Chapter One
Sa bawat hakbang ng kaniyang mga paa ay naririnig ang paghalik ng takong sa lapag. Naagaw niya ang lahat ng atensyon ng mga tao sa paligid, walang ni-isa ang hindi napalingon matapos niyang lagpasan ang isang katauhan. Siguro sa amoy o sa ibinigay na impresyon sa nakapaligid ay hindi maiiwasan ng mga ito ang pagtingin sa kaniya.
Kakaiba talaga ang epekto ni Victoria Melendez Palmon. Ang namataang pinakabatang hahawak ng tanyag na Palmon Hotels matapos ang kontrobersyal na pagkamatay ng kaniyang amang Lucerio sa isang aksidente.
Ngayon ang araw na ipakikilala si Victoria sa lupon ng mga taong naatasan sa pamamahala ng mga eksklusibong panukala sa korporasyon ng Palmon Hotels. Nasa tamang edad na siya para pamunuan ang naturang hotel. Marami na rin siyang natutuhan, at dati na rin siyang naatasan ng ama na humawak ng isa nilang negosyo kaya hindi na bago sa kaniya ang ganito ang kaibahan lang ay mas malaki ito kumpara sa dating dumaan sa kaniya.
Kumurba ang isang maliit na ngisi sa labi ni Victoria nang sumalubong sa kaniya ang pirmeng tauhan na komportable na nakaupo sa kanilang mga upuan. Ang bawat isa ay nanggaling sa mga malalaki at makapangyarihan na pamilya. Maayos ang pag-presenta ng mga sarili ng bawat isa, wala ni-isa ang hindi pumasok sa sariling kahulugan niya ng "maayos".
Natuwa naman siya dahil doon. Maganda at malinis ang pangalan na iniwan sa kaniya ng ama rito. Totoo siyang maiinsulto kung hindi ganito ang klase ng pagsalubong na ibibigay sa kaniya kung siya'y nakaupo na sa pwestong alam niyang nararapat siya.
Walang sabi-sabing umupo si Victoria sa swivel chair na nakalaan para sa kaniya. Maagap na ibinaba ang dala-dalang handbag at pinanood ang taong nakatayo sa harapan ng projector, Binibining Daganta, ang napagbilinang ipresenta sa kaniya ang business proposal ng Palmon Hotels na para bang hindi niya pa nababasa iyon.
Palahanda siya na klase ng tao. Hindi susugod ng isang giyera si Victoria na walang nakalatag na plano bago siya kumilos. Makatwiran siya mag-isip, walang oras para pagkatiwalaan ang mga bagay na tinatawag na "Pwede na". Maganda at pangit lang ang mga adhektibong tinatanggap niya 'pag usapang trabaho na. Strikto mang pakinggan ngunit napalago niya ang isa sa mga negosyo ng pamilya sa pamamaraan na 'yon.
Pinagsiklop ni Victoria ang mga kamay sa ibabaw ng lamesa at pinakinggan ang mga walang kwentang bagay na lumalabas sa bibig ng presenter sa harapan.
Binigyan muna siya nito ng pilit na ngiti. "Palmon Hotels is the home of accommodations, we are one of the first to establish the hospitality industry in the Philippines. The family of Palmon, helped to—"
"Blah, blah, blah."
Lahat ng atensyon ay bumaling sa kaniya. Naiisip na siguro ng iba ay nagiging bastos siya ngunit walang pakialam si Victoria kung ano man ang iniisip nila. Alam niya ang ginagawa niya, alam niya ang trabaho niya. Hindi lang makinig at maupo ang trabahong naatas sa kaniya, hindi pa nga umiinit ang kaniyang pangupo sa upuan ay nais na niyang lisanin ang lugar.
Tumayo si Victoria, inikot ang buong silid at tinungo ang naghahandog. Peke niya ring nginitian ang babae at niyuko ang nilalaman ng powerpoint nito. Muntik na siyang bumagsak sa kinatatayuan sa kagustuhang tumawa— humalakhak nang malakas habang binibigyang pansin ang bawat slides na nakahanda para sa presentasyon ngayong araw.
"Mayroon ka pa bang ipapakita sa akin, Ms. Daganta na hindi ko alam? Last month pang naibigay sa akin ang business proposal ng Palmon Hotels pati na rin ang status nito; financially and commercially. Straight to the point, let's start voting."
