Entry #1: Kagandahan

Description: Sinubok na ang katatagan ni Haroro nang isilang siyang iba sa nakararami. Isinilang siyang taliwas sa kung anong alam niyang normal. Sa kanyang paglaki, unti-unti niyang naunawaang may mga bagay siyang gustong mangyari... mga bagay na pakiwari niya'y higit pa sa imposible. Minsan na siyang sumuko at napagod. Kaya naman tunghayan kung paanong ang mga mahahapding salita ang tutulong at magbibigay lakas ng loob sa kaniya upang idilat ang mga mata at makita ang kagandahang matagal na niyang inaasam.  

 Why: Dahil para sa akin, may kagandahan sa bawat salitang hinabi ng pusong may tapang... may kagandahan sa bawat letrang niluha ng nakapikit na mga mata... may kagandahan sa bawat espasyo't mga panandang sinubok ng mga paghihirap at higit sa lahat... may kagandahan sa kahit anong artikulong isinulat ng may-akdang marunong umunawa't mapaghanap. Nais kong malaman mo na maaaring isa ka sa kanila... maaaring may kagandahan sa iyo na hindi mo pa nakikita. 

How:Inisip kita at kung anong layon ko. Inalala ko kung para kanino ba ang isusulat ko at tungkol kanino. At nang maalala ko ang isang napakagandang panaginip na hindi ko kayang ipagpalit sa kahit na ano, doon ko sinimulang isulat ang pinakaunang salitang pumasok sa isip ko. Iyon ay ang titulo ng alegoryang ito.Charot hahaha truth be told, hindi ko alam kung alegorya ba talaga ang naisulat ko o eme lang. Ang hirap eh, first time ko ito hahahaha. Inspired ito sa Ang Paboritong Libro na Hudas by Bob Ong which is 'yong mismong napanaginipan ko hahaha.  

---

AT NGAYON,

HAYAAN MO AKONG DALHIN KA SA ISANG MUNDONG TAHIMIK AT MADILIM...

UPANG SA PAGDILAT NG IYONG MGA MATA,

KATULAD NI HARORO AT NANG IBA PA,

MASILAYAN MO RIN ANG MUNDONG NAKABIBIGHANI ANG GANDA.

***

"Ako ang nilalang na walang mata ngunit nakakakita,

Walang balat ngunit nakadarama,

Walang paa ngunit nakapaglalakbay,

Nakapaghahaplos kahit walang kamay,

Walang tainga ngunit nakaririnig,

Nakalilikha ng ingay kahit walang bibig. Gusto mo ba akong makilala?"

May kung anong malamig na hangin ang bumulong sa tainga ni Haroro habang naglalakad siya sa gitna ng malawak na kadiliman't katahimikan. Walang kahit na anong liwanag ang makikita rito at nakapagtataka lang dahil wala man lang ni katiting na bakas ng takot sa mukha at kilos ni Haroro.

Mukhang sanay na siya sa kadiliman na para bang nabuhay siya nang matagal doon-- na para bang dito siya ipinanganak at ito ang tahanan niya.

Naalala niya ang binulong nang hangin sa kaniyang tainga at napangiti siya. Sa hindi malamang dahilan, para itong himig ng isang pamilyar na musika. Gusto niya ang haplos nito, nakakakalma.

"Parang alam ko na, anghel ka ba? Kahit hindi kita nakikita, sa tingin ko maganda ka."

Mas lalong lumawak ang ngiti ni Haroro habang lumilinga-linga. Saan kaya nanggaling ang boses na iyon? Gusto niyang makita... pero alam niyang hindi niya iyon magagawa. Masyadong madilim at malabong masilayan niya ito.

"Kung sasabihin ko ba sa'yong ako ang anghel ng kamatayan sasamahan mo ako?"

Napaigta siya nang muling marinig ang boses na iyon. Mas malakas ngayon, pakiramdam niya mas malapit ang pinanggagalingan ng boses. Hindi niya pa iyon naririnig noon ngunit napakapamilyar.

Nagtaka siya sa tanong nito.

"Ano kamo? Teka, bakit naman ako sasama sa'yo?"

"Dahil sinabi mong maganda ako."

At mas lalo pang nagtaka si Haroro dahil sa sagot nito.

"Ano naman ngayon kung sinabi kong maganda ka? Totoo naman siguro hindi ba?"

"Hindi ko alam, pero naniniwala ka bang ako ang kamatayan?"

