Chapter 10: Changes
"Hika ang inabot ko . . ."
Nakakarinig ako ng kumakanta. Nakalimutan ko yatang patayin ang music player ko. Pinilit kong abutin sa ulunan ko ang player para patayin kaso napadilat agad ako kasi iba ang texture ng nakakapa ko. Halaman ang nahahawakan ko. At parang nagbabago ang tono ng kanta.
Tiningnan ko ang buong lugar. Tingin sa kanan, tingin sa kaliwa.
No way.
Teka. Bakit nandito pa rin ako sa may swing? Di ba dapat nasa kuwarto na 'ko? Dapat nasa bahay na 'ko. Tapos na dapat ang panaginip na 'to!
Umupo pa 'ko nang maayos at nagkusot ng mata.
Shocks! Ano ba 'to? Nakatulog ako sa panaginip?
Nahagip ng tingin ko ang bag ko sa kanang tabi ng swing.
Hala! Paano 'to napunta rito?
Inayos ko ang buhok ko at tiningnan ang suot kong wristwatch. 2:19 ng hapon. Kanina pa pala nag-uwian.
Tiningnan ko ang bench. Naroon si Angelo at nagsa-sound trip. Siya pala ang kumakanta. Nakatingin lang siya sa 'kin. Hindi siya galit. Hindi rin natutuwa.
"Ikaw ba ang nagdala ng bag ko rito?" alanganing tanong ko.
Hindi niya 'ko sinagot at inilipat na lang ang atensyon sa hawak niyang cell phone.
Sa tingin ko, kailangan ko nang umuwi.
Kinuha ko na ang gamit ko at dumiretso sa gate ng fountain.
Bago ako lumabas, kinuha ko muna ang phone ko at kinuhanan ng picture ang buong lugar.
Alam kong walang kuwenta ang mga picture na kinukuha ko dahil panaginip lang 'to at hindi ko 'to madadala sa totoong buhay. Pero kahit na ganoon, gusto ko pa ring kuhanan ng retrato. Nasama pa sa mga picture si Angelo.
Okay lang. Maganda naman ang rehistro niya sa camera.
Lumabas na 'ko sa gate ng fountain at dumiretso palabas ng gate ng school. Kaunti na lang ang mga estudyanteng naglalabasan.
Dumiretso na agad ako sa main road. Maglalakad lang ako pauwi since malapit lang naman. Hindi ko naman matatawagan si Papa dahil . . . well, panaginip lang naman kasi 'to. Puwede ring mag-jeep pero sayang sa pamasahe kahit pa may pera ako. Seven-minute walk lang naman.
Ibang-iba ang lugar ngayon. Maingay pa at magulo. Itong main road? Naging tahimik din 'to kasi inilipat na ang sakayan sa kabilang block. At tatlong taon pa ang lilipas bago 'yon mangyari.
"Hi!" Halos mapaatras ako kasi biglang sumulpot si Carlo sa kanang tabi ko.
Si Carlo ang naging joker namin sa room. Ang kulit kasi niya at sobrang nakakatawa. Charming siya. Hindi man sobrang appealing gaya nina AJ, imposibleng hindi siya mapansin dahil sa personality niya. Happy-go-lucky siya at parang wala siyang dinadalang problema. Sa pagkakatanda ko, sixteen siya ngayong taong 'to at two years pagkatapos naming gr-um-aduate ng high school, nagkaanak na siya sa ibang babae at hindi sa magiging girlfriend sana niya ngayon na pinsan pa ni Gelo.
At kung may taong nagtiyagang kumausap sa 'kin noong Senior year ko, si Carlo na 'yon. Siya lang ang sumubok . . . at hindi pa 'yon gaanong nagtagumpay.
"Hi, Carlo," bati ko naman.
"Uh. Ikaw si . . ."
"St—"
"Stella!" In-snap pa niya ang daliri niya at saka ngumiti nang malapad. "O, di ba! Natandaan kita! Apir!"
