Entry #4: Hiram na Sandali

Description: Hanggang saan ka nga ba kayang dalhin ng iyong pag-ibig? Hanggang saan ang kaya mong gawin para lamang makasama ang iyong minamahal? Isang nakaraan ngunit di matapos tapos dahil sa pusong patuloy na nagmamahal. Mapagbibigyan nga ba ang ninanais ng puso?

Why: Allegory ang genre ng activity ngayon. Dreams o panaginip naman ang tema. Isang bagay na ninanais mong mangyari ngunit impossible, isang bagay na hanggang panaginip lang at hindi pwedeng mangyari. Ito yun, itong kwentong ito, itong taong ito na palaging gumugulo sa isip ko. Hanggang panaginip ko lamang siya. Mabuti pang isulat na lamang sa kwento, baka sakaling maalis na siya sa isip ko.

Isinulat ko ito dahil para sa akin, siya ang perfect example ng tema. Napaka imposibleng mangyari ang lahat ng kaganapan na nandirito sa kwentong ito. Gusto kong pakawalan ang nararamdaman ko at ang pangyayari na paulit ulit sa isip ko kaya sinulat ko na lamang dito. Matagal na yang title ko na yan, pero hindi ko mabuo ang plot, pero nung sinulat ko ito, tuloy tuloy lang na para bang may plot na ako. Siguro dahil sa nagpatangay ako sa agos ng aking damdamin.

Nais ko ring magparating ng mensahe sa pamamagitan ng kwentong ito. Oo, marahil hindi ito perpekto para sa genre. Hindi lahat ng salita ay matalinhaga, ngunit ang bawat salita na naririto ay may pinapatungkulan ako o may ibig sabihin. Nasasaiyo kung paano mo iintindihin. Maging ang mensahe, sana maintindihan niyo rin.

Ang ilan rito ay yung mga "sana" ko sa buhay. Sinulat ko nalang para naman kahit papaano ay magkaroon na rin ng katuparan.

How: Gamit ang puso ko. Dun lang naman ako magaling eh, ang magmahal. Charot! Seriously, inisip ko lang siya at tuloy tuloy na. Isang upuan lang naka 1,300 words na agad ako at nagulat ako don. Ganun yata talaga oras na nagpatangay ka sa agos ng damdamin mo kasabay ng tugtog na nagpapaalala sakanya. Nasasaktan ako habang sinusulat ko to dahil sa ginawa kong pagbalik sa nakaraan, pero hindi ko ginawang hadlang ang sakit na nararamdaman ko para hindi ito matapos, sa halip ginamit ko pa siya upang mailabas ang aking nadarama. Sige, tama na ang haba na nito, magbasa ka nalang dahil iiyak pa ako. Hahahahah chos!



~*~

"Mga butil ay huwag hayaang maubos, upang hiram na sandali ay di matapos."

Sobrang liwanag ng paligid pero wala akong makita, tila ba nabubulag ako sa sobrang liwanag na diretso sa aking mga mata.

"Nasaan na ako? Hindi pa naman ito langit, hindi ba?"

Nabigla naman ako sa isang tunog na nagmula sa aking bulsa. Tiningnan ko ito, may nag-chat pala sa aking Wattpad Account.

"Hindi ako judgmental na tao kaya wag kang mag-alala, walang kaso sa akin kung anong itsura mo. Medyo nahihirapan lang talaga ako sa chat dito sa Wattpad dahil nasa climax na ako ng story ko, wala naman kasi 'tong chat head gaya ng messenger."

Masyado naman nitong inuusig ang aking budhi!

Bago pa man ako makasagot sakanya ay may naaninag akong hugis ng isang tao sa aking harapan.

Lalaki, naka-headset at may hawak na phone. Sinilip ko ang phone niya at nakita ko ang chat niya sa akin.

T-teka paano?

----

October 5, 2017, 6:00 AM

"Hoy Jinji laway mo tulo na!"

