Chapter 29: Broken Wings
"Hahaha!"
"Iiyak na yan! Hu-hu-hu!"
"Kawawang Stella. Sayang at wala yung bully mong boyfriend para ipagtanggol ka!"
Buwisit. Ang ingay!
Napabangon ako sa pagkakayuko at kinamot ang batok ko.
"Bakit na naman ang ingay!" sigaw ko pa kasi naririndi ako. Parang boses pa ni Arlene ang boses na parang pinupunit na yero. Ang sakit sa tainga!
Tiningnan ko ang lugar. Nasa room na naman ako. Umaga.
Sa anong panahon ba ito? Wala akong hiniling sa pocket watch. Nakaka-bad trip!
"Garet, anong—Garet?"
Wala si Garet sa likuran ko. Si Allen agad ang bumungad sa akin.
"Allen, si Garet?"
Nakita ko ang tingin niya sa akin. Parang ayaw niya akong tingnan nang diretso. "Absent, di ba?"
A, kaya pala. "Allen, ano'ng araw ngayon?"
"Wednesday. 5."
"5 ng?"
"February! Ano pa ba?"
February 5? Wow.
Wow lang.
Hinawakan ko ang mukha ko. Pati na ang labi ko. Para yatang may nawawala.
Kinuha ko ang cell phone ko sa bag at tiningnan ang sarili ko.
"Aba, ayos."
Walang makeup. Mukhang may natauhan dito a.
"O, ano? 'Wag mo nang tingnan 'yang mukha mo, baka mabasag 'yang cell phone mo e," sabi ni Chim.
"Tama! Hahaha!"
Nakakairita naman itong mga ito! At talagang nandiyan sila sa harapan ko, ha! Ano ba'ng kailangan nila? Ano ba'ng nangyayari dito? Hindi ko naman na-encounter ito noon.
"Hoy! Kinakausap kita!"
Sasampalin sana ako ni Chim pero nasalag ko agad ang kamay niya. Tumayo agad ako at hinarap siya.
"Ano ba'ng problema mo, ha?" maangas na sabi ko.
"O! Tinanong mo pa! Ayan o!" Itinuro niya ang buong katawan ko. "Ayan ang problema ko!"
"May ginawa ba 'kong masama sa 'yo?"
"Oo! Malandi ka kasi!"
Ano raw?
"Ako, malandi? Saang banda naman?"
"Aba!" Humalukipkip siya at tinaasan ako ng kilay. "Saang banda raw siya naging malandi, girls? Huh! Bitch."
"Malandi ka! Hindi na kailangang itanong kung bakit!" sabi agad ni Jane.
"Makati! Haliparot!" gatong ni Arlene.
"Correct!" panapos ni Belle.
Letse. Sipain ko kaya sa ngala-ngala itong mga ito? Ano'ng pinagsasasabi ng mga ito? Ano ba'ng problema nila? Ano ba'ng nangyayari?
"Alam n'yo, 'wag n'yo na lang akong pag-aksayahan ng oras, puwede ba? Wala naman kayong mapapala sa 'kin e," sagot ko agad kahit na gusto ko nang pagsasampalin itong mga ito isa-isa.
"Ah! Oo nga, 'no! Ano nga ba'ng mapapala namin sa worthless na katulad mo?" Pinaikutan ako ni Chim. "Ano nga ba'ng meron ka, ha? I can't see anything e."
Haaay, naman. Ano ba talaga'ng problema ng mga babaeng ito? At bakit ngayong oras pa ako napadpad dito? Ano ba kasing nangyari bago ito?
"Hoy!"
Nagulat na lang ako nang biglang may hinalbot sa akin si Chim. Nanlaki agad ang mga mata ko kasi ang suot kong kuwintas pala ang kinuha niya.
"Hindi naman pala maganda." Tinitigan ni Chim ang kuwintas. Ang kuwintas na may pendant na angel wings! Ang kuwintas na bigay ni Gelo!
"Hoy! Akin na 'yan!" Pinilit ko pang kuhanin sa kanya ang necklace pero hindi ko naabot. Hinawakan kasi agad ako sa braso nina Jane at Belle para pigilan.
"Alam mo, bagay kayo ni Angelo. Parehas kasi kayong worthless."
Ano'ng sinabi niya?
"Wow, nagsalita ang may worth!" bulyaw ko agad habang pumapalag kina Jane at Belle. "Ang lakas din ng loob mong sabihan siya ng worthless! E, ikaw nga itong worthless! Kahit na gano'n si Gelo, mas mabuti siyang kaibigan kaysa sa 'yo! Hindi siya kasing-plastic mo! Maganda ka lang naman sa paningin nila kasi plastic ka na nga, sipsip ka pa! Mahilig kang magpabida! Akala mo ba, matalino ka? Kung hindi ka lang naman malakas sa mga teacher natin, si AJ dapat ang Valedictorian at hindi ikaw!"
"A, gano'n." Nakita ko ang inis sa mukha niya. "Plastic? Pabida?"
Pak!
Nanlaki ang mata ko sa ginawa niya. Saglit na huminto ang lahat sa akin. Parang namingi ang kaliwang tainga ko. Biglang nag-init ang kaliwang pisngi ko na nilapatan ng palad niya.
Dahan-dahan, pabigat nang pabigat ang paghinga ko. Ang lakas ng loob sampalin ako . . .
"Ang kapal talaga ng mukha mo," pagdidiin niya pa sa akin.
Aba, ako pa? Ako pa! Letse pala siya e!
Lumakas ang puwersa ng kanang braso ko at bumitiw kay Belle.