Tiningnan ko lang ang kamay niyang naghihintay ng high five ko.
"Sige na! Apir na!" pamimilit niya.
Nagbuntonghininga ako saka ngumiti nang pilit.
"Oo na." Nakipag apir na lang din ako. Gawain niya kasi 'to. Laging nakikipag-apir. At madalas niyang gawin sa 'kin ito pero ang tanging nagagawa ko lang ay titigan ang kamay niya kasi magagalit sina Chim kapag nakipag-apir ako sa kanya.
Sina Chim. Inilayo sila sa 'kin ni Chim. Lahat sila.
"Paano mo nga pala ako nakilala agad?" tanong ni Carlo. "Ang dami naming nag-intro kanina a?"
"Panaginip lang kasi 'to," pag-amin ko saka ngumiti para magmalaki. Hindi ko naman na kailangang gumawa pa ng kuwento kasi nga panaginip lang naman 'to.
"Wow! Angas n'on a! Nice one. Apir!"
"Sira." Nakipag-apir na lang ulit ako kahit na alam kong hindi niya ako mage-gets.
Nagsabay na kami pauwi since parehas kami ng daan at madadaanan ko ang bahay niya.
"Taga-Evergreen ka pala." Pumuwesto siya sa harap ko at paatras na lumakad. Nakangiti lang siya at nakapamulsa. Very Carlo. Siya lang naman ang gumagawa niyan kapag may kausap, pero madalas sa ibang tao ko lang nakikita. Nakakatuwa naman at nagagawa na niya 'yan sa 'kin ngayon.
"103 Camia. Malapit lang sa 'min. Tatlong kanto lang ang layo," sabi niya sa address namin. Tumango naman ako.
"Siga ka ba?" tanong niya habang natatawa pa.
Tumaas lang ang kilay ko sa sinabi niya. Ako, siga?
"First day na first day, nakipag-away ka na agad." Ang laki ng ngiti niya sa 'kin. Natuwa pa yata sa ginawa ko kina Chim. "Astigin ka pala e. Bro fist!"
Ngumiti na lang ulit ako at nakipag-fistbump sa kanya.
Mabait si Carlo. Friendly. Sooobrang friendly. Kung sakaling wala sina Chim, magiging close sana kami nito. Parang siya lang yata ang tumanggap sa 'kin noon pero pinalayo ko lang para hindi mawala sina Chim sa 'kin.
Tumalikod na siya at bumalik sa tabi ko.
"Pero gusto ko yung story mo sa sunset at sa"—w-in-iggle niya ang mga daliri niya sa hangin—"eliteptep, he-he."
Sinuntok ko siya nang mahina sa braso at ngumiti nang kaunti. "Sira."
"Nakakita na rin ako n'on e! Di lang ako pinasingit kanina sa topic! Hinuhuli ko tapos nilalagay ko sa bote ng ketchup! Ampoge nga kasi di naman sila nailaw sa loob!" reklamo niya pero nakangiti pa rin.
"Ito na yung bahay mo." Itinuro ko ang kanan namin.
Huminto siya habang nagtuloy lang ako sa paglakad.
"Hala! Paano mo nalamang dito ako nakatira?" malakas niyang sinabi.
"Yung gate," sabi ko na lang kasi nakalagay sa gate nila ang apelyido ng pamilya nila.
"Sabi ko nga. Bye, Stella!" sigaw niya. Sumaludo na lang ako nang hindi lumilingon.
Kahit na malapit lang ang bahay nila sa 'min, hindi ko pa rin nakilala nang sobra si Carlo. Kailangan ko kasi siyang iwasan dahil sinabi nina Chim.
Ilang minuto pangpaglalakad at nakaabot na 'ko sa bahay namin at pumasok na sa loob. Siguronaman, matatapos na ang panaginip kong 'to.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top