06.

HEAVEN.

NABAHING AKO HABANG nagpupulbo sa harap ng salamin. Hindi ako palaayos, pero papunta kasi ako ng school para mag-cover ng isang event kasama ang iba pang members ng publication—dalawang news writer, dalawang photojournalist. Buong araw ang event kasi may campus tour para sa mga incoming Grade 11 students, kaya buong araw din akong nasa school. Siguradong busy kaya gusto kong magmukhang presentable.

Isa pa, ngayong araw ko na ulit makikita si Kobe.

Napangiti ako nang bahagya no'ng naisip ko iyon. Ang tagal din naming hindi nagkita, mahigit isang linggo. Siguro naman ay papasok na siya ngayon kasi sabi naman ng doktor, walang major injuries. Excited na ako! Required na umattend ang student council kasi event nila ito kaya sigurado akong nandoon siya.

Naglagay na rin ako ng kaunting lip tint para mas magkaroon ng kulay ang labi ko, saka ako bumyahe papuntang school. Medyo malayo iyon sa Soledad, ang barangay namin, pero keri lang, one-way ride lang naman kasi part pa rin 'yon ng Montealto.

Nang makababa ako sa jeep ay naglakad lang ako nang kaunti papunta sa main entrance. Pagkalagpas ng gate, may lobby kung saan may tatlong turnstile. Sa likod ng mga iyon ay ang desk kung saan nakapatong ang mga monitor at iyong sensor kung saan ita-tap ang ID. Dalawang guard ang nakabantay.

"Anong grade mo neng?" tanong noong lalaking guard.

"Taga-The Horizon po ako, may permission galing kay Miss Galvez." Ipinakita ko sa kanya ang screenshot ng letter na may pirma ng principal at ni Miss Galvez, ang adviser ng Supreme Student Government.

Pagkatingin niya sa cellphone ko, nag-hand gesture lang iyong guard na pumasok na ako. Agad ko namang itinap ang ID ko sa sensor na agad nag-beep!

Naupo ako sa isang wooden bench na malapit sa gym, saka nag-chat sa gc kung nasaan na ang mga kasama ko.

Campus Tour Live Coverage
5 members are in this group.

6:38 AM

hi hiii!

nasan na kayo? kakarating ko lang

wait ko kayo sa may gym

6:42 AM

Cait:

hello! otw pa lang me pero malapit na

okieee!

Paul:

kakarating ko lang boss 🫡

punta ako dyan


Inilibot ko ang tingin ko sa paligid para hanapin si Paul. Ngayon ko pa lang kasi sila makikita. Sa malayo, may lalaking matangkad at nakasalamin na naglalakad papunta sa akin. May nakasabit na camera sa leeg niya. Siya na siguro iyon.

"Hi po!" Kumaway siya sa akin.

"Paul?"

Tumango siya. "At your service!" Sumaludo pa siya na ikinatawa ko.

"Naks! Ganda ng cam mo," pagpuri ko sa DSLR niya. Kaso hindi natin 'yan magagamit sa live tweeting. Dapat phone lang doon para mabilis makuha 'yong pictures."

"Mag-phone na lang ako?"

Umiling ako. "Gamitin mo pa rin 'yan uy, sayang. Yung isang photojourn na lang ang kasama kong maglive tweet mamaya."

Ilang minuto pa'y dumating na ang dalawa kong inassign na news writers.

"Hello po ate!" bati sa akin ni Cait.

"Hi," sabi noong isa na nakalimutan ko ang pangalan.

Mukhang napansin ni Cait na hindi ako pamilyar sa kanila kaya nagsalita siya. "I'm Cait, ta's siya naman si Alice. Heaven, right?"

Tumango ako. "Nice to meet you," bati ko sa dalawa. Nginitian naman nila ako.

"Naturuan na ba kayo kung pa'no mag-live tweet?" tanong ko.

"Si Cait oo, ako first time ko," ani Alice.

"Basta laging naka-active voice. 1-2 sentences lang, make make it concise. Itatype ninyo sa Google Docs iyong captions tapos maglalagay ng picture sa event highlights na galing sa photojourn. Ako naman ang magp-proofread and edit, tapos upload sa Twitter. Malaki kasi ang following natin sa Twitter kaya maganda 'tong live coverage na ganito," pagpapaliwanag ko. Tumatango naman sila. "Gets ba?"

