Chapter 17: Que Sera, Sera

"Psst!"

Napatingin ako sa likuran. Walang tao. Nagpaiwan pa naman ako rito sa room mag-isa para lang hintaying maisauli ang uniform ko.

"Psst!"

"Anak ng—!" Ano ba 'tong PJ na 'to? Parang daga! Hindi na lang pumasok sa room, dami pang ganap! "Tara dito!"

"E-Eto." Inabot niya sa 'kin ang isang paper bag na may lamang uniform. Kinuha ko naman agad sa kanya at inilagay sa tabi ko. "Salamat nga pala sa pagdala ng damit ko."

Kinuha ko na ang mga gamit ko at inilagay ang uniform ni Gelo sa paper bag. Hindi na 'ko nagbihis total uuwi na rin naman. Ang mahalaga, nakabalik sa 'kin ang gamit ko.

"Uuwi ka na?" tanong ni PJ.

"Titingnan ko. At ikaw!" Itinulak ko ang noo niya. "Umuwi ka na rin! Baka hinahanap ka na sa inyo."

Umismid agad siya. "Opo, 'Nay." Lumabas na rin kami ng room. Pero embes na dumiretso ako sa gate, pumunta pa 'ko sa may fountain para isauli kay Gelo ang ipinahiram niyang uniform.

Naabutan ko naman siya sa bench sa teritoryo niya habang nagsa-soundtrip.

"Gelo, ito na yung uniform mo." Lumapit ako sa kanya at isinauli ang damit. "Salamat, ha?"

Kinuha naman niya agad kaya naglakad na 'ko palabas.

Hindi ko na masabi ngayon kung worst day ever ko pa rin ba. Marami akong nabago ngayong araw na mukhang hindi ko na balak pang pagsisihan sa future—kung sakaling nababago ko nga talaga. Malay ko, baka panaginip lang ito at ilusyon lang talaga ang lahat. Parang continuation, gano'n? May duda pa rin talaga kasi ako.

Naglalakad ako sa quadrangle nang mapansin kong may mga estudyanteng tinuturo ako tapos biglang tatawa.

Ang sarap lang tadyakan sa mukha isa-isa pero alam ko naman kung bakit nila ginagawa 'yon. Ako lang naman kasi ang estudyanteng nabuhusan ng tubig sa stage kung saan kita ng lahat.

Ang nawiwirduhan lang ako ay 'yong tatawa sila tapos bigla silang hihinto at kakaripas ng takbo. Iniisip ko kung ano'ng mga problema nila nang mapansin ko ang isang estudyante. Tiningnan niya 'ko nang walang panghuhusga sabay lipat ng tingin sa bandang itaas ng ulo ko.

Napahinto tuloy ako at napatingin agad sa likuran.

Naningkit ang mga mata ko nang makita ko si Angelo na nakataas ang kilay sa 'kin.

Huh! Nakasunod pala 'tong taong 'to sa 'kin, kaya pala. Hindi ko na lang siya pinansin at nagpatuloy ako sa paglalakad.

Ganoon pa rin ang mga estudyante. Tatawa kapag nakita ako tapos titigil at tatakbo.

Mukhang may idea na 'ko kung bakit ganon ang mga reaction nila. Tiniyempuhan ko nga.

Pagdaan ng isang estudyanteng mukhang hihirit ng tawa, bigla akong tumalikod kaya nakita ko si Angelo na pasimpleng nagbabanta. Ibinaba niya agad ang mga kamao at napaatras pagkakita ko sa kanya

Unti-unting lumapad ang ngiti ko at humirit ng malutong na tawa.

"Hahaha! Ano'ng ginagawa mo?" natatawang tanong ko habang nakakuyom ang kamao ko at ipinantatakip sa bibig.

"Sapak gusto mo?" banta niya sabay yuko at tingin sa paligid. Nahiya yata.

Itinuro ko ang pisngi ko habang nakangiti nang malapad. "Kaya mo? Paisa nga?"

Itinulak niya nang malakas ang noo ko kaya napaatras ako nang isang hakbang at napahawak sa noo.

"Sapak ba 'yon?" sabi ko na lang kasi kayang-kaya naman niya 'kong sapakin pero hindi niya ginawa.

Dumiretso siya sa paglalakad kaya hinabol ko siya agad. Pumuwesto ako sa harapan niya at paatras na naglakad.

Nakatingin siya nang diretso sa daan, habang ako, nakatingin lang sa kanya.

"Hobby mo ba'ng ipahiya ang sarili, ha? 'Pag ikaw, napatid, ewan ko na lang sa 'yo," sarkastikong sabi niya.

"Thank you, Angelo!" pasalamat ko sabay karipas ng takbo palabas ng gate ng school.

Siguro nga, worst day ever ko ngayong araw. At nice na nagkaroon ako ng chance na baguhin ang kahit ano sa araw na 'to. Pero alam kong meron at meron akong hindi nabago gaya ng nangyari kanina sa stage.

