01.
KENJI.
KATATAPOS LANG NAMIN maglipat ng mga gamit. Hindi ko na masyadong pinagbuhat si Kuya Randy, iyong driver namin, dahil bukod sa may edad na 'yon, malamang eh pagod na pagod na siya sa halos limang oras na pagmamaneho galing Maynila. Si Mama naman, ayon—nagse-set up ng opisina niya sa kabilang kwarto.
"Meryenda tayo?" Si Kuya Randy. Itinaas niya ang kinakain niyang Spanish bread mula sa dining table.
"'Di na po," sagot ko, tapos nginitian ko siya. 'Yong ngiting mabait. Naks. Kabahan ka na, Enrique Gil. "Labas lang po ako saglit, maglilibot-libot lang."
Sinalubong agad ako ng sariwang simoy ng hangin. Kulay kahel na ang kalangitan, habang nagpapaalam na ang araw sa pagitan ng mga puno ng acacia. Napangiti ako nang bahagya. Ang ganda talaga sa Montealto. Wala masyadong tao kaya ang payapa, tapos mapuno pa. Ang sarap maglibot-libot, 'di gaya sa Maynila na sobrang init tapos halos gawin ko nang inhaler 'yong usok.
Binagtas ko lang ang daan. Dere-deretso at liko nang liko kung saan ko matripan. Hindi na ako gaanong kapamilyar sa lugar dahil ilang taon na rin simula noong pumunta ako rito, pero may naaalala pa naman akong ilang lugar gaya noong bahay nina Kurt, 'yong kalaro ko dati na hindi ko matalo-talo sa kahit anong laro.
Mayroon ring ilog doon sa may "ilaya," kung anoman 'yon. Ang alam ko lang, isang sakayan lang ng jeep ang papunta doon. Madalas akong niyayaya doon ni Kurt saka 'yong mga tropa niya na hindi ko na masyadong tanda kung anong mga pangalan, pero madalas akong tumanggi kasi bawal akong masyadong matagal sa labas. Strikto si Mama e. Naiintindihan ko naman siya kasi ganoon talaga kapag may gwapo kang anak. Na mabait din.
Tapos. . . ano pa nga ba naaalala ko? 'Yong mga karinderya na nakahanay sa may simbahan, 'yong malawak na sakayan sa dulo ng Kariktan, 'yong 7/11 sa may kanto na palaging walang yelo, 'yong sari-sari store nina Lyn na lagi kong binibilhan ng ice candy at Clover, pati 'yong gasolinahan sa may Arcillas na lagi kong nadadaanan.
Tapos si Heaven.
'Tang ina. Hindi ko na namalayang hanggang tainga na ang ngiti ko. Hindi talaga ako marunong magpigil ng kilig. Mukha akong baliw sa daan kaya pinuno ko na lang ng hangin ang bibig ko at nagpanggap na isa akong puffer fish na nagkatawang-tao at dere-deretsong naglakad.
"Kuya Ken?!"
Boses lalaki. Sino 'yon?
Nilingon ko. Lintek, hindi ko talaga kilala. Napakamot ako ng ulo. "Sorry. Sino ka po?"
Nanatiling malaki ang ngiti niya sa 'kin. "Hulaan mo! Tanda mo pa ba si kuya, 'di ba lagi kayong magkasama dati?"
Unti-unting rumehistro sa 'kin ang bilugan niyang mata, brownish black na buhok, katamtamang ilong, at ang kayumanggi niyang balat. "Ikaw 'yong kapatid ni Kurt, si Chris?" Tumango siya, nakangiti pa rin. Napasinghap ako. "Ang laki mo na!"
Tumayo ako nang tuwid sa tabi niya. "Konti na lang matatangkaran mo na 'ko oh," sabi ko tapos ginulo ko ang buhok niya. "Sa'n na kuya mo? Kamusta na ba kayo?"
