Chapter 21: Special Request

Recess.

Tapos na 'kong kumain kaya dumiretso ako sa fountain para kausapin si Angelo. May gusto lang akong itanong kaya kailangan ko siyang makausap nang masinsinan. Pagbukas ko ng gate, naabutan ko siyang kumakain sa may bench.

"Grabe. Buong taon mo pala sinolo 'tong lugar na 'to."

Umupo ako sa lugar kung saan mismo ako muntik nang malaglag. Matagal na pero parang kahapon lang nangyari.

"Sige, diyan ka na naman. Hindi na kita ililigtas 'pag inatake ka na naman ng katangahan mo," sabi niya agad.

At least, hindi na siya gigil na palayasin ako gaya noong una.

"Kasalanan mo naman e," bulong ko pa.

Ipinagpatuloy na lang niya ang pagkain. Alam ko namang magandang lugar 'tong fountain, pero ang lungkot pala niya kasi palagi siyang mag-isang kumakain dito. Bigla ko tuloy naalala yung puwesto ko sa ilalim ng santol, doon sa may bench. Mag-isa lang din kasi roon palagi kapag lunch ko.

"Gelo, sino yung nabunot mo?" tanong ko.

Tiningnan niya 'ko tapos tumingin itaas pagkatapos ibinalik ang tingin sa kinakain niya. Nag-isip pero walang sinagot.

"A-attend ka naman ng Christmas party, di ba?"

Pinaikutan lang niya ng mata ang sinabi ko.

"Please, um-attend ka naman," pagmamakaawa ko. "Sa Friday na 'yon e."

Tumigil siya sa pagkain at tiningnan ako nang diretso. "Maliban sa pag-aaksaya ng pera, ng panahon, at ng effort sa paghahanda; bigyan mo pa 'ko ng dahilan para pumunta sa kalokohang 'yan."

May sasabihin sana ako pero hindi ko na naituloy dahil hindi ko rin naman alam ang talagang sasabihin ko.

Paano ba naman kasi . . . iyan din ang iniisip ko e.

Mag-aaksaya ka ng pera tapos ang makukuha mo lang e towel na hindi naman talaga para sa iyo.

Mag-e-effort ka sa pagpili ka ng damit tapos pagtatawanan ka lang ng lahat dahil mukha kang tanga.

Mag-aaksaya ka ng oras tapos hindi rin pala worth it ang event dahil nabuwisit ka lang at na-bully ka pa, Paskong-Pasko.

"Kung hindi ka sumama, magsisisi ka," sabi ko na lang.

Yeah, right. Magbabago ang isip niya dahil diyan, Stella. Sige, push mo 'yan. May patutunguhan 'yan.

"Bakit ako magsisisi kung wala naman akong mapapala?" sagot niya.

Sa totoo lang, kahit ako, 'yan din ang sasabihin ko e. Para lang pala 'kong nakikipag-usap sa sarili ko nito.

Paano ba 'ko natatagalang kausapin ni Philip? Hindi ba siya naiirita kapag ganito ako sumagot sa kanya na parang ang sarap kong sabunutan?

"Sure ako na magiging maganda si Chim sa Friday. Ayaw mo ba siyang makita?" paliwanag ko.

Nagkasalubong na naman ang kilay niya. "Bakit ba puro ka na lang Chim, ha?"

Mababasa agad sa mukha ko ang hopelessness kasi wala akong matinong maidadahilan sa kanya. "Kasi . . . gusto mo ng dahilan, di ba?"

Napasandal siya sa inuupuan niya at tinitigan akong maigi. "Gano'n ba talaga kalaki ang admiration mo kay Chim para lahat na lang ng gagawin mo e may connect sa kanya? Lagi na lang siya ang dinadahilan mo e. Siya na ba ang may-ari ng pagkatao mo? Kailan mo balak magiging ikaw?"

Boom!

Okay. Pride status: Hurt.

