Entry #10: One-Hour Experience
Description:This story is about Daciana's one hour experience of different struggles inside the forest upon meeting Athena and her daughter. Let us witness how she managed to escape from those obstacles.
Why: I really, really like this activity but I don't know what happened to me 'cause I've lost ideas as if my brain doesn't want to function. It might sound exaggerated but that's what I am feeling right now. Why did I come up with this plot? To be honest, I don't know because this is not really the story I want to write. However, it came from my heart so I've regretted nothing.
How: I don't know but I typed this for more than an hour only and I can't afford to proofread it now so bear with my typographical errors. 'Wag ninyong tularan si ate Yanna ha! Sorry na agad-agad. Ayaw ko sanang ipasa ito pero ito na, nandito na e. Hindi ko rin akalaing makaka-submit pa ako.
________________________
"Ang ganda! Ang ganda-ganda naman dito!" manghang bulalas ng isang dalaga habang aliw na aliw na pinagmamasdan ang mga bulaklak na animo'y alagang-alaga ng isang hardinero. Nasa gitna ang babae ng isang hardin na punong-puno ng mga makukulay na mga bulaklak, mga paru-parong hindi magkamayaw sa pagdapo sa bawat talulot ng mga ito, at mga puno at ligaw na halaman na paminsan-minsang sumasayaw sa ihip ng malamig na simoy ng hangin. Pakiramdam niya ay napakalapit niya sa Diyos dahil sa mala-paraisong kinatatayuan niya ngayon.
Tuwang-tuwang dinama niya ang mga makukulay na halaman sa ilalim ng tanglaw ng liwanag ng buwan. Ipinikit pa niya ang mga mata saka idinipa ang dalawang mahahabang braso para damhin ang sarap ng simoy ng malamig na hangin. Muli niyang inikot ang paningin sa paligid saka mahinhing naglakad palabas sa mala-paraisong lugar na iyon. Hindi man niya mawari kung paano siya napunta roon at kung saang lugar na iyon, ipinagpatuloy pa rin niya ang paglalakad. Bago tuluyang makalabas ng hardin, nilingon niya muli ito saka ngumiti.
"Sa Earth pa ba ang lugar na ito? Ito kaya ang Garden of Eden?" wala sa loob na tanong nito sa sarili.
Dahil sa liwanag na nagmumula sa bilog na bilog na buwan at mga bituing waring nagkakasiyahan sa dami, malinaw na nakikita ng babae ang kanyang dinadaanan. Habang naglalakad, lumilinga-linga pa siya sa paligid at nagpapakiramdam. Bukod sa maingay na huni ng mga kuliglig, tunog ng mga sangang natatapakan niya, at hampas ng mga dahon ng punong-kahoy, wala ng ibang tunog na maririnig. Kahit pakiramdam niya ay mag-isa lang siya sa mga oras na iyon, hindi siya nakakaramdam ng takot o kaba man lang. Ngayon lang siya nakatapak sa kakahuyan at bago lahat sa paningin niya ang kanyang namamalas. Akala niya ay sa movies lang may ganito, hindi pala.
"Saan kaya ito? Parang napakapayapa sa lugar na 'to," sambit pa niya.
Ramdam niyang hindi pa malayo ang kanyang nalalakad mula sa pinanggalingang hardin kanina kaya muli niyang nilingon ito subalit bahagya siyang nagulat nang hindi na matanaw ang hardin.
"Nandoon lang 'yon kanina e. Hindi pa naman ako nakakalayo sobra," nagtatakang wika nito.
Nagsimula nang makaramdam siya ng kaba. Hindi niya alam kung tutuloy pa ba siya o maghahanap na ng daan palabas sa kagubatan na iyon. Sa huli, napagpasyahan niyang humanap na lang ng daan palabas. Naging creepy na bigla ang lugar sa kanya at biglang nag-iba ang kanyang pakiramdam. Pakiramdam niya ay may kapahamakang naghihintay sa kanya dito. Dahil diyan, mabilis niyang tinahak ang landas pabalik sa kinatatayuan ng hardin kanina ngunit, nakakailang hakbang pa lang siya nang mapatingala sa langit. Unti-unting dumidilim na ang paligid dahil sa mga itim na ulap na tumatakip sa buwan. Ang kaninang kalangitan na puno ng mga bituin ay napalitan ng kadiliman. Gumuhit bigla ang matalim na kidlat na sinundan ng dagundong ng kulog kaya napaupo siya bigla habang nakatakip ang dalawang palad sa mukha. Nanginginig itong gumapang patungo sa katawan ng isa sa mga puno doon at saka sumandal.
