IX

Chapter 9
#WWSwp

Mahigpit lang talaga ang hawak ko kay Rider habang dinadala niya ako sa ilalim ng falls kung asaan ang iba naming kasama.

"Ready?" tanong niya. Hindi pa ako nakakasagot e pumunta na siya doon sa ilalim ng falls.

Potek! Ang sakit!

Para nga akong nabatukan talaga, umalis rin kami agad at pumunta sa likod ng bumabagsak na tubig. Doon na ako nakaalis sa pagkakasampa sa kaniya dahil may makakapitan na ako doon.

"Kumusta naman ang pagiging salbabida ni Rider?"  pang-aasar ni Nica kay Rider.

"5 stars, no issues," natatawang sagot ko naman. Hindi naman ako nakaramdam na parang lulunurin niya ako anytime kanina, tignan na lang natin pagbalik pero so far, safe naman ang pagkakadala niya sa akin. Buti nga hindi siya nahirapan e, kahit papano bitbit niya pa rin ako kahit na mas magaan naman kapag nasa tubig.

Or baka nag-aral siya ng swimming lessons na may kasamang paano mag-save ng tao. Hindi rin kaya madali magbitbit ng tao tapos pati sarili mo pa.

As usual nagkwentuhan lang kami kasama sila hanggang sa naiwan na lang kami ni Rider doon. Tinabihan niya ako at umupo sa kung saan nakaupo si Nica kanina.

Umalis sila Nica kasi mag-c-cliff jump ang jowa niya.

"'Di ka mag-c-cliff jump?" tanong ko kay Rider. Baka kasi gusto niya, e okay lang naman ako na bumalik na doon sa mababaw na part. Masaya na ako na naexperience ko mabatukan no'ng falls.

"Gusto mo ba?" balik niya ng tanong sa akin. Nakalimutan na ba agad niya na hindi ako marunong lumangoy?

"Wala akong death wish, Rider." Ngumiti naman siya at umiling.

"You won't die," sagot niya. Medyo nilalakasan namin ang boses namin dahil nasa harap lang namin ang bumabagsak na tubig mula sa itaas kaya medyo maingay dito.

"Paano mo nasabi? Hindi nga ako marunong lumangoy." Kung pinayagan lang siguro ako ni Mama magliwaliw baka marunong ako lumangoy. 'Yung iba naman kasi hindi naman sila nag-swimming lessons pero marunong naman sila lumangoy dahil siguro marami silang experience.

May PE kaming swimming pero hindi rin ako natuto, lumaki kasi akong takot na sa malalim dahil hindi ko naman madalas nasusubukan kaya nahirapan na rin ako matuto plus 'yung pressure pa since may grade na nakasalalay.

'Yung pagfloat lang siguro ang natutunan ko roon.

"Pero gusto mo?" Gusto ko pero natatakot ako. Hindi naman ako kagaya ni Rylie na malaks ang loob sa kung anu-ano. Kahit hindi niya masyado alam o unang beses niya pa lang masusubukan ay G na siya.

Makapal ang mukha ko minsan pero may hangganan pa rin ang lakas ng loob ko.

"Gusto."

"Edi tara," aya niya sa akin. Balak yata talaga ako lunurin nito, 1 star na lang pala dapat rating ko sa kaniya.

Napatingin ako sa kaniya habang  nakakukot ang noo ko.

"Sasaluhin kita." Dapat ko bang ipagkatiwala ang buhay ko sa taong kailan ko lang nakilala? E paano kung hindi niya ako sinalo?

"Natatakot ako," pag-amin ko. Ang hirap kasi gusto ko talaga, alam ko naman kasi na kung hindi ko pa 'to susubukan ngayon, hindi ko na alam kung kailan pa ako ulit magkakaroon ng chance na ma-try ang ganito.

"Panoorin natin sila? Tapos sabihan mo lang ako kung nakapagdecide ka na." Talaga bang sasaluhin ako nito, pagkatalon ko sa tubig?

Ang bait naman.

Dinala niya ako ulit sa mababaw na part at andoon na sila Jayden at Holy habang tinitignan nila ang ilan sa mga kasama namin na nasa taas.

"Pang-ilan na ni Rylie 'yan?" tanong ko kay Jayden kasi parang kanina nakita ko siya paakyat kasama si Juanico tapos ngayon paakyat nanaman siya.

"Pangatlo yata, alam mo naman 'yan," naiiling na sagot ni Jayden kaya natawa ako. Minsan kami na lang rin ang kinakabahan para kay Rylie pero okay pa naman siya hanggang ngayon.

Masamang damo e. Joke.

Ang iba sa mga kaibigan ni Rider umiikot-ikot pa bago bumagsak sa tubig, grabe ang lalakas ng loob.

May mga ganiyang tao talaga e no?

Maski nang tumalon si Juanico ay paikot-ikot pa siya sa ere. Paano nila nagagawa 'yon?

"Wow." Namangha talaga ako sa mga taong may kakaibang nagagawa sa buhay nila. Hindi sa gusto ko rin magpaikot-ikot bago bumagsak sa tubig ah, wala lang, parang naenjoy lang talaga nila 'yung buhay nila nang malala na kung baga marami silang experiences na mababalikan kasi marami na silang nagawa na hindi nila nagagawa on a normal basis.