"Bakit naman ako maniniwala sa'yo?"

"Dahil sinabi mong maganda ako."

"Ang labo mo."

"Bakit hindi ka naniniwalang ako ang kamatayan? Hindi ba't sinabi mong maganda ako?"

Hindi niya maintindihan.

"Anong kinalaman no'n sa kamatayan?"

"Alam mo bang ang pinakamagandang bagay sa mundo ay ako?"

"Wow, ang tibay mo naman. Ang lakas ah."

"Hindi ka naniniwala?"

"Ewan ko. Ano ba kasing ibig mong sabihin?"

"Minsan maraming natatakot sa akin kahit maganda ako. Sa tingin mo, bakit kaya?"

"Bakit naman sila matatakot sa'yo kung maganda ka?"

"Iyon na nga. Masyado silang mapanghusga. Ang mga tao ngayon... natatakot sa akin dahil makasalanan sila. Hindi na nila nakikita ang kagandahan ko dahil nilalamon sila ng takot sa puso nila. Gano'n talaga. Isisilang kang inosente, mamamatay kang makasalanan."

"Ano? Inaamin ko, oo, sa tingin ko maganda ka.... pero anong kinalaman ng kasalanan nila sa'yo at bakit ka rin nila hinuhusgahan?"

"Uulitin ko... ako ang kamatayan."

Gustong matawa ni Haroro pero lamang sa kaniya ang pagtataka. Hindi niya malaman kung nagsasabi ba ito o niloloko lang siya. Gusto niyang matawa sa parehong dahilang gusto niya ring maniwala.

"Alam mo ba kung anong nasa isip ko ngayon?"

Pagtatanong ni Haroro na sinagot naman ng boses ng isa ring tanong,

"Ano?"

"Iniisip kong wala kang kwentang kausap."

"Natatakot ka ba sa akin?"

Nag-iba ang tono ng boses-- mas malakas, mas may diin. Mababakas rito ang pagseseryoso na para bang wala siyang panahong makipagbiruan kay Haroro.

"Oo... dahil mukhang nababaliw ka na."

"Ikaw si Haroro, hindi ba?"

Nagulat siya nang marinig ang sariling pangalan mula sa boses ng kausap. Napakunot ang kaniyang noo at may kakaibang pakiramdam sa dibdib niya na hindi niya maintindihan kung ano. Mayroong mabibilis at malalakas na kalabog sa loob-loob niya, taliwas sa katahimikang lumalamon sa kanila. Gusto niyang magmura. Sa lakas nang pagtambol ng dibdib niya, pakiramdam niya ay tinatraydor siya ng sarili niya. Gayunpaman, pinanitili ni Haroro ang pagiging kalmado at nilunok ang kung anumang bumabara sa lalamunan niya.

"P-paano mo nalaman ang pangalan ko?"

"Ikaw nga... at kung hindi ako nagkakamali, may nadagdag na naman pala sa listahan ng mga kasalanan mo."

"Hah? Bakit naman? Anong kasalanan ko? Bakit may listahan ka ng mga kasalanan ko?"

"Bakit ka pa nagtataka? Sinabi ko na. Ako ang kamatayan kung kaya't alam ko. At oo, nadagdagan ang kasalanan mo, nagsinungaling ka kani-kanina lang."

"Kanina? Paano ako nagsinungaling sa'yo?"

"Ang sabi mo maganda ako... pero mapanlinlang ka. Hindi mo pa ako nakikita kaya't ang totoo ay natatakot ka talaga sa akin, hindi ba?"

"Hindi ako natatakot sa'yo. Bakit? Sino ka ba sa tingin mo?"

"Sino ako? Ibabalik ko sayo ang tanong mo? Bakit? Sino ba ako sa tingin mo?"

"Hindi ako interesadong kilalanin ka. Sabihin mo nga, sino ka ba?"

"Isa lang naman ako sa mga pangarap mo, ngunit ngayong nandito na ako sa harap mo... bakit tinatakasan mo ako? Duwag ka ba?"

"Pangarap? Anong pangarap? Hindi kita pangarap at mas lalong hindi ako duwag."

"Alam mo ba kung ilang beses mo akong tinawag buong buhay mo? Ako, alam ko. Nagbibingi-bingihan ako pero naaalala at binibilang ko."

"Hindi ko maintindihan. Hindi kita tinawag. Ni hindi nga kita kilala para tawagin kita. Wala akong maalalang tinawag kita."