Leche naman eh, abala!

"May nakausap ako sa Wattpad, sa tinagal tagal ko rito, ngayon na lamang muli may kumausap sa akin---"

Nanlaki ang mga mata ko nang mapagtanto ko kung ano ang sinasabi ni Gianni.

Agad kong binawi ito sakanya at sinigiwan siya.

"Akin na iyan! Wala kang karapatang basahin ang nakasulat sa journal ko!"

Humiga lang siya sa kama ko at hindi pinakinggan ang sinabi ko.

"Lahat na lamang ba ay idadaan mo sa pagsulat Jinji? Kailan ka ba mabubuhay sa realidad?"

"Huwag mo akong tatawaging Jinji! Sabing Zhiai ang itawag mo sa akin!" Inis na sabi ko.

"Jinji Zhiai. Ano ayos na ba? Ms. Jinji Zhiai Lopez?" Sarkastikong sabi niya.

"Sinisira mo ang umaga ko!"

Umalis na lamang ako kung nasaan ang nakakabwisit kong kapatid dahil mas gusto ko pang kasama ang mga notebook ko kaysa sakanya.

Iniisip ko pa rin ang nangyari kagabi, pero hindi kaya ng utak ko kaya tinigilan ko nang isipin.

Tiningnan ko na lamang ang mga hawak kong notebook. Nandirito ang lahat nang nangyari sa akin kaya walang ibang pwedeng makaalam nito. Dito naman sa isang notebook ko ay ang mga istoryang naisulat ko na ayoko pa i-publish sa Wattpad.

Pagkatapos kumain at maligo ay pumasok na ako sa eskwelahan dala ang mga notebook ko.

Inaantok ako sa pagbubuhat ng banko ng professor ko kaya naman minabuti ko na lamang na magsulat.

Pero may kung anong humihila sa akin na basahin ang notebook kung saan naroroon ang isang kwento na hindi pa ako handang balikan.

---

"Sabi sa'yo ang panget ko eh!" Pagka-send ko ng message ay nagpunta ako sa kanyang profile at hinalungkat ang profile pictures niya.

Hindi na rin masama.

Napatigil ako sa isang picture kung saan may hawak siyang gitara.

Tila ba napahinto rin sa pagdaloy ang aking mga dugo patungo sa puso ko.

Maging ang utak ko, tila ba nakalimutan na nito kung paano magisip.

Ang mundo ko, biglaang napalihis ng daang tinatahak.

Bago pa man ako tuluyang maligaw ng landas ay inalis ko na ang aking paningin sa litrato.

Isa nanamang liwanag ang sumalubong sa pagtunghay ko. Maya maya pa ay isa nanamang hugis ng tao ang aking nasilayan.

Lalaki, muli naka-headset ito at hawak ang phone. Nasilip ko nanaman ito at nakita ko na siya ay nasa profile ko din.

---

October 5, 2017, 9:49 AM

"Ms. Lopez! Anong ginagawa mo?"

Nabigla ako sa pagtawag sa aking pangalan at halos mapatalon ako sa upuan ko.

Nakipagtitigan ako sa Professor ko ng ilang minuto.

"Natutulog po Ma'am. I would rather sleep than to listen to your nonsense stories."

Natahimik siya maging ang buong klase. Hindi naman talaga siya nagtuturo, panay lamang ang kwento niya ng kung anu-anong walang kinalaman sa subject.

Umalis nalang ako at nagtungo sa aking secret place. Mabuti pa rito, walang mga mata na binabantayan ang aking bawat galaw, walang magdidikta sa dapat kong gawin at malayo ako sa mga mapanghusgang kapwa.

Mas nais ko na rito, kaysa naman naroroon ako sa balong malalim at madilim.

Sinimulan kong buklatin ang notebook na naglalaman ng aming kwento.

Isang kwento na labis na pinapahalagahan sa kabila ng pagtatago sa lahat.