"Ano bang nangyayari? Bakit ba nandito ako?" Halos maiyak na ang babae dahil tuluyan nang binalot ng kadiliman ang paligid. Sa mga sumunod na sandali, nanatili lang siyang nakasandal sa katawan ng puno.
Maya-maya pa, nakarinig siya ng iyak ng isang sanggol.
"Sanggol? Anong ginagawa ng isang sanggol dito?" nagtataka at kinakabahan niyang tanong sa isip. Ang iyak ay papalapit sa kanyang kinaroroonan dahil palakas ito nang palakas kaya napasiksik siya sa kanyang kinalalagyan habang yakap-yakap ang magkabilang tuhod. Nagsimulang maglabasan na ang butil-butil na pawis sa kanyang mukha at pabilis nang pabilis ang tibok ng kanyang puso. Patuloy lang siya sa pagbigkas ng pangalan ng Diyos.
Nang pakiramdam niya ay nasa likuran na niya ang umiiyak na sanggol, napapikit na siya. Halos hindi na siya huminga sa mga sumunod na segundo. Pero makalipas ang ilang minuto, nawala na ang pag-iyak kaya dahan-dahan niyang iminulat ang mga mata.
"Aaaaaaah!" sigaw nito nang tumambad sa kanyang harapan ang sanggol na nakalagay sa isang pahabang basket. Napapalibutan ito ng mga alitaptap. Nang makahuma ay saka niya nilapitan ang sanggol dahil hindi naman ito mukhang tiyanak o ano pa mang nakakatakot na nilalang na napapanood niya sa movies.
Nahihimbing na sa pagtulog ang bata kaya nagkaroon siya ng tsansa na pagmasdan ito. Matapos masdan, tumingala siya sa langit na maliwanag na ulit dahil sa liwanag ng buwan at mga bituin na kanina lamang ay nawala. Pagbalik niya ng tingin sa sanggol, nagbagong-anyo ito. Tinubuan ito ng mga kumikinang na bagay sa braso, binti, at noo.
"Goddess? Anak ng diyosa?" naibulalas niya.
"Oo, anak ko siya. Ako si Athena, ang diyosa ng karunungan."
Napaigtad ang dalagita dahil sa napakagandang nilalang na nasa harap niya. Nakasuot ito ng kumikinang na bestida at purong gintong korona. Nakalutang ito sa ere kaya nakatingala niya itong tinitingnan.
"A-Athena? Buhay ka pa? T-totoo ka?" kandabulol na tanong ng dalagita dito.
"Isa akong diyosa kaya hindi limitado ang panahon ko dito. Subalit nanganganib ang buhay ng anak ko ngayon dahil sa mga masasamang elementong humahabol sa amin. Nakikiusap ako sa'yo, iligtas mo siya."
Pagkatapos magsalita ni Athena ay kaagad rin itong nawala. Hindi malaman ng dalaga kung susundin at papaniwalaan ba niya ang sinabi ang diyosa. Sa huli, napagdesisyunan niyang sundin ang diyosa. Magbubukang-liwayway na kaya medyo maliwanag na sa kakahuyan. Mabilis na tinahak ng dalaga ang landas na hindi niya alam kung saan patutungo. Iisa lang ang layunin niya sa mga oras na iyon. Iligtas ang sarili pati ang sanggol laban sa kapahamakang nag-aabang sa kanila.
Maya-maya pa, isang sigaw mula sa 'di kalayuan sa kinaroroonan niya ang kanyang narinig.
"Suyudin ang buong kagubatan at dalhin ninyo sa akin ang sanggol!"
Ang kaninang lakad lamang ng dalaga ay naging takbo na. Nagsimulang maglabasan ang butil-butil na pawis sa kanyang buong mukha at ang malakas na pagtibok ng kanyang puso ay waring tambol na palakas nang palakas at pabilis nang pabilis sa pagtibok. Hindi man niya mawari kung anong masasamang elemento ang tinutukoy ni Athena, ramdam naman niyang masasama talaga ang mga iyon.
"Habulin n'yo sila!" sigaw ng isang tinig. Lalong binilisan ng babae ang pagtakbo. Napaluha na rin siya dahil sa sakit na nararamdaman dulot ng mga damo at sangang nakakasugat sa kanyang balat at ang hirap niyang nararanasan sa paghinga. Patuloy pa rin siya pagtakbo bitbit ang mahabang basket na kinalalagyan ng sanggol. Hindi siya lumilingon sa takot na baka nasa likod lamang niya ang mga tumutugis sa bata.
