VIII
Chapter 8
#WWSwp
Bilang kami ay may bonfire sa gitna, nagdala rin tuloy sila ng malalaking marshmallow para lutuin doon.
Natuwa ako kasi hindi ko pa na-e-experience 'to kasi nga no'ng may camping kami for scouting no'ng highschool ay hindi naman ako pinayagan ni Mama, delikado raw kasi.
First time ko legit na makakain ng marshmallow na talagang tinapat sa bonfire, hindi 'yung sa bahay ko lang ginawa para lang alam ko kung anong lasa.
Inabutan ako ni Rider ng pangtusok doon sa marmallow. Ngayon lang din ako nakakita na may ganito pala kalaking marshmallow, parang ginawa talaga siya for outing na ganito.
Nang lahat kami ay kumakain na, napag-isipan nila maglaro ng truth, hindi kami makapagpaikot ng bote dahil may bonfire sa gitna kaya sunod-sunod na lang daw.
"Patay tayo diyan," bulong ni Rylie sa akin na akala mo naman may tinatagong madilim na sikreto. For sure cheesy questions lang itatanong ng mga 'to since hindi pa naman kami super magkakaclose dahil kanina lang naman namin nakilala ang mga kaibigan ni Rider.
Gustong takasan ni Rylie ang paglalaro pero wala siyang magawa dahil wala rin naman siyang pupuntahan.
"Bakit ba? Anak ka ba ng mafia boss?" biro ko kasi parang guilty talaga siya sa isang bagay na kinakabahan tuloy siya baka itanong sa kaniya.
"Tungkol ba kay Travis?" Hindi siya umimik. Baka nga tungkol kay Travis, baka ayaw niyang matanong siya about doon dahil nga baka maudlot ang lovelife na inaasam nito.
"Hoy! Wholesome tayo dito!" reklamo ni Althea, kung anu-ano na kasi ang kantyaw sa kanila ni Jolo na biro lang naman talaga.
Tinanong na lang sila about sa relationship nila.
Sa sobrang dami namin, ang dami na naming napagkwentuhan habang naglalaro kami, may mga side comments kasi palagi sa tanong hanggang sa umabot na kay Rider na nasa tabi ko lang.
"Kanino ka pinakanagagandahan sa mga nandito?" tanong sa kaniya. Simple lang ang tanong sa kaniya kumpara sa iba kasi ang sabi nila wala naman daw kasing maibato sa kaniya dahil masyado raw kasing matino 'tong si Rider. Halata naman sa mukha niya na parang hindi siya gumagawa ng masama at kung gagawa man siya, ikukumpisal niya agad.
Busy ako sa kinakain kong marshmallow nang walang pagdadalawang-isip na tinuro niya ako kaya agad sila naghiwayan tapos hinampas pa ako ni Rylie. Kaya imbis na magsink-in agad sa akin na tinuro niya ako ay hinampas ko pabalik ang kaibigan ko dahil ang sakit niya talaga manghampas. Friend abuse talaga 'to e.
"Safe answer," bulong ko kay Rider. Feeling ko lang tinuro niya lang ako dahil mema lang, ang gaganda kaya ng mga kasama niya tsaka siguro dahil mostly jowa 'yon ng mga tropa niya, weird naman kung ituturo niya 'di ba?
"Paano mo nasabi?" Nagkibitbalikat lang ako. Ako ang sunod nilang tinanong at dahil kay Rider tinanong tuloy ako kung sino ang pinakagwapo para sa akin.
Grabe! Ang hirap ah! Kung napapalibutan ka ng mga ganito ka-gwapo aba hindi pwedeng iisa lang ang sagot talaga.
Napatingin ako kay Rider at tinitigan ang mukha niya. Nailang yata siya at umiwas ng tingin. "You don't have to be pressured, it doesn't have to be me," chill niyang sabi.
Pero tinuro ko na lang rin siya.
Wala e, gwapo e.
"Ayan ang safe answer," nang-aasar na sabi niya sa akin.
