CHAPTER 12
Habang abala si Marla sa pag-encode ng mga reports, nangingilid pa rin ang luha niya, pilit niyang itinatago ang bigat ng nararamdaman mula pa kanina pagkapasok. Kanina pa tumawag ang nanay niyang si Susan mula Batangas, paulit-ulit na kinukulit siya tungkol sa perang kailangan nilang ipambayad sa lupa ni Lola Carmen. Halos hindi na siya makapagtrabaho nang maayos dahil sa dami ng iniisip, kasama pa ang bagay na 'yon.
"Gaano ba kahalaga sa kanya ang lupa, kaysa sa kalusugan niya? Ipampapagamot na nga lang niya, mas naiisip niya pa 'yon."
Gusto niyang sumagot nang diretso kanina,at ipaalam sa ina na hindi ganoon kadali ang kumita ng pera, pero napigil niya ang sarili. Ano pa ba ang magagawa niya? Simula't sapul, siya na ang tumayong breadwinner ng pamilya. Halos lahat ng ipon niya napunta na sa mga gastusin sa bahay nila sa Batangas, ultimo pag-aaral ng mga kapatid, pambayad ng utang, at iba pang responsibilidad. Pero ngayon, wala na siyang maibigay. Tuluyan na siyang naiipit sa sitwasyon.
Habang pilit niyang nilalabanan ang luhang umaagos mula sa gilid ng kanyang mata, bigla siyang napansin ni Jay na tila nakakunot-noo habang sinusulyapan siya mula sa kabilang desk.
Nang dumating ang lunch break, hindi muna lumabas si Marla. Gusto sana niyang umupo sa pantry para mapag-isa pero mas pinili niyang magkulong sa conference room. Doon, sinubukan niyang pakalmahin ang sarili, ngunit hindi niya napigilang muling mapaluha habang tumititig sa screen at muling basahin ang mga text ng nanay niya.
"Anak, kung hindi ka gagawa ng paraan, sino pa? Hindi ko alam kung anong gagawin namin dito. Tulungan mo naman kami!"
"Matagal ka naman na dyan sa work mo, bakit wala kang mahiraman dyan?"
Napapikit si Marla at hinilot ang sentido. Gusto niyang magalit, pero mas nangibabaw ang katotohanan na kahit gawin niya ang lahat ng madugong effort, hindi siya maa-appreciate ng Nanay Susan niya. Noon pa man, alam niyang unwanted daughter siya. Palibhasa, unplanned ang pagbubuntis sa kanya. Buti na lang, si Lola Carmen ang kakampi niya sa household kaya nga sinusuklian niya ang pagmamahal nito noon pa man sa pamamagitan ng pagtulong niya sa gawain sa mansyon, kaya nagkrus ang landas nila ni Jay.
'Bakit ko ba naiisip 'yong taong 'yon?'
Kumunot ang noon niya at kahit papaano naman, nakaramdam siya ng kaginhawaan nang maisip niyang magkasama sila ngayon. Naiinis siya dahil ang presensiya nito ang naging tanglaw niya para kayanin ang stress, hindi lang sa trabaho pati na rin sa personal niyang buhay. But she knows, this isn't right. Wala siyang gusto kay Jay at dapat na hindi niya ito magustuhan.
Sa kabilang banda, unti-unting nagiging malinaw din naman sa kanya na may pagbabago talaga sa kilos ni Jay. Hindi na ito 'yong dating pabaya, pasaway, at parang wala lang pakialam lalo na sa concerns sa ibang tao. Ngayon, tila seryosong tao na ito na handang makinig.
"Baka ina-admire ko lang ang kabaitan niya sa ibang tao. Imposibleng magustuhan ko ang batang katulad niya."
***
Habang nasa pantry naman si Jay, nagdadalawang-isip siyang bumalik sa desk. Hindi maalis sa isip niya ang itsura ni Marla kanina—ang lungkot sa mga mata nito, ang pilit nitong pagtatago ng luha. Alam niyang may pinagdadaanan ito, pero hindi niya alam kung paano magsisimula ng usapan nang hindi magmumukhang pakialamero.
Pagbalik niya sa opisina, hindi niya nakita si Marla sa desk nito. Agad na siyang nagtaka.
"Break time pa rin ba? Si Ms. Marla ba nakita n'yo?" tanong niya sa isang katrabaho.
"Oo, siguro nasa conference room pa. Kanina pa siya tahimik, eh. May problema na naman 'yon sa nanay niya."
Nagtaka naman si Jay. Hindi niya alam ang mga personal na problema ni Marla dahil ngayon lang naman sila nagtagpong muli at mukhang okay naman sila ni Lola Carmen. Kung anumang problema nito, dapat malaman niya sana para at least, mayro'n siyang tulong na maipaabot.
Naabutan niya si Marla na nakatulog pala. Nilapitan niya ito at tinangkang gisingin pero hindi ito nagigising. But before he went out, he took a few minutes to gaze at her. Tahimik siyang naupo sa isang sulok at pinagmamasdan siya.
Sa bawat minutong lumilipas, hindi maipaliwanag ni Jay ang nararamdaman. Alam niyang hindi dapat siya naririto, pero hindi niya kayang iwan si Marla sa ganoong kalagayan. Para bang ang sakit na nararamdaman nito ay nararamdaman din niya, which made himself stay for a bit.
Lumapit siya nang dahan-dahan at tumayo sa harapan ni Marla. Pinagmasdan niya ang mukha nito—ang bakas ng stress sa noo, ang namamagang mata mula sa pag-iyak, at ang mga labi nitong tila nakapirmi sa isang malungkot na ekspresyon kahit tulog. Lahat ng tao ay kilala na si Marla bilang isang tao na hindi basta-basta nagpapakita ng kahinaan. Ngunit sa harap ni Jay, parang ibang tao ito—isang babaeng kailangang intindihin at mahalin, kahit pa hindi nito hinihingi ang pagmamahal na iyon.
Hindi napigilan ni Jay ang sarili. Inabot niya ang buhok ni Marla at marahang hinaplos iyon, parang gusto niyang ipaabot na kahit papaano, may taong handang makinig para sa kanya. Hindi niya kailanman nanaisin na makita itong gumuho, kahit alam niyang hindi ito kailanman hihingi ng tulong. Sa bawat dampi ng kanyang daliri sa buhok nito, naramdaman niya ang kakaibang koneksyon—isang pakiramdam na tila nag-uugnay sa kanilang dalawa. At alam niya na ang koneksyon na 'yon ay nagsimula pa noong una silang magtagpo sa mansyon, that was already 12 years ago.
Pero hindi siya nagtagal sa ganoong posisyon. Agad din niyang binawi ang kamay niya, natatakot na baka magising ito at makita siya. Hindi niya gustong magmukhang pakialamero, pero hindi niya rin maiwasang masaktan para sa kanya. Napatingin siya sa mga papel at telepono ni Marla sa mesa. Natanaw niya ang ilang text message mula sa nanay nito. Ayaw man niyang basahin, pero sapat na ang ilang salitang nakita niya upang maunawaan ang bigat ng sitwasyon ni Marla.
'Kaya ko 'to. Kaya kitang hintayin, kahit gaano pa katagal.'
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top