WL 1

WL 1 : Her Life of Innocence (P1)

"Who said they didn't have any treasure?  The innocence of your childhood were memories you can treasure that no one can steal from you."  Eiramana325 (WL1)


You's POV

Kasalukuyang maulan ngayon. Siguro ay may bagyo na naman. Pero wala akong pakialam kung may bagyo man, basta masaya ko at nanginginain sa paborito kong lugar.

"YOUUU--" narinig kong sigaw ni Yaya Eva. Hindi ako tuminag sa kinalalagyan ko. Tanaw ko siya na naka-kapote at salakot pa. Natawa ako sa itsura niya. Ginaw na ginaw si Yaya, hindi naman malamig ang ulan. Ayaw mabasa!

Nang matapat siya sa kinaroroonan ko ay niyugyog ko ang sanga na tinatapakan ko. Dahilan para magbagsakan ang mga sobrang hinog na bunga ng bayabas. Nabagsakan sa salakot si Yaya.

Tumingala siya sa puno at tinawanan ko siya nang malakas dahil tinamaan siya ng isang bayabas sa ilong niyang lalong nasarat.

"Napaka-barakita mo talagang bata ka! Bumabagyo na nag-aarambaras ka pa d'yan sa puno!" naggagalit-galitan sabi niya pero halata naman ang pag-alala sa maamo niyang mukha.

"Pulutin mo na lang po ang mga bayabas... pang-pangat po 'yan sa ayungin na paborito ni Abuelo," sabi ko kay Yaya at umakyat pa sa may mataas na sanga at saka niyugyog ito para magbagsakan ang mas marami pang hinog na bunga.

"Ipinatatawag ka ng Abuelo mo at may panauhin tayo." Nakatinga siya sa akin. "Naku! Kumapit kang mabuti at baka mahulog ka!" May inaabot kasi kong manibalang na bunga na medyo nasa bandang dulo kaya sa payatot na sanga lang nakakapit ang aking kaliwang kamay at payat din ang tinatapakan kong sanga.

"Matibay po ang sanga ng bayabas. Hindi basta-basta nababali," nakuha ko pang isagot habang kanda haba ang braso ko sa pag-abot sa bunga na gusto ko.

Napatili si Yaya dahil muntik na kong mahulog pero natuwa naman ako dahil nakuha ko ang bayabas na puntirya ko. Agad ko itong kinagat. "Ang tamis at ang lutong! Tingan n'yo po, Yaya - kulay pink ang loob!"

"Susmaryosep kang bata ka! Pinakakaba mo ko! Bumaba ka na!" Ngumunguya pa kong tumalon mula sa sangang tinatapakan ko.

"Ano ba 'yan suot mo? Susmarya! Napaka-iksi ng short mo." Nag-sign of the cross pa si Yaya. Napanguso ako sa tinuran niya. Hanggang gitna nang mabibilog kong hita ang short kong maong. Hindi naman ito maiksi ah.

"Siyempre naman, Yaya. Alangan naman mag-gown po ako sa pag-akyat ng puno?" pamimilosopo ko. "Kung pagtalon ko po sumabit pa 'yon - eh 'di, para na naman po akong eroplanong lilipad-lipad diyan sa sanga."

Noon kasing anim na taon ako, umakyat din ako sa puno na ito ng naka-bestida. Pagtalon ko, sumabit ang bestida ko kaya para akong eroplanong kakawag-kawag. Tuwang-tuwa ako dahil para kong lumilipad pero nabagot din dahil ilang minuto rin akong nakasabit at hindi makaalis. Buti at nakita ako ni Abuelo kaya kinuha niya ko sa pagkakasabit. Mula naman noon pinagbawalan akong umakyat sa puno ng aking Abuela.

Pero dahil masaya ako pag nasa taas ng punong bayabas, hindi nila ako mapigilan.

