Chapter 77: Crown of Thorns
"O mas tamang sabihing Levi Villanueva?"
Isa siyang duwag. Kinailangan niya pang gamitin ang pangalan ng kuya ko upang linlangin ako sa totoo niyang pagkatao. Matapos kong basahin ang diary ni Apple Fratern, mas lalo kong napatunayan na ang kuya ni Leila ang nasa likod ng lahat ng ito.
"Ang kuya mo... siya ang nasa likod ng lahat ng ito. Tama?" Lalong nanlaki ang mga mata niya. Kasunod ang mabilis na pag-iling. Naglakad ako papalapit sa kaniya dahilan upang umatras siya at mapahawak sa matinik na halamang nasa likod niya.
"Leila!" Rinig kong sigaw ni Tita Flor kasabay ang pagtakbo niya papunta sa amin. Masama ang tingin niya sa akin ngunit dahil sa pag-aalala sa anak ay ibinigay na niya sa akin agad ang mga bulaklak na dala niya kasunod ay ang pag-alalay niya sa kaniyang anak papasok sa loob ng flower shop.
Akmang papalabas na ako sa flower shop na iyon nang mapatigil ako. Nakaramdam ako ng kakaiba. Tila ba may nakamasid sa akin at pinapanood ang bawat kilos ko.
Lumingon ako at tiningnan ang kabuoan ng paligid. Nabalot ng katahimikan ang kapaligiran. Napunta ang atensyon ko sa pintuang iyon. Ang lagusan na sa pagkakaalala ko ay ang portal papuntang Eden na minsan ko nang nilakaran.
Sumingkit ang mga mata ko habang inaalala at bumabalik sa isipan ko ang aninong 'yon sa kubo. Noong araw na iyon... may nakita akong---
Biglang tumunog ang cellphone ko at nakita ko ang pangalan ng kaklase kong si Didrae na tumatawag sa akin.
("Hello?")
"Hmmm?"
("Aedrian?")
"Bakit?"
("Anong bakit?") Kumunot ang noo ko. "Ha?"
("Ha?")
"Tumawag ka? Bakit?" Tanong ko.
("Ah o-oo! Nasa'n ka raw? Pinapatanong ni uncle.")
Kumunot ang noo ko lalo. "Nagpaalam ako sa kaniya."
("H-ha? Eh, ewan. Nasa'n ka ba?")
"Sa Effloresce but I'm on my way to my family."
("Family? Ibig mong sabihin sa sementeryo?")
"Oo." Sagot ko at hinintay siya kung may sasabihin pa siya. Bukod sa hininga niya ay wala na akong naririnig pa mula sa kabilang linya.
"Hello? Didrae? Nand'yan ka pa?" Pag-aalalang tanong ko.
("S-sorry.") Ibinaba niya na ang tawag. Napailing na lang ako. Inilagay ko sa bulsa ko ang cellphone ko bago ko naman nilagay ang mga bulaklak sa basket tsaka ako sumakay sa bisikleta ko.
Umupo ako sa harap ng puntod ng pamilya ko. Muli kong naalala ang araw na itinatanong ko sa kanila kung ano ang nangyari kung bakit at paano namatay si kuya. Kung bakit dito siya nakalibing. Posible kayang dito kami nakatira sa Laguna sampung taon na ang nakalilipas?
Pinagmasdan ko ang mga lapida nila. At saka ko isa-isang inilapag ang mga bulaklak. Ako na lang ang natitira. Iniwan na nila akong lahat. Mag-isa na lang ako.
Unti-unti akong kinakain ng kalungkutan at pangungulila. Gusto ko nang matapos ang lahat ng ito. Gusto ko nang mabigyan ng kasagutan ang mga katanungang nasa sa isip ko. Ang buong pagkatao ko, pakiramdam ko sobra nila akong prinotektahan na kahit sa katotohanan ay prinotektahan nila ako. Nilayo ako at itinago sa akin. Walang ibang makapagbibigay sa akin ng sagot kundi ako, kailangang tuklasin ko.
"Malapit na po ba?" Tanong ko. "Malapit ko na bang malaman ang lahat? Pagod na po ako, mama, papa, kuya... Gusto ko na lang sumama sa inyo."
Be careful of what you wish for.
Tila ba narinig ko kasabay nang malakas na hanging dumampi sa balat ko. Para bang narinig ang panalangin ko.