"Hindi ah, bigla ko lang naisip mga pictures mo sa IG." Totoo naman naisip ko bigla ang mga nakita ko kanina kaya naman napaturo na lang din ako talaga sa kaniya.
Pero I swear ang ga-gwapo ng mga kaibigan niya. Bawal ba ang pangit sa tropa nila? May qualifications ba?
"Hulaan ko, 'yung nakasuot ako ng jersey?"
"Ay nalaki na ulo niya," biro ko pa. Tama nama siya ayon talaga ang pinakagusto ko sa lahat ng nakita ko sa IG niya.
Nang magsawa na sila sa katatanong dahil wala na silang matanong, pinag-usapan na lang kung ano ang gagawin nila bukas.
"Sama pa rin kayo ah," aya nila Althea sa amin. Wala namang problema sa akin pero tinignan ko muna ang mga kasama ko at mga pumayag naman sila kaya sino ba naman ako para hindi pumayag 'di ba.
Hindi masyado bloated ang tyan ko dahil hindi naman ako masyado uminom ng beer, masyado kong na-enjoy ang marshmallow na kinakain ko kaya hindi ako masyado nakainom.
Napansin yata nitong katabi ko na inuupakan ko malala 'yung marshmallow kaya 'yung hawak niya na niluluto niya kanina ay binigay niya sa akin.
Siyempre 'di ko tinanggihan. "Thank you."
"You're welcome," sagot niya sabay kuha ulit ng marshmallow para initin doon sa bonfire.
"Favorite mo 'to?" Umiling naman ako.
"Hindi naman, pero baka maging favorite ko na," pagkukwento ko. Nagkakantahan na ulit ang iba kaya kami lang ang magkausap ngayon. Minsan sumasabat si Rylie pero madalas ang kadaldalan niya ay si Kevin.
"First time ko lang kasi 'to ma-try." Parang hindi naman siya makapaniwala na first time ko lang maka-try ng simpleng marshmallow na niluto sa bonfire.
Mayamaya lang tumayo siya at umalis, baka nag-CR. Hindi ko na tinanong kung saan siya pupunta kasi biglang umalis e.
Si Rylie na ang kausap ko ngayon, kinukulit ko kung bakit hindi niya kausap si Travis ngayon o kahit si Juanico. Kaya lang naisip ko rin na sa buong magdamag naming magkakasama, napansin ko na tahimik lang din talaga si Juanico, kagaya ngayon nasa parang log lang siya mag-isa at may hawak na beer pero mukhang enjoy naman siya sa sarili niya.
Ano kayang iniisip niya? Nagbibilang kaya siya ng buhangin?
"Bukas na lang ulit, naubos na energy ko," sagot ni Rylie sa akin. Mukhang nahirapan 'tong si gaga. E kung si Rider na lang kasi, hindi mahirap kausapin.
Feeling ko nga ang tagal na namin magkakilala kahit hindi naman. Siya halos ang kasama ko buong araw dahil sa mga kaniya-kaniyang ganap nitong mga kaibigan ko e.
Bumalik si Rider na may dalang paper bag, galing siguro sa mga tindahan sa kahabaan ng beach. May bukas pa pala hanggang ngayon.
"Ano 'yan?" pang-uusisa ko sa binili niya, binuksan niya ang paper bag kaya sinilip ko ang laman no'n.
May lamang graham at chocolate.
"Dahil first time mo, dapat kumpleto." Kinuha niya ang graham at binuksan tapos pinakuha niya ako.
Hindi ako nakapagsalita, medyo natulala talaga ako sa sinabi niya. Sinabi niya lang kung ano ang gagawin ko doon sa graham at sinunod ko naman siya tapos nilagay niya 'yung chocolate tapos 'yung marshmallow na niluto sa bonfire hanggang sa nagmukha 'yong sandwich.
"Try mo," utos niya. Nahiya pa akong kainin kasi nakatingin siya sa akin na para bang inaantay niya kung anong magiging reaksyon ko.
