Chapter 14: The Conclusion

Biglang tumahimik nang pumasok ako sa room. Lahat sila, nakatingin sa 'kin. Sa bagay, matapos nila akong pagtulungan kanina at i-bully, ano pa ba'ng aasahan ko?

"Hoy, mga classmate!"

Biglang sumulpot sa pintuan si Carlo at inakbayan ako. Lumakad kami papunta sa may gitna sa harap. Nagtataka akong tumingala sa kanya.

"May meeting ngayon sa baba! Pinatawag si Ma'am Amy sa principal's office kaya—" Napahinto siya nang tumingin sa 'kin. "Wa . . . lang tea . . . cher," dahan-dahan niyang sinabi at mukhang nagulat siya sa nakikita niya sa mukha ko.

"Walang teacher?" sarcastic nang tanong ko. Dahan-dahan naman siyang tumango sa 'kin. "Paanong hindi ipatatawag si Ma'am e ang iingay ninyo, para kayong nakawala sa kural." Tinanggal ko ang braso niya sa balikat ko at bumalik na 'ko sa upuan ko.

Worst day ever ko ngayon, gaya ng hiniling ko roon sa pocket watch. Ibig bang sabihin, tunay nga ang mga nangyari noong bumalik ako sa first day ng school? Sina Mama? Ang mga 'yon? Totoo 'yon?

Nilingon ko silang lahat. Mga nag-uusap-usap pa rin at nagtatawanan.

Kung ito nga ang worst day ever ko, siguro kaya ko pang pigilan kung anuman ang puwede pang maganap.

Ano ba'ng nangyari noon?

Pagpasok ko, pinatid ako ni Angelo kaya muntik na 'kong malaglag sa hagdanan at napunit pa ang palda ko kasi sumabit sa metal railings na harang.

Pagkatapos, nasa likod ako nakaupo at hinampas ako nina Chim ng notebook dahil wala akong assignment—ewan, gusto lang talaga nila akong saktan. Lumabas sila at iniwan ako sa room habang ang iba naman ang nagbabato sa 'kin ng notebooks sa harap—binabato ako ng notebook sa harapan!

So, iyon na 'yon? Iyon ang nangyayari kanina pagbalik ko rito—dito sa panahong 'to.

Pagkatapos, nabato si Cara ng bola sa ulo at nauntog siya sa kanto ng teacher's table. Sinugod siya sa clinic noong nagkagulo dahil may lumabas na dugo sa ulo niya. Na-cancel tuloy ang klase. Pinagalitan kaming lahat at pinag-stay sa quadrangle. Hindi na rin kami pinapasok pa sa loob ng room sa loob ng isang buong buwan.

Noong bago matapos ang recess, pinapunta ako nina Chim sa stage para kunin ang panyo niya at saka ako tinapunan ng putik. Ang alam ko, si Angelo ang may pakana tapos si Chim ang may gawa ng pagbuhos.

Umuwi akong pinagtatawanan noon ng lahat ng estudyante ng school at napilitang pumunta nina Mama para kausapin ang guidance counselor. Ang kaso, walang nakapunta dahil may problema.

Pag-uwi ko kasi, nag-away sina Mama at Papa dahil sa 'kin. Bakit daw kasi ako ipinasok ni Mama sa school na 'yon samantalang nabu-bully lang daw ako. Tapos lumaki nang lumaki ang away nila at umalis si Papa. Bumalik siya ulit sa bahay after a week at kinuha ang mga gamit niya.

Nahagip ng paningin ko si Edison habang pinaglalaruan ang hawak niyang bola. Nawala tuloy ako sa malalim na pag-iisip.

"Si Cara," malakas na bulong ko. Ito na ang eksenang babatuhin siya ni Edison ng bola ng basketball tapos mao-ospital siya dahil doon! Hindi na naka-graduate si Edison dahil kailangan siyang i-expel. Nagreklamo kasi ang magulang ni Cara at nasisi pa si Ma'am Amy at ang school dahil sa pagpapabaya.

Nasa labas pa lang si Cara nang maalerto na 'ko.

"Cara!" Mabilis akong tumayo at humarang sa daanan niya.

"Ste-Stella!"

"Agh—Aw!"