Nagkatinginan ang mga tao sa loob ng silid. Bumadha ang pag-aalinlangan sa kanilang mga mukha. Wala nga lang pakialam si Victoria kung ano man ang naiisip nila sa oras na 'yon.
Nilapag niya ang mga kamay sa lamesa at hinarap sila. Minamata ang bawat isa, pinapakita ang kakayahan na maipatalsik sila sa kinauupuan sa isang utos lamang.
Nananakot, nanunumbat.
"Ikaw, magsimula ka na." Tinuro niya ang matandang lalaki na halos kumintab na ang nakakalbong uli nito.
Tumikhim ito at dumiretso ng upo. "I vote no, maraming member sa board ang capable sa trabaho bilang bagong CEO ng hotel."
"Like who?"
Natigilan ang lalaki sa tanong niya. Napaikot ito ng tingin sa paligid, naghahanap ng kakampi. Mabuti na lang, sa awa ng diyos sa matanda, may isang tinig na nangibabaw.
Hindi na nagulat si Victoria nang makitang lalaki ang nagsalita. "Isa ako sa pinakamaraming share sa hotel. Alam ko ang bawat pasikot-sikot ng hotel na 'to, I'll be eligible for the position. Besides, you don't seem to have a big impact in this industry right now."
"So it's two "no's" then?" walang buhay na pagdeklara ni Victoria sa desisyon ng dalawa, pinapahalatang hindi isang threat para sa kaniya ang mga ito. "Does anyone want to vote no too?"
Iniikot niya ang tingin, wala nang sumubok pa na kalabanin ang nais na desisyon ng karamihan.
Talk about impact.
"Congrats, may bago na kayong namamahala," balewalang aniya saka bumalik sa kinauupuan. "Wala akong ibang paraan ng pamamahala maliban sa pagkakaroon ng board meeting every month. Not every year like you've practiced but every month to move your unproductive asses."
Kinuha niya ang pakay na handbag at tinalikuran ang mga executives.
"This is absurd, we barely knew her! She's not ready and God knows her father thought the same. Bakit natin pahahawakin ang anak ni Lucerio sa ganito kalaking responsibilidad?"
"Then why not order an ouija board and ask my father?"
Natahimik ang lahat. Hindi makagalaw sa kaniyang mapanuring pantitig.
Matagal na nakatayo si Victoria roon at nang lumipas ang ilan pang segundo ay wala nang nag-alsa pa sa kabuuang desisyon, ay nagpatuloy siyang magsalita.
"For all we know, Mr. Henderson"—Lumandas ang mata niya sa nagkakalbong matanda—"and Mr. Jalea," tawag pa niya na ang tinutukoy ang isa pang nakialam ngunit may kabataan. "This meeting is for formality. Last week, ay na-receive ko na ang anonymous votes ninyo and clearly, your decisions are consistent." Except one....
"Kaya 'wag na tayong maglokohan pa rito. I'll be at my office. The CEO's office."
MALAKI ang opisinang nakahandog para sa kaniya. Pagkabukas ay bubungad ang kaniyang upuan kung saan nakatambay ang mamahaling computer desk at swivel chair, kapag naman lumiko pa-kaliwa ay sasalubong ang tila living room type na arrangement ng mga upuan na magkaharap kung nasaan nasa gitna ang coffee table. Samantalang sa kanilang kanan nakapwesto ang pribadong banyo na nakadikit ang walk-in closet.
Sumibol ang maliit na ngiti sa labi ni Victoria nang mailapag na niya ang handbag na regalo pa ng kaniyang ama noong kaniyang kaarawan sa pagka-labing walong edad.
Nalulungkot siya sa sinapit ng ama ngunit hindi rin niya mapigilan ang nararamdaman na saya sa pagkakaalam na mahahawakan na rin niya ang pinaka-aasam-asam na establisyemento.
Ang Palmon Hotels ang nagbigay ng pera sa pamilyang Palmon. Dito nanggaling lahat ng yaman nila. Salamat na lang sa Lolo Lucerio Palmon Sr. niya. Pero sa kung iisipin, ang kaniyang malayong Lola Teresita Palmon ang nagpalago ng bahay-tuluyan ngunit dahil wala pang sariling boses ang mga kababaihan noon, napunta sa kaniyang lolo ang karapatan at siya ring nagpangalan ng namataang hotel.
