Chapter 12: The Present

"Meow."

"Uhm."

"Meow."

"Aray—Ming!"

Napatayo agad ako kasi tinapakan ni Miminggay ang mata kong nakapikit. Ang dami-daming paglalapatan ng paw-paw niya, sa mata ko pa talaga? Binuhat ko agad siya at inilagay sa gilid.

"Ming, ang aga mo namang mang-istorbo."

Tiningnan ko ang paligid. Madilim. Binuksan ko ang lampshade sa night stand sa kanang panig ng kama.

In-scan ko ang buong kuwarto. Wala nang stuff toys na itinabi ko pagkatapos kong maglinis. Wala na ring maraming unan. Ang lungkot ng kuwarto. Kasinlungkot ng madilaw na ilaw ng lampshade.

7:09 p.m. Feb 3 ang nakalagay sa kalendaryo at tama na ang taon na naroon.

Nagising na pala ako sa napakahabang panaginip na 'yon. Nakabalik na 'ko sa napakawalang kuwenta kong buhay.

Teka. 7:09? Napalalim ang tulog ko sa loob lang ng twenty minutes?

Ibang klase. Pakiramdam ko, isang buong araw akong nakatulog sa haba ng panaginip ko.

Tumayo na 'ko at nag-inat. Napansin ko ang pocket watch na nasa night stand. Kinuha ko 'yon at tiningnan.

"11?"

Tiningnan ko si Miminggay na nasa higaan ko at nagkakamot ng leeg.

Saglit. Sa twelve ko inilagay ang kamay nito a. Sira ba talaga 'to?

Wala ako sa mood mag-isip kaya inihagis ko na lang sa kama ang pocket watch at bumaba na lang ako papuntang kusina.

Wala na ang rice cooker. Binuksan ko ang ref na hindi naman nakasaksak at amoy-lumot na kaya isinara ko na lang ulit. Airpot lang pala ang tagasalba ng gutom at uhaw ko.

"At least, kahit sa paniginip, nakapagluto ako para sa kanila. Sayang lang at di ko nakitang tinikman nila yung luto ko."

Kumuha na lang ako ng baso at sumahod ng tubig sa gripo para uminom. Walang pasok bukas, puwede akong magpuyat ngayon.

Dumiretso na lang ako sa likod ng bahay at umupo sa upuang kawayan, sa tapat lang ng punong acacia.

"Best things in life are free."

Naalala ko ang sinabi ni Jasper sa panaginip ko. Ang magical lang panoorin ng napakaraming alitaptap na pumupuno sa acacia. Para silang buhay at simpleng Christmas lights. Mas nakakatuwa silang panoorin sa real life kaysa sa mga movie o kaya teleserye. Mas malamig talaga ang hangin ngayong February kaysa noong December.

"Kung inayos ko ang sarili ko noon, magiging ganito kaya ako ngayon?"

Isang oras ko ring pinanood ang mga alitaptap.

Tama naman sina Belle. Ano nga ba'ng masaya sa panonood ng mga insekto? Bakit kapag mag-isa ka, saka mo lang na-a-appreciate ang maliliit na bagay? Bakit kung kailan huli na ang lahat, saka mo lang mare-realize ang lahat ng sana at baka?

Pumasok na ako sa loob ng bahay at bumalik sa kuwarto ko. Naisipan kong buksan ang walang kuwenta kong Facebook account na lilima lang ang friends. Puro pa mga hindi ko kilala. Kaya hindi na rin ako madalas mag-online, maliban kung kailangang kumausap ng importanteng tao sa email at madadaan ako sa FB. Nag-log out din ako agad kasi wala naman akong mahihita roon.

May bagong download akong kanta na nakalimutan kong isalin sa music player. Binuksan ko ang nag-iisang folder ng files doon at sobrang nagulat ako sa bumungad sa 'kin.

"No way."

Pinalaki ko pa ang picture para makita ko kung tama nga ang nasa screen. Halos ilapit ko pa ang mukha ko sa monitor para lang makasiguro kung totoo ba ang nakikita ko.

"Bakit may—"

Biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Parehong pakiramdam, parehong saya na naramdaman ko noong nagbalik ako sa school. Halos manindig ang balahibo ko sa buong katawan. Kumakalat ang kilabot.

Ang panaginip na 'yon . . . panaginip ba talaga 'yon?

Alam ko, panaginip lang 'yon. Panaginip lang dapat 'yon at hanggang doon lang dapat!

Pero bakit?

Bakit nasa files ko ang picture ng fountain na kasamang nakuhanan ang nagsa-soundtrip na si Angelo? Bakit ganito? Paano napunta ang picture na 'to sa computer ko?

Tiningnan ko agad ang mga picture na wala dapat doon. Maliban sa mga kuha ni Mama na matagal naman nang naroon, napansin kong may mga nadagdag pa. Yung mga kinuha kong picture ng fountain at ni Angelo habang kumakain.

Saglit nga. Nasa reality ba talaga 'ko ng buhay ko o nasa panaginip pa rin?

Tiningnan ko ulit ang kuwarto ko, ang labas ng bahay, ang kalendaryo, ang orasan, at mga gamit ko. Ang bag ko at mga gamit ko, puro na gamit ko ngayong college.

Sinampal ko agad ang sarili ko.

"Aray!"

Masakit. Ibig sabihin, gising talaga ako at hindi nananaginip.

Tiningnan ko ulit ang picture.

Ang ganda kahit low quality at medyo blurred kapag nama-maximize. Yung ganda ng kaunting sun rays na pumapasok sa buong lugar dahil sa malilim na puno? Yung ganda ng araw nang oras na 'yon? Yung magical factor ng wishing fountain? At si Angelo? Okay, bagay sa lugar si Angelo. Very angelic ang mukha niya habang ine-enjoy ang pinakikinggan niya. Huwag na lang siyang kikilos at magsasalita, hindi ko na kukuwestiyunin.

Paano 'to nangyari? Napakaimposible. Paano nakalabas sa panaginip ko ang picture na 'to?

Saglit! Yung pocket watch!

Tumayo ako at kinuha ang pocket watch sa kama.

"May kinalaman ka ba rito?" tanong ko pa sa relo, as if masasagot ako. "Totoo ka ba? Bakit walang glitters na kumakalat sa hangin? O kaya walang malakas na hangin? O kaya portal? O kaya—kahit anong sign! Paano nangyari 'yon!"

Hinanap ko si Miminggay at nakita ko siyang naghihilamos sa dulo ng kama.

"Miminggay!" sigaw ko kaya agad ang talon niya sa kama dahil nagulat ko pa yata. "Ibalik mo 'ko sa worst day ever ko noong high school! Ngayon na!" Sinusian ko ulit ang pocket watch at ibinalik sa twelve.

Tiningnan ko ang paligid. Walang nangyari.

Walang nangyari!

"Letse! Ano ba! Gumagana ka bang talaga? 'Wag mo 'kong paasahin!"

Hinagis ko ang pocket watch sa kama dahil sa inis. Wala kasing nangyari! Walang nagbago! Nandito pa rin ako! Dito sa boring kong buhay!

"Kahit sagutin n'yo na lang ako kung paano napunta ang retratong 'yon sa computer ko!"

Baag!

"Put—ano ba!"



----

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top