Ramdam naman niyang may nag-uudyok sa kanya na iwan na lang ang mahabang basket na sumasagabal sa kanyang pagtakas. Bukod doon, malalayo siya sa panganib kapag hinayaan na lang niya ang bata dahil ito naman mismo ang target lamang ng mga masasamang elemento. Datapuwa't umiral pa rin ang busilak na puso ng dalaga. Patuloy lang siya sa pagtakbo habang umuusal ng panalangin sa Poong Maykapal.
Nang maramdaman ng babaeng napalayo na sila sa mga humahabol sa kanila, isinalpak niya ang katawan pasandal sa katawan ng puno ng balete at inilapag ang basket kung saan mahimbing na natutulog pa rin ang sanggol. Habol ang hiningang sumagap agad siya ng hangin saka maluha-luhang nagpasalamat sa Diyos. Hindi pa man niya masiguradong ligtas na sila, laking pasasalamat pa rin niya dahil nakatakas sila sa mga humahabol sa kanila. Pakiramdam niya tuloy ay napakatapang niya at isa siyang bayani dahil sa pagligtas ng isang buhay.
Tumingala siya sa langit na unti-unting lumiliwanag na. Wala na rin ang mga bituing makikinang at ang bilog na buwan ay bahagyang natatakpan na ng ulap. Pipikit na sana ang babae para magpahinga saglit nang may marinig siyang mga ungol. Halos mapatalon ito sa gulat nang mamalas ang tatlong lobong nakatutok ang mga mata sa kanila habang nakalabas ang mga matatalim na pangil at tumutulo ang laway. Hindi niya mahinuha kung gutom ba ang mga ito o galit na galit na makita sila. Napa-krus tuloy siya dahil sa takot hindi lamang para sa sarili niya kundi na rin para sa batang walang kamalay-malay sa mga nangyayari sa kanyang paligid simula pa kanina. Napakabata pa nito para mabura agad sa daigdig. Anak man ito ng isang diyosa pero parang katulad pa rin niya itong tao. Mukhang wala pa itong kapangyarihan o natatanging abilidad katulad ng sa kanyang ina.
Nanginginig ang mga kamay na niyakap ng dalaga ang mahabang basket at dahan-dahang umatras hanggang mapasiksik sa puno ng balete. Naiiyak na naman siya dahil pakiramdam niya ay katapusan na nga niya.
"Parang awa n'yo na, huwag naman kami," pagmamakaawa ng babae sa tatlong lobo. Mas nangngalit lamang ang mga matatalim na ngipin ng tatlong parang mga halimaw kung tumingin. Na-corner na sila ng tatlo kaya napahawak siya nang mahigpit sa isa sa mga ugat ng puno. At dahil parang wala na silang pag-asang makakaligtas pa, nag-usal na ng panalangin ang dalagita. Ipinikit niya ang mga mata at taimtim na nagdasal.
Eksaktong pagmulat niya ay kanyang nakita ang akmang pagtalon ng tatlong lobo patungo sa kanilang direksyon. Napasigaw at mariing napapikit na lamang siya.
Matapos ang ilang minutong katahimikan sa kagubatan, umihip ang malakas na hangin at nabalot ng lamig ang buong kakahuyan. Nawala na ang huni ng mga kuliglig at lahat ng mga panggabing hayop. Kasabay ng pagpatak ng dahong mula sa puno ng balete ang paggalaw ng isang bagay.
"Nasaan ako? Anong nangyari?" usisa ng isang babaeng waring kagigising lamang mula sa mahimbing na pagkakatulog. Takang inilibot nito ang paningin sa kabuuan ng paligid saka makailang kinusot at kinurap ang mga mata. Parang namamalikmata pa nitong dinama ang buong katawan saka tatlong beses na sinampal ang kanang pisngi. Hindi siya makapaniwala na buhay pa rin siya at wala pa sa kabilang buhay. Agad niyang hinanap ang mahabang basket at sunod-sunod na pumatak ang luha sa kanyang pisngi nang makita na gising na ang sanggol at inosenteng nakatitig ito sa kanya. Kahit hindi siya marunong ng tamang pagbubuhat sa sanggol, kinalong niya ito.
"Ligtas tayo. Niligtas tayo ng Diyos," tuwang-tuwang sambit ng babae dito.