"Kaya mo 'yon?" Siniko ko si Rider.

"Mga isang beses lang," natatawa niyang sagot. Hindi ko tuloy alam kung seryoso ba siya dahil parang pa-joke niya lang sinabi.

"Tingin nga!" biro ko.

Sunod na tumalon ay Rylie, grabe pa ang tili niya pero halata namang enjoy na enjoy si gaga sa siyam na buhay niya.

"Tara? Samahan mo 'ko?" aya ni Rider pero ewan ko na, walang pag-aalinlanagan na pumayag ako na sumama sa kaniya para umakyat sa taas.

Hindi ko alam kung pagdating doon magback-out ako o ano, pero sa ngayon gusto ko na enjoyin 'yung ngayon, kasi nga para pagbalik ko nanaman sa Manila pagkatapos ng linggo na 'to at least may mababalikan pa akong mga memories.

Ayoko na kasi no'ng mapapaisip ako later on na "Sana pala..." baka malungkot lang ako.

Ang lungkot-lungkot na nga ng buhay e.

Mabagal lang ang pag-akyat namin at inaalalayan ako ni Rider. Nagulat pa sila Rylie nang sabihin ko na susubukan ko kasi nga alam nilang lahat na hindi naman ako marunong lumangoy.

Ayon, ang ending lahat sila Rylie, Kevin, Jayden, at Holy nakaabang, medyo malayo siyempre sa babagsakan ko pero sapat lang para mapuntahan nila ako agad.

Mahal na mahal ko talaga 'tong mga 'to.

Nang andoon na kami kinabahan na ako malala pero sobrang saya sa pakiramdam habang nakatayo ako sa taas.

Chi-ne-cheer nila ako sa baba pero si Rider ang mauuna tumalon kasi nga siya raw bahala sa akin. Bahala na, siguro once in my life kailangan ko rin ipagkatiwala ang buhay ko sa taong wala pang isang linggo ko kilala.

Nauna siyang tumalon na hindi man lang kinabahan kahit kaunti, halatang ilang besss na niyang na-experience ang ganito at kagaya nga ng sabi niya kaya niya umikot ng isang besss bago bumagsak sa tubig.

Nang nasa baba na si Rider mas lalo akong kinabahan kasi wala na akong kasama dito sa taas, tapos andoon sila sa baba ine-expect na tumalon ako pero teka hanapin ko lang 'yung lakas ng loob na naipon ko kanina. Bigla kasing nawala na parang bula e.

Tumingin ulit ako sa baba at nakaangat na si Rider sa pagkakahulog niya, nakatingin lang siya sa akin habang nakangiti. Para bang alam niyang tatalon din naman ako anytime at aantayin niya ako.

Pumikit ako nang mariin bago ko pinisil ang ilong ko at bahala na, tumalon na ako bago pa magbago ang isip ko.

Sobrang bilis ng pangyayari, ni hindi ako nakasigaw basta ko na lang naramdaman ang pagbagsak ko sa malalim na tubig at hindi kalaunan may brasong humawak sa bewang ko at agad na iniangat ako sa tubig.

Pag-angat ay kinusot ko agad ang mata ko.

Sobrang sarap sa feeling, grabe, buhay pa ako!

Medyo napaatras ako nang pagdilat ko ng mata, ang lapit ng mukha ni Rider sa akin. Hindi pa rin siya nakabitaw sa bewang ko kasi malamang hindi nga makalangoy si ate niyo girl.

"Ano?" pangungumusta niya sa akin kaya nag-thumbs up ako lang ako.

Napatingin ako sa mga kaibigan ko na nakaabang din pero parang gusto ko na lang iwasan ang mga tingin nila dahil may ipinapahiwatig na hindi maganda tapos magtitinginan pa 'yan sila sa isa't isa.

***

Kanina pa panay ang tingin ni Rylie sa akin habang papunta kami sa susunod naming destination.

Ewan ko ba diyan, trip pa yatang ipagkanulo ako kay Rider e alam naman niya na hindi ko pa trip talaga lumandi tsaka ano malay ko kung type ako no'n. Mabait naman kasi sa lahat, nature na kung baga. Feeling ko kahit hindi ako 'yung nandito ngayon kasama nila, ganiyan pa rin naman siya.

Sa tingin ko nga 'yung pagtrato sa akin ni Rider sa nakalipas na araw, mas maganda pa 'yon para sa akin kaysa sa mga nagawa ng mga lalaki sa buhay ko noon.

Nasa tao talaga 'yan e, kapag gusto ka nila itrato ng tama, gagawin at gagawin talaga nila para sa 'yo. Ang masasabi ko lang kay Rider ay mukhang napalaki siya ng mga magulang niya ng tama o kung hindi man, masasabi kong pinili niyang maging disenteng tao.

Sunod na pinuntahan namin ay beach ulit pero imbis na buhangin puro pebble ang nasa tabing dagat, pebble na pinaghalo kasama ng mga sea shell. Maganda raw ang sunset dito kaso maaga pa kami para sa sunset kaya baka hindi na namin makita.

