CHAPTER 6

Pag-uwi ni Marla, agad siyang sinalubong ng amoy ng nilutong ulam ni Aling Carmen sa kusina, pero wala siyang ganang kumain. Nakayuko siya at mukhang tanging ang problema ang nasa isip. Hindi niya alam kung saan kukuha ng pera para mabayaran ang titulo ng lupa sa probinsya nila, na main concern ng nanay niyang naroon.

Matapos ang ilang oras na paggawa ng paraan para makahanap ng pera, wala siyang napala. Kung hindi nila ito maaayos, malamang na mawawala sa kanila ang lupa na minsan nilang tinirhan at naging parte ng pamilya nila.

Habang naglalakad siya patungo sa sala, nagkasalubong sila ng kanyang Lola Carmen. Agad nitong tinanong kung anong nangyari.

"May malaking pagkakautang pa po pala. Kung hindi natin mababayaran, baka mawala na yung lupa," sagot ni Marla, na parang napagod na sa sitwasyon.

Tumigil si Lola Carmen, tinitigan ang apo, at hinagod ang kanyang likuran. "Hayaan na lang natin kung hindi na kaya, Marla. Huwag na nating tubusin."

"Pero, pinundar n'yo 'yon," katwiran naman ni Marla at halos maiyak-iyak pa na sinalubong ang tingin ni Lola Carmen.

"E sa wala na tayong magagawa, kaysa naman pahirapan mo pa ang sarili mo. Huwag kang padadala sa pressure ng nanay mo at intindihin mo na lang siya kasi gano'n lang ang mood no'n, may sakit kasi hindi ba?"

Buti na lang nandyan si Lola Carmen na tangi niyang kakampi noon pa man. Mas magaan ang kalooban niya sa piling nito at mas nauunawaan siya nito higit sa sinuman. Parang ito pa ang biological mother niya kung tutuusin. Napaluha na lang siya nang yakapin ito. "Thank you, lola."

"Huwag ka nang malungkot. Siya nga pala, dumalaw si Jay Guillermo, 'yong dati mong manliligaw. Aba, hindi mo man lang nabanggit na magkatrabaho na pala kayo at kababalik niya lang dito sa Pilipinas."

Napaatras agad si Marla at binawi ang pagkakayakap kay Lola Carmen.

"Bakit naman daw po?" Parang bumilis ang tahip sa kanyang dibdib. Pero naisip niya, baka dahil lang din naman sa pag-absent niya ang dahilan.

"Sabi niya gusto niyang malaman kung anong nangyari at absent ka. Ang effort niya ano? Talagang pinuntahan ka pa."

Nagulat si Marla sa sinabi ni Lola Carmen. Hindi niya akalain na bumisita si Jay sa kanila. Iniiwasan niya ang mga ganitong pagkakataon, at sigurado siyang kasama si Jay sa dahilan kung bakit siya hindi pumasok sa trabaho. "Hindi po effort 'yon. Excuse niya lang 'yon para wala siyang gawin sa office namin."

"Mukhang matured naman na si Jay," giit naman ni Lola Carmen. "Saka habang kausap ko siya, halatang concerned siya sa'yo, sa mga nangyari sa'yo nitong mga nagdaang taon."

Hindi na sumagot si Marla, pero ramdam niya ang katiting na pag-ship ni Lola Carmen sa kanya at kay Jay.

"Tinanong niya pala kung may asawa ka na. Mukhang interesado nga sa'yo."

Lalo siyang napangiwi sa tinuran ng kanyang lola. Nang gabing iyon, hindi na rin siya nakatulog ng maayos. Laging sumasagi sa kanyang isipan si Jay—ang pagbisita nito sa bahay, ang pagiging mabait nito kay Lola Carmen, at ang mga pagkakataong magkasama sila noong kabataan nila, na minsan ay hindi niya nilagyan ng malisya dahil nakababatang kapatid lang ang tingin niya rito.

***

Pagkauwi ni Jay sa kanyang condo, tahimik siyang bumagsak sa sofa. Sa kabila ng pagod, hindi niya maalis sa isip ang naging usapan nila ni Lola Carmen kanina. Bumalik sa kanya ang alaala ng nakaraan—isang alaala na matagal na niyang inilibing ngunit tila nananatili sa kanyang puso.