Narinig ko ang iba't ibang reaksyon nila sa loob.

"Hahaha! Tanga! Ba't mo sinalo!"

Ang lakas ng tawanan nila, naiinis na naman ako!

Wow! Napa-heroic mo naman, Stella! Oo, embes na si Cara, ikaw ang sumalo ng bola! Sige, pabida ka, di ba? Gusto mo ng monumento?

Alanganin ang pagkakatama sa 'kin ng bola. Sa kanang balikat pa 'ko tinamaan. Mabuti sana kung hindi malakas ang pagkakabato ni Edison. Lilipad nga talaga si Cara kung siya ang nakasalo nito, napakaliit pa namang babae at napakapayat.

Tumalikod na 'ko at tiningnan nang masama sina Edison at ang buong klase naming mga halang talaga ang kaluluwa.

"Masaya na kayo?" naiiritang sinabi ko sa lahat.

"Ste-Ste-Stella," nauutal na sinabi ni Cara. Utal naman kasi talaga siya kaya nga siya nabu-bully na katulad ko. Siguro, ganoon nga talaga sa bawat klase. Kapag hindi ka maganda, kapag hindi ka matapang, kapag wala kang lakas ng loob, kapag kakaiba ka, makararanas ka talaga ng discrimination at bullying.

"Diyan ka lang, Cara," utos ko. Kinuha ko ang bola sa sahig at saka ako lumapit kina Edison.

Bad trip lang dahil kasama niya ang mga tropa niya. Sila pa naman ang mga nag-iipon ng fans club dahil malalakas ang dating sa ibang estudyante. Kinakabahan ako, baka kuyugin ako paglabas ko rito sa school mamaya.

"Alam n'yo bang delikado yung ginawa n'yo?" seryoso kong tanong sa kanila.

"Hindi naman para sa 'yo 'yon e," sagot ni JC.

"Para kay Cara, alam ko. Pero naisip n'yo bang puwede siyang maospital dahil sa kalokohan n'yo?"

"Hindi naman siya yung tinamaan e kaya paano siya mao-ospital?" katwiran ni Edison.

Binato ko sa kanya ang hawak kong bola. Nasalo naman niya.

"Gago ka rin e, 'no? Kung siya ang tinamaan n'on at naospital siya, nagreklamo ang magulang niya, at pina-expel ka rito sa school, sa tingin mo, makaka-graduate ka kaya?"

"E hindi nga siya yung tinamaan!" pagpipilit ni Daniel.

"Ngayon, uulitin n'yo kasi hindi siya ang tinamaan?" Nagpamaywang ako at isa-isa silang tiningnan. "Mahina si Cara at may sakit siya sa puso." Itinuro ko si Cara sa likuran ko. "Sa balikat ako tinamaan. At hanggang balikat ko lang si Cara! Kung hindi ko sinangga yung bola, sa ulo siya matatamaan!"

Itinulak ko gamit ang daliri ko ang noo ni Edison habang tinitingnan siya nang masama.

"Sa tingin mo, kakayanin ng ulo ni Cara yung lakas ng impact ng bola?" sermon ko habang ipinagduduldulan sa kanya ang mga salita ko.

"E hindi naman—"

"Alam mo bang 'pag na-off balance siya at tumama yung ulo niya sa kanto ng table, puwede siyang magkaroon ng head injury? Alam mo rin bang fatal 'yon at puwede siyang mamatay? Kung hindi ko 'yon sinangga, nakapatay ka na sana!"

"Grabe ka naman! Patay agad!" hirit ni JC na lalo kong ikinainis.

"'Yan! Hindi n'yo kasi naiisip 'yan kaya okay lang sa inyong mam-bully! Hindi kayo natatauhan hangga't hindi kayo nabibigyan ng leksyon!" Ibinalik ko ang atensyon ko kay Edison. "Hindi lang si Cara ang concern ko rito. Damay na pati kayo ng barkada mo! Lalo ka na!" pagduro ko sa kanya. "Kung may masamang mangyari kay Cara at nagreklamo ang magulang niya, sa tingin mo, makakapasok ka pa kaya?"

"E hindi nga siya yung tinamaan!" katwiran pa rin ni Edison.