"Opo."

"Gets!"

"Yes ma'am!"

Naupo lang kami doon, hinihintay na magsimula ang event.

"Wala pa si Jayce?" tanong ko. Siya iyong isa pang photojourn na kasama namin.

Nagkibit-balikat si Paul. "Chinachat ko nga e. Hindi naman sumasagot."

"Hindi rin nagrereply sa gc," dagdag pa ni Cait.

Nagsisimula nang dumami ang mga tao. Ang sabi sa akin ng SSG president, sa gym muna raw magtitipon-tipon ang mga estudyante at saka pa magsisimula ang campus tour mismo. May mga pa-games din at performances.

"May time pa naman tayo bago magsimula ang tour. Alice, pwede bang ikaw muna ang magpicture para sa live tweet? Parang hindi na susulpot si Jayce eh," sabi ko.

Tumango naman siya. "Oki. Paano ba dapat ang picture?"

Buti itinanong niya, akala ko marunong siya eh. "Dapat recognizable 'yong faces saka kita 'yong ginagawa nila. Keri?"

Ngumiti siya na parang nahihiya. "I'll try."

Limang minuto bago magsimula ang event, pumasok na kami sa loob ng gym. Pagpasok, makikita ang malawak na basketball court. Nakapaligid dito ang nakahihilong karagatan ng mga estudyante; walang bakanteng upuan kahit isa. Naka-color code ang t-shirt nila base sa kanilang strand.

"Saan tayo uupo?" tanong ni Alice.

Napangiti ako. "Sa gilid-gilid lang. Buhay-student journalist." Kinindatan ko siya.

Napatawa sina Paul at Cait na hindi na bago rito. Si Cait kasi ang News Editor, habang si Paul naman ang Head Photojournalist namin.

Nasa kaliwang bahagi ng gym ang malaking stage na may malaking screen kung saan nakasulat ang "Junctures: Campus Tour 2024" at ang logo ng St. Aquinas Academy sa tuktok. Nauna na akong bumaba.

"Tara na."





NAGING MAAYOS NAMAN ang workflow namin... noong una. Noong dumadami na ang nangyayari, hindi makabwelo ng picture si Alice kasi hindi naman talaga niya iyon forte. Hindi ko naman pwedeng ipalit sa kanya si Paul kasi kailangan namin ng HD pictures na iuupload sa Facebook, saka for documentation din iyon na ia-archive ng school. Nahihirapan din si Cait na maka-keep up sa mga pangalan ng nagsasalita at nagpeperform kasi mag-isa lang siyang nagsusulat ng lahat.

At ako, nasstress na ako kasi nahuhulî na kami sa mga nangyayari. Hindi na magkaintindihan kung mag-eedit ako o kung tutulungan ko si Cait sa mga pangalan at detalye. Hindi na nagiging live coverage; behind na kami eh. Hay.

Lunchbreak na. Sabay-sabay kaming kumakain.  Mamaya pa palang hapon iyong campus tour mismo, kaya may oras pa akong isipin kung paano na ang gagawin. Pihadong mas fast paced ang mangyayari mamaya kaya kailangan ko talagang baguhin ang sistema namin.

Napasapo ako sa noo. Kulang kami. Kapag ganoon pa rin kami mamaya, siguradong magkakandaleche-leche na ang lahat. Dios mio.

"Madam Heaven!" Si Alice. Kagagaling lang niya sa CR. Parang sayang-saya naman siya d'yan. "May na-recruit akong member! Okay lang bang sumama siya sa 'tin?" sabi pa niya.

Kumunot ang noo ko. Sino naman 'yon? "May background ba siya sa photojourn?"

Parang napaisip si Alice. "Uhm, medyo? Sabi niya photographer siya eh. Parehas lang ba 'yon?"

"Ngek. Magkaiba iyon," sabi ko, pero sa totoo niyan, napaisip talaga ako. Kulang kasi talaga kami eh. "Sino ba 'yon?"

Napahagikhik siya. "Kinuha ko siya kasi naka-iPhone. Para maganda ang pictures!"