Sa aking pagbabasa, nagbabalik sa aking isipan ang lahat ng pangyayari maging ang aking naramdaman noong mga panahong iyon.

Kung sana maaaring ibalik ang mga panahong nagdaan.

Kung pwede lamang ay magbukas muli ng bagong kabanata ang aming kwento.

Kung posible lamang na maisulat ko ang aming bagong kwento ay gagawin ko.

At sa pagkakataong iyon, sisiguruhin ko na magkasama kaming magtatapos ng aming kwento.

Isinara ko na lamang ang notebook at tinigil ang aking pangangarap. Hindi maaaring mangyari na ako ay makabalik sa nakaraan upang baguhin ang mga nangyari na.

Dapat ang nakaraan ay manatili na lamang sa nakaraan.

"Isang sandali lamang iha ang iyong kailangan, upang kapalaran ay magawa mong baguhin."

Napalingon ako sa nagsalita at nakita ko ang isang matanda.

Bigla na lamang lumutang ang aking notebook papunta sakanya.

"Teka, sandali! Pag-aari ko po iyan!" Pero hindi niya pinansin ang aking sinabi.

"Narinig ko ang iyong kahilingan at nandirito ako upang tuparin iyon."

"Paano po?" Sa halip na magtaka sa nangyayari ay tila ba naiibigan ko pa ito. Pero impossible 'yon hindi ba? Ang naiukit na ay hinding hindi na mababago pa.

"Huwag kang matakot, magtiwala ka lamang sa akin. Tandaan mo, mga butil ay huwag hayaang maubos, upang hiram na sandali ay di matapos."

"A-ano po? Anong ibig niyo pong sabihin? Anong gagawin niyo? Teka! Sandali!" At sa kumpas ng kanyang kamay ay nabalot ng liwanag ang paligid at nilamon ako nito.

Nakakapagtaka man pero mukhang panaginip lamang ang nangyari dahil nandito ako sa aming classroom kung saan nagkaklase ang Professor ko bago ako umalis. Marahil ay isa nga lamang panaginip yung kanina.

Nagsimula na akong maglakad upang umuwi sa aming bahay. Paglabas ko ng gate ng aming eskwelahan ay isang mukha ng taong hindi ko inaasahan na masisilayan ko.

Hindi ako agad naniwala, marahil ay imahinasyon ko lamang ito.

Ngumiti siya. Unti unti ay lumapit at niyakap ako.

Nagugulumihanan ang aking isipan. Totoo ba ang lahat ng ito?

"Hindi ka ba masayang makita ako? Nandito na ako, Mahal. Tinupad ko ang aking pangako na puntahan ka oras na makauwi ako ng Pilipinas."

Napakunot ang aking noo.

"S-sandali lang ah! Cr lang ako!" At dali dali akong bumalik sa loob ng eskwelahan at hinanap ang cr hindi para umihi kundi para tingnan ang aking notebook na nasa loob ng aking bag.

Dali dali ko itong binuklat sa may bandang hulihan at laking gulat ko na nagbago ang mga nakasulat rito!

"'Sa kabila ng distansya sa kanilang pagitan at malaking pader na nakaharang ay nagawa nilang tawirin ito sa pamamagitan ng taling naguugnay sa kanilang pag-iibigan.' Ano! Walang ganito dito! Tandang tanda ko ang isinulat ko rito at iyon ay 'Marahil ito ang ating tadhana, ang magmahalan at maghiwalay sa kabila ng ating hindi pagkikita. Masakit. Dahil tapos na ang lahat. Ni hindi ko man lamang nasilayan ang iyong mukha. Ngunit tatanggapin na lamang na ang ating kwento ay dito na magtatapos."

Binuklat ko pa sa umpisa, hindi nabago ito. Iyon lamang ang nabago. Ang ibig sabihin ba nito ay nagbukas ng bagong kabanata ang aming libro? Imposible!

