Chapter 11: Regrets

"Pss! Pss! Pss!"

Tawag ako nang tawag pero walang lumapit na pusa sa 'kin. Sa bagay, panahong 'to, wala pa si Nanay Cat o kaya si Miminggay. Ayaw kasi ni Papa sa pusa.

Ang tahimik ng bahay. Sanay na 'ko pero iba ngayon kasi panaginip lang 'to, at inaasahan kong may tao akong aabutan. Dumiretso ako sa kusina para maghanap ng makakain.

Walang tubig na mainit sa airpot. Tiningnan ko ang cabinet. Walang noodles, puro cereals at baking ingredients. Tiningnan ko ang ref. May nakalagay na note sa pinto.

"Initin mo na lang ang pagkain mo. Nasa itaas ng mga prutas at naka-foil."

Binuksan ko agad ang ref at kinuha ang nasa Tupperware na nakatakip ng foil. Tiningnan ko ang laman. Sarsiadong tuna.

Kumuha agad ako ng plato at sumandok ng kanin sa rice cooker. Napangiti ako kasi may kanin. Kadalasan kasi, bumibili na lang ako sa karinderya ng tig-sampung nakabalot. Hindi ko na ininit pa. Sanay na 'ko sa malamig na pagkain at saka ayokong mag-aksaya ng oras para lang sa pag-init ng ulam.

Inubos ko na agad ang pagkain ko at hinugasan ang kinainan ko. Pagkatapos n'on, umakyat na 'ko sa kuwarto.

Pagbukas ko ng pinto . . .

"Anak ng—ang . . . kalat . . . mo . . . Stella! Nakakaasar ka!"

Puro kalat! Puro kalat! Puro kalat! Ugh!

Sinipa ko agad ang mga kalat at dumiretso sa cabinet. Nagpalit agad ako ng pambahay para makapaglinis na. Naiirita ako, napakarumi!

"Tsk! Saan ba 'ko magsisimula?" bulong ko habang tinitingnan ang buong kuwarto.

Binuksan ko muna ang mga bintana pati ang pinto. Dinampot ko ang mga stuff toy at inilagay muna sa isang sulok. Hindi ko pa 'to mailalagay sa kuwarto nina Mama kasi buhay pa siya at nandito pa si Papa. Wala akong mapagtatambakan. Ang dami ko pang unan sa panahong 'to. Panambak lang 'to sa higaan. Kinuha ko na rin ang lahat ng mga damit na mukhang saglit lang isinuot pero hinubad din at itinambak na lang sa sahig para ibaba sa laundry room. Kumuha rin ako ng garbage bag at bumalik sa kuwarto.

Puro mga balat ng candy, balot ng chichirya, mga papel na puro drawings, at mga bote ng soft drinks sa sahig. May trash can naman at walis sa sulok! Bakit hindi makapagwalis? Ay, naku naman! Buti pa ang basurahan, malinis at walang laman!

"Tinalo pa ang dumpsite ng kuwartong 'to!"

Pagkatapos kong malinis ang buong kuwarto, inayos ko na ang mga stuff toy sa cabinet at ang mga unan sa gilid. Marami pa ring laman ang kuwarto ko pero, at least, hindi na makalat. Ibinaba ko na rin ang garbage bag sa may poste sa tapat lang ng bahay namin para makuha agad ng mga garbage collector.

"Sa wakas! Natapos din!"

Bumalik na ulit ako sa loob at dumiretso sa kusina.

Magluluto ako ng adobo para pagdating nina Mama, matitikman nila ang luto ko. Gusto kong ipatikim sa kanya ang tanging ulam na itinuro niya kung paano lutuin bago siya mamatay.

* * *

Mag-aalas-sais na.

Nailipat ko na ang mga picture na kinuhanan ko sa may fountain sa computer kong regalo sa 'kin ni Mama last February lang ng taong 'to.

Wala pa ring Mama at Papa rito sa bahay.

Umaasa lang ba 'ko sa wala? O baka tapos na ang panaginip na 'to.

Dito na ba magsisimula ang bangungot ko? Pagkatapos ng magandang simula, tatapusin ng pangit na pangyayari? Aasa ba ulit ako na babalik pa sila sa 'kin?

Imposible na, alam ko. Pero gusto ko pa ring umasa kahit sa panaginip na 'to.

Kasi rito . . . buhay sila rito.

Sumilip ako sa bintana at pinanood ang paglubog ng araw.

Ang tanging nagawa ko sa loob ng apat na taon—panoorin ang paglubog ng araw. Pagsisihan ang lahat.

Apat na taon kong sinisi si Papa dahil sa pagkamatay ni Mama, pero hindi ko naman talaga 'yon dapat ginawa.

Hindi lang si Papa ang pumatay kay Mama. Pinatay ko rin siya. Ako ang kasama ni Mama noong mga oras na nahihirapan siya, pero ang tanging nagawa ko lang ay unahin ang barkada at hindi siya.

Ang tanga ko para hindi unahin ang nanay ko. Mas inuna ko pa ang mga walang kuwenta kong barkada. Ang barkadang nawala noong kailangan ko ng kasama.

Pinatay ko si Mama.

Ako talaga ang pumatay sa kanya kasi napakawalang kuwenta kong anak.

"Kanina ka pa namin tinatawag sa baba, hindi mo ba kami naririnig!"

Para akong nagising sa sobrang pag-iisip nang bumukas ang pinto at pumasok si Mama sa loob.

"'Yan! Marunong ka palang maglinis ng kuwarto!"

"Mama!"

Tumakbo agad ako sa kanya at umiiyak na niyakap siya.

"Mama . . . totoo ka, di ba?"

"O, ano'ng problema mong bata ka? Ano'ng—ano'ng nangyari sa school mo, ha? Nag-away ba kayo ng mga kaibigan mo?"

"Hindi ko sila kailangan, Ma. Wala akong pakialam sa kanila. Kayo . . . kayo ang kailangan ko, hindi sila."

"Ano ba'ng nangyayari sa 'yo, Stella?"

Hinagod niya ang likod ko para patahanin ako. Ang sarap sa pakiramdam.

"Ma, 'wag kang aalis, ha? Pangako mo, 'wag kang aalis."

"Ano ba 'yang pinagsasasabi mo?"

Bumitiw ako sa pagkakayakap sa kanya at hinawakan siya sa pisngi.

"Ma . . . Ma, hindi mo naman ako iiwanan, di ba? Hindi ka aalis, di ba? Dito ka lang, di ba?"

Pinunasan niya ang pisngi ko gamit ang hinlalaki niya.

"Bakit naman ako aalis? At saan naman ako pupunta?"

Hinawakan ko ang kamay niya. Pakiramdam ko, maglalaho na siya anumang oras.

"Ma, I'm sorry. Sorry sa lahat. Sa pagiging spoiled ko. Sa pag-una ko sa barkada ko. Sa pag-iwan ko sa 'yo noong kailangan mo 'ko. Sorry kasi di ako naging responsableng anak sa 'yo."

"May ginawa ka bang masama sa school?"

Umiling lang ako at lumunok habang nagpupunas ng luha.

"Ma, mahal kita. 'Wag mo 'kong iiwanan, ha? Kasi promise ko sa 'yo ngayon, hindi na talaga ako aalis. Hindi na kita iiwan kahit kailan. Uunahin na kita. Ikaw na muna, Ma, bago ang lahat. Dito lang ako, Ma. Kaya 'wag kang aalis, ha?"

"Meow."

"Ma?"


----

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top