Smores could never go wrong pero extra masarap 'yung kinain ko. Na-appreciate ko kasi 'yung effort niya.
Nabanggit ko lang naman pero ewan ko ba dito sa good boy na 'to.
"Masarap?" tanong niya pero hindi ko naman masagot dahil puno ang bibig ko. Tinawanan niya pa ako nang maipon ang kinakain ko sa isang side ng pisngi ko pero imbis na mabadtrip ako sa tawa niya ay nahawa na lang din ako.
Binigyan din namin ang iba nang makakain ako ng ilang piraso hanggang sa naisipan na namin magsiuwi na since maaga rin daw bukas.
Sa hotel sila naka-stay kaya nilalakad lang nila habang kami ay magt-tric pa pero mabilis lang naman e kaya ayos lang din.
Kagaya nga ng sabi ko mabilis lang din kami nakabalik sa bahay nila Holy.
"Good night mga babaita," bati ni Kevin at isa-isa niya kaming hi-nug. Ganiyan talaga siya every night. May pagkasweet din siya sa katawan talaga, doon niya binabawi lahat ng katarantaduhan niya.
Naghilamos lang kami and nagtoothbrush tapos pumwesto na rin kami sa kama.
"Qin," pagtawag ni Rylie sa akin. Nakasara na ang mata ko pero gising pa naman ang diwa ko. "Hmm?"
"Hindi mo type si Rider?" Agad na napadilat ako sa tanong niya.
"Bakit mo naman tinatanong?"
"Mabait 'yon, malay mo 'di ba?" Idadamay pa yata ako nito sa plano niyang summer love kasama si Travis.
Okay naman si Rider, mabait naman nga talaga. I mean hindi ko naman masabi rin completely pero so far mabait siya, kailan ko lang naman siya nakilala pero wala lang talaga ako sa phase na naghahanap ako ng jojowain.
Minsan may mga oras na bigla ko na lang gusto pero alam ko na mawawala rin at hindi ko rin naman mapapanindigan.
"Ayoko muna ng lalaki sa buhay teh." Alam naman ni Rylie 'yon e.
Masyado akong na-drain sa mga past experiences ko about guys kaya parang ayoko na muna. Ayoko muna ma-fall, parang hindi pa ako prepared ulit ma-stress, kasi grabe lang inabot ko sa mga lalaki before. Hindi ko rin kasi masyado pinag-iisipan dati dahil nga feeling ko napag-iiwanan na ako ng panahon dahil sa Mama ko.
Kaya nga feeling ko rin kahit papaano, kinakarma rin ako sa lahat ng pagsuway sa Mama ko e.
Hindi ko na alam anong oras na ako nakatulog basta nakatulog ako habang iyon ang iniisip.
***
"Nag-arkila raw sila ng jeep papunta sa falls." Excited ako ngayon kasi pupunta kami sa falls. Siyempre hindi pa ako nakapunta ng kahit anong falls puro dagat pa lang napuntahan ko tsaka ilog tapos ilog pasig pa tapos naglinis pa ako kaya ibang experience naman ngayon.
Si Kevin ang nagluto ng agahan ngayon, tocino lang naman tsaka sinangag at itlog pero masarap lalo na 'yung sinangag tsaka kapag may sawsawan na suka 'yung tocino.
Nakabihis na rin kami bago kumain para hindi na kami matagalan. Naka-rash guard lang ako ngayon at shorts tsaka nag-cap lang din ako at binraid ang buhok ko sa dalawang dutch braid.
Pagkatapos kumain, inayos ko na ang tote bag ko, naglagay ako ng sunscreen tapos aloe vera gel para na rin kay Rider na tadtad na ng sun burn tapos extra shirt lang kung sakali kailanganin.
Sa tapat daw ng hotel nila magkikita since sila naman nag-arkila no'ng jeep kaya doon na kami dumiretso sa may hotel nila.
"Good Morning," bati ni Rider sa akin with all smiles.