Nakakarami na siya, ha. Parang kagabi lang, nilait-lait niya ako, tapos ngayon na naman.

"Alam mo, Angelo, kung may maiisip lang talaga 'kong magandang dahilan na tatanggapin mo, sana nauna ko nang maisip 'yon, 'no?" naiinis kong sinabi sa kanya. "Siya nga lang ang naiisip kong idahilan sa 'yo na alam kong tatanggapin mo." Napatayo agad ako sa bakod na inuupuan ko sabay pamaywang. "Ano'ng gusto mong sabihin ko? Na, Uy Gelo, um-attend ka naman para sa 'kin. Ayoko kasing magmukhang tanga sa Friday. 'Yon ba, tatanggapin mo? Na kahit gusto kong sabihing Gelo, I know, mabait ka kahit na binu-bully mo lahat. Christmas naman, baka gusto mong makisali sa happiness namin sa Friday para may memory ka kasama kami. Siyempre, 'pag sinabi ko 'yon, iisipin mong ano naman ngayon kung magmukha akong tanga? Ano ngayon kung wala kang memory kasama namin? Sino ba 'ko sa 'yo? Ano mo ba 'ko? Ano mo ba kami para sundin mo yung gusto ko?"

Alam kong 'yon ang sasabihin niya. Siya si Gelo at bully siya. Ang tanging iniisip lang niya, makapang-bully. Ayaw sa kanya ng lahat dahil ayaw niya sa lahat. At kung magmumukha akong tanga, mas matutuwa pa siya dahil taon-taon niyang ginagawa 'yon sa 'kin mula pa noong freshman year namin.

"Gusto kong sumali," huling paliwanag ko sa kanya. At gusto ko na ring sukuan siya. "Huli na 'to. Hindi ko na mauulit 'to . . . ulit. Sinusubukan kitang pilitin kasi alam ko ang feeling na maging outcast. Nagbabakasakali ako na kahit isa man lang sa klase, magkaroon ng pake sa 'yo at sa feelings mo. Inaaya kita kasi alam ko ang feeling ng hindi inaaya ng iba."

Napailing na lang ako at itinaas ang magkabilang kamay ko para sumuko. "Aalis na 'ko. Wala na 'kong gagawin dito. Sino ba 'ko para pakinggan mo?"

Umalis na 'ko sa may fountain at bumalik na sa room.

Bakit ko ba siya pinipilit na sumali sa party na 'yon? Para sa sarili ko o para sa kanya? Ang eng-eng ko rin e, 'no? Gusto ko ngang sumali sa sayaw. Ano naman sa kanya ngayon?

Siya si Angelo! Huwag ka nang umasa, Stella!

Ano ngayon kung nakita mo siya ulit pagkatapos ng lahat ng 'to? Ano ngayon kung nilibre ka niya ng spaghetti? Six years pa ang lilipas bago 'yon mangyari. Iba ang Angelo na nakita mo sa fast food resto, iba ang Angelo na nandito ngayon. Magkaiba sila at huwag mong hanapin ang taong 'yon dito.


* * *


"Aray—!"

Isa.

"Agh—"

Dalawa!

"Tsk!"

Buwisit!

"Pst!"

Halos kalahating oras na akong dayukyok sa arm chair ko at napaangat na ako ng ulo dahil sobra na talaga!

Tuloy-tuloy pa rin ang practice ng mga classmate kong nag-e-enjoy sa sayaw nila, habang ako? Ako! Wala akong magawa dahil kay Angelo!

Ang speaking of the devil na may pangalang Angelo, nakaupo lang siya sa arm chair na malapit sa 'kin at may hawak na notebook. Tiningnan ko ang sahig sa ibaba ko. Puro notebook na kanina pa ako tinatamaan sa ulo at balikat. Tiningnan ko nang masama si Gelo dahil siya lang naman ang pangahas na walang ibang ginawa kundi batuhin ako.