Nanlaki ang mga mata ko nang may sumagi sa aking isipan.

Yung matanda kanina! Anong mahika ang kanyang ginawa?

Tumunog ang phone ko at may tumatawag. Teka! Sino ito? Bakit Mahal ang nakalagay dito?

Wag mong sabihing... siya 'to?

Wala akong natatandaang nagpalitan kami ng numero!

Binuklat ko pa ang notebook at binasa ang isang bahagi ng kabanata.

"'Bago tuluyang lumipad patungo ng Pilipinas ay nagpalitan sila ng numero at address upang siguruhin na sila ay makakapagkita.' Ano! Hindi ganito ang isinulat ko!"

Isinantabi ko na lamang ang lahat at lumabas upang tagpuin ang aking Mahal.

Nagpunta kami sa isang kainan kung saan ay maaring maglaro ng board games.

Umorder siya ng waffle ice cream at habang kumakain ay ine-enjoy namin ang kwentuhan.

Matapos ang kwentuhan ay naglaro kami ng Chess kung saan siya ay magaling at ako ay hilig ko lamang.

Itong pangyayaring ito, isinulat ko ito sa isang notebook ko kung saan nandoon ang aming mga pangarap na gawin oras na kami ay magkita.

Ngunit pinunit ko na iyon dahil alam kong malabong mangyari. Pero ano ito! Bakit ang kwento namin ay nabigyan ng pagkakataon at tila ba ang kwentong isinulat ay nahahaluan ng ibang kwento? Bakit nandirito sa kwentong ito ang mga dapat ay wala? Bakit nangyayari ang mga bagay na dapat ay hindi?

Naguguluhan man ay pinipilit ko na lamang ngumiti at intindihin ang mga nangyayari.

"Mahal, masaya akong makita ka. Ang dating pinapangarap ko na mahawakan ang iyong mukha ay ito na." Sabi niya habang haplos haplos ang aking pisngi. Ang mga titig niya, tila ba totoong totoo...

"Totoo na ito Mahal, hindi na ito panaginip. Wala na tayo sa messenger, hindi na tayo magka-video call, magkaharap na tayo at ito na ang pinakamasayang araw ng buhay ko. Huwag mo sanang kalimutan ang June 5, 2017 ng buhay mo." Nanlaki ang mga mata ko sa petsang binaggit niya.

"Pakiulit nga yung sinabi mong petsa?"

"Ngayon ay June 5, 2017." Gulat na gulat ako. Impossible!

"Bakit ganito? Iyan ang araw kung kailan pinalaya ko ang sarili ko mula sa'yo. Kaya paano! Paanong ang araw na iyan ay napalitan ng ating unang pagkikita! Naghiwalay na tayo! Tapos na lahat sa atin! Bakit nakita pa kita? Bakit ka pa nagpakita!" Napalakas ang boses ko dahil ramdam ko ang mga nakapukol na tingin sa akin.

"Mahal..." Malambing niyang sabi. "Bakit ka umiiyak? Ano ang iyong mga sinasabi? Ayaw mo ba akong makita? Mahal, umuwi ako para sa'yo. Nag-desisyon ako na makasama ka at ikaw ang piliin kaya anong ikinakagalit mo? Huminahon ka." Pinunasan niya ang mga tubig na nagmula sa aking mata. Lumuluha na pala ako.

Pero wala akong oras para makipaglandian sa kanya at maniwala sa mga nangyayaring ito.

Umalis na lamang ako habang umiiyak.

Bakit ba naman kasi ganito! Bakit kailangang maulit ang sakit na dinanas ko! Bakit kailangang pagdaanan ko ulit ito! Hindi ba't ang mga daan nating tinahak ay hindi na natin mababalikan pa? Hindi natin magagawang makatuntong sa parehong tubig ng ilog sa magkaibang pagkakataon. Hindi ba! Pero ano itong nangyayari sa akin? Bakit tila nakabalik ako sa nakaraan at nababago ito? Mas gugustuhin ko pang umusad at kalimutan ang lahat ng nangyari kaysa mamatay ng paulit ulit dahil sa iisang pangyayari.