"Astig pa rin kuya," aniya tapos may pagkagat pa siya ng labi habang hinimas-himas niya ang baba niya. Napatawa ako. Parang timang.
"Ay, oo nga pala. Gusto mo samahan na lang kita do'n, kuya? Nasa may Guerrero sila ng mga pinsan namin, nagsuswimming."
Guerrero? 'Yong falls?
Inakbayan ko siya. "Sige pre. Buti nakasalubong kita!" humahalakhak kong sabi.
Grade 7 pa ako noong huling tapak ko rito. Dito ako tumira ng dalawang taon kasi nag-away si Mama saka si Papa at ang ending, iniwanan niya lang ako kay Papa rito sa probinsya. Oh, 'di ba. Alam ko na ang mangyayari kapag nakahanap siya ng ibang lalaki.
Sumakay kami ng jeep. Tapos sumakay kami ng tricycle papasok sa isang kanto. Dere-deretso kaming naglakad sa makipot na pathway na puro lumot 'yong pader na may karatulang nakadikit na "This way to Guerrero Falls". Ilang saglit, naririnig ko na 'yong paglagasaw ng tubig ng talon hanggang sa nakarating na kami.
Ang ganda pa rin talaga ng Guerrero. Ang galing ng barangay nila, na-maintain talaga 'yung kalinisan ng lugar. Noong bata pa ako, gusto ko sanang tumalon mula sa taas ng falls, pero ngayon ko lang na-realize na ang taas pala masyado. Buti pinigilan ako ng nanay ko. E 'di sana patay na ako ngayon.
Medyo madami pa ring lumalangoy. May mga grupo na nagtipon-tipon sa mga maliliit na cottage sa gilid, pero mas marami talaga ang nakatambay doon sa may naglalakihang bato na malapit mismo sa talon. Hinanap agad ng mga mata ko si Kurt, pero hindi ko siya makita.
Hinila lang ako ni Chris hanggang sa nakarating kami sa mesang nasa ilalim ng malaking puno. May mga pagkain at alak doon, habang nakapatong naman sa upuan ang mga bag nila. Oh. Wala namang tao?
"Lah, ba't wala dito. Baka nagyosi break lang si kuya," ani Chris. "Gusto mo maglibot-libot ka muna? Upo lang ako rito, ang init."
Tumango na lang ako. "Sige lang. Mag-ikot-ikot lang ako."
Pagtalikod ko pa lang kay Chris, naramdaman ko na agad ang mga matang nakatingin sa akin. Pagkaangat ko ng tingin, ayon na nga, may pailan-ilang taong pinagtitinginan na ako.
Napabuntong-hininga ako. Kainis. Bakit kasi masyadong active ang pamilya namin sa social media? Balak yata talunin ng tatay ko ang Keeping Up With the Kardashians! Kainis talaga. May nakakakilala tuloy sa 'kin kahit saan ako magpunta, pero hindi sa magandang paraan. Politiko kasi ang tatay ko pero kung makaasta siya, parang artista. Paano nga matutuwa sa amin ang mga tao nyan?
"Ang pogi pa rin ni Ken..."
"Gaga! Anak 'yan ni mayor, gusto mong mamatay?"
"Luh, oa. At least mayaman."
"Shh! Naririnig yata kayo."
Tumikhim ako noong nadaanan ko 'yong mga babaeng pinagchichismisan ako. Hindi naman ako naaapektuhan kapag nakakarinig ako ng ganyan, kasi totoo namang pogi ako.
Joke lang. Hindi ko na matandaan kung saan eksaktong nagsimula, pero simula noong naging mayor si Papa, lalong sumama ang reputasyon ng pamilya namin.
Ngayong taon, sunod-sunod na namatay ang ilang kamag-anak namin sa father side. Iniimbestigahan pa, pero kung igu-Google ang pamilya namin, ganyang klase ng balita ang lalabas. Nasa lahi kasi talaga nila ang politika.