Pak!
"Chim!"
Ano? Siya lang ang kayang manampal?
"Tingin mo, hindi ako papalag sa 'yo? Bakit? Sino ka ba?" maangas ko na namang bato sa kanya.
Kitang-kita sa mukha niya na hindi siya makapaniwala sa ginawa ko.
"Dahil diyan, parang ayoko nang ibalik," nanggigigil na sabi niya sabay bato sa sahig ng kuwintas ko. "Ayoko nang ibalik nang buo 'tong pangit na necklace mo."
Hindi na ako nakakilos agad nang bigla niyang tinapakan ng heels niya ang pendant.
"Ang ganda, di ba! Ano? Maganda? Maganda, ha!" paulit-ulit niyang sigaw.
"Itigil mo 'yan!" Sinubukan ko siyang sugurin para pigilan pero kinaladkad agad ako nina Jane at Belle papunta sa pader na katabi ng pintuan. "Tama na! Chimberly! Buwisit ka talaga!"
"Ang ayoko sa lahat ay yung kinakalaban ako."
"Bitiwan n'yo 'ko! Itigil mo 'yan!"
Hindi nakatulong ang pagpalag ko. Masyadong malakas sina Jane at Belle.
"Tama na! Parang awa mo na!"
Para na rin niyang dinurog ang pag-asa at pagkatao ko. Dinurog niya ang tanging regalong natanggap ko mula kay Gelo. Dinurog niya.
Dinurog niya!
Naramdaman ko na lang na basang-basa na ang buong mukha ko. Hindi ko alam kung dahil ba sa pawis, o dahil sa luha, o—hindi ko na alam.
"Ang sama mo . . . ang sama mo talaga . . ."
"Sa susunod, aalamin mo kung sino ang kalalabanin mo."
Hindi na ako makahinga nang maayos dahil sa galit na nararamdaman ko.
Tinanggal na niya ang takong niya sa pendant. Durog na durog na ang pendant sa sahig. Ang natira na lang ay ang nayuping metal outline ng pakpak.
Binitiwan na rin ako nina Belle.
Wala akong ibang nagawa kundi lumuhod at ipunin ang butil-butil na piraso ng nabasag na pendant ng kuwintas ko.
Kaya pala . . .
Kaya pala kahit anong hanap ko, hindi ko makita.
"Masaya ka na ba?" Galit ko siyang tiningnan habang umiiyak ako. "MASAYA KA NA BA!"
Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Tumayo ako at kinuha ko ang kuwelyo ng uniform niya at itinulak siya sa may board.
"'Yon lang ba ang kaya mo, ha! 'YON LANG BA ANG KAYA MONG GAWIN!"
Sinakal ko siya gamit ang kanang braso ko. Tinapakan ko ang isa niyang paa at nanlilisik ang mata ko habang tinitingnan siyang nasasaktan.
"Bitiwan mo 'ko!" Pinipilit niyang tanggalin ang braso ko sa leeg niya. "Jane! Belle! Arlene! Tulong!"
Naramdaman ko ang paghatak ng kung sino sa likuran ko kaya may nasapak ako sa mukha nang hindi ko namamalayan.
"Demonyita ka! Paano ka ba pinalaki ng magulang mo, ha! Wala ka bang puso? Wala ka bang konsensya? Wala ka ba ng mga 'yon, ha! Sumagot ka!"
"Tulooong!"
Naramdaman ko na lang na may tumulak sa akin palayo kay Chim.
Ang bilis ng tibok ng puso ko. Hinihingal din ako dahil sa sobrang galit na nararamdaman. Gusto ko na ring maiyak nang sobra dahil sa sobrang galit at lungkot na nararamdaman ko. Wala na akong makitang matino. Nakikita ko pero hindi rumerehistro sa utak ko.
"Ano ba'ng ginagawa mo, ha?" sigaw sa akin ng kung sino.
Dahan-dahan kong tiningnan kung sino ang nakapalibot kay Chim.
"Bakit mo 'yon ginawa? Nababaliw ka na ba!"
Sina Carlo . . . Jasper . . . si AJ . . .
At si Gelo.
"Sinira niya . . . sinira niya . . ." Iyon na lang ang tanging nasabi ko kasi hindi ko na alam kung ano pa ba ang dapat kong sabihin. Nauubusan ako ng salita.
"Stella, ano ba'ng ginagawa mo! Papatayin mo ba si Chim, ha?" sigaw ni Gelo sa akin.
Nakikita ko sa mukha niyang galit siya.
Hindi lang siya.
Silang apat.
Gusto kong manghingi ng tulong sa kanila. Gusto kong manghingi ng simpatya. Pero parang sa iba nakalaan ang simpatyang kailangan ko.
Kung tingnan nila ako, parang kasalanan ko pa.
Siguro nga, ganoon talaga. Walang para kay Stella.
Wala.
"Huh." Ngumiti na lang ako. Isang pilit na ngiti para lang pigilan ang sakit na nararamdaman ko dahil sa kanya. "Pasensya na. Kasalanan ko." Tumango na lang ako habang kagat ang labi ko "Kasalanan ko kasi . . . kasi si Chim nga pala ang inaaway ko. I'm sorry, ha? I'm sorry kasi . . . kasi hindi ako si Chim. Hindi ako siya kaya . . . kaya wala akong karapatang ipagtanggol ng kahit sino—kahit ng sarili ko."
Tumango na lang ako nang dahan-dahan, ibinulsa ang natuping metal outline ng pendant, at tumakbo palabas ng room.
Palayo sa kanila.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top