Wala akong ibang hinangad kundi ang masilayan ang iyong mukha, ang makita ka, mahaplos ka, mayakap at mahalikan. Ngunit hindi ko hiniling na makabalik sa nakaraan at mabago ito. Dahil pinili ko na ang daan patungo sa hinaharap. At 'yon ang nais kong ipagpatuloy.

Sa gitna ng aking pagtakbo sa gitna ng ulan, tila ba bumabagal ang lahat sa aking paligid. Ngunit wala akong pakealam dahil ang nais ko lamang ay mahanap ang daan patungo sa kasalukuyan. Pakiusap... ibalik niyo na ako kung nasaan ako talaga... Ayoko dito...

"Mahal!" Napalingon ako sa isang malakas na sigaw ngunit hindi ko nakita ang kanyang mukha dahil sa isang nakakasilaw na liwanag ang sumalubong sa akin. Bumabagal ang aking paligid. Napatulala ako saglit habang nakaharang ang aking mga kamay sa aking mata.

Ito ang nakikita ko sa tuwing magigising ako sa aking panaginip.

Makakabalik na ba ako?

Ito na ba ang hudyat na ako ay magigising na?

Kung gayon, nais kong titigan ang mukha ng taong minsan kong minahal ngunit dahil sa mga naglalakihang pader ay hindi maaaring makasama ko siya.

Ibinaba ko ang aking kamay na hinaharang ko mula sa aking pagkasilaw. At lumingon sa aking gawing kanan at nakita ko ang paghangos niya patungo sa akin.

"Paalam, Mahal ko..." Turan ko habang nakangiti sakanya. Dahil sa wakas, matatapos na rin ang sakit. Makakabalik na ako.

"Mahal!" Isang malakas na pagbangga ang aking huling narinig bago ako lamunin ng liwanag.

----

Dahan dahan kong iminulat ang aking mata at nasilayan ko ang liwanag.

Ano ito? Hindi pa ba ako nagigising?

"Mahal? Mahal gising ka na? Doc! Doc! Gising na po siya! Salamat sa Diyos!" Rinig kong sabi ng isang lalaki na tila ba maluha luha.

Nang tuluyan kong maimulat ang aking mata ay nakita ko ang isang doktor na tinitingnan ang aking kalagayan.

"We need to do further tests para makasiguro na wala ng ibang komplikasyon."

"Maraming salamat po."

"Maiwan ko na kayo."

Naramdaman kong may humawak sa aking kamay, hinahalikan niya ito habang akap akap ito at lumuluha.

"Mahal... huwag mo nang uulitin 'yon ha? Natakot ako. Akala ko iiwan mo na ako. Akala ko katapusan mo na talaga. Mahal hindi ko kakayanin na mawala ka sa akin kaya nagpapasalamat ako na nakaligtas ka sa aksidente. Wag kang mag-alala, pinadakip na namin ang driver ng kotse. Dahil sa pagmamaneho niya ng lasing---" Pinutol ko ang kanyang kwento.

"Sandali. Aksidente?"

"Oo mahal, nabangga ka ng kotse dahil tinakbuhan mo ako. Marahil ay masama pa ang loob mo sa ginawa kong pag-iwan sa'yo noon. Pero Mahal nandito na ako oh. Ikaw ang pinili ko at iniwan ko na siya. Kaya sana ipangako mo na hindi mo rin ako iiwanan."

Napaluha ako sa narinig ko. Buong akala ko ay nakabalik na ako sa kasalukuyan pero hindi pa rin pala. Nandirito pa rin ako at hinaharap ang sakit na matagal ng tapos.

