03.
KENJI.
"SINONG MAS POGI sa 'min?"
Magkasalikop ang aking mga daliri, seryosong nag-iisip. Bumaling ako kay Kurt pero nakangiwi lang siya sa akin.
"Kanina mo pa tinatanong 'yan parang ewan naman," aniya't naiinis na nagkamot ng ulo. "Wala nga. Kung kapogian lang ang usapan, ako lang talaga ang angat tol. Sorry ka na lang."
Ako naman ngayon ang ngumiwi sa kanya. Ang kapal naman talaga ng mukha ng oat na ito. "Andami mong alam. Pero sige na pre. Kita mo naman eh. Mas pogi ako 'di ba?"
Sinuklay ko ang buhok ko gamit ang aking daliri at saka tiningnan ang repleksyon ko sa cellphone. Pogi naman ako. Hindi na lugi si Heaven sa 'kin.
Mabait din. Pwede na nga akong ipako sa krus eh!
"May boyfriend na ba talaga siya? Gaano na sila katagal?" pagtatanong ko pa, pero tinakpan na ni Kurt ang tainga niya.
"Heaven dito, Heaven doon. Heaven dati, Heaven ngayon. Pwe! Kung ganyan mo siya iniisip tol, bakit hindi mo na lang siya kitain? Malay ko ba do'n kung anong pinaggagagawa niya sa buhay," saad niya.
Napabuntong-hininga ako. "Eh hindi pwede. Binato nga ako ng tsinelas noong nakaraan 'di ba. Naiinis pa rin siya sa 'kin."
Humagalpak siya ng tawa. "Oo nga pala. Inang 'yan."
Masyado nang napapalakas ang tawa niya kaya binatukan ko siya.
"Aray!"
"Buti nga sa 'yo. Seryoso kasi tol. Namomroblema na nga 'yong tao oh," sabi ko saka humalukipkip.
Nasa bahay nila kami, kakakain lang ng tanghalian. Nakakamiss talaga rito. Wala masyadong nagbago pwera sa napinturahan na ang bahay nila.
"Alam ko na!" Sabay hampas ni Kurt sa lamesa.
"Ano 'yon?"
"Laro tayo sa court pre. Madalas tumambay doon si Heaven kasama 'yong best friend niya."
Parang nagliwanag ang mundo. "Sige, tara!"
Nilakad lang namin ang papunta doon. Medyo malaki 'yong court, halos kagaya noong mga nakikita ko sa Maynila. Covered 'yon saka may malaking stage sa kanan na pinagtatambayan ng mga tao. Sa harap at kaliwa ko naman nakapwesto 'yong pa-hagdan na semento na nagsisilbing upuan. Madami ring nakatambay doon. Nandoon nga kaya si Heaven?
"Tara pre," yaya ni Kurt sa akin.
May mga naglalaro pa pagdating namin, kaya sa next game na lang daw kami sabi ni Kurt. 'Yong mga nakasama ko sa Guerrero lang din iyong mga naglalaro. Akala ko papansinin din nila ako noong tinanguan nila si Kurt pero hindi pala.
Okay. Hindi pa pala kami tropa.
Palinga-linga ako sa paligid. As usual, may iilang nakatingin din sa akin. Mga namukhaan ako siguro. Para naman silang nakakita ng engkanto. Gets ko naman kasi mas pogi talaga ako sa personal, pero grabe naman ang titig noong iba. Wala talagang pakundangan. Medyo nakakailang tuloy.
Akala ko'y casual game lang ito, pero may referee na nandito. Wow. Lagi bang ganito rito? Nakakatuwa naman, sineseryoso talaga nila ang laro. Ang sabi, 2 quarters lang daw per game na tig-10 minutes. Not bad.
Natapos nang maglaro iyong naunang team. Sasabak na kami ni Kurt.
"Good luck good luck!" sabi sa amin noong mga naunang naglaro na uupo na. Nginitian ko sila.
"Ba't lagi mong kasama 'yan, Alejandro? Nakakautang ba dyan?" biglang sabi noong makakasama naming maglaro. Nagtawanan iyong mga kasama niya. Si Kurt yata ang kausap niya kasi sa kanya siya nakatingin?
"'Wag mo nga 'ko igaya sa 'yong gago ka," sagot ni Kurt habang umiiling-iling.
Three versus three lang kami. Ako, si Kurt, at isa pang hindi ko kilala. Namumukhaan ko naman 'yong dalawa naming kalaban kasi nakasama rin namin sila sa Guerrero, pero sila iyong tahimik no'n na hindi ko na nalaman kung ano ang pangalan.
"Game na mga paps?" tanong noong referee. Namumukhaan ko siya. . .
