Confession 7 -WNMTB

Pitong piso. Pitong piso lang ang kinailangan ko para matupad lahat ng kagustuhan ng puso ko. Ikaw. Ang pitong pisong iyan ang nagdala saakin sa kinaroroonan mo. Ang pitong pisong naging tulay para tayo'y magkatagpo. Pitong pirasong piso na pamasahe ko sa jeep patungo sa puso mo. Pitong pisong akala ko'y swerte para sa puso ko, iyon pala'y katumbas lang ng pagtingin mo saakin -kakapiranggot, barya lang... hindi nasusuklian.

Naalala ko noong unang beses tayong magkita -sa jeep. Ikaw ang nag-abot ng bayad ko sa mamang driver. Abala ka noong sa pagkalikot mo sa cellphone mo at walang lingong inabot mo ang pitong pisong magiging dahilan ng pagkakakilala natin. Nawili ako sa panonood sa'yo habang nililipad ng polusyon ang lagpas balikat mong buhok at halos matabingan na ang maganda mong mukha. Nasa gitna ako ng jeep na kunwari'y aburido sa traffic papuntang Northgate, Alabang, pero ang totoo'y pasulyap-sulyap sa'yo habang titig na titig ka sa telepono mo. 

Pinagdasal kong sana'y bago ka pumara, malaman ko man lang ang pangalan mo o kung suswertehin ako kay kupido'y makuha ko ang cellphone number mo. Isa akong dakilang torpe kaya wala sa dalawang hiniling ko marahil ang matutupad, naisip ko.

Habang tumatakbo ang jeep ay nahuli mo akong nakatingin sa'yo. Pinasadahan mo lang ako ng sulyap na sa tantiya ko'y hindi hihigit sa dalawang segundo saka bumalik ang atensyon mo sa cellphone mo. 

Siguro nga'y hindi ako karapat-dapat sa atensyon ng isang kagaya mo. Napakaganda mo na halos sabihin kong hindi ka nababagay sa sinasakyan nating jeep. Hindi ka rin nababagay sa isang kagaya ko: makapal ang suot kong salamin na singkapal ng kilay ko, binabakuran ng kulay asul na braces ang mga ngipin ko, patpatin at halos lamunin ng maluwag kong polo shirt. Hindi tayo bagay ayon sa mata ng mga eksperto sa match-making. 

Iniisip ko pa lang na magiging tayo ay inuulan na ng samo't saring negatibong imahinasyon ang utak ko. Na kapag naging tayo at nagpost ako sa social media ng selfie nating dalawa ay uulanin ng bashers ang photo natin, o kaya'y pagtitinginan tayo ng mga tao sa pampublikong lugar kapag naglakad tayong magkaholding hands. Baka hindi mo kayanin. 

Sa araw na iyon, biniro ako ng pagkakataon. Gumawa ng paraan si kupido para bigyan ako ng konting pag-asa na mapalapit sa'yo. 

Sinita ka ni manong driver dahil malapit na ang terminal ng jeep kung saan tayo bababa ay hindi ka pa nag-aabot ng bayad mo -pitong piso. Mabilis mong isinuksok sa dala mong bag ang iyong cellphone saka nahihiyang naghalungkat sa loob no'n. Nataranta ka nang ilang kalikot mo sa loob ng iyong bag ay hindi ka makahanap ng bayad mo. Napatingin ka saakin. Na parang humihingi ng saklolo. 

Awtomatiko namang napadukot ako sa aking bulsa. Saktong may sampong piso pa sa loob no'n. Mahigpit kong hinawakan ang natitirang barya sa bulsa ko habang pinapanood kang halungkatin ang bawat sulok ng dala mong bag. Muli kang tumingin saakin saka mo naapuhap ang iyong bibig gamit ang iyong mga palad. Mukhang nawawala ang wallet mo at wala kang pambayad. 

Ilang metro na lang at nasa terminal na tayo. Hindi mo pa rin mahanap ang bayad mo. Dala siguro marahil ng kagustuhan kong maging tagapagligtas mo, iniabot ko sa'yo ang hawak kong sampong piso saka sinabing, "Manong, bayad ho niya."

Nanlaki ang mga mata mo. Mukhang hindi ka makapaniwalang isang patpating nerd ang naging super hero mo. Nahihiya mong inabot ang barya mula sa palad ko. Kinilig ako nang muling magdikit ang mga palad natin. Bumulong ka pa ng 'Thank you' nang iabot mo ang tatlong pisong sukli ko (mo). 

Nang makababa tayo'y muli kang nagpasalamat. Nahihiya kong sinabi ang gasgas nang "Walang ano man" at mukhang umubra naman iyon sa'yo dahil kusa mong ibinigay ang numero mo dahil nangako kang babawi ka saakin. 