Pero tama ang nangyayari, June 5, 2017, ang araw kung kailan ako nabangga ng isang kotse. Sinadya ko iyon dahil ayoko ng mabuhay pa. Ang pinagkaiba lamang sa noon ay wala akong nakita sa aking paggising kundi ang puting kisame ng hospital, ngayon nandito siya...

Dahil hiniling ko noon na sana siya ang makita ko para magkaroon pa ako ng dahilan mabuhay.

Hindi nga kaya dapat ay kalimutan ko na ang sakit at harapin ang lahat ng ito?

Marahil ay dito ko na makikita ang kaligayahang kay tagal ko nang hinahangad.

Pinunasan niya ang aking luha. Bumaling naman ako sakanya at ngumiti.

"Mahal na mahal kita." Sabi ko sakanya habang hawak ang kanyang kamay na nakahawak sa kanan kong kamay.

Pagkasabi ko noon ay nahagip ng aking mata ang notebook kung saan nakasulat ang lahat. Tila ba may kung anong nagmula roon na pinakawalan sa hangin. Parang maliliit na puting bulaklak? Halos ga-butil na ito.

---

October 5, 2017, 9:49AM

Apat na buwan na rin ang nakalipas mula noong makabalik ako dito sa nakaraan upang baguhin ang kapalaran ng aming kwento.

October 5, 2017, ito ang huling araw ko sa kasalukuyan bago ako makabalik sa nakaraan. Ngayon ay nandirito na ako ulit.

Masaya ako na mula sa araw na ito ay hindi ko na kailangan pang balikan ang nakaraan upang makasama siya. Sapagkat ito na ang araw kung saan sisimulan na naming tahakin ang hatid ng kapalaran para sa aming pagmamahalan.

"Mahal, ang makasama ka lamang ay sapat na. Hindi ko na kailangan ng kahit na ano pang luho dito sa mundo. Masaya ako na tinupad ang aking kahilingan na mabigyan ng kasunod na kabanata ang ating kwento."

"Hindi ko man alam kung ano ang hiwagang nangyari, ang tanging alam ko lamang ay mahal kita at sigurado ako sa desisyon ko na makasama ka."

"Mahal na mahal kita, Joru." Sabi ko habang nakatitig sakanyang mga mata. Isa ito sa pinangarap ko na hindi ko inakalang matutupad, ang matitigan ang kanyang mga mata habang sinasabu kung gaano ko siya kamahal.

"Mahal na mahal din kita, Jinji." At hinalikan niya ako sa aking noo. Akal ko hindi na ito mangyayari. Ang makasama siya at marinig siyang sinasabi kung gaano niya ako kamahal.

"Tara na? Saan mo gusto kumain?" Aya niya sa akin at saka kami naglakad palabas ng aking eskwelahan.

"Hmm.. burger king! Alam ko sawa ka na jan dahil 'yan ang palagi mong kinakain nong nasa ibang bansa ka pa, pero kasi alam na alam mo naman kung gaano ko ka-gusto 'yan." Napatawa na lamang siya.

Bumagal ang aking paligid at paglakad dahil sa nakikita ko ang kanyang masayang tawa na sinasabayan ng lalong pagsingkit ng kanyang mga mata.

Isa ito sa bagay na hindi ko nanaisin na ipagpalit pa. Masaya akong makita kang masaya. Masaya akong pinili ko ang mahalin ka sa kabila ng lahat. Masaya akong kasama kita ngayon.

Masaya ako na nabigyan ng pangalawang pagkakataon ang ating pag-iibigan. Salamat dahil nagawa kong baguhin ang ating kwento na dapat ay tapos na.

Perperkto na sana ang lahat nang biglang may lalaking umagaw ng baril sa gwardiya at nakipag-agawan ito rito. Natataranta ang lahat ng estudyante at gurong nasa paligid dahil sa nangyayari. Walang nais na umawat. Lahat ay nagsisigawan at tumatakbo sa kung saang direksyon.

Natapos ang pagaagawan ng pumutok ito at tila ba may tinamaan.