"Hindi ba't ang isang pangarap ay bagay na paulit-ulit mong ipinapaalala sa sarili mo na para bang isa itong pangako? Kaya oo, ako ang pangarap mo. Ilang tao na ang hinabol ko at pilit akong iniiwasan pero ikaw, pinangarap mo ako. Ilang beses mo na bang binulong sa sarili mong sana dumating ang oras na makita mo ako? Mahigit sampung beses na. At ngayong makakamit mo na ang pangarap mo, bakit natatakot ka?"

"Hindi ako natatakot sayo o sa kung sino pa man. Hindi ako pinanganak para lang matakot."

"Pero mamamatay kang duwag. Takot ka nga sa akin hindi ba?"

"Sinabi nang hindi ako takot sa'yo!"

"Kita mo na? Nagsinungaling ka na naman. Huwag mo akong lokohin Haroro, kilala kita. At kahit ilang metrong layo pa ang takbuhin mo, magtago ka man sa dilim, makikita ko pa rin ang bakas ng mga iniwan mo dahil dadalhin ako ng sarili mong takot papunta sa'yo."

"Hindi mo ako kilala at hindi rin kita kilala. Walang dahilan para katakutan kita kaya pwede ba? Umalis ka na."

"Hindi ako aalis hanggang hindi tayo natatapos."

"Ano pa bang gusto mo?"

"Kung kamatayan nga ako, sa tingin mo, gaano ako kaganda?"

"Bakit? Kailan pa ba naging maganda ang kamatayan?"

"Eh di hindi nga ako maganda?"

Hindi nakasagot si Haroro at wala rin siyang balak sumagot. Naiinis na siya... at gulong-gulo.

"Kung sa tingin mo hindi ako maganda, isa lang ang ibig sabihin niyan. Takot kang mamatay. Takot ka dahil una, makasalanan ka. Pangalawa, makasalanan ka. Pangatlo, makasalanan ka. Makasalanan dahil nililinlang mo ang sarili mo, makasalanan dahil nililinlang mo ako, makasalanan dahil nililinlang mo sila. Isa kang malaking kasinungalingan."

"Hindi totoo 'yang sinasabi mo."

Kahit gusto niyang taasan ang boses ay hindi niya magawa. Para bang sariling boses na niya ang umaatras sa tuwing gugustuhin niyang sumigaw.

"Kita mo na? Nagsinungaling ka na naman."

"..."

"Bakit ka ba natatakot sa akin? Ikaw na mismo ang nagsabi, maganda ako. Ano bang gusto mong gawin ko para magustuhan mo ang kagandahan ko?"

"Layuan mo ako. Baliw ka na. Wala akong panahong makipag-usap sa mga baliw."

"Hindi mo ba alam na maganda ang kamatayan? Dahil sa akin, makakasama mo na Siya! Bakit ka ba natatakot? Ah oo nga pala. Natatakot kang baka hindi ka sa Kaniya mapupunta. Tama ba?"

"..."

"Ang tapang mo no'ng tinatawag mo ako pero duwag ka no'ng hinarap na kita.

"Nakakainis kayong mga mortal. Napakadali lang para sa inyo ang tawagin ako. Maganda ako, pero hindi niyo maaaring gamitin ang kagandahan ko para lang takasan ang kung ano mang meron kayo sa mundo niyo. Pero kung sabagay, duwag nga naman pala kayo."

"Ano bang ipinaglalaban mo?"

"Alam mo ba kung nasaan ka?"

Inilibot ni Haroro ang paningin at wala siyang nakikita. Alam niyang hindi ito ang langit, at mas lalong hindi impyerno.

"Hindi ko alam."

"Kita mo na? Ikaw na mismo ang nagdududa. Kung hindi ka talaga natatakot, sa tingin mo anong dapat na isasagot mo? Hindi ba dapat 'Bakit? Nasa langit na ba ako?' "

"Hindi ito ang langit"

"Bakit? Nakita mo na ba ang langit?"

"Hindi pa, pero alam kong maganda ang langit."

"At isa lang ang paraan para makapunta ng langit."

"Kamatayan."

"At ako 'yon."

"Bakit? Patay na ba ako?"

"May kamatayang hindi inaasahan, at may kamatayang kusang hinihingi. Para sa'yo, sa paanong paraan mo gustong mamatay?"

"Ayoko pang mamatay."

"Pero sinabi mong maganda ako."

