Chapter 1: Boredom
Ang boring ng buhay ni Stella Daprisia. Gigising, magluluto ng kahit anong instant, kakain, maliligo, papasok sa school, uuwi, kakain na naman ng kahit anong instant, matutulog, at babalik na naman sa umpisa.
Isang cycle na walang buhay, walang thrill, walang kahit anong special. At, wow—iyan pala ang buhay ko.
Ang daming gustong maging independent. At sa edad na beynte anyos, nasanay na akong mag-isa lang sa bahay ng Mama ko. Wala akong ibang kasama maliban sa pusa kong si Miminggay. Itim na itim siya, parang velvet ang ganda ng balahibo niya. Ginagawa kong punasan ng paa kung minsan. Isang taon na siya. Namatay ang nanay niya last month dahil pinalo ng martilyo sa ulo ng kapitbahay namin. Nagnakaw kasi ng ulam.
"Miminggay, aalis na 'ko. 'Pag may dumating, kahulan mo agad at tumawag ka sa 911," utos ko sa pusa. Kinamot ko nang kaunti ang ilalim ng baba niya at lumabas na ako ng bahay.
"Meow."
Wala na si Mama, apat na taon na. May ibang pamilya na si Papa. Si Papa ang nagpapaaral sa 'kin. Siya rin ang nagbibigay ng allowance ko. Sa bahay ako ni Mama nakatira, ibinigay sa 'kin ng pamilya niya, kaysa naman kung saan pa ako tumira.
"Para!"
Araw-araw akong nagko-commute para pumasok sa school. Ang school kong boring. Ang school kong parang hindi ko maramdamang may naituturo sa 'kin dahil hindi gaya ng ibang state university, hindi maganda ang turo nila. First year college pa lang ako. BSEd ang kurso.
"Bayad!"
Hindi ko alam kung bakit ko kailangang mag-aral. Matagal na akong nawalan ng ganang mag-aral simula noong namatay si Mama. Palagi kong iniisip na napaka-useless ng matututunan sa eskuwelahan kung magtatapos ka lang na tambay sa ending. Kaya nga ang ironic kung bakit Education ang course ko. Kursong habambuhay kang papapasukin sa eskuwelahan.
"Sukli!" Iniabot sa 'kin ang dalawang piso kaya sumigaw ako. "Estudyante 'to!"
Gustong-gusto ko talagang sipain ang mga driver na obvious namang estudyante ka, minimum pa rin ang singil sa 'yo. Alam ko namang may binubuhay silang pamilya, pero gusto ko rin namang buhayin ang sarili ko sa kakarampot na perang meron ako.
"O, piso lang, inaano pa!"
Iniabot na sa 'kin ang pisong inirereklamo ko. Noon, kahit limang piso pa ang kulang sa sukli, balewala lang. Pero ngayon, ang bawat piso ay mahalaga. Mula sa nakasanayan kong three hundred pesos na baon noong huli kong pasok sa eskuwelahan, maninibago talaga ang kahit sino kung biglang bumagsak sa singkuwenta pesos ang budget kada araw.
Napansin kong kanina pa nakatingin sa 'kin itong lalaking nasa harapan ko. Estudyante ng kabilang school. 'Yong madalas mam-bully sa mga estudyante ng school namin. Inirapan ko lang. Maliban sa ayoko sa mga kaaway, ayoko rin ng tinitingnan ako.
"Para sa kanto!"
Bumaba na 'ko sa nakakaasar na jeep na 'yon at dumiretso na sa gate ng school. Ang school naming mukhang maba-bankrupt na kaya hindi man lang mapaayos-ayos.
"Patingin ng bag," utos ng guard.
"Hindi ako terorista," sabi ko pa. Saglit kong binuksan ang bag ko at biglang isinara. "Tinutusok n'yo lang naman, bakit i-che-check pa?"
"Sige na, pasok na," pagsuko ng guard sa 'kin.
Pumasok na 'ko sa loob habang yung ibang estudyante, kailangan pa ring i-check ang bag. Maingay sa school kapag umaga, lalo na't 7 a.m. pa ang pinakamaagang subject ko sa English 1. Dumiretso na 'ko sa room naming nasa 6th floor gamit ang hagdan dahil hindi na gumagana pa ang elevator. Nagle-lesson na si Ma'am Echague pagdating ko.
Pumasok na lang ako nang walang excuse at dumiretso sa upuan ko—sa tabi ng bintana sa pinakaunahan. Hindi ko pinansin ang prof, hindi rin niya 'ko pinansin. Wala namang pakialam si Ma'am Echague kahit na maiingay ang mga estudyante niya sa likuran, o kahit may nagbabatuhan na ng papel, o kahit may mga natutulog pa dahil puyat at napilitan lang pumasok para sa attendance. Matanda na si Ma'am Echague, 73 na nga siya at dapat nagreretiro na, pero ayaw raw niya sa bahay dahil wala na rin naman na siyang pamilya.
Patuloy ang pagbibigay niya ng lesson sa hindi ko malamang topic. Nakatitig lang ako sa bintana. Blangko ang nasa utak ko. Sumagot lang ako noong nagsabi si Ma'am ng:
"Do you get it, class?"
"Yes," mahinang sagot ko habang nakatulala pa rin sa langit. At kung tungkol saan ba ang itinanong niya?
Wala akong idea.
Isa lang ang subject ko ngayong araw at natapos iyon nang hindi ko namalayan. Ni hindi ko man lang naramdamang may natutunan ako.
"Walang kuwenta ang turo sa college,' sabi ng teacher ko noong high school. Hindi ako naniniwala noon kasi nga, iba naman ang high school sa kolehiyo, pero mukhang totoo na 'yon ngayon. Parang nagsasariling aral na lang ako kasi tamad ang karamihan sa mga prof.
O siguro kasi, nasa mali akong eskuwelahan.
Mukhang mapipilitan na namang akong tumambay sa may punong santol para magpaubos ng oras. At sana, wala siya roon.
###
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top