After Story

"Ang tagal um-order!" reklamo ko habang nakasimangot. Fifteen minutes na 'kong naghihintay ng lunch, nalipasan na lang ako nang gutom at lahat-lahat, saka lang siya nakabalik dala ang oras namin.

"Sorry naman, Ma'am. Kita mo yung pila?" Itinuro pa niya yung mahabang pila sa counter.

Naiintindihan ko naman, binibiro ko lang.

"O, kain na." Inilatag niya ang order naming spaghetti at fries sa mesa. Nauna ko nang kinuha ang cup ng Sprite bago pa niya iabot para makainom na 'ko. Ang tagal kasi, nauhaw na 'ko.

"Ilang linggo ka na rito, Ste. Ano na? Ikaw na umuubos ng budget ko kakalibre ko sa 'yo."

"Hoy, sobra ka, Gelo. Sige na, ako na nga'ng magbabayad nito!" Sinimangutan ko na naman siya saka ako sumubo ng fries.

Summer na, katatapos lang ng graduation ko noong nakaraang linggo. At inaraw-araw ko talaga ang pagtambay sa McDo malapit sa school.

"Sino ba kasing hinihintay mo rito?" tanong pa ni Gelo habang hinahalo ang spaghetti niya.

Nagbuntonghininga ako at tumanaw sa labas ng glass wall.

Hinihintay ko?

Hinihintay ko siya. Kasi nangako akong hihintayin ko siya.

"Basta," sagot ko na lang. Yung hinihintay ko? Siguro, maaalala ko siya kapag nakita ko na lang. Pero sigurado naman akong kilala ko siya-kung sino man siya.

Sumubo na ulit ako ng fries at pinanood si Gelo sa pagkain niya.

Manager siya sa malapit na call center company, fresh graduate naman ako at balak kong mag-apply sa St. John, private school sa dulo ng subdivision namin.

Noong nakabalik na si Gelo sa Pilipinas galing sa Italy, sinubukan pa namin yung amin. Pero na-realize naming dalawa na mahal nga namin ang isa't isa, kaso may mga love talagang hindi nakatadhanang magtagal.

Siguro kasi may hinihintay ako, at may iba talagang para sa kanya. Parang hinanda lang namin ang mga sarili namin at nagpaka-better person para sa tamang tao talaga.

Magkaibigan pa rin naman kami . . . at may girlfriend na siyang iba.

"Kumusta pala si Thea?" tanong ko habang ngumunguya. "Nakita ko sa FB, may commendation sa kanya sa office."

"Oo, bawi sa sahod niya 'yon sa 15."

"Kapag sumahod na 'ko, ako naman ang manlilibre ng spaghetti sa 'yo. Nakakahiya na kasi, baka sabihin mo, nagpapaka-parasite ako sa 'yo samantalang si Thea, di mo naman ginagastusan sa pagkain." Tinawanan ko siya pagkatapos.

"Okay lang. Sanay naman na 'kong parasite ka."

"Hoy, ang kapal ng mukha mo, Gelo!" Binato ko agad siya ng fries at tinawanan lang ako ng siraulo. "Si Chim, nagrereklamo sa GC namin, yung file na kailangan niya, hindi mo pa raw sine-send! Adik ka, natetengga yung trabaho n'ong tao dahil sa 'yo."

"Oh, come on! Matagal pa yung deadline n'on, excited lang siyang tapusin agad kasi may balak na namang maglakwatsa sa Singapore. Naka-ready na yung leave n'on. Maniwala ka sa mga pinagsasasabi n'on sa inyo."

Masaya akong magkakaibigan pa rin kaming lahat kahit hindi na kami gaya noong high school na everyday magkakasama. Si Gelo ang madalas kong makausap dito sa area kasi malapit sa school. Minsan, si Belle ang nag-aaya sa mall para magpasama kapag mamimili ng damit. Kapag may mga free time kami, nagkikita-kita kami para mag-bonding. Sabi nga namin kay Jasper, balik na lang siya sa Manila para may taga-libre kami palagi sa meet up.