Napansin kong lumapit si Arlene sa kanya.

"Gelo, ako muna ang partner mo, tara!" masayang aya ni Arlene. Kinuha niya ang kamay ni Gelo para mahatak.

"Bitiwan mo nga 'ko!" sigaw ni Gelo sabay tabig sa kamay ni Arlene. "Kadiri ka, 'wag mo 'kong hawakan!"

Nagulat si Arlene sa ginawa niya kaya nag-react agad si pabida.

"Ano ba'ng problema mo, ha?" reklamo ni Arlene habang nakapamaywang.

"Ikaw! Ang papansin mo kasi!" sigaw ni Gelo.

Awts. Papansin daw ha-ha. Agree.

"Layuan mo nga 'ko! Isa pang hawak mo sa 'kin, sasapakin talaga kita!" banta ni Gelo at inambahan ng kamao si Arlene.

Ugali talaga 'yan ni Gelo. Walang pinatatawad. Kaya nga takot ang lahat sa kanya. Ang sama kasi ng ugali, sagad.

"Tinutulungan ka na nga e!" masungit na sinabi ni Arlene.

"Hindi ko kailangan ng tulong mo! Ikaw ba yung partner ko, ha? Bida-bida ka a."

"May problema ba rito?" Lumapit si Chim sa kanilang dalawa.

A, wala na. Tapos na 'to. Narito na si Chim.

Kilala ko naman na kahit paano si Angelo. Si Chim talaga ang kahinaan niya. Mabilis siyang tumiklop kapag naroon si gaga.

"Eto kasing si Gelo e! Ayaw magpatulong!" sumbong ni Arlene. Talo pa ang bata. "Di naman kasi nakikipag-cooperate si Stella! Natutulog lang d'on! Hinahayaan lang si Gelo!"

Aba! At ako pa ang hindi nakikipag-cooperate? Ako pa talaga, of all people?

"Gano'n ba," mahinahong sagot ni Chim. Nilingon niya 'ko tapos ibinalik ang tingin kay Gelo. "Alam mo na ba yung steps?" mahinhin niyang tanong. Tinitigan lang siya ni Gelo. "Isang beses ko palang kayong nakitang nag-practice. Patapos na kami." Nakatitig pa rin si Gelo sa kanya.

Ano pa ba'ng magagawa ni Angelo? Gusto niya si Chim e. Hindi niya puwedeng tratuhin si Chim kung paano niya trinato si Arlene. Hindi niya kayang ambahan ng sapak ang babaeng gusto niya. Hindi niya kayang sabihang bida-bida si Chim kahit totoo naman. Hindi niya kayang gawin kay Chim ang ginawa niya kay Arlene—o kahit tangkain mang gawin ang ginagawa niya sa aming lahat, lalo na sa akin.

"Gusto mo bang ako muna ang partner mo?" mahinahong tanong ni Chim.

Oo na 'yan, siyempre. Gusto niya si Chim tapos tatanggihan niya? Imposible.

Haaay. Kapag talagang umeeksena si Chim, naiirita ako.

Nagseselos ako.

Nagseselos ako dahil alam kong tatanggapin niya ang alok ni Chim.

Nagseselos ako hindi dahil gusto ko si Gelo kundi dahil pati siya, aangkinin na rin ni Chim.

Kahit na ganyan si Angelo, naniniwala pa rin akong mabait siya. At napatunayan ko naman na 'yon after six years. Kaya kapag nakuha na rin siya ni Chim, wala na talaga akong pag-asa. Forever loser na talaga.

Naman! Napaka-inggitera ko talaga. Suko na 'ko.

Bahala na siya sa buhay niya.

Bahala na sila sa buhay nila.

Naka-survive naman ako nang anim na taon nang walang kahit sino. May bago ba kung may mawawala ngayon?

"Alam ko yung steps. Alam din ng partner ko yung ginagawa niya. Kung may kailangan ako ngayon . . ."

