Chapter 22: All I Want For Christmas

Bumaba agad ako sa kusina at nagluto ng instant pancit canton. Kumain na 'ko pati na rin si Miminggay.

Hindi ko kayang sundan ang araw ko sa past. Masyadong kaunti ang chance na meron ako. Pagkatapos naming kumain, naghugas na 'ko ng mga ginamit ko at bumalik na 'ko sa kuwarto.

"A-attend kaya siya?"

Kinuha ko ang pocket watch.

"9."

Weird. Paatras nang paatras ang oras nito.

Siguro nga, aasa na lang akong pupunta si Angelo sa Christmas party.

Napahiga ako sa kama at tinitigan na naman ang kisame.

Mabait si Angelo ngayong panahon na 'to. Nanlibre pa ng pagkain. Hindi ko alam kung naging mabait ba 'ko sa kanya sa past kaya niya nagawa 'yon. Nabanggit din niya si Carlo kaya malamang na nakakapag-usap pa sila.

Saglit. Nakakapag-usap sila ni Carlo? Kailan pa?

Inangat ko naman ang pocket watch at tiningnan 'yon.

"Ibalik mo nga 'ko sa huling Christmas party namin no'ng high school."

Sinusian ko ulit ang pocket watch at hinintay ang lahat.


* * *


Kung may something na memorable sa Christmas party noong high school, malamang na 'yon ang kahihiyang natamo ko noong araw na 'yon.

Ang isinuot ko noon ay isang rainbow dress kasi ang sabi ni Chim, ganoon ang isusuot niya kaya gumaya naman ako. Ini-imagine ko pa lang, nahihiya na 'ko sa itsura ko. Paano ba naman, super luwang sa 'kin at hanggang sakong ko ang haba. Naka-strap pa na de-tali kaya para akong nagsuot ng duster at maglalaba sa ilog. Tapos malaman-laman kong hindi naman pala 'yon ang isinuot niya, pinag-trip-an lang niya ako. Ang lakas pa ng loob kong magsuot ng maraming kuwintas na rainbow din at hairclips na higit sa sampu at ang kapal pa ng makeup ko. Ang sabi nga nila, bagay raw ako sa event. Christmas clown.

So much for a trying hard. Nakakahiya.

Ngayon, kinalkal ko pa ang cabinet ko para hanapin ang iniregalong dress sa 'kin ni Mama noong second year high school ako.

Ang sabi niya, isuot ko raw kapag malaki na 'ko. At buti, naalala ko pa ang tungkol doon ngayon.

Nataon na literal na malaki na nga ako, dahil para sa height kong five foot five, nagkasya na sa 'kin ang regalo niya.

Isang simpleng bodycon red dress na above the knee ko ang haba. Hindi ako sigurado kung ganito ba talaga ang sukat nito o matangkad lang talaga ako kaya para akong naka-mini skirt. Fitted pa sa 'kin dahil ilang taon pa ang aabutin bago ako mangayayat kaya kita pa ang curves. Maganda pala ang shape ng katawan ko dati. Sayang lang at napabayaan ko ang sarili ko sa kagustuhan kong mawala na lang sa mundo pagkatapos mamatay ni Mama. Strappy din na alanganing plunging neckline at V-neck, at medyo kita ang kaunting balat. Overall, okay naman at hindi naman bastusin—sa paningin ko.

Ang makeup ko: lipstick na red, winged eyeliner, tapos mascara lang. Tatlong taon pa ang inabot mula ngayon bago ko matutunang mag-makeup nang light. Buti at pinkish white ang skintone ko kaya okay lang kahit hindi na maglagay ng kung ano-ano. Ayokong mag-foundation. Naglugay na lang ako dahil masyado nang kita ang balat ko mula leeg hanggang itaas ng dibdib. Nag-pearl earrings na lang din ako at nagsuot ng relo na may red leather strap para match sa damit. May pinabili ako noon kay Mama na black stiletto na four inches ang taas ng takong para gaya ng kay Jane. Ito lang yata ang ginamit ko noong Christmas party na gagamitin ko pa rin ngayon.

Kinuha ko ang mp3 player, phone, digicam, at shades ko. Inilagay ko 'yong lahat sa isang black shoulder bag.

Black and red. Much better than rainbow.

Naka-ready na ang regalo ko para kay Anne, at mukhang iyon na lang ang dadalhin ko ngayon maliban sa bag.

Tahimik sa bahay. Naalala ko, wala na nga pala si Papa sa bahay sa panahong 'to. Si Mama, malamang, maagang pumasok. Alas-otso na rin naman na kasi.

Nakisabay na lang ako sa jeep ng kapitbahay naming dadaan sa main road dahil magugulo agad ang ayos ko kapag naglakad lang ako.

Pagdating ko sa school, marami nang tao. 8:39 a.m. Maaga pa.

At embes na hanapin ang gusto kong yabangan ng ayos ko, una kong hinanap ang dahilan ng pagbalik ko rito.

"Nakita mo si Gelo?" tanong ko agad kay Cara pagtapak na pagtapak ko sa room namin.

"Hi-hi-hindi e," utal niyang sagot.

Lumapit ako kay AJ na nasa corridor at nagsa-soundtrip. Napansin ko ang ayos niya. Parang nakapambahay lang pero guwapo pa rin. Checkered na polo na may puting sando sa ilalim, cargo shorts, at leather sandals lang ang suot, talo-talo na. Mukha siyang bakasyunista sa beach.

"AJ, nakita mo si Gelo?" tanong ko.

Tinanggal niya ang earphone sa kanang tainga at tiningnan ako—tiningnan ako mula ulo hanggang paa.

"S . . . tella?"

Hindi ko na lang pinansin ang panghahagod niya ng tingin. "Si Gelo, nakita mo?"