"Masaya akong ligtas na kayo Daciana." Gulat na napalingon ang dalaga sa nagsalita at mas nanlaki ang mga mata nito sa nakita.
"A-Aschsa a-anong ginagawa mo dito?" kandabulol na tanong ng dalaga sa kaharap niyang babae ngayon na walang iba kundi ang kanyang best friend.
"Hindi na yun importante. Ang mahalaga ay ligtas na kayo," sagot nito na agad yumakap sa kanila.
"Nasaan na ang tatlong lobo? Pinatay mo ba?" usisa ni Daciana dito.
"Tatlong lobo? Wala akong nakitang lobo kanina. Nakita ko na lang na wala kang malay habang nakahandusay diyan sa damuhan kaya inilipat kita ng pwesto," tugon nito sa kanya. Kahit bahagyang naguguluhan kung bakit at paano sila nakaligtas sa mga humahabol sa kanila kanina at sa mga lobong gustong kumain sa kanila, masaya pa rin siya dahil buhay at ligtas pa rin sila ng bata.
Kahit hinang-hina, pinilit pa rin ni Daciana na lumakad makalayo lamang sa lugar na iyon. Ang kanyang best friend ay nasa unahan niya habang dala-dala nito ang bata. Nakatungo pa siya kung maglakad dahil nanlalabo na ang kanyang paningin at para maaninag ang dinadaanan.
"Aaaaahhh!"
Gulat siyang napatunghay sa kanyang kaibigan at laking gulat niya nang makita itong nakahandusay habang nakapulupot sa binti nito ang pulang ahas na noon lamang niya nakita.
"Daciana, ilayo mo sa akin ang sanggol," umiiyak na sambit ng kanyang best friend habang inaabot sa kanya ang umiiyak na bata.
"Paano ka?" nag-aalalang tanong niya rito.
"Hayaan mo na ako. Hindi pwedeng parehas kaming mamatay," buong-tapang na sagot nito. Agad ngang inilayo ni Daciana ang sanggol kay Aschsa saka binalikan ang best friend. Takot siya sa ahas pero mas takot siyang mawala ang kanyang nag-iisang best friend. Buong tapang at buong lakas niyang sinagupa ang dadakma na sanang ahas sa kanyang kaibigan. Hinawakan niya ito sa leeg kaya ito nagpupumiglas. Nakagat pa siya nito bago maihagis palayo sa kanila. Inalalayan niyang tumayo ang kanyang kaibigan at kasama ang bata, tinahak na nila ang landas palayo sa lugar na iyon.
Nagsimula na ang kasiyahan sa kagubatan. Ang mga ibong nahihimbing sa pagkakatulog kanina ay nagsiawit na. Ang mga dahon ng puno ay sumasayaw sa bawat hampas ng banayad na hangin. Ang kalangitan ay unti-unting lumiliwanag na. Ang tatlong nilalang na bagama't nanghihina ay buo ang loob na makakalabas ng buhay sa kakahuyan na iyon. Kahit nawawalan na ng pag-asa ay patuloy pa ring lumalaban.
"Daciana, may sugat ka sa kamay. Baka kumalat na ang kamandag ng ahas na iyon sa balat mo," nag-aalalang wika ni Aschsa sa kanyang kaibigan.
"Hindi ba dapat mas mag-alala ka sa sarili mo? Ayan oh, may kagat ka rin. Pero pang isang oras ang nakakalipas kaya malulunasan pa natin ito. Kailangan lang maghanap tayo ng tubig," tugon ni Daciana.
"Kanino nga pala ang sanggol na ito? Ang ganda-ganda niya at mukha siyang diyosa," sambit ni Aschsa habang nakangiting nakatitig sa batang kalong-kalong niya.
"Kay diyosa Athena. Hindi ko alam kung nasaan na siya ngayon pero inihabilin niya sa akin ang kanyang anak na iligtas laban sa mga masasamang elemento. Bago pa namin makaharap ang tatlong lobo, maraming masasamang nilalang ang humabol sa amin at sa kabutihang-palad ay nakaligtas kami," mahabang tugon ni Daciana.
"Ayun! Doon tayo bilis!"
Natanaw na nila mula sa 'di kalayuan ang mala-paraisong lugar na nadatnan kanina ni Daciana na bigla ring nawala nang lingunin niya ito.
"Ang garden of Eden," usal ni Daciana habang punong-puno ng pag-asa ang mga mata na diretsong nakatitig sa lugar na iyon. Nagpatiuna na siya sa kanyang best friend sa paglalakad. Malayo pa lang ay rinig na niya ang huni ng mga ibon at agos ng tubig na sa palagay niya ay nagmumula sa batis din doon.