He was only 14 years old at that time. Kalat na kalat sa media ang iskandalo ng kanyang pamilya. Ang balitang pagkamatay ng kanyang Tito Lance sa kulungan ay nagdulot ng matinding kahihiyan sa pamilya Guillermo. Nadagdagan pa ang bigat ng sitwasyon dahil sa pagkakaugnay ng kanyang tiyuhin sa mga ilegal na droga. Sa murang edad ni Jay, naranasan niya ang bigat ng mapanghusgang tingin ng ibang tao. Bukod sa stress na dulot nito sa kanilang pamilya, pati na rin ang bullying sa eskuwela, unti-unti siyang nadurog. He felt like he needed to end all of those overwhelming thoughts by himself.

Ilang araw din siyang nagkulong sa kanyang kwarto. Ayaw niyang kumain, ayaw niyang makipag-usap. Ang mundo niya ay puro lungkot, galit, at takot. Iyak lang siya nang iyak, hanggang sa parang nawalan na siya ng lakas.

Unexpectedly, biglang bumukas ang pinto ng kanyang kwarto, at pumasok si Marla—ang Ate Marla niya na pitong taon ang tanda sa kanya. Nang makitang madilim ang buong silid, walang pasabi itong binuksan ang mga bintana at itinabi ang mga kurtina.

"Ano ba, Ate! Ayoko ng liwanag," iritadong sigaw niya ngunit hindi siya nagpatinag si Marla sa ginagawa nito.

"Magalit ka na kung magalit, pero hindi kita hahayaan nang ganito." Diretso ang boses ni Marla habang inaayos ang kwarto na binalot na ng kalungkutan. Nang matapos ito, lumapit siya kay Jay na nakaupo pa rin sa kama, hawak ang kumot na tila gustong ikubli ang sarili sa buong mundo. May dala siyang tray ng pagkain para rito, na naglalaman ng mga gusto nitong pagkain.

"Jay, alam kong ang bigat ng pinagdaraanan mo. Pero hindi ibig sabihin na kailangan mong parusahan ang sarili mo," aniya, sabay lapag ng pagkain sa bedside table. "Alam kong masakit ang nangyayari lalo na ang panghuhusga, pero hindi mo naman kasalanan lahat ng 'yon. Hindi ka dapat nagpapatalo sa mga bagay na hindi mo na kontrolado. Kumain ka na. Kahit kaunti lang."

Hindi sumagot si Jay. Tumalikod lang siya, pinipilit na huwag mapansin ang pag-aalala sa boses ni Marla, pero hindi ito umalis. Sa halip, umupo ito sa sahig sa tabi ng kama at nagsimulang magsalita.

"Alam mo, noong bata pa ako, tuwing nalulungkot ako, nagsusulat lang ako ng kuwento. Nagsisimula lang sa kahit anong ideya—kunwari may isang batang nakahanap ng mahiwagang libro tapos napunta siya sa magical world, kahit ano. Kasi kapag nagsusulat ako, parang naitatakbo ko ang isip ko sa mas magandang mundo. Gusto mo bang subukan?"

Hindi siya tumugon, pero hindi rin niya natiis ang sinabi nito. Napaisip siya. "Hindi ako magaling magsulat. Ayoko nga na pinagsusulat ako sa notebook, eh."

Ngumiti lamang si Marla. "Hindi mo kailangang maging magaling. Gusto mo, magsulat tayo ng kuwento? Kahit ako na ang magsimula?"

Kinabahan siya, pero may bahagyang pag-asa sa tinig nito na tila nagpapagaan ng bigat sa kanyang puso. Hinayaan niya si Marla sa pagsusulat at namalayan niya kung gaano ito katiyaga na tulungan ang isang batang katulad niya.

Ilang araw din ang nagdaan at si Marla lang ang taong nakakalapit sa kanya, na talagang nakakuha ng buo niyang tiwala. Si Marla ang tumulong kay Jay para dahan-dahang makabangon sa sarili nito mula sa matinding kalungkutan. Nakita niya sa gitna ng dilim ang kakaibang liwanag—sa katauhan ni Marla. Hindi lamang ito isang ate o mentor, ito ang naging emotional support niya sa mga panahong wala siyang masandalan at mapagsabihan ng mga saloobin.

Ang lambing ng tinig ni Marla, ang tiyaga nito kahit alam niyang mahirap siyang kausapin, at ang simpleng presensya nito na tila nagsasabing, hindi siya nag-iisa sa labang iyon. Doon nagsimula ang lihim niyang pagtingin kay Marla. Pero dahil bata pa siya noon, alam niyang imposibleng maging higit pa roon ang nararamdaman niya. Kaya't ginawa niya ang tanging alam niyang paraan para mapansin ito—ang asarin si Marla hangga't sa makuha niya lamang ang atensyon nito. Nangyari iyon sa mga sumunod na taon, hanggang sa naging bahagi na ito ng dynamics nila. 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top