"At wala ka pangsuot na bra. Tingnan mo't bakat na bakat 'yan mga munggo mo." Sinimangutan ko si Yaya. Munggo talaga eh! Basang-basa kasi ang suot kong t-shirt. May maliit na bundok naman ako ng tralala ah! Hindi nga lang kasing tayog ng Mt. Apo.

"Inggit ka lang po! Ba't hindi n'yo po kaya alisin 'yan kapote n'yo nang tuluyan na pong mahiya ang munggo ko sa mala-susong kalabaw mo pong dede." Tinawanan ko nang malakas ang Yaya ko.

"Aba! Kanino mo natutunan ang kapilyahan na 'yan?" Pinandilatan niya ko ng mata.

At napa-aray ako dahil kinurot niya ko sa singit ko. "Aray ko po! Ya, tama na po! Narinig ko po kay Miss Minchin na parang suso ng kalabaw ang dibdib n'yo kasi daw po lawlaw na sa taba n'yo."

"Sinasabi ko na nga ba walang itinuturong mabuti sa'yo ang gurang na Titser mo. Buti't pinaalis na siya ng Abuelo mo!" Tinulungan kong mamulot nang hinog na bayabas si Yaya. Alam ko hindi sila magkasundo ng guro ko na 'yon. Ewan ko kung bakit.

"Sino po nga po pala ang bisita natin?" naalala kong itanong.  Minsan lang kasi kami magkaroon ng bisita dito sa isla.

Isang pribadong isla ito na pagmamay-ari nina Abuelo. Maliit lang ang isla na ito. Madalas nga ay nililibot ko itong palangoy.  Dito na ako lumaki at nagka-isip. Sina Abuelo, Abuela at Yaya lang ang kasama ko dati.

Namatay na si Abuela tatlong taon na ang nakakaraan, pagkatapos kong mag-desi-otso. Atake daw sa puso. Kaya ngayon sina Abuelo at Yaya lang ang kasama ko at saka ang mga guro ko sa kursong aking kinukuha.

Business Administration. Actually, katatapos ko lang at si Miss Minchin ang huli kong guro na dating dean at kaibigan ni Abuelo sa isang Open University na nag-offer ng distant studies. Para ito sa mga tulad kong estudiyanteng hindi nag-aaral o makapag-aral nang normal.

"Lawyer daw ng Abuelo mo. Kaya doon ka dumaan sa likod at magbihis ka muna. Hala, sige na at baka naiinip na ang Abuelo mo." Iniwan ko si Yaya at sumalisi ko sa silid niya na nasa bandang likod ng aming bahay. Kung aakyat kasi ko sa silid ko, dadaan ako sa living area kung nasaan ang hagdan at makikita ko ni Abuelo at ng bisita niya.

Sana lang at hindi pa naiaakyat ni Yaya ang ibang damit ko na kalalaba lang. At sa kabutihang palad ay may damit nga ako dito kaya nag-suot lang ako ng isang bestidang lampas tuhod ang haba na bulaklakin kasi tinahi lang iyon ni Yaya.. Halos lahat ng bestida ko ay tahi lang niya. Noong nabubuhay pa si Abuela, siya ang tumatahi ng mga damit ko.

Sinuklay ko ang mahaba kong buhok na abot hanggang sa pang-upo ko. Si Yaya din ang nagbabawas ng dulo nito. Very talented ang Yaya ko, kaya loves na loves ko siya.

"Abuelo, pinatatawag n'yo raw po ako?" magalang kong tanong nang pumunta ko sa living room at parehas silang napalingon sa akin ng kanyang panauhin.

"Oo, Hija. Halika rito." Kimi akong lumapit at tumabi sa kanya. Siyempre, hindi ko kilala ang bisita namin kaya kunwari'y mahiyain ako.

"Napakaganda pala ng apo n'yo, Senyor Regazpi. Kamukhang-kamukha siya ni Yurize," puri sa akin ng magandang babae na aming panauhin. Oo, maganda siya pero mukhang mataray.  Ewan ko parang hindi ko siya gusto.

