Story #3 I-KMJS Na 'Yan!

Year 2021

Nakatanggap ako ng isang mensahe mula sa isang researcher ng KMJS na ako ay kanilang inaanyayahan para sa isang panayam na kaugnay sa nalalapit na concert ng Westlife sa Pilipinas. Naghahanap diumano sila ng mga fans ng Westlife na puwedeng magbahagi ng kanilang karanasan bilang tagahanga ng nabanggit na banda.

Isang linggo ang nakalipas, dalawang araw bago ang concert ng Westlife sa Araneta Coliseum ay sinundo ako ng van ng KMJS. Ihinatid nila ako sa kanilang studio sa Kamuning para sa naturang interview. Dala-dala ko rin noon ang mga personalized items na kaugnay sa Westlife para ipakita kay Mareng Jessica ang mga merch na nakolekta ko.

Isang oras pa ang nakalipas ay kaharap ko na si Jessica Soho. Marami siyang mga katanungan tulad ng, "Kailan ka nagsimulang maging fan ng Westlife?", "Sino ang bias mo?",  "Ano ang paborito mong kanta nila?"

Hanggang sa tanungin niya ako, "Ano ang gagawin mo sa oras na makaharap mo sila?" Biglang tumigil saglit ang pagtibok ng puso ko nang tanungin ako noon ni Mareng Jessica. Kaagad din itong napalitan ng lungkot nang biglang pumasok sa isip ko na napakaimposibleng mangyari iyon. Langit sila, lupa ako. Dito sa Pilipinas ay gabi, sa Ireland ay umaga. Isa lamang akong di-kilalang fan sa milyong sumusuporta sa kanila.

Napatungo ako noon nang sinagot ko si Mareng Jessica, "Sa totoo lang po ma'am h-hindi ko po alam." Itinuloy ko ang pagsasalita. "Pero sa tingin ko po, titili ako nang sobra at baka maiyak sa labis na katuwaan."

Sumagot si Mareng Jessica, "Ikaw nga ay isang tunay na fan ng Westlife. At dahil diyan, mayroon kaming isang munting sorpresa sa iyo."

Bigla akong napatingin kay Mareng Jessica. Ano naman kaya iyong tinutukoy niyang sorpresa? Bibigyan ba nila ako ng Westlife dolls, Westlife albums na may pirma ng lads? O video call with them? Parang imposible 'yung panghuli. Sa sobra ba namang abala nila, magagawa pa ba nila ang makipag-video call sa kanilang fan?

May dinalang laptop ang isang staff ng KMJS at binuksan ito ni Mareng Jessica. Bumungad sa akin ang isang video ng apat na Westlife members na sina Kian, Shane, Mark at Nicky na nakaupo sa isang couch. Isa itong pre-recorded video.

"Hi Katryn! We have been informed that you are a big fan of ours especially Kian Egan. We would like to inform you that we are really grateful to know that," sambit ni Shane, ang lider ng grupo.

"That is correct. And Kathy, I hope to see you soon. We love you from the bottom of our hearts," ani ni Kian, ang paborito kong miyembro.

Halos panawan ako ng ulirat matapos mapanood ang video na iyon. Hindi ko alam kung iiyak ba ako o mahihimatay. Kaagad akong dinaluhan ng isang staff ng KMJS at ako ay binigyan nito ng tubig.

Nilagok ko ang halos kalahati ng laman ng bote ng mineral bottle. Hindi ako mapakali.

"Katryn, alam kong kinikilig ka pa hanggang ngayon pero hindi pa riyan nagtatapos ang aming sorpresa," nakangiting sabi ni Jessica Soho.

Itinuro niya ang aking likuran at ako ay napanganga nang tingnan ko ang itinuturo niya.

Bumungad sa akin ang apat na lads na sina Shane, Mark, Nicky at Kian na labis ang pagngiti.

Dati, sa picture at video ko lang sila nakikita pero ngayon.. heto at kaharap ko na sila!

Natutop ko ang aking bibig gamit ang aking mga kamay. Hindi pa rin ako makapaniwala.

"Hi Katryn!" ani ni Kian.

K-Kian?!

Wala akong sinayang na pagkakataon kaya pinuntahan ko agad siya para yakapin. Kitang-kita ko ang dalawang mga kamay niya na bukas-palad na nag-aabang sa akin.

Kian, dati pinapangarap lang kitang makasama ngunit heto, nasa harap na kita! sabi ko sa isipan ko.

Kaagad akong niyakap ni Kian. Damang-dama ko ang bisig niya na pumulupot sa aking likuran. Nakasubsob ako sa kanyang dibdib at nasasamyo ko ang amoy ng isang pamilyar na pabango - ang JOOP perfume.

Mangiyak-ngiyak ako habang dinarama ang bawat saglit na nakayakap sa aking iniidolo.

"Kiaaaaaaaan. Huhuhu," ang tangi kong nasambit. Tumingala ako para titigan ang mukha ng aking pinakahahangaan. Kitang-kita ko ang bawat detalye ng kanyang mukha. Ang kanyang blonde na buhok, ang kanyang peklat sa pisngi, ang kaakit-akit niyang mga labi at ang pinakapaborito kong parte ng kaniyang mukha, ang kanyang asul na asul na mga mata.

Tinitigan ko iyon at tinitigan din ako pabalik ng mga matang iyon. Wari ko ay ako ay nasa gitna ng isang asul na karagatan na unti-unting nalulunod sa asul na tubig.

Those eyes are the most beautiful eyes I have ever seen.

Hinawakan ko ang mga pisngi niya. Iyon ay wala namang pagtutol na hinayaan lamang ni Kian.

"Oh my gosh. I can feel you. I am not dreaming!" bulalas ko.

"Yes, you are not dreaming," sambit ni Kian at sumilay sa kanyang labi ang isang napakatamis na ngiti.

Sa wakas, makalipas ang labing-apat na taong pagsuporta ko sa kanila ay natupad din ang pangarap kong makita sila, lalong-lalo na si Kian. ❤

The End

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top