"Pero sinabi mo ring kamatayan ka."

"Bakit ayaw mong mamatay ngayon? Eh no'ng tinawag mo ako? Bakit gusto mong mamatay noon? Anong kaibahan nito sa ngayon?"

"Hindi ngayon ang oras ko."

"Bakit? Oras mo ba noon?"

"Hindi ko alam."

"Paano kung... sabihin ko sa'yong mamamatay ka ngayon?"

"Hindi pa puwede."

Ang pinakahuli niyang naalala ay kadiliman at mga nakakakalmang habilin ng kaniyang ina. Naaalala niya ang kalansing ng mga metal, ang pamamanhid ng kaniyang buong katawan at isang... pag-asa. Marahil iyon ang dahilan kung bakit ayaw niya pang mamatay... na huwag muna.

"Bakit? Dahil natatakot ka?

"Hindi ko alam."

Sa katunayan ay alam niya. Alam niya kung paanong ang malambot at mainit na pagpisil ng kaniyang ina sa kaniyang kamay ang nagbigay sa kaniya ng lakas.

"Alam ko na. Maaaring dahil ngayon mo lang naisip na baka hindi ako maganda, pero alam mo ba kung bakit hindi mo nakikita ang kagandahan ko?"

"Hindi ko alam."

"Akala mo hindi mo alam. Pero ang totoo niyan, ayaw mong malaman. Paano kung sasabihin ko sa'yong hindi ako ang kamatayan? Kung ako ang buhay? Maganda na ba ako para sa'yo?"

"Hindi ko alam. Siguro maganda, pero hindi patas."

"Sa paanong paraan ako hindi patas?"

"Dahil sa lahat ng tao, bakit ako pa ang pinaparusahan mo? Alam mo ba kung bakit ilang ulit kong ginustong mamatay? Dahil nakakapagod gumising sa umaga at idilat ang mga mata kahit alam mo namang dilim lang ang makikita mo. Nakakatanga."

"Pero alam mo bang ikaw mismo ang lumilikha sa akin? Ikaw ang may gawa ng itsura ko. Kung hindi ako maganda para sa'yo, iyon ay dahil kasalanan mo. Hindi mo ako hinubog at pinaganda. At hindi ka gumawa ng paraan para masilayan ang ganda ko."

"Ang sabi mo kanina ikaw ang kamatayan, ngayon sinasabi mong ikaw ang buhay. Sino ka ba talaga?"

"Nakakatawa ka. Walang kamatayan kung walang buhay. Maniwala ka man o hindi, iisa lang ako."

"Hanggang ngayon naguguluhan pa rin ako."

"Saan ka ba naguguluhan at bakit? Napakasimple lang naman, makinig ka lang. Hindi mo kailangang intindihin ang kahit na ano, ang mahalaga ay nakikinig ka. Kaya , bakit? Bakit ka naguguluhan?"

"Nagtatalo ang isip ko kung maniniwala ba ako sa'yo o hindi."

"Hindi mo kailangang maniwala. Uulitin ko, makinig ka lang. Walang mangyayari kung naniniwala ka nga, pero hindi mo naman talaga alam kung anong pinaniniwalaan mo. Ngayon uulitin ko rin ang tanong ko, alam mo ba kung nasaan ka?"

"At uulitin ko rin ang sagot ko, hindi ko talaga alam."

"Paano kung sasabihin ko sa'yong nasa loob ka ng isang malaking kasinungalingan?"

"Ha?"

"Paano kung sabihin ko sa'yong nasa isang panaginip ka lang?"

"Kung gano'n eh sana nga. Sana nga nananaginip lang ako. Ayokong isiping totoo lahat ng 'to."

"Kung sa tingin mo nananaginip ka lang, bakit ayaw mo pang gumising? Natatakot ka bang sa paggising mo, baka makita mo ako?"

"Ilang beses ko na ring sinabing hindi ako natatakot sa'yo. Bakit ba napaka-assuming mo?"

"Takot ka. Huwag ka nang magsinungaling. Nilalamon ng takot ang buong pagkatao mo. Pinupuno ng takot ang puso mo. Nalulunod ka sa takot. Uulitin ko, takot ka."

"Bakit naman ako matatakot? Hindi naman ikaw ang Diyos."

"Alam ko, pero natatakot ka dahil isa kang kasinungalingan, at kahit kalian ay hindi mo naranasang magpakatotoo. Mapanlinlang ka kaya't natatakot ka sa kung anong maaaring maging pakiramdam kapag naranasan mo na ang katotohanan."