Siya iyong kasama ni Heaven sa Guerrero!
Parang biglang nagkulay red ang paningin ko sa inis. Daig ko pa ang torong nakakita ng pulang tela. Ngayong nakita ko na siya sa malapitan, ang masasabi ko lang, mas pogi talaga ako. Malaman siya pero hindi bumagay, nagmukha siyang matandang maton na botchog. Tapos ang jologs ng suot niyang black na sleeveless at board shorts na neon green at white.
Ganito ba ang mga type ni Heaven?
Napatingin ako sa suot ko. Naka-gray shorts ako na Nike, white na v-neck shirt, at white and gray na rubber shoes. Porma ko pa lang mas pogi na.
"Game na Jonathan," sabi noong mga kasama namin.
Jonathan pala ang pangalan ng lintek. Lahat na lang sa kanya pangit.
Naghihiyawan ang ilang mga nanonood. Jump ball na. Pinalilibutan na namin ang referee na siyang may hawak ng bola.
"Andrei, Andrei, Andrei!"
Kung sinoman si Andrei, wala na akong oras isipin kung sino siya kasi inihagis na ng lintik na referee ang bola. Naagaw agad iyon ng isa naming kasama at saka ipinasa sa 'kin.
"Nice one Kobe!" sigaw ni Kurt mula sa malayo. Medyo malapit siya sa ring bilang siya ang rebound.
Ayon. Kobe pala ang pangalan nitong isa.
Dinribble ko ang bola. Dalawa ang tumakbo papunta sa direksyon ko para i-block ako, pero naihagis ko agad kay Kurt ang bola bago pa nila maitaas ang mga kamay nila. Yes!
"Kurt sa kaliwa mo!" sigaw ko. Nasambot niya iyon at mabilis na ishinoot.
Puntos!
Nagkatinginan kaming dalawa, parehas nakangiti. "Sa kanan ko 'yon gago," natatawang sabi niya.
"Ay, sorry naman."
Ang bilis ng mga pangyayari. Pinag-aagawan na nina Kobe ang bola sa kabilang court.
"Kobe, Kobe, Kobe!" sigaw ng isang babae mula sa audience. Wow. May isang fan si Kobe.
Pumalakpak ako ng isa at itinaas ang mga kamay ko. "Dito pre!"
Pero hindi niya ako napansin. Inikutan niya iyong isa para makalusot sana, pero hindi umubra. Sinubukan niya na lang i-shoot mula sa kinatatayuan niya pero maganda ang depensa ng kalaban. Hawak-hawak niya ang bola nang bigla niyang binangga nang malakas iyong isang kalaban, dahilan ng paglagapak nito sa sahig.
Pumito ang referee.
Foul, gago. Free throw para sa kabila.
Lumakas ang hiyawan ng mga tao. Hawak na ang bola noong lalaking nang-aasar kay Kurt kanina.
"Andrei, Andrei, Andrei!" sigaw ng mga tao. Wow. Andrei pala ang pangalan ng mokong. Fan favorite siya ah.
Pumunta siya sa free throw area. Nag-dribble siya nang ilang beses saka ibinato ang bola sa ring.
Pasok. Tuwid na tuwid ang pagkaka-shoot niya.
"Wooooh! Andrei, Andrei, Andrei!" sigaw ng mga tao.
Pasok ulit ang sunod niyang tira. Tumingin ako kay Kobe na siya ring napalingon sa akin na alanganin akong nginitian.
Gago siya. Delikado 'yong ginawa niya, paano kung masama ang pagkakabagsak noong lalaki kanina?
Naagaw ni Kurt ang bola. Sinubukan niya ulit pumuntos pero hindi pumasok. Nasambot ng kalaban.
Hinaharangan ni Kobe ang kalaban. Hawak iyon ni Andrei, nakangisi habang nagdi-dribble. Sumama ako sa pag-block sa kanya. Dikit kung dikit. Sa tayo niya pa lang kanina habang nagf-free throw, nahalata ko nang may experience siya.
"Hindi n'yo 'to maaagaw sa 'kin," aniya, nakangisi pa rin.
Kinuha ko na ang oportunidad na iyon upang agawin ang bola. Napakayabang ng lintek. Tingnan natin kung makakangisi pa siya ngayon.
Nag-dribble ako nang mabilis papunta sa three-point line—hindi ko pinag-isipan, hindi ko sure kung papasok—at saka ini-shoot ang bola.
Gago, pasok! Napasuntok ako sa ere at sumigaw. "Wooh!"
Saka ko napansin ang katahimikan ng paligid. Mga bastos. Bakit walang nagchi-cheer kapag ako o ang team na namin ang nakakapuntos?
