigilang umiyak na naman. Paano niya ako mapipigilang umiyak e sa lahat ng pagkakataon, siya lang naman ang nagpapaiyak sa akin dito sa school?
"Bakit ka ba nagagalit, ha!" Sinigawan ko rin siya. Paulit-ulit kong pinunasan ang mga luhang pumapatak sa pisngi ko.
"Bakit hindi mo sinabi sa 'kin? Bakit hindi ka nagpaliwanag? Bakit hindi mo ipinagtanggol ang sarili mo!"
"Hindi nagpaliwanag? Hindi ko ipinagtanggol? Naririnig mo ba 'yang sinasabi mo, Gelo?" reklamo ko sa kanya habang paulit-ulit kong hinahawi ang luha ko na papalitan na naman ng panibagong luha. "Alam mo ba kung ano'ng sinubukan kong gawin kanina? Gusto kong magpaliwanag! Gusto kong humingi ng tulong! Gusto kong humingi ng simpatya dahil sa ginawa nila! Pinagtulungan ako nina Jane at Belle! Kinawawa ako ng Chim na 'yon! Sinaktan nila 'ko, Gelo!"
"Sa tingin mo, hindi rin ako nasaktan!"
Noong sinabi niya iyon, gusto kong magsalita. Gusto kong ilabas ang lahat ng sama ng loob ko sa kanya. Pagkatapos ng lahat ng ginawa niya sa akin noong Christmas party, ibubungad niya sa akin ang ganoong mga salita habang kinakampihan ang sumira ng regalo niya sa akin.
Bigla na lang siyang lumuhod sa harapan ko.
"A-ano'ng ginagawa mo?"
"Sorry. I'm sorry, Stella. Sorry talaga."
Biglang huminto sa pagpatak ang luha ko habang pinipilit kong i-digest ang lahat ng nagaganap.
"Sorry? Bakit ka nagso-sorry?" naguguluhang tanong ko pa. "Ano ba'ng ginawa mo? Kinampihan mo si Chim, may masama ba r'on? Gusto mo siya kaya natural na kampihan mo siya! Naiintindihan ko naman, Gelo! Nakita n'yo yung ginawa ko sa kanya kanina! Enough na ang proof para kampihan siya! May mali ba r'on?"
"Hindi ko siya kinampihan. Hindi ko alam . . . I'm sorry, hindi ko alam ang buong nangyari." Niyakap niya ang baywang ko at isinubsob ang mukha niya sa tiyan ko.
Kakaiyak ko lang kanina pero umiiyak na naman ako. Sobra na itong ginagawa niya sa akin. Lalo lang niya akong sinasaktan.
"Alam mo bang nasaktan ako sa ginawa mo, Gelo?" Mabigat ang tono ko sa kanya. "Hindi masakit ang ginawa ni Chim. Yung ginawa mo ang masakit." Pinunasan ko ang luha ko at tumingala para pigilan ang pagpatak.
"Pinagtanggol kita sa kanya, Gelo. Pinagtanggol kita kasi ayokong minamaliit ka niya. Ayokong nagsasalita siya ng kung ano-ano tungkol sa 'yo. Mahalaga ka sa 'kin Gelo, alam mo ba 'yon? Okay lang na sabihan niya 'ko ng kung ano-ano, pero ikaw? Hindi ikaw."
Kinuha ko sa bulsa ko ang natuping metal outline ng pendant.
"Alam mo bang dinurog niya yung regalo mo sa 'kin? Gusto ko siyang pigilan pero hindi ko magawa dahil pinagtulungan nila 'ko. Masakit yung ginawa niya, Gelo. Sobrang sakit na makitang dinudurog niya ang kaisa-isang regalong ibinigay mo. Mahalaga 'to sa 'kin. Sobrang mahalaga nito tapos dudurugin lang ng babaeng gusto mo. Dinurog niya yung regalo mo. Dinurog niya, Gelo, hindi niya lang kinuha. Hindi lang yung regalo mo ang nadurog, pati na ang damdamin ko! Pero ano nga bang laban ko e gusto mo siya."
"Hindi 'yan totoo. Hindi ko siya gusto."
Nararamdaman kong lalong humihigpit ang yakap niya sa akin.
"Hindi? Kinampihan mo siya, di ba? Masakit yung ginawa mo. Sobrang sakit na ang tagal ko nang hindi umiiyak, ngayon lang ulit ako nagkaganito. Ang sama ng loob ko ngayon. Nagagalit ako sa 'yo kasi alam kong kahit ano'ng gawin ko, siya ang pipiliin mo. Gusto mo siya, Gelo. Alam ko 'yon. Alam na alam ko. Witness ako sa lahat ng ginawa mo para sa kanya."
Tinanggal ko na ang kamay niya sa baywang ko.
"Hindi mo kailangang gawin 'to. Walang point para gawin mo ang lahat ng 'to, Gelo."
"Please. Stella, sorry." Hinawakan niya ang kamay ko.
"'Wag kang kumilos nang ganyan. Hindi naman ako ang girlfriend mo. Hindi mo 'to kailangang gawin."
Kinuha ko ang isa niyang kamay at inilagay sa palad niya ang natuping metal outline.
"Salamat sa masayang memories no'ng Christmas party. Sa tingin ko, ito na ang huling beses na pupunta ako sa lugar na 'to." Lumakad na ako palayo sa kanya.
"Stella, mahal kita."
Huminto ako at nilingon siya.
Hindi na ako nag-dalawang-isip sa pagsagot sa kanya. "Sorry, Angelo . . ."
Hindi ko iyon inaasahang marinig, pero tingin ko, hindi ko na rin iyon kailangang malaman pa.
". . . hindi kita mahal."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top