"Ano bang meron sa katotohanan?"

"Simple lang, ito'y katulad ko, may kagandahan."

"Kahit anong gawin ko hindi kita maintindihan."

"Wala ka namang dapat gawin kundi alisin ang mga kamay na nakatakip sa tainga mo at alisin ang barikadang nasa utak mo. Paano mo ako maiintindihan kung ikaw mismo ay hinaharangang makapasok ang mga bagay na dapat ay iniintindi mo?

"Kung natatakot kang gumising mula sa isang panaginip dahil ayaw mong harapin ang katotohanan, p'wes wala kang patutunguhan. Makukulong ka sa mundong nilikha ng mga matang nakapikit. Lulunurin ka ng mga pantasya mong hindi naman totoo. Hindi ka makakaahon sa kasinungaling ikaw mismo ang bumuo. Hindi mo makikita ang tunay na mundo-- ang mundong nilikha ko para sa'yo. Hindi mo makikita ang tunay na kagandahang hinubog ng pagpapakatotoo.

"Kung mananatili ka sa isang panaginip dahil lang sa lagi kang masaya rito, iisipin mong ang katotohanan ay kawangis ng isang bangungot. Matatakot ka sa tunay na mundo at makukulong sa mundong mapanlinlang, nanlalamang, at alternatibo. Ang panaginip ay sinungaling, at dahil nagpapa-alila ka rito, sinungaling ka na rin.

"Isa kang duwag na walang ibang ginawa kundi takpan ang tainga dahil natatakot ka sa mga malalakas na sigaw ng katotohanan. Tinatakpan mo ang bibig mo dahil takot kang magsabi ng totoo. Tinatakpan mo ang mga mata mo dahil takot kang makita ang kagandahan ng mundong makarealidad, natatakot kang baka nakakasilaw ito at baka hindi mo kayanin. Bakit? Masyado bang masarap sa pakiramdam ang sensasyong pinadadama sa'yo ng mga pantasya mo? Walang mahika sa mundo. Walang mga imortal na maaaring humaba ang buhay hanggang sa kung kailan nila gusto. Walang kapangyarihang makapagbibigay sa'yo nang kahit anumang nainisin mo. Isa lang ang buhay, at kung aalisin mo ang takot sa puso mo, makikita mo ang kagandahan nito. Kung aalisin mo ang takot mo, mabubuhay ka nang higit pa sa kung anong pinapangarap mo.

"Bakit? Paano mo nasabing duwag ako?"

"Dahil simula pa lang, sinalubong mo ako na may mga matang nakapikit at nakatikom na bibig. Nakasara ang puso mo sa katotohanang maaaring pumasok diyan sa puso mo."

"Nakakatawa ka rin. Alam mong hindi ko magagawa ang gusto mo, dahil sa simula pa lang, kung ikaw nga ang buhay, totoong hindi ka patas. Paano ako hindi matatakot kung ikaw mismo, tinatakot ako?"

"Hindi kita tinatakot. Katulad ng sinasabi ko, kusa ninyong kinatatakutan ang kagandahan ko."

"Pero paano kung hindi ko magustuhan ang itsura mo?"

"Gumising ka Haroro. Alisin mo ang takot na nasa puso mo at dumilat ka. Ngayon mo sabihin sa aking hindi ako patas at hindi maganda."

Totoong natatakot siya, ngunit may kung anong nagtulak kay Haroro upang idilat ang mga mata. Sa simula ay malabo, hanggang sa unti-unting lumilinaw ang paningin niya. Pinikit niya ulit ang mga mata, at sa muling pagdilat niya ay sinalubong siya ng mga mukhang hindi niya kilala.

"Nakikita mo ba kami Haroro?"

"Kuya!"

"Anak, nakikita mo na ba ako?"

Naramdaman niya ang mainit na luhang pumatak sa mga kamay niya habang hinahalikan ito ng kaniyang... ina. At totoo nga...

"N-nakakakita na'ko. Mama nakakakita na'ko!"

Sa pinakaunang pagkakataon, nakakita siya ng mga masasayang mukha. Nakita niya ang lumuluhang ina. Narinig niya ang mga sigawan ng mga pamilyar na boses, at iyon na yata ang pinakamatamis na musikang narinig niya.

"Ang ganda."



Written by: Madamfrenzfries

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top