Si Yurize ang aking ina na namatay nang isilang niya ako. Sa mga lumang larawan ko na lang siya nakilala. Maganda nga ang aking ina, maamo ang mukha na parang anghel pero magkaiba kami ng mga mata. Singkit ang aking mga mata na marahil ay namana ko raw sa aking ama na hindi naman nakilala nina Abuelo.

Iniwan daw nito ang aking Ina at nagpakasal sa iba kaya naging malulungkutin at matamlay. Buti nga raw ay naisilang pa ako ngunit hindi na kinaya nang nanghihina niyang katawan kaya agad siyang binawian ng buhay matapos akong bigyan ng pangalan.

"What's your name, beautiful young lady?" Bakit gano'n nakangiti siya sa akin pero parang nakaka-intimidate ang mata niya?

"You po," maiksi kong sagot.

Si Mama ang nagbigay ng aking pangalan... Yuri Oxen Unize Regazpi. Ewan bakit ganyan ang pangalan ko. Pero gusto ko ang nickname ko... You!

Mula nang matutunan ko ang initial ng pangalan ko na YOUR, I preferred to be called You. Dati, Yuri ang tawag nila sa akin. Iyon daw ang nickname ni Mama. Pero nakikita ko ang lungkot at pangungulila sa mata nina Abuelo kaya binago ko ang nickname ko noong sampung taon na ako.

Wala naman silang magawa dahil makulit ako at lagi ko silang itinatama kaya nakasanayan na rin nila.

Medyo tumaas ang kanan kilay ng babae. "Tawagin mo akong Tita Selina. Kaibigan at kababata ako ng iyong mama. Ano ang pangalan mo?"

Ganoon? Kailangan talagang Tagalugin? Ano akala niya sa akin, hindi ko naintindihan ang English niyang tanong?  Sinabi ko na nga ang pangalan ko, siya naman nagpakilala - 'di ko naman siya tinatanong.

Best in English kaya ako... Best in Math... Best in Science... Best in Arts... Best in All Subjects. Wala naman kasi akong kaklase. Home schooling lang ako.

"My nickname is You. Y.O.U. Short for Yuri Oxen Unize." Kahit gusto ko sana siyang tarayan kaso ayokong maging bastos. Hindi ako tinuruan nina Abuelo nang gayon. Nais nilang lagi akong gumalang sa mga matatanda sa akin.

Tumawa nang payak ang panauhin namin. Pati si Abuelo, nakitawa.

"Makulit ang batang iyan, You ang gusto niyang palayaw kaya hinayaan na namin," sabi ni Abuelo at saka ngumiti.

"Hija, para silang magkapatid ng Mama mo noon at lagi silang magkasama. Nagkahiwalay lamang sila noong mag-aral ang Tita mo sa ibang bansa at ngayon nga ay isa na siyang abogada." May pagmamalaki sa boses ni Abuelo na parang siya ang ama nito.

"At hindi po ako magiging abogada kundi n'yo po ako pinag-aral. Kaya maraming salamat po, Senyor!" Ngumiti siya nang matamis.  Bakit si Abuelo nagpa-aral sa kanya. Asan ang magulang niya?

"You hija, ipinaaayos ko na rin sa Tita Selina mo ang paglilipat ng lahat ng ari-arian namin ng Abuela mo sa pangalan mo. Sa isang linggo ay luluwas tayo ng Maynila para maipakilala kita sa mga manggagawa natin. Panahon na para ikaw ang mamahala ng ating negosyo." Pagpapatuloy ni Abuelo. Negosyo? Ano kaya ang negosyo namin? Kaya pala Business Administration ang kursong ipinakuha niya sa akin. Kung sabagay, wala naman akong alam na ibang kurso.