Sabi na nga.

" . . . si Stella 'yon, hindi ikaw."

Sabi nang si Stel—ha? Ano raw sabi?

Napalingon sina Arlene at Chim sa 'kin. Hindi makapaniwala ang mga facial expression nilang dalawa.

Ako rin naman e. Diyos ko!

Natulala na nga lang din ako sa kanila. Parang kanya-kanya kaming hanapan ng sagot sa tanong na "Tama ba ang narinig ko?"

"Ano? Paimportante ka pa?" sigaw ni Gelo sabay bato ng notebook sa 'kin. Nasalo ko naman na this time. "Isang-isa na lang, yung bookshelf na ibabato ko sa 'yo."

Tumayo na 'ko at lumapit kay Gelo. Ang sama naman ng tingin sa 'kin nina Arlene at Chim.

"Aw!" Napahawak agad ako sa ulo nang batukan na naman ako ni Angelo. "Ano ba?"

Dapat kasi talaga, hindi na 'ko lumapit e!

"Kanina pa kita tinatawag, hindi ka man lang kumikilos. Sapakin ko kaya 'yang mukha mo?"

"Sa paanong paraan mo 'ko tinawag, aber? Ang bully mo, 'no? Kailan ka kaya magbabago? Nakaka-curious e."

Natuwa nga ako sa sinabi niya kay Chim, kaso na-bad trip na naman ako dahil sa pambabatok niya. Lakas mangupal.

Nag-start na uli kami ng practice.

Nakipag-cooperate na nang mas maayos si Gelo. At kahit twice pa lang kaming nagpa-practice, kabisado na niya ang steps. Buti na lang at fast learner siya at ang basic naman kasi talaga ng step na ginawa ni Chim.


* * *


Tapos na ang first day ng practice. Nagpapahinga na lang kami kasi malapit na ang uwian. Okay na ang steps, ang pagsasabay-sabay na lang ang problema. At kahit na gusto kong araw-arawin 'to, hindi puwede dahil limitado lang ang lahat para sa 'kin.

Nasa corridor si Gelo at nakatambay. Nakasalampak siya sa harapan ng railings at nakatingin sa quadrangle. Lumabas ako at umupo sa tabi niya.

"Gelo."

"Ano na naman?"

"Ano . . . may gusto lang akong sabihin."

"Ipagpipilitan mo pa rin ba—"

"Hindi 'yon. Ano lang . . . baka mawirduhan ka sa 'kin bukas hanggang sa Thursday kasi . . . alam mo 'yon? Bumalik yung dating Stella na . . . maraming makeup and clips. And . . . pasensiya na kung mangyayari 'yon."

"Bumalik yung dating Stella? Bakit? May bago ba?"

"Ha?"

"'Yon lang ba yung sasabihin mo?"

"A—ano . . . Uh. Gusto mo ng dahilan kung bakit ka dapat pumunta sa Christmas party, di ba?"

"O, ano?"

"Alam kong hindi tayo gano'n ka-close. At alam naman nating pareho na kung pumunta ka man o hindi sa Friday, wala namang magbabago." Sinapo ko ang dibdib ko at simple siyang nginitian. "Alam kong walang magandang dahilan para pumunta ka sa Friday, pero gusto kong magkaroon ng happy memories bago ako umalis sa panahong 'to. At gusto kong kasama ka sa maaalala ko."

Tinitigan ko lang siya at mukhang nakikinig naman siya sa lahat ng sinasabi ko. "Wala na 'kong kahit sino ngayon, at alam kong gano'n din ang pakiramdam mo mula pa noon. Gusto ko lang isipin mong kahit bully ka, tanggap pa rin kita. Aayawan ka ng lahat, pero hindi ako. Tandaan mo sana 'yan. Kaya pasensiya na kung pinipilit kita. Alam ko, nakakainis ako, pero sana . . ."

"Meow."


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top