"Weh. Baka naman pogi kaya nilapitan mo," sabi ni Cait.

"Ay, isa rin 'yon!" Natawa siya. "Wait, tawagin ko."

Hinintay ko lang siyang makarating habang nakahalumbaba. Baka naman si Kobe 'yon? Pogi 'yon at photographer, pero part kasi siya ng SSG kaya hindi namin siya pwedeng guluhin.

"Tada~!" Bigla na ulit siyang sumulpot. Pagkalingon ko sa kaliwa, hindi ko na napigilan ang pagkunot ng noo ko.

Si Fajardo?! Anong ginagawa niya rito?

Alanganin lang siyang ngumiti at kumaway. "H-hi."

Nagsimula na namang kumulo ang dugo ko. Bakit kahit saan ako magpunta ay nandoon din ang mokong? Nananadya na yata. Sinusundan ba ako nito?

"Dito ka nag-aaral?"

Tila nagliwanag ang mga mata niya. "Interesado kang malaman?"

"Nevermind," iritado ko siyang tiningnan. Tinanong ko lang naman kasi nagulat ako.

"Ano, pasok ba siya madam?" Excited na sabi ni Alice. Nagbuntong-hininga ako.

"Wala naman tayong choice." Bumaling ako kay Fajardo. "Pwede bang try mo mag-pic ng isa? Titingnan ko lang kung paano ka mag-picture."

Ngiting-ngiti naman ang mokong. "Sige!" excited na sabi niya.

Nag-iwas ako ng tingin noong bigla siyang pumwesto sa harap ko. Ano ba 'tong taong 'to, nahihiya ako kapag kaharap ang camera! Kita ko sa gilid ng mga mata ko na yumuko siya nang bahagya para umanggulo.

"Bakit ako ang pinipicturan mo?"

"Ang ganda m—ay, ano, eh kasi, ikaw una kong naisip eh."

Naghiyawan sina Alice na kanina'y tahimik lang na pinapanood kaming mag-usap.

Nag-init ang pisngi ko. Ano ba naman 'yan, napakamalisyoso naman ng mga 'to!

"Ayun, namumula si Heaven oh," asar ni Cait.

"Nakakaistorbo ba kami?" nakangiting sabi ni Paul saka sila tumawa ni Alice.

Bakit nang-aasar na agad ang tatlong 'to? Ngayon lang kaya kami nagkakilala.

Sinimangutan ko sila. "Tumigil nga kayo d'yan," sabi ko. Tumingin ako kay Fajardo. "Patingin nga."

Umupo siya sa tabi ko at saka ipinakita sa akin ang picture. Naaamoy ko ang pabango niya. Amoy fresh na labahin pero masculine pa rin ang dating. Ang bango, gagi.

Teka. Bakit ba napapansin ko pa ang mga bagay na 'to? Ano ba Heaven, focus! Hindi tayo patitinag sa ex. Lalo na kung iniwan lang tayo sa ere.

Maganda ang composition ng picture niya. Malinaw din. May mga naglalakad sa likod ko, pero hindi blurred iyon sa picture ng mokong. Paano niya nagawa iyon? He also did a great job on isolating the subject.

"Not bad," sabi ko lang.

Napatingin ako kay Fajardo na nagpipigil ng ngiti, pero agad din akong nag-iwas ng tingin noong nagkatinginan kami.

Ano ba naman 'tong taong 'to.

Bubuhatin ko sana ang upuan ko pakaliwa para lumayo sa kanya nang bahagya, pero tumunog na ang bell, hudyat na tapos na ang lunch break.

Buti naman. Kasi parang hindi na ako makahinga sa presensya ni Fajardo. Ang bango-bango niya pero nakakasulasok kasi may laman ang pagtitig niya sa akin, may ipinapahiwatig. Parang may gusto siyang sabihin na hindi niya masabi.

Pero kung ano man 'yon, wala na ako ro'n.

Tumayo na ako at pumalakpak nang dalawang beses. Ayaw ko sana siyang makasama, pero gusto kong maging successful ang unang live coverage namin.

"Okay, back to work."

Nagsimula na kaming maglakad pabalik sa gymnasium.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top