Kahit nga kailan ay hindi pa ko nakaalis sa islang ito. So, next week palang ako makakapunta ng tinatawag nilang Maynila.

"Abuelo, ano po ang negosyo natin? Bakit hindi niyo po nababanggit sa akin ang tungkol doon?" Inakbayan ako ni Abuelo.

"Iyon kasi ang sopresa ko sa'yo. Ngayon na nakatapos ka nang pag-aaral mo. Ituturo ko naman sa 'yo ang pagmamahala ng negosyo natin. Malalaman mo rin sa isang linggo." Tinapik-tapik pa ni Abuelo ang balikat ko. Kainis lagi na lang sopresa. Hindi na ko bata para laging sopresahin.  Pero para pa rin akong bata kung ituring nila.

Miski ang tungkol kay Tita Selina ay 'di ko alam. Bakit ngayon ko lang siya nakita kung bestfriend siya ni Mama? Tanungin ko na lang si Yaya.

"Pakisamahan mo nga pala ang Tita mo sa guest room na katabi ng silid mo. Dito muna siya magtitigil sa atin habang inaayos niya ang mga papeles," dugtong pa ni Abuelo. Sinulyapan ko si Tita Selina. Hindi pa rin nawawala ang ngiti sa mga labi niya pero bakit hindi ko gusto ang paraan niya ng pag-ngiti? Para siyang poodle na nakikita ko sa mga larawan sa mga aklat. Ngising-aso!

Hay! Tigilan mo nga ang kapilyahan mo, You!

Kukurutin na naman ako ni Yaya sa singit pag sinabi ko sa kanya 'yon.

"May nobyo ka na ba, You?" Napalingon ako kay Tita Selina. Kaaakyat lang namin sa hagdan patungo sa kanyang gagamitin silid.

"Po? Ano pong nobyo?" Bakit hindi yata naituro ng mga guro ko ang tungkol sa nobyo? Hanapin ko nga sa mga aklat ko mamaya. Related kaya sa business course 'yon.

Medyo naningkit ang kanyang luwang mga mata na parang sa Tarsier at tumaas pa ang kanang kilay. Wow, taray!

Mukha siguro akong tanga sa paningin niya, abogada nga pala siya. Hahanapin ko nga sa diksyonaryo ang salitang 'yan. Hindi naman kasi ni-required ng mga guro ko na kabisaduhin ko ang diksyonaryo, ah.

"Ilan taon ka na ba, Hija?" Balik tanong niya sa akin. Hindi ako sinagot kung ano ang nobyo. Ako na lang talaga ang mag-re-research.

"Bente uno na po," magalang kong sagot.

"Ahh, kung sabagay, paano ka nga magkaka-nobyo kung nandito ka sa isla? Pero naisip ko lang na baka may naligaw na lalaki dito na naging nobyo mo." Napanguso na lang ako sa pinagsasabi niya. Tatanungin ko na lang si Yaya mamaya. Baka si Yaya ang may nobyo?

"Ito po ang magiging silid n'yo, Tita. Sa akin po ang katabi at kay Abuelo po iyon nasa kabila ng pasilyo. Bababa lang po ako at tutulungan ko si Yaya sa pagluluto. Magpahinga muna po kayo at tatawagin namin kayo pag handa na po ang hapag." Ang totoo ay ayaw ko siyang kausap. Ewan ko ba. Siguro dahil hindi talaga ko sanay makipag-usap sa ibang tao maliban kina Abuelo, Yaya at mga naging guro ko.

Agad na akong pumanaog sa hagdan pagkapasok ni Tita Selina sa silid niya. Nagkakandirit ako habang patungo sa silid-aklatan. Agad kong kinuha ang makapal na Tagalog-English na diksyonaryo. At agad hinanap ang salitang nobyo.

Nobyo - fiance, sweetheart, betrothed

Oh, para palang si Romeo ni Juliet sa akda ni Shakespeare. Wala naman kasing nagbabanggit dito ng salitang nobyo.

