Chapter 15: Bullied

Maingay ang lahat pagbalik ko sa room. Hindi ko napilit si Angelo na hindi ituloy ang plano niya. Ewan ko na. Hindi ko na alam ang susunod kong gagawin.

"Hey, Stella!" pagtawag sa 'kin ni Chim mula sa puwesto niya sa likuran. "Gusto mong makabalik sa grupo, di ba?"

Ang sama ng tingin ko sa kanya. Naiinis ako sa ngiti niya. Pa-cute, ang sarap sampalin.

Tiningnan ko ang lahat. Biglang tumahimik.

"O, tapos?" mahinahon kong tanong.

Lalong lumaki ang ngiti niya pati nina Arlene.

"Naiwan ko yata yung panyo ko sa stage." Iniladlad niya ang hawak niyang pamaypay. Malamig naman sa room, bakit may dala pa siyang pamaypay? "Pakikuha naman mamaya."

Pagkatapos akong daot-dautin ni Angelo, akala ba niya papatulan ko 'yang kalokohan niya?

Huminga ako nang malalim at pumikit.

Si Edison, hindi na malalaman ang pagkakamali niya dahil iniligtas ko siya sa dapat na magiging kasalanan niya dahil sa pambu-bully niya. Tama na siguro ang isa ngayong araw. Kung kinakailangang matuto si Angelo sa kasalanan niya—o magiging kasalanan niya—siguro nga, tatanggapin ko ang kapalaran ko makaganti lang sa kanya.

Tumango na lang ako. "Okay, kukunin ko," pagsuko ko sa pangyayaring puwede ko namang takasan.

Tiningnan ko si Chim para makita ang mukha niya—ang mukha niyang nagdeklara na ng pagkapanalo.

"Good! So, mamaya bago matapos ang recess. Sa stage, ha? Hihintayin ka naming lahat."

Napuno ng tawanan ng grupo niya ang buong room. Gusto ko silang sapakin isa-isa pero mukhang ako ang mas may kailangan ng sapak ngayon.

Tiningnan ko na naman silang lahat. Hindi makapaniwala ang grupo ni Allen at grupo ni Garet. Umiling na lang sina Carisa. Nakatingin sa 'kin sina Mikael na kulang na lang, sabihin nilang, "Ang tanga mo, Stella!"

Siguro, hindi ko ito mapapansin noon dahil baka ang isipin ko pa ay magandang balita ang pag-welcome ulit sa 'kin nina Chim sa grupo. Pero ngayon? Ngayon ko lang napagtantong alam pala nilang lahat ang plano ni Chim.

Alam nilang lahat . . . at hinayaan lang nilang mangyari ang nangyari noon.

So, all this time, wala pala talaga akong kakampi sa kahit sino sa kanila.

Ayoko ng tingin nila. Nanliliit ako. May something sa loob kong pinapatay ng mga mapanghusgang tingin nila. Gusto kong sumigaw at magwala. Gusto kong ipaliwanang ang sarili ko sa kanila pero hindi ko kaya. At walang point dahil hindi nila 'yon kailangan.

Hindi nila mage-gets na hindi na ako ang Stella'ng nakilala nila. Na hindi na ako ang mahinang Stella noon. Na kaya ko nang lumaban. Na kaya ko nang mag-isa. Na kaya ko na ang sarili ko kahit wala ang kahit sino.

Pero masyado pa silang immature para ipamukha ko 'yon sa kanila.

Kung si Edison nga, hindi alam ang consequences na puwede niyang kaharapin sa irresponsible actions niya, silang lahat pa kaya?

"Chim," matapang na pagtawag ko. Napahinto sila sa pagtawa ng grupo niya pero naroon pa rin ang mga nakakainis nilang ngiti. "Gagawin ko yung ipinagagawa mo, pero please, kahit ano'ng mangyari, 'wag na 'wag mo na 'kong tatanggapin pa sa grupo mo."

Napataas na lang siya ng kilay habang mataray na tinatantiya ako ng tingin.

"Hindi ko gagawin ang pinagagawa mo dahil gusto kong makabalik sa grupo mo or whatsoever. May gusto lang akong patunayan sa 'yo, kay Angelo, at sa lahat ng nandito."

Umupo na 'ko sa upuan ko at yumuko.

"Whatever! Loser! Hahaha!"

Muli, napuno na naman ang room ng tawanan nila ng grupo niya. Ang grupong hindi ko kayang paniwalaan na sinamahan ko noon.

At ang tanga ko naman ngayon para patulan ang kalokohan nila. Ano nga ba talaga ang dapat kong patunayan? Na tanga talaga ako? Na tama si Angelo? Na parehas lang kami? Iyon ba ang leksyon na gusto kong ipakita?

Nakaka-bad trip. Ang lamig ng kamay ko. Ang bilis din ng tibok ng puso ko. Pakiramdam ko, bibitayin ako mamaya.

Noong ginawa nila sa 'kin ito noon, tuwang-tuwa pa 'ko kasi ang tunay na dahilan kung bakit ako pumayag sa pagkuha ng panyo ni Chim ay pasasamahin niya 'ko sa party na gaganapin mamaya sa bahay nila. E ibang usapan na pala ngayon kasi totoo palang nagmaldita ako sa kanya noong first day of school. Nakakanerbiyos tuloy kasi aware na 'ko sa mga mangyayari.

Parang alarm ko sa umaga yung school bell. Putek. Recess na. Thirty minutes. Sana matapos na ang thirty minutes na 'yan para magawa ko na. Ayokong patagalin pa. Pinapatay lang ako ng pressure.

Kahit nakayuko ako, ramdam kong naglalabasan na sila para mag-break. Gusto kong umiyak muna para strong ako mamaya paglabas.