"Araw-araw ka na lang naghihintay rito, Ste. Sino ba'ng hinihintay mo? May bagong boyfriend ka na ba?"

"Sira." Binato ko agad siya ng piraso ng fries. "May naaalala kasi akong dapat imi-meet ko rito sa McDo."

"Sino? Classmate mo?"

Umiling ako. "Hindi."

"Lalaki?"

"Siguro."

"Anong siguro?" Siya na ang nambato sa 'kin ng fries. "Stella, itong mga ganito mo, parang alam ko na 'to."

Napasimangot agad ako sa kanya.

Ano naman kayang parang alam niya na 'to? Ano'ng sinasabi nito?

"'Lakas talaga ng kutob ko na wala ka talagang hinihintay e. Nagpapalibre ka lang talaga ng lunch."

"Hoy, ang kapal."

Pero parang ganoon na rin. Hindi ako napapagastos e.

"Pero seryoso nga kasi, Ste. Sino nga'ng hinihintay mo?"

Tinawanan ko siya nang mahina saka ako natulala sa nakalatag na fries sa mesa.

"Alam mo yung feeling na . . ." Natigilan ako. Bumuga ako ng hangin at tumanaw sa labas. "Yung may naaalala ka kahit hindi mo pa naman siya nakikita?"

"Ha?"

Ibinalik ko ang tingin kay Gelo. Takang-taka siyang nakatingin sa 'kin.

"Stella, paano mo maaalala kung di mo pa nakikita?"

"Pero kilala ko naman."

"Sino nga?"

'Yon lang. Hindi ko matandaan kung sino. Pero alam ko . . . kilala ko.



****



Ilang taon. Apat? Anim? Sampu? Hindi ko na mabilang kung ilang taon na ba sa 'kin ang pakiramdam na may hinihintay pa rin ako.

Inisip ko pa ngang baka si Angelo kasi nagpunta nga sa Italy. Pero kahit noong nagkakasama kami sa mga barkada outing, alam kong hindi siya ang hinihintay ko.

At ang problema ko, hindi ko matandaan kung sino. Pero naaalala ko.

Ang weird ipaliwanag. Paano ko nga naman kasi maaalala ang isang taong hindi ko pa nakikilala?

Wala na yung McDo na malapit sa Santa Clara. Nailipat na sa kabilang street at napalitan ng salon yung dating branch. Naghintay pa rin ako roon kahit matagal na. Naitayo na nga rin yung tulay sa Cloverfield. Madalas kong daanan pauwi galing St. John. Iyon lang, ang layo ng McDo sa tulay kaya sinukuan ko na rin ang paghihintay roon kalaunan.

Akala ko, pagkatapos ng lahat ng ginawa kong pagbabalik, okay na ako. Pero never nawala ang feeling sa 'kin na may kulang-may nawawala. Parang may nakalimutan akong importante na hindi ko na maalala.

Linggo, rest day sa school. Wala akong choice kundi lumabas para bumili ng stock para sa isang buong linggo. Ang dami ko pa namang trabaho, mabuti at hindi ko pa naaabutang nagkakalkal si Miminggay ng mga papel sa kuwarto kundi syo-siopao-in ko talaga 'yon. Nakalimutan ko pa namang isara yung pinto ng kuwarto.

May mart sa Cloverfield na lagi kong binibilhan ng stock ng pagkain kasi mura ang tinda. Pauwi na 'ko mula roon nang tumigil ako sa may tulay para maghintay ng tricycle. Natutuwa ako sa agos ng tubig sa ibaba. Malinis kasi kumpara sa ibang creek na maraming basura.

Madalas ako sa tulay, dito kasi ang sakayan ko kapag tinatamad akong maglakad, lalo kapag ang dami kong bitbit. Kaya nga nagtataka ako, walang tricycle. Mainit pa naman kapag alas-dos ng hapon.

Sumaglit ako ng tambay sa may malilim na parte ng tulay, bandang gitna nga lang kasi naroon ang anino ng mga dahon sa puno ng santol na nasa gilid ng arko--yung may welcome arch patawid sa Cloverfield.