Lalo lang akong hina-highblood sa kanila! Ano bang klase 'yan? Para akong nangangaral ng grade one na walang utak nito! Hindi marunong umintindi 'tong loko-loko na 'to e!

"Kaya palaging napapatawag si Ma'am e. Dahil sa inyo," pagsuko ko sa kanila.

Kung ganitong mga estudyante ang tuturuan ko, makakatagal pa kaya ako sa future?

Dinuro ko na lang si Edison. "Magpasalamat ka, buhay pa si Cara ngayon. Ulitin mo pa ang ginawa mo, tingnan natin kung saan ka pupulutin."

Ayokong magtagal sa room. Naiinis lang ako habang tumatagal! Bakit ba kapag mga nasa ganitong edad, ang daming ginagawang kalokohan? Hindi iniisip kung ano'ng mangyayari sa bawat maisip na gawin?

Nakakabuwisit ang mga tao sa loob.

And speaking of buwisit. Kailangan kong hanapin si Angelo. Siya ang nagpalalâ ng worst day ever ko. Baka sakaling mapigilan ko pa, tutal narito na rin lang naman ako.

Nakaka-bad trip, parang na-dislocate pa yata ang buto ko sa balikat. Naroon pa rin ang sakit dahil sa bola. Kung si Cara ang tinamaan nito, parang yung bola alone, puwede na siyang tanggalan ng ulo. Pero kahit na ganoon, mabuti pa rin at ako ang tinamaan at hindi si Cara. Pero I doubt kung matututo ba si Edison ng leksyon niya dahil sa ginawa ko.

Sa may fountain lang naman tumatambay si Angelo kapag nagka-cutting class siya kaya doon ako dumiretso. Pumasok ako sa gate ng fountain na parang kanina ko lang napuntahan. Naabutan ko si Angelo'ng naghuhukay ng lupa sa likod ng swing.

Tingin ko, 'yan na ang plano niya—nina Chim.

"Kanina ka pa ba naghuhukay diyan?"

Napatayo agad siya at gulat na tumingin sa 'kin.

"Kung balak mong isaboy 'yan sa 'kin mamaya sa stage, pasensya na, mukhang hindi na 'yon mangyayari. Alam ko na ang plano mo."

Ang yabang ko pang umupo sa bench habang nakatingin kay Angelo.

"Ano na namang ginagawa mo rito, ha?" galit niyang sinabi.

"Angelo, bakit ka ba nambu-bully?" tanong ko, na sa totoo lang, matagal ko nang gustong itanong sa kanya.

"Umalis ka na rito!" utos niya. Lumakad siya palapit sa 'kin at mukhang balak na naman akong kaladkarin.

"Masaya ka ba sa ginagawa mo?"

"Umalis ka na!" Hinawakan niya ang braso ko at hinatak na naman ako para makatayo. Tinabig ko agad ang kamay niya. May mga lupa pa naman. "Hoy! Hindi porke, hinayaan kitang mag-stay rito noon e aaraw-arawin mo na!"

"E hindi naman ak— Nag-stay ako rito noon?" gulat ko pang tanong sa kanya.

Sandali nga, sandali nga.

"Angelo, iniligtas mo ba 'ko sa fountain na 'yan no'ng first day ng pasukan?" tanong ko habang tinuturo ang fountain.

"Kinalimutan ko na 'yon, kaya puwede ba—"

"Nangyari?" Tumaas lang ang kilay niya habang palipat-lipat ang tingin ko sa mukha niya at sa fountain na katabi namin. "Nangyari 'yon? Iniligtas mo nga 'ko? Muntik na 'kong mahulog sa fountain na 'yan, gano'n ba?"

Ang alam ko, panaginip lang . . .

"Adik ka ba?" tanong naman niya.

Kinuha ko ang kuwelyo niya at inilapit siya sa 'kin.

"Totoo? Iniligtas mo nga 'ko?"

"Bitiwan mo nga 'ko!" utos niya sabay tulak sa 'kin. "Ano ngayon kung iniligtas nga kita? Ano ba'ng problema mo, ha! Bakit mo ba—"

"Putek. Hindi siya panaginip. Hindi 'yon panaginip! Hindi panaginip ang lahat! Yes!" Napasuntok na lang ako sa hangin dahil totoo pala ang lahat ng 'to! Bumabalik nga ako sa mga panahong iniisip ko!