May panyong dumampi sa labi ko. Ang amoy na iyon... Pilit akong lumaban ngunit ang amoy na ito... Dumapo ang mga mata ko sa bulaklak na inialay ko sa pamilya ko, ang isa doon ay may bahid ng dugo at piraso ng kakaibang bulaklak. Crown of Thorns.
Unti-unting dumilim ang paligid at sa pagmulat muli ng mata ko ay totoong madilim na.
Malalim na ang gabi at tanging liwanag lang ng bilog na buwan ang nagsisilbing ilaw sa paligid. Pinagmasdan ko ang paligid. Nasa sementeryo pa rin ako.
Napansin ko ang ingay na nililikha ng pala habang humuhukay sa lupa. Isang lalaki ang naaninagan ko. Kahit medyo nanlalabo pa ang paningin ko ay tila ba namumukhaan ko ang taong iyon. Tumingin siya sa dako ko at ngumisi.
"Bryce," bigkas ko.
Natawa siya. "Sa wakas, akala ko hindi mo maaalala ang pangalan ko," sagot niya habang hinihingal dahil sa paghuhukay na ginagawa niya.
Nakita kong nakatali ang mga paa ko gano'n din ang mga kamay ko sa likod. Naalala ko ang pagpunta niya noon sa bahay ko at maging ang ginawa niya sa 'king pagsaksak.
"Sandali lang ha. Hindi pa tapos ang kabaong mo." Nakatawa niyang sabi.
"Baliw ka na," usal ko na mas lalo niyang ikinatuwa.
"Napag-utusan lang ako. Huwag kang magalit!" Mayabang niyang litanya. "At isa pa, ayokong makita ang mukha mo habang nililibing kita ng buhay."
"Kaya ba sinaksak mo ako nang patalikod?" sabat ko.
"Tama! Tama. Biruin mo, na-realize mo 'yon?" Pang-aasar niya habang hawak ang martilyo at pakong bumibingi sa akin. Sa sandaling iyon, may napagtanto ako.
"Ikaw... Ikaw ang nagpako kay Louise Villaruel," sambit ko.
Natawa siya. "Kailangan kong gawin e. 'Yoko pang mamatay." Nagngitngit ang mga ngipin ko.
"Kailangan? Bakit? Bakit kailangan mo siyang patayin?" Tanong ko.
"Hindi mo alam? Okay tutal naman ililibing na kita, sasabihin ko na sa 'yo." Lumapit siya sa akin. "Nalaman niya ang lihim na agenda ng fraternity nang maging member siya ng Apple Fraternity. Nakita niya pa ang diary ni Apple Fratern. Masyado na siyang maraming nalalaman kaya kailangan niya nang mamatay."
Kumunot ang noo ko. "Hindi ba't ang fraternity na iyon ay para tumulong sa mga may disabilidad. At kaya niyo ginagawa ang lahat ng ito ay para malaman ang totoong dahilan ng pagkamatay ni Apple Fratern? Paanong hidden agenda?"
Narinig ko siyang tumawa. "Matagal nang alam ni L ang totoong dahilan ng pagkamatay ni Apple Fratern. She was raped by a police officer. At nabuntis si Apple dahil doon. Hindi matanggap ni L ang nangyari kaya nagpakamatay si Apple."
Napanganga ako. "Kung gano'n anong hidden agenda ng Apple Fraternity ngayon?"
"Kapangyarihan... Pera."
Napalunok ako sa narinig ko. They are unstoppable now. Tiningnan niya ang relo niya at saka tinakpan ang bibig ko. Wala akong nagawa kundi pagmasdan na lamang ang malapad na kahoy na pumalo sa ulo ko.
Unti-unting bumibigat ang paghinga ko maging ang talukap ng mga mata ko. Ramdam ko rin ang mabilis na pagtulo ng dugo mula sa ulo ko. Tanging ungol lang ang nagagawa ko dahil sa sakit na tinitiis ko.
Kahit sumigaw ako'y walang makakarinig.
Hinila niya ako at inilagay sa kabaong na gawa sa kahoy. Isinara niya ito ng walang pag-aalinlangan sabay hulog sa akin sa hukay. Gustuhin ko mang lumaban ay wala na akong lakas. Hanggang dito na lang ako. Tanggap ko na. Sa wakas, magkakasama na kami ng pamilya ko.
Ang pagsalok ng pala at paglaglag ng lupa sa ibabaw ko ang tanging huling narinig ko. Wala na. Ito na ang wakas.
Unti-unti akong pumikit at tinanggap ang pagkatalo. Hanggang sa kinuha na ang buhay na minsang ipinahiram sa akin.
###
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top