Habang nilalakad ko ang main road pauwi, iniisip ko na kung ano ang maaabutan ko sa bahay. Siguro naman, wala nang magiging dahilan sina Mama at Papa para may pag-awayan. Hindi ako umuwi nang alanganing oras para lang magsumbong kaya walang dahilan para papuntahin sila sa school.

Ang ganda ng langit. Ang linis, ang aliwalas, ang sarap ng hangin kasi wala halos dumadaang sasakyan. Ang tagal na rin noong huli kong na-appreciate ang paligid dahil kadalasan, ang boring at ang lungkot ng lahat.

O siguro, baka sa pananaw ko lang talaga. Kasi ang tingin ko sa lahat, hindi maganda.

Nahagip ng tingin ko ang isang dilaw na paruparo. Sinundan ko 'yon ng tingin. Tumalikod pa 'ko para makita 'yong lumayo.

Sana nasa bahay sina Mama.

"Aha!"

"Ay, kabayo!"

Bigla na lang may umakbay sa 'kin matapos akong gulatin.

"Nagulat ba kita, Stella, my love so sweet?" tanong pa niya. Lumipat siya sa harapan ko at hinawakan ang mga kamay ko habang naglalakad paatras.

"Kailan pa naging Stella, my love so sweet ang pangalan ko?"

"Kanina lang. Mga 4:13 a.m.," biro pa niya.

"Sira." Napangiti na lang ako sa kanya.

Ginulo niya ang buhok ko at binitiwan na 'ko.

"Masaya ka pa rin kahit na . . . yung nangyari kanina."

"Sabi ko sa 'yo, Carlo, magiging okay lang ako. Mas okay sa olrayt! Apir!" Itinaas ko ang dalawa kong kamay para makipag-apir sa kanya. Nakipag-apir naman siya.

"Alam mo, kung wala lang akong position sa council, gaganti ako para sa 'yo." Nakangiti siya pero kita ko sa mukha niyang galit siya. Nakatingin siya sa kanang habang kagat ang labi niya.

Nakikita ko ang attempt ni Carlo na kaibiganin ako. At ngayong wala nang Chim sa paligid, malaya na 'kong maging kaibigan siya, o kahit sino sa kanilang lahat siguro. Basta ba tanggap nila 'ko kung ano ako—ang totoong ako.

"Carlo." Tumingin na siya sa 'kin. "Ang bait mo. Ang suwerte ng mapapangasawa mo sa 'yo."

Nagulat yata siya sa sinabi ko. "Asawa agad?"

"Ayan na yung bahay n'yo. Salamat ulit sa pagsabay sa 'kin pauwi."

Ngumiti na lang siya sa 'kin at nag-alok ng bro fist. Nakipag-bro fist na lang din ako.

"Ingat ka, Stella, ha?"

Ang thoughtful talaga ni Carlo. Ang suwerte talaga ng napangasawa niya.


***


Noong una, akala ko, tapos na ang worst day ever ko. Let's say, naging bad day na lang at nag-expect ako na tapos na ang lahat doon sa mga dahilan kung bakit naging worst ang worst day ko. Kaso mali ako ng akala.

Naghahapunan ako kasama sina Mama at Papa na kanina pa nag-aaway.

Puro sila sigawan sa harapan ng mesa. Hindi ako o kaya ang pambu-bully sa 'kin ang dahilan ng away nila ngayon. Nag-aaway sila dahil sa perang ipinadadala ni Papa sa mga kamag-anak namin sa probinsiya. Kanina ko pa sila pinipigilan pero hindi sila nakikinig.

Bumalik nga ako at nagkaroon ako ng chance para baguhin ang lahat pero bakit ganoon pa rin?

Magkaiba ng reason pero similar pa rin ng nangyayari.

Akala ko, okay na. Akala ko, magiging ayos na kasi wala akong dinalang problema na pag-aawayan nila. Kaso, tingin ko, wala pala talaga sa 'kin ang problema.

Nasa kanila.

Kung nakatadhana siguro talaga silang mag-away ngayong araw, mukhang mag-aaway talaga sila sa kahit na anong dahilan.

May problema talaga sila. Problemang sinisimulan sa maliit hanggang sa lumaki para lang makaabot doon sa totoo talagang issue.

Kanina ko pa sila pinaliliwanagan pero hindi sila nakikinig. Napagod na lang din akong magpaliwanag.

"Ang sabihin mo, ginagastos mo lang ang pera sa mga walang kuwentang bagay!"

"Ako ang naghahanapbuhay rito kaya desisyon ko kung saan ko gagastusin ang pera ko!"

"Sa nanay mo ba talaga ipinadadala yung pera o baka may iba ka nang pamilya?"

"Naririndi na 'ko diyan sa mga katwiran mong ganyan!"

Ugh! Napapagod na 'ko!

"Ayoko na!"

"Meow."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top