"Ang tagal naman ng tricycle!"

Napalingon ako sa lalaking nagrereklamo sa dulo ng tulay. Takip-takip niya ang mukha ng pinunit na page ng kalendaryo, panakip sa sikat ng araw.

"Sasakay ka rin?" tanong ko. Kasi kapag may dumaan na, malamang na magsasabay kami. Kung puwede nga, magsabay na lang para hindi special ride. Ang mahal pa naman ng pamasahe, 50 pesos din 'yon.

"Sasakay sana," sagot niya. "Kaso ang tagal! Kanina pa 'ko sa tindahan, wala pa ring dumadaan hanggang ngayon."

"Hindi ba nagsara ng kalsada sa kabila nito?"

"'Yon nga e, may ginagawa kasing kalsada sa dulo ng Cloverfield. Umiikot yung ibang tricycle galing Evergreen. Sa Ever ka ba?"

Huminto siya sa tabi ko, sa puwesto ko lang naman kasi may lilim, saka siya nagpaypay. Pasimple akong lumapit para madamay ako sa lamig ng hangin mula sa tinuping papel na pinampapaypay niya.

"Gusto ko na ngang lakarin, kung di lang mabigat 'tong dala ko," sabi ko pagkatingin ko sa mga plastic bag na inilapag ko muna.

Napatingin din siya roon bago niya ako tiningnan.

At sa hindi ko malamang dahilan, biglang kumabog nang malakas ang dibdib ko.

Sabay pa yata kaming napataas ng mga kilay at parang nagulat pang nakita namin ang isa't isa.

"Kilala ba kita?" magkasabay pa naming tanong.

"Hahaha!" magkasabay pa naming pagtawa.

"Sorry, sorry. Shit, nagulat ako." Tawa lang siya nang tawa nang mahina habang nagpupunas ng noong pawisan.

Kahit ako, napapunas din ng noo. Ewan ko, na-conscious ako bigla. Feeling ko, ang dugyot kong tingnan. Ang haggard ko pa naman since nakapambahay lang akong T-shirt at shorts.

Mukha kasi siyang pamilyar.

"Kapitbahay ba kita?" tanong ko agad habang nakangiting nakatitig sa mukha niyang namumula. Hindi ko alam kung gawa ba ng init o may iba pang dahilan. "Taga-Ever ka?"

"Hindi ako taga-Evergreen," sabi agad niya. "Pero may hinihintay kasi ako sa Ministop doon."

"Ministop. Okay?" Napatango na lang ako at napaiwas ng tingin. Baka girlfriend o kaya asawa, nakakahiya naman magtanong.

"Pero single ako."

Napasulyap agad ako sa dulo ng mata ko dahil sa sinabi niya. Gusto ko sanang sabihin na hindi ko naman tinatanong kaso baka mabara ko.

"Ano, share ko lang," nahihiya niyang sinabi saka napakamot ng ulo. Nagpaypay na lang ulit siya habang matunog na bumubuga ng hangin sa pinalobo niyang pisngi. "Ang init, 'no?"

"Yeah." Tumango lang ako habang natatawa. Ewan ko rin kung bakit ako natatawa. "O?" Nagulat ako kasi pinapaypayan na niya 'ko.

"Mainit kasi," katwiran niya agad bago ilipat sa kanya ang pagpaypay. Para ngang pinasasalit-salit pa niya sa 'ming dalawa.

Grabe, bakit ganito ang feeling ko ngayon? Parang ang saya ko naman na hindi ko mawari kung bakit nga ba ako biglang sumaya.

Ang weird lalo ng feeling na gusto kong yakapin itong katabi ko kahit hindi ko naman siya kilala.

"Ang tagal talaga ng tricycle, nagugutom na 'ko," reklamo na naman niya habang pinapaypayan ako.

