Chapter 78: Dead



NICA

"Aedrian is dead."

RINIG KONG balita ni Bryce kay L ngunit pinili kong magpatuloy na lamang sa paghuhugas ng pinggan habang nakikinig sa usapan nila.

Ramdam ko ang sandaling pagdapo ng mga mata nila sa akin lalo na ang sandaling katahimikan na tanging tulo lang ng tubig mula sa gripo ang naririnig ko.

"Paano ka nakasisiguro?" Tanong ni L na para bang hindi naniniwala sa tinuran ng kaniyang alagad.

"Ako mismo ang naglibing sa kaniya."

Napatigil ako sa sandaling iyon. Ayokong maniwala ngunit sa tono ng pananalita niya ay mukhang siguradong-sigurado siya na napatay niya na ang kaibigan ko.

Malakas na tawa ni L ang pumuno sa kwartong iyon. Nakakatakot. Nakakapanindig balahibo. "Magaling, magaling..."

Nakita ko kung paano iniabot ni L kay Bryce ang isang bag na naglalaman ng pera upang gantimpala sa nagawa nito.

Huminga ako nang malalim tsaka ko pinunasan ang kamay ko at piniling pumasok sa kwarto upang magpahinga. Hindi ko kinakaya ang mga narinig ko. Meron sa loob kong ayaw maniwala na wala na si Aedrian pero anong posibilidad na buhay pa siya kung siguradong-sigurado si Bryce na nilibing niya na nga ang kaibigan ko?

Hindi ako matahimik. Hanggang gabi ay iniisip ko ang mga narinig ko. Gusto kong makita ang katawan niya. Kung totoong patay na nga ito o hindi.

Tiningnan ko ang katabi ko. Mukhang malalim na ang tulog niya.

Dahan-dahan akong tumayo at sinilip ang drawer ng antigong cabinet. Kinuha ko ang baril at tinago sa tagiliran ko. May kaba man sa dibdib ay mahinahon akong naglakad papalabas ng kwartong iyon upang puntahan si Bryce.

"Saan mo inilibing si Aedrian?" Tanong ko sabay tapat ng baril sa ulo niya. Narinig ko ang mahinang tawa niya na naging dahilan ng pagkainis ko.

"Tama nga ang hinala ni L. Mahal mo pa rin ang kaibigan mo," sambit nito.

"Pwede ba? Gusto ko lang makasiguro kung totoong patay na siya."

Mas lalong lumakas ang tawa niya at matapang siyang humarap sa akin. "Wala ka bang tiwala sa akin?"

Hinawakan niya ang baril na hawak ko at dahan-dahan itong ibinaba. Naramdaman ko ang paghaplos ng kamay niya sa kamay ko sabay hila niya sa akin.

"Alam mo na siguro ngayon na mas malakas ako sa kanilang dalawang magkapatid."

Kumunot ang noo ko. Ngumisi siya. "Hindi mo alam?"

"B-bitiwan mo 'ko. Ang tanong mo ang sagutin ko, nasaan si Aedrian?"

"Sumama ka sa 'kin at sasabihin ko sa 'yo. Iwan mo na ang magkapatid na 'yon."

"Nababaliw ka na." Tinanggal ko ang kamay niya sa pagkakahawak sa akin tsaka ako lumayo upang tutukan muli siya ng baril na dala ko.

Itinaas niya sa hangin ang mga kamay niya habang patuloy pa rin ang pagngisi niya sa akin. "Easy... Easy... Nilibing ko siya katabi ng pamilya niya para happy family na sila kaya huwag kang mag-alala, okay na siya doon."

"Ang dami mong alam," bulalas ko.

"Oo nga e. Halos matawa ako nang malaman kong magkapatid pala si L at si Aedrian."

Napalunok ako. Bumigat ang paghinga ko sa narinig kong iyon.

"Yung tatay ni L at 'yung nanay ni Aedrian..." Umiling-iling siya habang tumatawa.

"Gago ka." Inihampas ko sa kaniya ang baril na hawak ko tsaka ako tumakbo papalayo sa kaniya. Nagmadali akong pumunta sa sementeryo upang hanapin kung saan inilibing si Aedrian. Inisa-isa kong tingnan ang bawat lapidang madadaanan ko upang hanapin ang apelyidong Alminario.

Napansin ko ang lupang bagong baon pa lamang. Katabi nito ay ang mga lapida ng pamilya niya. Nakaramdam ako ng lungkot lalo na sa isiping iniwan ko siya noong panahong mas kailangan niya ako. Akala ko sa pamamagitan nito ay matutulungan ko siya ngunit sa pag-iwan ko sa kaniya mas lalo lang lumala ang lahat. Mas lalong naging mahirap. Mas lalong naging komplikado noong lumayo ako sa kaniya.

Ako naman 'tong unang nagpapansin sa kaniya. Ako ang unang nakipagkaibigan ngunit sa huli ay mas pinili ko siyang iwan dahil sa takot.

Naghanap ako ng pala upang hukayin ang lupa kung saan posibleng doon inilibing ang kaibigan ko. Ngunit laking gulat ko nang mabuksan ko ang kabaong. Wala si Aedrian. Walang anomang katawan kundi mga bato at lupa lamang ang laman nito.

Bumilis ang tibok ng puso ko kasabay ng pagsibol ng maliit na pag-asang buhay pa si Aedrian. Patunay na lang din ng mga bato at lupang nasa loob ng kabaong na nagsasabing may nagligtas sa kaniya. May kumuha sa kaniya.

Ang gusto ko na lang malamang ngayon ay kung nasaan siya at kung nasa mabuti ba siyang kamay.

Papauwi na ako nang mapansin ang isang pamilyar na bisikleta maging ang isang bag na noon ay nakita ko na. Nilapitan ko ito at tama ang hinala ko. Pagmamay-ari nga ito ni Aedrian.

Tiningnan ko ang loob ng bag niya. May isang dyaryo at isang makapal na folder. Nagtaka ako nang mapansing school newspaper namin ito at ang petsa ay noon pang taong 2015. Ano ang iniimbestigahan niya? Ang pagkamatay ba ni Apple Fratern?

Sinilip ko pa ang makapal na folder na nasa bag niya. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang isa itong file case noong 2007. Arson Case.

Dahil sa kuryosidad ay binuklat ko ito at laking gulat ko nang makita ang mga litrato ng mga karumaldumal na pangyayari sa isang bahay sa Dark Street. Malaking apoy ang tumupok sa malaking bahay ng isang pamilya. May dalawang batang nasaktan. Ang isa ay nasunog ang kalahating katawan at ang isa naman ay may saksak ng kutsilyo sa kaliwang dibdib nito.

Sandali akong napatigil. Kasabay ng pagpatak ng luha ko. Biglang bumalik sa akin ang isang alaala na pilit kong kinalimutan noong bata pa ako.

Ang isang bangungot na humahabol sa akin.

Isa akong mamamatay tao.

Pinatay ko si Aedrian.

Noon pa.

###


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top