Umupo ako sa malaking batong medyo malapit sa talon mismo. Wala lang, pagmamasdan ko lang 'yong mga nagsuswimming. Nakakatuwa kasi karamihan sa kanila, pamilya o kaya magtotropa. Wala kaming bonding na ganito ng pamilya namin eh. Wala rin akong tropa. Madami akong kakilala, pero isa lang ang pinakapinagkakatiwalaan kong kaibigan.
Nagpapahangin lang ako nang napukaw ang atensyon ko ng isang babae at lalaking malakas na nagtatawanan habang nagsuswimming. Sino ba 'yong maiingay na 'yon? Nanliit lalo ang singkit kong mga mata. Iyong lalaki, hindi ko kilala, tapos 'yong babae. . .
Puta.
Bilugan na mukha. Mahabang buhok. Matangos na ilong. Magandang ngiti, 'yong tipong kapag nakangiti siya, hindi mo na mamamalayang napapangiti ka na rin pala.
Putek, si Heaven. Si Heaven 'yon!
Nag-init ang pisngi ko kaya napahinga ako nang malalim. Astig ka Ken, astig ka. Babae lang 'yan. 'Wag kang papatinag.
Pero pucha, si Heaven 'yon. Hindi basta babae lang.
Biglang may umakbay sa 'kin. "'Wassup tol! Kamusta ka—"
Hindi ko nililingon kung sino 'yon, at ang tanging naririnig ko lang ay ang malakas na tawanan at sigawan ng dalawa. Naka-focus lang ako kay Heaven at kung sinoman 'yang animal na kaasaran niya na pabiro siyang nilulunod tapos babasain.
"Uy, Ken! Hello?" May kamay na kumaway sa harapan ko.
Paglingon ko, anak ng pating. Si Kurt!
"Uy, pre! Kamusta?" tanong ko, pero ibinalik ko kaagad ang tingin kay Heaven at sa kupal na kasama niya. Boyfriend niya ba 'yon?
Parang nakaramdam naman siya kaya tiningnan niya kung anong tinitingnan ko, tapos nilingon ako habang nakangiti nang parang nang-aasar. Ay, hindi. Nang-aasar talaga siya.
"Aray! Sobrang sakit," ani Kurt na mariing nakahawak sa dibdib niya. Nagkunwari pa siyang hihimatayin kaya hinila ko siya.
"Gago ka talaga," sabi ko. "May boyfriend na ba si Heaven?"
Nakangisi pa rin ang loko. "Ba't gusto mong malaman? May amats ka pa rin sa pinsan ko?" Saka siya tumawa nang malakas. Tinakpan ko ang bibig niya. Tarantado talaga 'tong si Kurt! Hindi pa rin siya nagbabago. Anak talaga ng pating.
"Kung ayaw mong sabihin e 'di 'wag. Aagawin ko na lang," sabi ko kaya napatawa siya. Pinapunta nila ako sa table nila at saka kami nagkwentuhan.
"Guys, ito nga pala si Ken. Tanda n'yo pa ba sya? Nakakasama natin 'yan dating manghuli ng palaka," ani Kurt na panandaliang umakbay sa 'kin.
Nginitian lang ako no'ng iba. Pito kaming lahat dito. 'Yong iba na hindi pamilyar, na siguro hindi ko naman nakakasama dati, sila 'yong tahimik lang. Hay. Hindi naman ako nangangagat.
"Totoo bang hanggang ngayon, hindi pa rin ikaw ang naglalaba ng brief mo?" tanong noong isa.
Nabalot kami ng katahimikan. . . na kalauna'y naging tawanan. Nahihiyang napayuko ako habang natatawa nang bahagya sa tanong niya. Lintek na vlog kasi 'yan. Ni-vlog na lang lahat ng kapatid ko! Nakakainis. Hindi naman totoo 'yon. Imbento lang 'yon ng kapatid ko doon sa isang house tour vlog nila. Kainis!