Paano nangyari? Yung pocket watch ba? Totoo ba ang pocket watch?

Sinuntok ko nang mahina ang dibdib ni Angelo para malaman kung totoo nga siya.

"Whoah. Tunay nga. Cool," bulong ko habang tinitingnan ang kamao ko.

Itinulak niya naman ang balikat ko kaya napaatras ako nang kaunti. "Naghahanap ka ba ng away, ha?"

"Aaw! 'Wag 'yang balikat ko!" Sumakit bigla ang balikat ko dahil sa pagtulak ni Gelo. Kasalanan 'to ng Edison na 'yon e!

Putek, ang sakit.

"Hoy! Lumayas ka na rito!" Kinuha na naman niya ang kuwelyo ko at hinatak ako papunta sa gate.

"Para saan yung hinuhukay mo?" tanong ko at tinabig ang kamay niya.

"Wala ka na r'on!"

"Alam ko kung ano'ng plano n'yo," seryoso kong sinabi sa kanya.

Nagkasalubong ang mga kilay niya dahil sa sinabi ko kaya napahinto siya sa pagkaladkad sa 'kin.

"Dadalhin mo 'yan sa may stage, lalagyan mo ng tali, at ilalagay mo sa itaas. Hindi 'yon mapapansin kasi may mga kurtina at plywood. Pag-akyat ko r'on, si Chim ang hihila ng tali at maliligo ako ng putik. 'Yon ang plano n'yo, di ba?"

Gulat lang siyang tumingin sa 'kin.

"Hindi ako makapaniwalang gagawin mo ang lahat ng 'yon para kay Chim, Angelo. Napaka . . ." Napailing na lang ako dahil sa kanya. ". . . childish."

"E parehas lang naman tayo, di ba?"

Biglang kumunot ang noo ko sa sinabi niya.

"Ako? Parehas . . . sa 'yo?" di-makapaniwalang tanong ko.

"Oo! Pinagmumukha mong tanga ang sarili mo para lang matuwa siya sa 'yo! Alam ng lahat 'yon! At alam ko 'yon! Ginagaya mo siya, lahat ng ginagawa niya. Kulang na nga lang, sambahin mo siya e! Pinipilit mong maging siya kahit na never mangyayari 'yon kasi napakalayo mo sa kanya! Walang may gusto sa 'yo! At kahit kailan, walang magkakagusto sa 'yo kasi napakapeke mo! Tapos ako ang sasabihan mong childish? Tingnan mo nga muna 'yang sarili mo bago mo 'ko sabihan nang ganyan! Nakakadiri ka."

Hindi ako nakaimik sa lahat ng lumabas sa bibig niya. Pinilit na naman niya 'kong itulak palabas at hindi na 'ko nakalaban pa.

"Pinipilit mong maging siya kahit na never mangyayari 'yon kasi napakalayo mo sa kanya!"

Kung may mas sasakit pa sa mga pambabato nila sa 'kin, ito na 'yon. Ganitong klaseng pambabato ang hindi ko kayang ilagan.

"Walang may gusto sa 'yo!"

Ang totoo, gusto ko siyang sampalin. Ang kaso, hindi ko kaya.

"At kahit kailan walang magkakagusto sa 'yo kasi napakapeke mo!"

Nakita ko na lang ang sarili kong nasa labas ng gate ng fountain pagkatapos akong ipagtulakan ni Angelo. Hindi ko alam pero napangiti na lang ako nang napakapait.

Ako? Peke?

Siguro nga.

Wala e. Para kay Chim, hindi ako nagpakatotoo sa sarili ko.

Tama nga naman si Angelo—napakapeke ko.

Pero sana, alam niya kung ano ang mas masakit na katotohanan maliban doon.

Si AJ ang pinili ni Chim. Si AJ. Walang Angelo. Wala siya sa option ng babaeng handa siyang magpakagago, mapansin lang.

Tsk! Ang tanga! Ang tanga ko. Ang tanga niya.

Ang tanga naming dalawa.


-----

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top