Paano nga ba ko magkaka-nobyo kung wala naman akong nakikilalang kasing gulang kong lalaki. Kung may bangkero man na nagdadala ng isda dito ay kasing edad ni Yaya. Nobyo kaya ni Yaya Eva si Manong Adan? Tanungin ko nga siya.

Pumunta ko sa kusina. Narinig ko ang mga boses na nag-uusap. Sabi ni Abuela noon, huwag akong makikinig sa usapan ng mga matatanda. Paano kaya 'yon eh, may tenga ko?

"Eva, alam kong hindi mo pababayaan si You kapag nawala na ko. Gabayan mo siyang mabuti. Marami pa siyang dapat matutunan sa labas ng islang ito." Boses 'yon ni Abuelo. Kausap niya si Yaya. Eh, sino pa ba kakausapin niya? Alangan naman si Abuela eh, matagal na siyang namayapa.

Tongeks ka rin, You!

Natutunan ko 'yan tongeks sa isang guro ko sa Math. Nasa late 20s lang ang edad niya at laging may hawak na cellphone daw 'yon pagkatapos ng klase namin. Pero lagi siyang bored dahil wala daw signal dito sa isla.

Tinatapik niya ang noo niya at sasabihin ang tongeks niya. Ibig daw sabihin n'on tatanga-tanga siya dahil nalilimutan niya daw mag-download ng mga stories sa cellphone niya.

Amazed nga ako sa cellphone niya pero ayaw akong ibili ni Abuelo. Hindi ko naman daw kailangan. Eh, si Miss Jenny ang daming aklat sa cellphone. Hindi na niya kailangan ang mga libro. Pinagalitan siya ni Abuelo, kung ano-ano daw itinuturo sa akin.

Dito kasi naglalagi ang mga guro ko, doon sila sa guest room. Umuwi sila pag-Biyernes ng hapon at bumabalik ulit ng Linggo ng gabi.

"Senyor, hindi ba't isasama mo na siya sa Maynila sa isang linggo? Magagabayan mo pa siya sa mga dapat niyang matutunan doon. Pero alam mong hindi ko pababayaan ang batang 'yan. Parang anak ko na siya," narinig kong sabi ni Yaya kay kay Abuelo, kaya napabalik ako sa mundo ko. Oo nga, parang si Yaya na ang mama ko. Siya nag-alaga sa akin mula nang sanggol ako.

"Si Selina, natutuwa ako at nakatapos siya ng abogasya. Magagabayan niya si You sa paghawak ng negosyo pag nawala na ko," Si Abuelo ulit.

"Senyor naman, para kang namamaalam na. Mabubuhay ka pa ng matagal. Maituturo mo pa sa kanya ang lahat ng alam mo. Matalinong bata si You, Senyor." Si Yaya talaga lagi akong pinupuri. Tinakpan ko ang bibig ko para 'di nila marinig ang paghagikgik ko. Nakasandal na ko ngayon sa pader sa gilid ng pinto ng kusina. Naaliw akong makinig sa kanila.

"Sa palagay mo ba Eva, mali na itinago namin siya dito sa isla para lang hindi siya matagpuan ng kanyang ama?" Aking ama? Itinago nila ko sa Ama ko?

"Kilala n'yo po ang Papa ko, Abuelo?" Hindi na ko nakatiis kaya agad na kong pumasok sa kusina.

Hindi maipagkaila ang gulat sa mga mukha nila. Para silang nakakita ng kobra.

"Sino po ang Papa ko?"

01.Feb.2017

A/N: Ano po masasabi n'yo sa personality ni You?

Sana mahalin n'yo rin po si You tulad ng pagmamahal n'yo kay Jaizz.

Please Vote, Comment and Share.
Twitter: eiramana325
FB: Eiramana Wattpad Author

Lab yah,
eiramana325 & -SilverPen

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top