Noong hindi siya sumagot, saka siniko noong isang lalaki 'yong tomboy na nagtanong no'n. Ali raw ang pangalan niya. Nagtatawanan pa rin sila pero pigil na.
Umubo-ubo ako. "'De, okay lang. Fake news 'yan, naglalaba ako ng sarili kong brief."
Halatang hindi komportable iyong iba sa 'kin kaya medyo naiilang na rin ako, pero medyo nagkakasundo na rin kami kasi ang dadaldal din talaga ng mga tropa ni Kurt. Parang siya lang. Nakikiinom rin ako pakonti-konti, pero kaunti lang talaga kasi baka maamoy ako ni Mama pag-uwi at hampasin ako ng kaldero.
Tinungga ko 'yong isang shot ng Cuervo. Gumuhit pababa ng lalamunan ko 'yong tapang ng alak, nanlalaban. Ang pait, gago. Wala nang chaser.
"Eyyy!" sigawan nila noong nakita nila akong umiinom. Napailing-iling na lang ako.
Ganoon lang ang gawain namin hanggang nagkaroon na ng mga bituin sa kalangitan. "Una na 'ko mga bossing," sabi ko habang tumatayo. Nahihilo na ako. Lagot ako sa nanay ko pag-uwi ko.
"Makakauwi ka ba? Hintayin mo na si Kurt pre, sabay na kayo mamaya," sabi noong isang lalaking naninigarilyo. Kung hindi ako nagkakamali, JM ang pangalan niya.
Umiling lang ako. "Kaya ko na 'to," sabi ko. "Nahihilo lang ako pero goods pa." Tinapik-tapik ko ang balikat ni Kurt, kinawayan iyong iba, at saka umalis.
Pinagmasdan ko ang falls nang huling beses nang may babaeng biglang umahon. Kumurap-kurap ako hanggang sa unti-unti ko nang naaninag kung sino iyon.
Si Heaven! Kunwaring umubo ako at tinakpan ang bibig para hindi halatang kinikilig ako.
Huminga ako nang malalim para mag-hi sana pero pinapangunahan ako ng kaba. Maririnig niya kaya ako kahit medyo malayo siya sa akin? Kilala niya pa kaya ako? Pero pakiramdam ko, kung naaalala niya pa ako, hindi siya matutuwang makita ako.
Wala na, nahihiya na akong bumati.
Hinawi niya ang buhok niya sa may kaliwang balikat niya at saka dahan-dahang humakbang sa may batuhan. Pati 'yong pagsinga niya, ang ganda-gandang tingnan. Ang hinhin. Kitang-kita ang kurba ng bewang niya dahil basang-basa ang puti niyang v-neck na t-shirt, saka umakyat ang tingin ko sa dibdib niya. . .
Nag-init ang pisngi ko. Hindi ko na namalayang nakatitig na pala ako.
"Hoy! Anong tinitingin-tingin mo dyan?" bulyaw niya sa akin habang tinatakpan ang dibdib niya.
Ibubuka ko sana ang bibig ko para magsorry pero natameme lang ako, hindi na magkaintindihan kung anong gagawin.
Shit, kaharap ko si Heaven! Putang ina. Ang ganda talaga ng nilalang na 'to. Medyo nag-mature na ang features niya tapos tumangkad siya nang kaunti. Hindi ako makapaniwalang makikita ko agad siya sa unang araw ko sa Montealto.
Medyo kumiling ang ulo niya na para bang namumukhaan ako pero inaalala niya pa kung sino.
Tapos, bahagya siyang lumapit sa akin. "Ah, si Fajardo," aniya sa walang kasigla-siglang boses.
Akala ko lalampasan n'ya na 'ko pero pumulot siya ng isang tsinelas mula sa batuhan at saka ibinato sa mukha ko. "Bastos ka pa rin talagang bwisit ka."
Naiwan akong nakatayo sa harap ng talon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top