"Alam mo, lalakarin ko na lang pauwi. Nagugutom na siguro yung pusa ko. Baka kainin n'on yung mga report ko, delikado na," kuwento ko pa. Joke sana kaso nasa ugali ni Miminggay mang-inis. Baka pag-uwi ko, puro shredded paper na yung kuwarto ko dahil sa kanya.

"Mabigat yung dala mo. Hindi ka mahihirapan?"

"Ayos lang naman." Binuhat ko na yung dalawang plastic bag at inayos sa kamay ko.

"Gusto mo, tulungan na kita?" alok agad niya. "Don't worry! Di naman ako masamang tao. At saka-uy!"

"Bakit?" Pinagmasdan ko ang gulat niyang mukha pagkatingin niya sa mga dala ko.

Tumawa na naman siya. "Kami yung may-ari nitong mart! Doon ka pala bumili nito?"

Talaga? Sila?

"Hatid na kita sa inyo," nakangiti na namang alok niya. "Total, bumili ka naman sa mart namin ng items. Di naman siguro 'yan mabigat."

Sobra naman sa offer. Pareho lang naman kaming naghihintay ng tricycle.

Pero gusto ko na rin kasi talagang umuwi. Kinakabahan ako kay Miminggay. Kontrabida pa naman yung pusa ko.

"Malapit pala sa bahay namin yung Ministop," sabi ko nang kunin niya yung mga dala ko sa 'kin.

"Ay, talaga?" Nagtaas agad siya ng magkabilang kilay at lalo pang lumapad ang ngiti niya. "Sakto! Sabay na tayo!"

Ang weird na ang gaan agad ng loob ko sa kanya. Wala yung feeling na baka may gawin siyang masama o kaya kidnap-in ako o may gawin pang ibang hindi ko gusto.

Although, ang ingay niya pero masaya namang kasama. Ang dami niyang kuwento, hindi ko masabi kung feeling close ba o madaldal lang talaga.

"So, taga-Cloverfield ka talaga?" tanong ko matapos niyang magkuwento ng tungkol sa mart nila na lagi kong binibilhan ng stock.

"Taga-Evergreen kami dati. Sa dulo nga lang. Doon kasi ako nag-aral sa Immaculate kaya kailangang malapit. Alam mo yung CNJ na school?"

Bigla akong nangilabot sa kuwento niya. Lalong lumakas ang kutob kong kilala ko talaga siya pero hindi ko alam kung saan ko siya nakita.

"Yeah. Alumna ako sa CNJ," sagot ko habang nakatitig sa gilid na view ng mukha niyang hindi mapanawan ng ngiti. Parang ang saya niya naman, ang aliwalas ng mukha. Ang ganda pa ng smile.

"Uy, alumnus din ako!" masaya niyang sinabi. "Kaninong batch ka?"

"2010 yung batch ko. Batch nina Arjohn Velasco," sabi ko. Lumiko kami sa kanan at natatanaw ko na mula sa dulo ng kalsada yung Ministop.

"2010? Sure ba?" Bigla siyang natawa. "Batch 2010 din yung crush ko dati e. Ang tagal ko na ngang hinahanap 'yon."

"Ay, wow," nakangising biro ko habang nakatingin sa dulo ng daan na malapit na naming marating. "Sino yung crush mo? Si Chim?"

"Uy, hindi a. Si Stella."

Bumagsak agad ang panga ko sa sinabi niya. Tinitigan ko pa siyang mabuti kung tama ba ang sinabi niyang pangalan.

"Stella . . . Daprisia?" tanong ko pa.

"Oo. Pumunta pa 'kong Santa Clara, akala ko tagaroon. Sabi nina Carlo, sa Evergreen daw ang bahay niya e. Hinihintay ko na lang sa Ministop, baka makita ko d'on."


____


Again, hindi ito special chapter, pero salamat po sa lahat ng bumili ng collector's edition ng WIASA. I-post ko lang yung ilang part n'on dito para sa mga hindi nakakuha ng kopya.

Wala na po akong reprint nito so, limited copy lang po talaga ang version na ilalabas ko as book.

Enjoy reading!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top