Kasama ko lang si Jayden habang pinipicturan niya si Holy at ako naman ang nagpi-picture kay Kevin. Sa kakaganito nila hindi ako magugulat kung magiging social media influencer sila kalaunan, na sana mangyari talaga. Dami kayang perks kapag social media influencer tsaka mataas pa sweldo.

Mayamaya lang lumapit sila Rider sa amin tapos nakipicture din kasama namin hanggang sa si Rider na ang naging photographer naming magkakaibigan.

Bilang hindi naman ako sobrang mahilig makipicture ay ako ang unang napagod sa kanila at umupo na lang ako sa tabing dagat at nagbato ng mga pebbles, wala namang tao sa harap kaya nagbabato lang ako doon nang nagbabato nang may tumabi sa akin at tinitignan ang mga pictures na nakuhaan niya sa camera niya.

"Ganda nito," pakita ni Rider sa akin ng picture naming magkakaibigan.

"Siyempre dapat mo 'yang i-send," sagot ko. Ang ganda nga ng pagkakakuha niya sa aming magkakaibigan doon. Iba talaga kapag may creative juices. Dapat lang pala talagang nasa MMA siya at oo nakapagresearch na ako about MMA.

"Send ko sa 'yo mamaya." Sasabihin ko sana doon sa dalawang soon to be social media influencer niya i-send pero narealize ko na iinggitin ko 'yung dalawa na nasa akin ang kopya bago ko ibigay sa kanila, ako muna ang mag-po-post.

"Patingin nga ng mga kuha mo," na-cu-curious kasi ako kung gaano siya kagaling kumuha ng mga instagrammable pictures.

Binigay niya sa akin ang camera niya at ingat na ingat ako na nilayo sa basa.

"Ito rin gamit mo sa school?"

"Minsan, depende sa kailangan." Napag-alaman ko na iba-iba pa pala ang camera para sa mga gusto mo i-achieve, though pwede naman isa lang daw pwede naman daw kasing gawan ng paraan pero siya daw may iba pa siyang camera bukod doon.

Naglilipat-lipat ako sa kuha namin nang bigla niyang pigilan ang kamay ko. "Bakit?" Tapos kinukuha na agad niya ang camera niya mula sa akin. I mean okay lang kaso parang may kahina-hinala sa kaniya.

Tumawa ako. "Anong mayroon ha?" pang-aasar ko. Hindi ko tinignan ang camera pero hindi ko pa hinahayaan na makuha niya. Namula ang tenga niya kaya lalo akong natawa.

"Hoy may bastos dito?" Bakit naman nasa camera pa? Mukha namang naalarma siya sa sinabi ko at agad dineny ang sinabi ko.

"Uy wala naman!" depensa niya bago unti-onting binitawan ang camera.

"Sige na nga tignan mo na," pagsuko niya.

"'Wag na baka minus points pa ako sa langit."

"Hindi nga kasi," natatawa niyang sagot na hindi na alam kung paano niya dedepensahan ang sarili niya.

"Sure ka ah, walang bastos dito?"

"Tignan mo na lang para malaman mo."

Tinuloy ko ang paglipat doon sa picture at nakita ang sarili ko doon sa mga sumunod na picture.

Napasulyap ako sa kaniya pero nakatingin lang siya sa gilid niya at parang ayaw niyang makita ang reaksyon ko sa nakikita ko.

"Sabihin mo na lang na gusto mo akong model, 'di naman ako tatanggi," biro ko nanaman sa kaniya.

Hindi lang ako ang may mga stolen shots doon meron din ang mga kaibigan niya, sila Rylie, Kevin basta lahat pero ewan ko kung feelingera lang ba ako kasi parang ako 'yung may pinakamarami kaya rin siguro nahiya siyang ipakita sa akin kanina.

Lahat ng kuha niya magaganda kahit na stolen lang, o baka dahil wala namang mali sa mukha ko?

Joke. Magaling lang talaga siya.

Marami pang mga pictures ko sa jeep, sa falls, tsaka no'ng sa island hopping. Okay lang naman sa akin, harmless naman ang mga pictures na 'yon at mukhang hindi naman niya ginagawa sa ibang tao na hindi niya kilala nang basta-basta.

Tinapat ko ang camera sa kaniya, hindi ako marunong no'n pero ti-nry ko lang.

"Rider, tingin ka," utos ko kaya paglingon niya pinindot ko agad ang capture button.

Natawa siya nang ma-realize ang ginawa ko. "Puro pictures namin laman nito, wala ka man lang picture," sabi ko kasi sa camera niya puro kaibigan niya, kaibigan ko tsaka ako tapos mga view ang laman. Wala man lang akong nakita na kahit isang picture niya.

Siya may-ari pero wala man lang siyang picture

"Paano ka magkakaroon ng bagong post sa IG niyan?" Napangiti na lang siya sa sinabi ko at agad ko iyon kinuhaan ng picture hanggang sa nagpaturo na ako paano ba inaayos 'yung sa camera niya para makuhaan ko siya ng magagandang pictures.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top