5-2 na ang score. Ang galing namin, gago. Kung wala lang 'yong foul kanina ni Kobe, zero pa rin ang kalaban.
Nilingon ko si Andrei. Hindi na siya nakangisi, seryosong-seryoso na ang mukha niya. Dinidribble ng kasapi niya ang bola. Nag-timeout sila. Sumunod ang pagpito ng referee.
Malaki ang ngiti naming tatlo nina Kurt at Kobe. "Nice one mga pare," sabi ko at tinapik-tapik ang balikat nila.
"Ganda ng three points mo kanina pre," sabi sa 'kin nitong kasama namin. "Kobe nga pala."
Nginitian ko siya kahit alam ko na ang pangalan niya. "Salamat. Kenji. Ken na lang. Ang galing mo dumepensa."
Tumatagaktak na ang pawis ko at nag-iinit na ang katawan ko sa kakalaro. Literal na parang huminga lang kami sa timeout na 'yon kasi pumito na ulit ang referee.
"Let's go!" sigaw ni Kurt.
Teka. Kami si Kenji, Kurt, at Kobe. Natawa ako sa isip ko. Masdan n'yo ngayon ang bagsik ng KKK!
Game na ulit. Nasa kalaban ang bola, dinidribble ng isa nilang kasapi na hindi ko kilala. Nag-crossover siya kay Kurt pero mabilis akong nakatakbo at saka inagaw ang bola. Ipinasa ko iyon kay Kobe.
Nice!
Maganda ang pwesto niya. Kayang-kaya niyang i-shoot iyon. Pero habang dini-dribble niya ang bola, bigla na lang sumulpot si Andrei sa likod niya. Shit! Kailan pa siya nandon?
Nag-crossover si Kobe sa kanya pero habang dinidribble niya ang bola, sinubukan iyong kuhanin ni Andrei. Saktong kakarating lang ng isang kalaban na sinusubukang i-block siya, kaya pagkaatras ng paa ni Kobe ay natalisod siya sa paa noong isang lalaki. Nabagok siya sa sahig.
Putang ina!
Nilapitan agad namin siya. Mukhang masama ang pagkakabagsak niya. Daing siya nang daing, mariing nakapikit ang mga mata sa sakit.
Madaming lumapit at nakiusyoso. Ang karamihan ay players din na siguro'y madalas din maglaro rito.
"Kaya mong tumayo pre?" sabi noong isang player na nakaupo sa bangko kanina. Sinubukan niyang itayo si Kobe.
"Dalhin na 'to sa clinic," sabi naman ni Andrei. Tinapik niya si Kobe. "Sorry pre. Hindi 'yon sinasadya."
"Huy anong nangyari?" sigaw ng isang babae. Hinanap agad ng mga mata ko sa nagsisiksikang mga tao ang pamilyar na boses.
Lumundag ang puso ko. Si Heaven!
May hawak siyang soft drinks na nakaplastik na may straw tapos isang Clover. Naka-messy bun ang buhok niya. Suot niya ang yellow na t-shirt at dark green na—ah, putangina lahat na lang napansin ko. Baka batuhin niya na naman ako ng tsinelas kapag nahuli niya akong nakatitig.
"Hala... Kobe!" Bakas na bakas sa boses niya ang pag-aalala. Niyakap niya si Kobe. Kung titingnan ang mga mata niya, parang maiiyak na siya.
Tila nadurog ang puso ko. Kung anong concern ang pinapakita niya kay Kobe, siyang galit niya sa akin. Deserve ko naman pero hindi ko mapigilang mainggit.
Hindi nagsasalita sa Kobe. Gago ang sakit no'n. Sinusubukan niyang makatayo pero hirap siya. May tama rin ba ang binti niya?
"Patulong naman oh," aniya habang sinusubukang akayin ang punyetang teammate ko. Nakatuon lang ang tingin ko sa braso ni Kobe na nakadantay sa balikat ni Heaven.
Shit, shit, shit. Nanginginig na ako sa selos. Parang nagkaroon ng bara sa lalamunan ko na hindi ko alam kung saan nanggaling, saka unti-unting namasa ang mga mata ko.
Pambihira naman, Heaven. Wala na ba talaga akong pag-asa sa 'yo? Ni hindi mo man lang ako nakita dahil nakapako sa kanya ang tingin mo.
Sama-sama nilang inalalayan si Kobe kasama iyong referee na si Jonathan. Bakit ang daming lalaki ni Heaven? Hindi naman sinabi ni Kurt na lalaki pala ang best friend niya tapos si Kobe pa.
Sana ako na lang ang nabagok.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top