Pagtapak pa lang ng isang paa niya sa lugar na iyon, biglang nagbago ang kanyang pakiramdam. Ang mga sakit na iniinda niya kanina ay mga nawala. Ang pagal ng katawan ay biglang naglaho at ang bigat ng kanyang pakiramdam ay gumaan. Ipinikit niya ang mga mata saka idinipa ang dalawang braso para damhin ang preskong hangin.
"Thank you Lord," bulong niya.
Niyaya niya ang kanyang kaibigan sa batis ay doon ay pinatid ang uhaw na kanina pa nilang nararamdaman. Dahil sa malamig na malamig na tubig nito, naganyak rin silang maligo na dito. Matapos ang ilang minutong pagbababad ay umahon rin sila at doon tumambad ang napakagandang nilalang.
"S-Sino ka?" tanong ni Aschsa.
"Ako si Athena, ang diyosa ng Karunungan. Narito ako para kunin na ang isang bagay na naging daan para lalo kayong tumibay lalo ka na Daciana. Maraming salamat sa pagliligtas sa kanya," wika nito sa kanila. Naguguluhang napatingin si Daciana sa bagay na binanggit ng diyosa at doon niya nakita ang isang manika na nakahiga sa mahabang basket.
"P-Paano nangyari iyon? Kanina ay sanggol iyan," takang-tanong niya rito.
"Ginamitan ko ng kapangyarihan at karunungan. Maaaring inaakala mong niloko kita pero hindi iyon ang nais kong matutunan mo. Bilang susunod na diyosa ng Karunungan, gusto ko na hindi ka lamang marunong kundi busilak ang puso at matapang." Pagkasabi nito, nagliwanag ang buong katawan ni Daciana at nagbagong-anyo. Ang kanyang marungis na damit ay napalitan ng royal blue dress at nagkaroon ng koronang bulaklak sa kanyang ulo.
"Hindi ko matatanggap ang ninanais mo," maluha-luhang wika niya rito.
"Ikaw ay itinalaga kaya huwag mong isiping hindi mo ito makakaya. Daciana, mula ngayon, ikaw na ang diyosa ng Karunungan at Aschsa, ikaw na ang kanyang alalay habambuhay," wika ni Athena. Nagyakap ang magkaibigan habang lumuluha at nang kumalas na sila sa isa't-isa, doon nila napansin na wala na ang diyosa at manika nito.
Mula sa paraisong kinatatayuan ng dalawang nilalang, sumilay na ang Haring Araw at nagsabog ng liwanag sa buong kagubatan. Ang kadiliman ay napawi na. Ang kapahamakan ay lumayo na. Ang pag-asa ay nanumbalik sa kanilang mga dibdib at ang pananalig ay mas tumibay.
Ipinikit muli ni Daciana ang kanyang mga mata at dinama ang sarap ng pakiramdam na kanyang nararanasan. Muli silang nagtungo sa batis at doon ay inilubog ang mga katawang-lupa. Maya-maya pa, naramdaman niyang may humihila sa kanya pailalim hanggang tuluyan na siyang lumubog sa tubig.
"Diyos ko!" sigaw ni Daciana at noon din ay nagising siya. Pinagmasdan niya ang paligid saka tumingin sa orasan. Eksaktong ala-una na ng madaling-araw. Alas-dose kanina nang tingnan niya ang oras. Sa loob ng isang oras lamang, naranasan niya ang mga bagay na iyon sa kanyang panaginip. Tiningnan niya ang laptop na nasa kanyang harap at binasa ang laman nito. Nagulat pa siya nang mabasa mismo ang nangyari sa kanya sa panaginip. Nagsusulat nga pala siya ng kwento kanina at hindi niya alam na nakatulog na pala siya.
"Salamat Lord at panaginip ang lahat," sambit niya saka pinatay ang laptop at tinungo ang higaan para dito ay magpahinga. Noon lamang niya naranasan ang ganoong panaginip na eksaktong isang oras lang ang itinagal. Pakiramdam rin niya'y ang katawan niya ay pagal. Bago tuluyang pumikit, umusal muna siya ng panalangin para sa kapayapaan ng kanyang damdamin at isip.
"It may just be a dream but I know it has a deeper meaning that Lord wants me to learn and apply," mahinang sambit ni Daciana.
~*The End*~
Written by: PaperoniPencilvania
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top