Matagal nang hinihingi ni Victoria sa kaniyang ama ang upuan bilang puno ng Palmon Hotels ngunit hindi siya pinayagan sa kadahilanang "Hindi pa siya handa" at imbes na bigyan siya ng tsansang magpakitang-gilas ay nilagay siya nito bilang tagapamahala ng kanilang clothing line.
Simula noong araw na 'yon, lumaki ang galit niya sa ama, napuno ng sakit ngunit hindi nawala ang pagmamahal. Alam niyang iniisip lamang nito ang kaniyang kapakanan at ang apelyidong pinapahalagahan pero hindi niya maisip kung sakali, bakit nga ba siya nito pinipigilan pang maghawak ng bagay na napag-aralan na niya't lahat?
Iniiling niya ang ulo at sinandal ang likod sa upuan. Naglalaro ang daliri sa touchpad ng nakapatay na laptop. Nilalaman ng misteryosong tao mula sa lupon ng mga eksklusibong namamahala ng hotel ang isipan niya.
Ngayong araw, dalawang tao ang nagpakita ng pag ayaw sa kaniyang pamumuno ngunit sa natanggap niyang resulta ng anonymous votes ay tatlo ang humindi sa kaniya. May isang taong nagbago at natakot na harapin ang kaniyang hagupit at aalamin niya kung sino iyon.
Hindi naman humahawak ng matinding pagkamuhi si Victoria, lalo pa't sa mga hindi naman mahahalagang bagay na hindi niya dapat ikagalit subalit gaya nga ng itinuro sa kaniya ng pamilya, nararapat lamang ay may kamalayan siya sa mga taong nais bumangga sa kaniya. Nababantayan niya ang bawat galaw at kilos ng mga taong iyon sa oras na kinakailangan.
Delikado siya ngayon.
Kailangan niyang malutas kung sino man ang duwag na taong hindi siya kayang harapin ng mata sa mata. Sinarado ni Victoria ang laptop at binuksan ang kompyuter. Naburo siya maghapon sa pagtingin ng mga pitch at proposals na inaprubahan na ng COO ng kompanya.
Naagaw ng katok ang kaniyang atensyon, nang bigyan niya ng permiso ay pumasok na ang kaniyang sekretarya.
"Ms. Palmon, ito na po ang data na pinapapahanap niyo sa akin." Nilapag nito ang kumpol na folder. "Nakalagay po diyan ang lahat ng records ng member ng board; both family, work character background."
"Thank you." Binigyan niya ito ng ngiti. "Wala kang dapat pagsabihan na hiningi ko ang data na 'to sa 'yo," paglilinaw pa niya. "Maliwanag, Adelaide?"
Sunod-sunod itong tumango. "O-Oo po, maliwanag."
"Good, isara mo ang pinto paglabas mo. I-remind mo na lang sa akin kung may kailangan akong problemahing meeting na dapat puntahan."
Lumapad ang ngiti sa labi niya nang mahawakan ang unang lead na magiging tulay sa misteryosong taong iyon.
Sa wakas.
MALALIM na ang gabi nang iparke ni Victoria ang sasakyan sa lote ng lugar na tinatrato niyang safe space. Hindi mawaksi sa kaniyang mayuming mukha ang malapad na ngiti habang naglalakad palabas ng parking-an.
Maraming tao ngayon, mas nae-engganyo siya na pumasok ngayon.
Nahagip ng kaniyang mga mata ang isa sa malapit na kaibigan sa lugar. Mahina siyang natawa nang makita ang suot nito. Hindi talaga mawawala sa outfit nito ang skimpy denim shorts at itim na crop top. Kumaway-kaway ito sa kaniya.
"Kumusta, nasaan si Ursula?" bati niya kay Jasmine.
Hindi lingid sa kaalaman ni Victoria na hindi nila gamit ang mga totoong pangalan. Sa lugar na pinapasukan ay mahalagang hindi nila ginagamit ang pangalan na ginagamit sa pang araw-araw. Para sa kanilang seguridad 'yon dahilan sa mga klase ng mga taong pumapasok sa lugar.