Ano kayang feeling ni Rider? Parang lahat ng umaga niya maganda. Unang kita ko pa lang sa kaniya ganiyan na 'yung vibes niya. Parang siya 'yung isa sa mga tao na hindi nabubwisit kapag Lunes o kaya kapag rush hour.
"Good Morning," bati ko pabalik sa kaniya.
Sandali lang ang hinintay namin at agad rin naman kaming nakaalis papunta sa may falls. Sobrang ingay ng jeep kahit na umagang umaga pa talaga, ang daming energy lalo na ng mga lalaki.
Ang sarap rin ng hangin mula sa labas kaya nakakaganda rin ng mood. Iba rin talaga kapag nasa probinsya, buong buhay ko kasi polusyon na ng Maynila ang nalanghap ko. Kaya siguro ganito rin ako e.
Hindi na rin namin namalayan ang oras at nakarating din kami sa may falls. Tunog pa lang ng rumaragasang tubig sobrang nakaka-excite na. Hindi agad kami nakababa roon dahil may kinausap pa sila para sa entrance fee at bayad sa mga kubo.
Ang swerte dahil wala pang ibang tao at kami pa lang kaya masosolo namin kahit papano ang lugar.
Nang maayos na nila ang mga dapat ayusin ay bumaba na kami doon at nilapag ang mga gamit namin sa may kubo.
Agad nagsitalon ang mga lalaki doon at agad din nilamig kasi raw sobrang lamig daw ng tubig pero masarap pa rin naman daw sa pakiramdam.
Medyo mabato nga lang sa may mababaw na part kaya nag-iingat kami pero paa ko lang ang naanuran ng tubig ay napapaatras na ako.
Ang lamig!
Pabiro pa akong tinutulak ni Jayden kaya napapatili ako kasi ang lamig talaga, feeling ko manginginig ako pero mukhang nag-e-enjoy naman na ang mga lalaki roon at na-overcome na nila ang ginaw kaya nilakasan ko na ang loob ko at lumusong roon.
Nanginginig ako at nagtatama ang mga ngipin ko pero nawala rin agad nang masanay na ako sa lamig ng tubig.
Inaaya nila ako sa may ilalim ng mismong falls kaya lang hindi kasi ako marunong lumangoy kaya naka-stay lang ako sa mababaw.
Kaya kong magfloat pero ayon lang 'yon at never ko pa na-try na talagang sumubok sa hindi abot ng paa ko na parte ng dagat o ng swimming pool.
Dapat pala nagdala ako ng salbabida o kaya life vest para makapunta roon.
Kakwentuhan ko lang si Nica na isa rin sa mga jowa no'ng mga volleyball player, takot rin kasi siya at hindi rin siya marunong lumangoy pero hindi kalaunan, tinangay siya ng jowa niya papunta roon.
Tawang-tawa ako panoorin sila kasi para daw silang binabatukan doon.
"Ayaw mo doon?" Kalulusong lang ni Rider at siya naman ang kasama ko ngayon sa mababaw na parte.
"Hindi ako marunong lumangoy," sagot ko sa tanong niya. Gusto ko kaso natatakot ako, baka malunod ako. Ayoko pa naman ng slow death, gusto ko isang bagsakan na lang, ayoko na pahirapan sarili ko if ever mamamatay ako.
Agad naman siyang tumalikod sa akin at tinapik ang likod niya. "Anong gusto mong gawin ko?"
"Sumampa ka, dalhin kita doon." Nagdalawang-isip ako. Sure ba siya? Kaya niya ba ako bitbitin kasama niya?
"Hindi kita lulunurin promise," natatawang dugtong niya pa.
Napatingin ako kayla Kevin na may sariling agenda sa kabilang part ng falls at kay Rylie na kasama si Juanico na umaakyat. Magc-cliff jump pa yata.
Sayang rin naman kung hindi ko mae-experience 'yung mismong falls 'di ba? Minsan lang 'to lalo na sa katulad kong may strict na nanay.
"Kapag ako nalunod, idadamay kita," pagbabanta ko bago sumampa sa likod niya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top