Entry #4: Tatsulok
Description: Isang tao na nangangarap mapunta sa tuktok, kahit na hindi siya makaakyat dahil sa salungat niyang anyo at sa perpektong hugis na sa tingin niya'y hindi akma para sa kanya. Pero pilit pa rin niyang binabaliktad ang tatsulok.
Why: Siguro kaya ko ito naisulat para ipakita sa lahat kung gaano kataas ng pangarap ko, na sa buhay hindi importante kung ano ka o kung sino ka, bawat tao ay maaaring mapunta sa tuktok ng tatsulok kahit pa maliit lang ang espasyo na naroon sapagkat tatlo naman ang sulok niyon na pwede mong bali-baliktarin upang mapunta ka sa tuktok.
How: Paborito ko talaga ang mga songs ni Bamboo kaya bago matulog, madalas kong pinakikinggan ang mga kanta niya kasi sobrang unique ng boses niya as in haha. Idol na idol ko talaga siya simula noong sampu pa lang ako at hanggang ngayon iniidolo ko pa rin siya. Nagkataon na nag-iisip ako ng maisusulat ko tapos ni-play yung Tatsulok. Ang ganda lang ng pinapahiwatig nung song kaya doon ako kumuha ng ideya. Pero syempre, sarili ko itong bersyon at tungkol ito sa akin.
~*~
Sa tuktok ng bulod, tanaw ang bulkan Mayon na hugis tatsulok at napapalibutan ng mga ulap ang bunganga nito. Kung aakalain ay perpekto ngunit hindi. Kung tititigan mo ito'y parang walang kapintasan ang ganda pero mali. Dahil natatakpan lang ng puti ang nabiyak na itim sa kanlurang bahagi.
Umihip ang hangin kaya napapikit ako. Masarap sa pakiramdam ang simoy na galing sa Pasipiko. Parang kailan lang, pasko na naman. Napakabilis ng panahon. Paulit-ulit na namumutawi sa bibig ko ang katagang ito na para bang dumoble ang bilis ng segundo. Sana sa paglipas ng mga araw ay malalaman ko rin ang kahihinatnan ko gaya ng Daragang Magayon, na sa oras na mawawasak ako ay handa ang puso ko sa posibleng mangyari kahit na.. alam kong.. hindi ako perpekto.
"Kaya mo ba ang tatlong ikot na walang pahinga?"
"Kakayanin siguro?"
"Let's see. Tara!"
Tumayo na ang kapatid ko at nagsimulang tumakbo paikot dito sa Kawa-Kawa. Alas sais na nang umaga, kaya pala marami ng mga tao na nagsisitaasan. Pinagmasdan ko sila habang sumusunod kay ate sa pagtakbo. Pagod at hinihingal. Siguro'y kagaya ko rin kapag natapos ang tatlong rounds.. kapag nakaya ko ang tatlong rounds.
Sa buhay ko, madalas kong nararanasan ang emosyonal at pisikal na sakit.. sa mga taong tinitingnan ako na para bang iba ako sa lahat, sa mundong ginagalawan ko na grabe ang sakripisyo para umunlad. Alam kong ganoon naman talaga. Walang perpekto simula noong nagkasala ang dalawang taong iyon. Hindi na makamtam ang ninanais na paraiso dahil doon. Kailangan ko lang maging matatag upang makamit ang buhay na perpekto sa kabila nitong salungat kong buhay na imperpekto.
"Pagod ka na ba?" Tanong niya nang mapahawak ako sa dalawang tuhod ko. Tumango ako bilang tugon. "Suko ka na?" Hindi. Kakayanin ko ang tatlong ikot gaya ng sinabi ko kanina.
Written by: gutinstinct
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top