"Okay naman, Tiana, pero halos magdasal na sa c.r. habang jume-jebs." Tatawa-tawang kwento nito.
Tiana.
Hindi siya ang pumili ng pangalan na 'yon pero dahil alam ng taong tila umampon na sa kaniya kung saan ang pinanggalingan niya, iyon na ang ibinigay nitong pangalan na nagmula sa tema ay ang Disney Princess.
Kagaya raw kasi siya ni Tiana, magaling na businesswoman. Natuwa naman siya sa idinahilan nito at tinanggap na papuri ang nais nitong iparating.
"Bakit ka pala nandito sa labas, tapos na ba 'yong shift mo?" tanong pa niya kay Jasmine. Umiling ito.
"May magpapa-table sana sa akin kaya lang ang pangit, umalis nga ako."
Napahalkhak siya sa kwento ng kaibigan. "Gaga ka, ano'ng sinabi ni Mama Sita?"
"Ayon, si Ursula sana papalit kaya lang pagkakita sa customer ay na-jebs. Bibili sana ako ng safeguard kila Rosing panghugas ng bilat at puwet ni Ursula kasi naubusan, saka kita naabutan dito." Tumango-tango si Victoria— Tiana habang pinapakinggan ito. "Oh, siya, pasok ka na baka hinahanap ka na ni Mama Sita."
"Sige, ingat ka," bilin niya rito pero binigyan lang siya ng babae ng "fuck you" sign.
Ito ang gusto niya sa Pamela Entertainment Bar. Hindi lang siya ang malakas ang boses, hindi lang siya ang dapat na sundin.
Malayong-malayo sa totoo niyang kabuhayan. Kung sa pagiging CEO ng clothing line o ng hotel ay kinakailangan ay wasto ang kaniyang pag-uugali, iisipin ang galaw sa bawat sandali, palaging maging mapanuri. Samantalang sa PEB, alam nila isa't-isa na may kaniya-kaniya silang mga baho, sa simpleng pagtatrabaho lang bilang entertainer sa bar ay baho na kung matatawag nila. Kaya naman walang nangangahas kahit isa na ibunyag ang kanilang katauhan sa madla.
"Isang oras, Tiana," malalim ang matang bilin ni Mama Sita sa kaniya pagkapasok niya ng dressing area. "Kapalan mo ang make-up mo, maraming bigatin ngayon, may maskara diyan at 'yong outfit na kailangan mong suotin."
"Thank you, Mama Sita."
"Thank you mo mukha mo! Kumilos ka na diyan, late ka ng isang oras."
Binigyan niya ng nagsusumamo na ngiti ang matanda. "Natagalan ako ro'n, ni-review ko pa kasi 'yong mga data..." ng posibleng tao na may tahimik na binabalak sa akin.
"Every friday ka na nga lang dito, eh. Oh, siya, sige na. Hindi na kita patatagalin pa rito. Ihanda mo na ang sarili mo."
ANG buhay na ito ang sikretong buhay na hindi niya gustong isiwalat sa mundo. Masaya siya rito at nagagawa niya ang mga bagay na nais niyang gawin. Ang pagsasayaw.
Maraming hindi um-apruba sa kaniyang kagustuhan, lalo na ang kaniyang ama, sa pagkuha ng kurso sa larangan ng pagsasayaw kaya nang makilala niya sa isang tabi si Mama Sita noong panahong lugong-lugo siya, hindi nag-aksaya ng oras si Victoria na tanggapin ang pag re-recruit nito sa kaniya bilang dancer sa sinisimulan nitong entertainment bar.
Oo, entertainment dancer.
Hindi prostitute, hindi escort.
Simpleng taga-sayaw sa isang entertainment bar. Bawal humawak, bawal lapitan. Tingnan pero walang hipuan. Parang pinagbabawal na bunga ng puno sa hardin ng Eden, 'yon ang tamang paglalarawan sa ginagawa niya.
Nakayuko pa siya na binigyan ng makahulugang tingin ang DJ na kababayad niya lang kanina.
"Isa, dalawa, tatlo..."
Nag-angat ng tingin si Victoria sa pagpasok ng musika, nagsimula na siyang ukopahan ang entabladong nakahanda para lang sa kaniya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top