 Doon nagsimula ang pagkakaibigan natin. Pagkakaibigang nauwi sa hanggang pagkakaibigan din lang. Ganoon nga siguro talaga, may mga prusisyong hindi nauuwi sa simbahan. We're just friends. Friendzoned nga siguro ako kung tutuusin dahil sa una pa lang ay sinabi mo nang hanggang magkaibigan lang talaga tayo dahil hindi ako ang tipo mo. Ang tipo mo ay katulad ni Chris na kaklase mo --gwapo, matangkad, mayaman, makinis at varsity player. Malayo din ako sa crush mong si Marco na athletic at chick magnet. Lalong walang wala ako kay Sam na campus crush ng pinapasukan mo. 

Hindi mo ako gusto. Isang katotohanang masakit tanggapin at mahirap nang baguhin. 

Ilang buwan ang lumipas na madalas kasama kita bago ko napagtantong mahal nga kita. Higit pa sa isang kaibigan. Ang pagkakaalam ko ay matalino ako. Pero totoo pala talaga ang sinasabi ng karamihan. Lahat nagiging tanga kapag nagmahal. Nabasted mo ako. Isa. Dalawang beses. Tatlong beses hanggang sa parang biro na lang sa'yo ang panliligaw ko. Nakakamanhid pala talaga kapag nabasted ka na ng maraming beses. Nakakatanga pala talaga kapag patuloy kang nagmahal ng taong hindi ka kayang mahalin sa paraang gusto mo. 

Paulit-ulit mo man akong nasaktan ng hindi mo namamalayan, hindi tumigil sa pagtibok ang puso ko para sa'yo. Kinailangan kong lumayo, hindi dahil sa napagod akong mahalin ka. Alam kong masaya ka na sa piling ng iba kaya kinailangan kong dumistansya dahil kapag kinonsinti ko itong ang nararamdaman ko'y baka madurog ako ng tuluyan. Baka maubos ako.

Anim na taon. Anim na taon tayong hindi nag-usap simula nang magmigrate ako sa US. Marami na ang nagbago. Tinangay na ng panahon ang makapal na salamin sa mata ko pati na ang braces ko. Wala na ang dating patpating katawan ko. Pinilit kong baguhin ang sarili ko dahil sa'yo. Pinilit kong maging singtikas ng mga tipo mong sina Chris, Marco at Sam. Mas higit sa mga tipo mo. Nagsumikap ako para maging karapat dapat para sa'yo. 

Ang akala ko'y maaayos na ang lahat para sa ating dalawa nang malaman kong hiwalay na kayo ng long term boyfriend mo. Inulan mo kasi ng messages ang messenger ko. Pinapauwi mo ako dahil may mahalaga kang sasabihin na hindi pwedeng sa messenger lang sinasabi. Sa sobrang excitement ko, nagfile ako ng vacation leave sa trabaho at nagmadaling umuwi para makita ka.

Ang dami kong iniisip habang nasa eroplano. Ang dami kong prinactice na linya kahit noong lulan na ako taxi papunta sa bahay niyo. Nakailang buntong hininga ako nang papasok na ako sa gate ng bahay niyo. Maliwanag. Maraming tao. Maingay.

Nagdalawang isip pa akong pihitin ang seradura ng pintuan niyo dahil sa sobrang kaba ko. Nangatog ako nang maglangitngit ang pintuan sa pagbukas ko at sabay-sabay kayong nagsigawan. I saw old friends. I saw you.

Tumigil ang mundo ko. Pero narealized kong tumigil lang pala ang mundo ko...hindi ng mundo mo. Kasi narinig kong sinabi mo nang makita mo ako na, "Yes! Nandito na ang bestman! Nandito na siya!"

Mula sa kusina lumabas ang isang lalaking pamilyar ang itsura. Mabilis ako nitong nalapitan at niyakap. Si Oslo, ang bestfriend ko noong college. Ilang segundo ba bago ko napuloy ang wasak kong sarili mula sa sahig?

"Josh bro! Buti nakauwi ka!" saad ni Oslo na walang gaanong pinagbago maliban sa buhok niyang bagong gupit. Inakbayan ako nito habang ninanamnam ko pa ang sakit sa dibdib ko. "Guys, meet my bestman! Architech Joshua Nuñez!" pagpapakilala nito saakin.

Pinilit kong ngumiti. Ang hirap pala. Lalo na kapag nasasaktan ka.

Masakit pa rin. Kahit na ngayon, nasa tabi ako ng groom at pinapanood ka habang naglalakad palapit sa kanya. Pakiramdam ko'y sa iba napunta ang pangarap ko.

Ganoon pala talaga. I have tried to keep myself busy and isolate myself from the rest of you. It didn't work. I have made myself likeable but it didn't end up pleasing you. You liked someone, my bestfriend, who looks like the old me.

Ganoon nga siguro talaga. Kahit mahal kita, kung iba ang gusto mo, hindi kailanman magiging tayo. It's painful just realizing that we will never be an item... WE'RE NOT MEANT TO BE.

###

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top