Nagpalipas pa ako nang ilang minuto sa pagyuko. Gusto kong i-clear ang isipan ko. Gusto kong alisin ang lahat ng negative vibes. Kailangan kong hindi ma-pressure.

"Stella."

Inangat ko ang ulo ko para makita ang tumawag. Si Carlo pala.

"Kumain ka muna." Tiningnan ko lang ang inaabot niyang burger sa 'kin "Kunin mo na. Masarap 'to, promise. Lasang McDolibee."

Tiningnan ko siya, nakangiti lang. Napangiti na lang din ako kahit pilit pa.

Ang bait talaga ni Carlo sa 'kin kahit na wala akong ibang ginawa sa kanya noon kundi itaboy siya. Ayaw kasi ni Chim na mapalapit ako sa kahit sino sa kanila.

Kinuha ko na sa kanya ang burger. Kinuha naman niya ang monobloc chair sa may teacher's table at umupo sa harapan ko.

"'Wag mong ituloy," sabi niya. Ang tono niya, hindi nakikiusap kundi nag-uutos.

"Kailangan, Carlo," katwiran ko na lang habang tinititigan ang bigay niyang burger.

"Bakit mo ba ipinagsisiksikan ang sarili mo sa kanila?" Nagbago ang tono niya. Galit na yata. Kung ako rin naman, magagalit sa sarili ko kasi ang tanga ko para sumunod.

Umiling na lang ako at pilit na ngumiti.

"Hindi ko sila kailangan. Hindi ko gagawin ang inuutos niya dahil gusto ko silang makasama. Alam kong katangahan ang gagawin ko, pero may nagsasabi sa loob ko na dapat kong ituloy kasi 'yon ang dapat mangyari." Sinuntok ko nang mahina ang balikat ni Carlo. "Alam kong worried ka sa 'kin, Carlo. Salamat kasi kahit na ganito ako, pinapansin mo pa rin ako." Tiningnan ko ang kamay kong nanginginig saka bumulong sa sarili. "Saka . . . gusto kong patunayan sa taong 'yon na magkaiba kami."

"Stella naman. Mapapahiya ka lang sa lahat. Kung kami lang ang makakakita, baka maintindihan pa namin, kaso . . ."

"Carlo, okay lang ako. Alam ko na ang mangyayari at handa na 'ko r'on. Salamat sa concern." Itinaas ko ang bigay niya. "At sa burger." Pilit akong ngumiti sa kanya pero hindi niya 'ko nginitian kaya lalo lang akong na-upset.

Kinain ko na lang ang burger na parang iyon na ang last supper—o baka last lunch ko.

"Kaya ko 'to. Kaya ko 'to. Galing na 'ko rito."

"Stella! Tawag ka ni Chim! Bumaba ka na r'on!"

Biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Tiningnan ko si Carlo na may takot sa mga mata ko.

Tumayo na 'ko. Sinubukan pa 'kong pigilan ni Carlo pero tumuloy pa rin ako.

Kailangan kong tumuloy.


***


Worst day ever. Nagsimula na kanina pa ang pagiging worst ng day ko, at narito na 'ko sa pangalawang dahilan ng pagiging worst nito.

Nasa ibaba na 'ko ng hagdanan ng stage. Nakikita ko ang timba sa itaas. Sina Chim ang nasa kabilang dulo. Ang mga classmate ko, nakatambay sa quadrangle at nakatingin sa 'kin.

Okay na ring may babalikan pa kaming room dahil iniligtas ko si Cara. Kung hindi ko 'yon ginawa, baka isang buwan silang—o kaming—tatambay sa quadrangle at sa waiting shed. Bagay na hindi na nila ma-e-experience dahil sa kagagawan ko.

Halo-halo ang mga expression nila sa paningin ko.

May nag-aalala. May mukhang galit at naiinis. May naaawa. May wala pa man, ang lakas na ng tawa.

At dahil hindi pa tapos ang recess, marami pa ring estudyante ang nakakalat sa quadrangle.

"Kunin mo na," utos ni Chim habang nagpapaypay. Ayoko ng ngiti niya at ng grupo niya. Nakaka-bad trip.

Huminga ako nang malalim at pumunta sa gitna ng stage. Nakita ko sa puwesto ko ang gate ng fountain. Nakatayo roon si Angelo. Iniwas niya ang tingin nang magkasalubong ang mga mata namin.

Nasa paanan ko na ang isinumpang panyo ni Chim. Gusto kong buhusan ng kerosine itong panyo at sunugin sa harapan niya.

"Pulutin mo na!" sigaw nina Arlene.

Naririnig ko ang mga pigil na tawa nila. Naririndi ako.

Bakit ko ba kasi 'to kailangang gawin? At sa ikalawang pagkakataon pa!

Hindi pa ba ako natuto noon? Kulang pa bang napahiya ako noon? Hindi pa ba ako nakontento sa kahihiyang natanggap ko?

Pinulot ko na ang panyo. Napapikit na lang ako nang pagtayo ko, naramdaman ko ang bumagsak sa 'kin mula sa itaas na kung anong malamig.

Bakit kailangang mangyari ulit ito? Ito ba talaga ang kapalaran ko? Ang paulit-ulit na mapahiya? Kay Chim? Sa barkada ko noon? Sa mga classmate kong bully? Sa lahat?

Malakas at sabay-sabay na tawanan ang narinig ko. Nakakabingi. Naririnig ko na naman ang malulutong na tawanang nakakadurog ng pagkatao. Sana lamunin na 'ko ng lupa sa kinatatayuan ko.

Naramdaman ko na lang na may yumakap sa 'kin.

Dumilat ako nang kaunti para tingnan kung sino 'yon.

"Philip?"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top