Muling bumagal ang aking paligid at tila ba nahihilo ako.

Naramdaman ko ang unti-unting panghihina ng aking katawan.

"Jinji!" sigaw ni Joru nang mapansin ako.

Pabagsak akong napaluhod at napakapit sa kanya.

May lumabas na dugo mula sa aking bibig.

Napahawak ako sa aking bandang tagiliran. Nanginginig akong tiningnan ang kamay ko at may dugo ito.

"Joru..." Nanghihina kong sabi habang lumuluha.

"Jinji! Hindi! Hindi maaari!"

Isang nakakasilaw na liwanag ang aking nakita bago tuluyang bumagsak ang aking mga mata.

---

October 5, 2017, 1:23 PM

Nagising ako at sinalubong na naman ako ng nakakasilaw na liwanag.

Bumangon ako at tiningnan ang paligid.

Nasaan na naman ba ako? Nagising ba ako mula sa isang mahabang panaginip?

Naaalala ko ang lahat ng nangyari. Nakabalik ako sa nakaraan at nabago ko ito ayon sa aking nais.

Kung nagising ako mula roon, ibig sabihin, panaginip lang ang lahat?

Sa paglibot ko ng aking mata ay nakita ko si Joru.

Nag-uumapaw sa saya ang aking nadarama. Totoo ang lahat. Nandirito siya. Kasama ko siya!

Maluha luha pa ako sa saya habang lumalapit sa kanya upang yakapin siya.

Ngunit laking gulat ko nang dinaanan niya lang ako at...















tumagos siya sa akin...

Tiningnan ko ang aking mga palad nang may pagtataka. At agad akong lumingon kung saan siya pumunta.

"Joru! Mahal! Hindi mo ba ako nakikita!" Lumapit ako sakanya at nakita ko na nakadungaw siya sa isang kabaong.

Ngunit mas nagulat ako nang makita ko ang aking sarili na nakahimlay doon.

"A-ano ito? Hindi maaari!" Napaluha ako habang nakatakip ang aking mga kamay sa aking bibig.

"Hindi!" Tuluyan nang nanghina ang tuhod ko at bumagsak ako sa sahig habang patuloy na umiiyak.

"Joru..." Sinubukan kong hawakan siya ngunit tumagos lamang ito.

"Bakit!"

"Hindi ba't nais mo nang makabalik sa kasalukuyan? Ito na. Nandito ka na." Napalingon ako sa matanda, siya yong may kagagawan nito!

"Ngunit hindi ako patay!"

"Totoo ito. Namatay ka sa araw na ito at sa sobrang pagnanais ng puso mo na makita siya kaya nangyari ang lahat."

Hindi ko matanggap ang kanyang sinasabi.

"Ngunit, hindi ba nabago ko ang aming kwento. Kung gayon, kaya ko ring baguhin ito! Ayoko mamatay! Hindi pwede! Ngayon pang makakasama ko na siya? Hindi ako makakapayag!"

"Mga butil ay huwag hayaang maubos, upang hiram na sandali ay di matapos." Pamilyar iyan sa akin kaya napakunot ang aking noo.

"Sa bawat alaala na inyong pinagsaluhan. Sa bawat sandali na kayo'y nagmahalan. Sa lahat ng pagkakataon na ipinakita ninyo kung gaano niyo kamahal ang isa't isa. Doon, pinapakawalan ng iyong notebook ang maliliit na puting bulaklak."

Napanganga na lamang ako sa kanyang tinuran at lalong napaluha.

Nilingon ko si Joru na ngayon ay tumatangis dahil sa aking pagkamatay.

Marahil ito na ang oras para isara ko ang aking notebook at di na buksan muli. Dahil ito na ang huling kabanata ng ating kwento, dito na nagtatapos ang ating walang hanggang pagmamahalan.

"Patawad. Patawad dahil minahal kita..."



Written by: PrincessMela

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top