Napaangat siya ng ulo at tinantiya ako ng tingin. "Hin . . . di e. Wala pa siya."

Napakamot na lang ako ng ulo at nakagat ko pa ang labi ko.

Mukhang hindi pala talaga siya a-attend.

"Sige, AJ. Thank you."

"Baka hindi siya um-attend," pahabol pa ni AJ. "Hindi naman kasi siya interesado."

Alam ko na 'yon. Pero hindi naman masamang umasa, di ba?

Dumiretso ako sa ibaba. Baka makita ko ang tita niya sa faculty room.

"Ma'am Anna, si Angelo po?" tanong ko agad.

"Ay, si Gelo ba, 'ka mo? Hindi yata a-attend 'yon. Umalis ako ng bahay, natutulog pa. Bakit pala, 'nak?"

"A, ano po, wala naman po. Sige po, thank you," sabi ko na lang.

Natutulog pa. Okay! Napaka-valid reason para hindi maka-attend. Grabe.

Wala na talaga. Tita na niya ang nagsabing hindi.

Pangalawang beses ko nang bumalik. Buong akala ko talaga, kapag alam ko na ang mangyayari, puwede ko nang mabago ang lahat.

Akala ko lang pala 'yon.

Bakit ba hindi ko naisip na hindi ko rin hawak ang magiging desisyon ng ibang tao? Hanggang ngayon pa rin ba, sarili ko lang ang iniisip ko?

Nanlulumo akong pumunta sa mga upuan sa quadrangle at pinanood ang mga batang nagpe-perform ng mga presentation nila.

Malaki nga siguro ang kaibahan ng ngayon sa taon kung saan ako galing. Magbago man ang ugali ko ngayon—o ngayong mga araw lang na limitado para sa chance kong makabalik—malamang na hindi pa rin n'on mababago ang Stella'ng totoong narito sa panahong 'to. Iyon ang Stella'ng naging dahilan kaya naging ganito ako.

Inubos ko na lang ang oras ko kaka-picture at kaka-video ng mga nagpe-perform.

"Ngayon, makikita naman natin ang presentation ng mga fourth year! Palakpakan naman tayo diyan! Fourth year, baba na rito!"

Bumaba na ang mga classmate ko.

Pumuwesto na 'ko sa harapan ng stage. Kailangan, may magandang kuha ako ng pangarap kong presentation na mukhang hindi talaga nakatadhanang makasayaw ako kahit na paulit-ulit ko pang balikan. Ang daming kumukuha ng pictures at video kaya marami kaming nakaharap sa kanila.

Umayos na silang lahat sa mga position nila habang ako, nakaayos na rin habang hawak ang digicam ko at nagsi-start nang mag-record.

Nakikita ko sa screen ang mga tingin nila. Ang iba, naaawa sa 'kin. Ang iba, parang expected na ang mangyayari sa 'kin. Ang iba, masaya kasi sasayaw na sila at wala silang pake sa 'kin. Ang iba, kabado kasi magpe-perform na sila.

"I don't want a lot for Christmas . . ."

Lumipat ang tingin ko sa mga lalaki sa harap. Parang gusto nang ipagpalit ang mga partner nila para sa 'kin.

O assuming lang talaga ako kasi sa akin sila nakatutok.

". . . all I want for Christmas is you . . ."

Wala na talaga. Pero okay lang.

Siguro, kahit ulit-ulitin ko ang araw na 'to, wala talagang pag-asang makasali ako sa presentation.

"Stella!"

"Ay, kabayo!" Bigla na lang may humatak ng kamay ko kaya hinatak ko ring pabalik ang kamay ko. Istorbo, kita na ngang nag-vi-video ako e!

"Puwede pa tayong humabol, tara na!"

Napaatras ako nang makita ko kung sino ang nanghatak sa 'kin. "Gelo?"

Kinuha niya ulit ang kamay ko. Bumitiw naman ako sa kanya at umiling. Ipinagpatuloy ko na lang ang pag-vi-video.

"Akala ko ba, gusto mong sumali sa presentation, ha? Kaya mo nga 'ko pinipilit na um-attend, di ba?" pangongonsiyensiya pa niya.

Hinawakan ko ang kamay niya at pinapuwesto ko siya sa likuran ko.

"Hindi na puwede," katwiran ko na lang.

"Puwede pa."

"'Wag na. Wala na e. Nasa kalahati na sila, o."

"Kaya pinagod mo 'ko sa wala? Adik ka rin e, 'no? Yari ka talaga sa 'kin mamaya." Nararamdaman ko ang hininga niya sa may tainga ko. Mukhang malaki ang tulong ng heels. Nadagdagan ang height ko para pumantay sa mukha niya.

"I won't ask for much this Christmas . . ."

Tiningnan ko ang screen ng digicam. Inilipat ko ang tingin kina Carlo. Nakakunot lang ang noo habang nakatingin sa direksyon ko.

"Late ako. Sorry."

Gulat akong lumingon kay Gelo. Nakatingin lang siya sa kung saan.

"Um-attend ka. Thank you," pasalamat ko.

Tumingin na rin siya sa 'kin. Ang lapit ng mukha niya. Hindi ko alam kung maiilang ba 'ko o ano. Baka bigla kong halikan sa pisngi 'to.

"Okay na 'ko kasi nakita na kita," dagdag ko pa bago ilipat ang tingin sa digicam.

"All I want for Christmas is you . . ."

Nag-bow na sila kaya s-in-ave ko na ang video at pinatay ang digicam.

I guess, iyon na 'yon. Isa na lang itong araw na 'to sa mga bagay na hindi ko na mababalikan, at hindi na siguro dapat pang ulitin . . . ulit.


---

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top