Maikling Kuwento ni Dominotrix
Bubong
Patuloy pa rin ang pagbagsak ng ulan, dinig na dinig mo ang tikatik nito na kumakalampag sa kinakalawang na yero. Tila ba galit na galit ang langit at binuhos nang walang humpay ang kinikimkim nito nang matagal na panahon. Ilang araw na ba ang nakalipas?
Sariwa pa rin sa iyong mga alaala ang nangyari. Kung paanong unti-unting tinangay ng malakas na agos ang bubong ng inyong eskwelahan na kinakanlungan ninyong magkakaklase.
Isa-isa kayong nilamon ng rumaragasang alon nang walang kalaban-laban.
"Nakaligtas pala ako,"Nanlumo mong sabi.
***
Nagsimula ang lahat ng parang normal na araw. Walang anumang pagbabanta ng paparating na delubyo. Ilang araw na ring umuulan, ngunit ganito naman kadalasan kapag ganitong buwan.
Tuloy pa rin ang pasok sa eskwela, sa trabaho. Hindi kayo mga pulitikong may nakaabang na sahod kahit mahuli ng kamera na natutulog sa kongreso, o naglalaro ng Candy Crush sa Senado. Isang araw na lumiban kayo sa eskwela ay sandamakmak na gawain at aralin ang hahabulin mo.
Pag-apak mo sa loob ng klase ay naroon ang mga ngiting palaging sumasalubong sa iyo. Naroon sila, nagtatawanan, nagkukuwentuhan. Ilang minuto ng pahinga bago sumabak sa mala-impyernong sistema ng edukasyon. Sumali ka na rin.
Sa totoo lang, hindi ang mahahabang sauluhin o komplikadong problem sa Sipnayan ang dahilan kung bakit sabik kang pumasok. Kung hindi ang mga sandaling ito. Hindi ba't ito nga ang na-miss mo nang nagkaroon ng pandemya at nagsara ang mga paaralan? "Ibalik ang face-to-face class mo mukha mo,"
Kasabay ng pagpasok ni Mrs. Guila, ang inyong maestra, ang pagdilim ng langit. Para bang siya ang kontrabida sa isang libro ng pantasya. Eksakto rin ang kulog at kidlat habang nagsesermon na siya. Kulang na lamang ang kawa at walis na tingting, pwede na siyang maging bruha. Nagkatinginan tuloy kayo ni Chester, buti na lamang at napigilan niyo ang pagtawa, kung hindi ay napatayo pa kayong dalawa sa likod ng klase.
Sandali pa at hindi na nga napigil ang pagbuhos ng malakas na ulan. Nagmadali kayong isara ang bintana ng inyong silid aralan,dahil sa pumapasok na anggi. Sinara na rin ang pintuan at bahagyang nawala ingay na dinudulot ng ulan.
Lumipas ang isang oras, dalawa, tila yata hindi titigil sa pagtangis ang langit. Wala namang naibalitang bagyo o anumang lagay na sama ng panahon. Sadyang kapag buwan ng habagat, binabayo ang lugar ninyo ng malalakas na ulan. Para ngang naging normal nang pangyayari ito taun-taon.
Pero wala ka namang talagang pakialam sa ulan, mas iniisip mo pa nga ang pagtunog ng bell hudyat na recess na. Ni hindi mo na nga pinapansin ang sinasabi ni Mrs. Guila. Ang pansin mo ay nasa kamay na ng mga orasan, limang minuto na lang kasi at magtatakbuhan na kayo ng mga kaklase mo sa kantina.
"5 minutes na lang,"animo.
Ngunit sa halip na tunog ng bell ang sumalubong ay malalakas na kalabog sa pintuan ang gumulat sa inyo. Natigil tuloy sa pagtuturo si Mrs. Guila at sandaling binuksan ang pintuan upang silipin ang dahilan ng ingay.
"Ms. Garcia? Kung makakatok ka parang gigibain mo na ang pintuan namin. Bakit ba?" tanong ng inyong maestra. Banaag mo sa kanyang mukha ang pagkadismaya. Samantalang halata mo naman ang pagkabalisa kay Ms. Garcia.
"Hindi pa ba cancelled ang class? Baha na raw sa Sitio Malanay,"
"Mababa naman talaga ang lugar niyo at bahain. Tumalsik lang ang laway ng marites mong kapitbahay, bumabaha na," sarkastikong sabi ni Mrs. Guila.
"Mataas na raw ang baha, hanggang tuhod na," patuloy na pag-aalala ni Ms. Guila.
Hindi nakalagpas sa matalas ninyong pandinig ang kanilang usapan. Nagkaroon ng bulung-bulungan, na nagsimulang magpakaba sa inyo. Nakita mong napansin iyon ni Mrs. Guila at agad sinaway si Ms. Garcia.
"H'wag mo ngang takutin ang mga estudyante ko. Ang mga naninilbihan naman kasi sa munisipalidad niyo. Alam nang taon-taon bumabaha sa lugar niyo hindi man magpagawa ng maayos na drainage. Sa halip na drainage ang ipagawa, magbabagbag ng matinong daan, para lang makakurakot. Kung gusto mo nang umuwi, sa office ng principal ka magpaalam, h'wag sa akin."
Hindi pa natatapos ang pag-uusap nilang dalawa nang biglang napansin ni Mrs. Guila ang pagtaas ng tubig sa may open field kung saan ginagawa ang inyong flag ceremony. Maagap siya at agad niya kayong inutusan na bitbitin ang inyong mga bag.
"Carly, I-guide mo ang mga kaklase mo. Pupunta tayo sa may library habang tinatawagan ang mga parents niyo," matapos noon ay bumaling siyang muli kay Ms. Garcia, "ano pang hinihintay mo diyan? Sinupin mo na ang mga estudyante mo, tumataas na ang tubig."
"Cut na ang klase, punta kayo sa bahay,"anyaya ni Vinci sa inyo ni Chester.
Ni isang hibla ng pagkabahala ay wala kang nadama, bagkus, nananabik ka na mas mahaba pa ang oras na p'wede kayong magkasamang mga magkakaklase. Bitbit ang inyong mga bag at nasa isang diretsong pila habang nagkukulitan ay tinungo niyo ang silid aklatan. Katabi iyon ng opisina ng principal na nasa mas mataas na lugar ng paaralan.
***
Mabilis ang naging pangyayari. Hindi nga umabot ng kalahating oras at pinasok na rin ng tubig ang silid aklatan. Naroon si Mang Manuel dala-dala ang isang hagdanan.
"Mang Manuel, ano bang nangyayari? 'Yung mga bata baka kung mapaano. Tumawag na kaya kayo sa rescue center para maisakay na natin ang mga bata sa rubber boat. Kargo natin mga ito kapag may nangyari." alalang sabi ni Mrs. Guila
"Maám tumawag na ako, pero walang sumasagot. Hindi ba kayang sunduin ng mga magulang itong mga bata."
"Hindi nga raw sila makapasok, at mataas na raw ang tubig diyan sa may bukana, may daluyong na raw. Delikado na ito ha."
"May dala nga akong hagdanan. Iakyat na muna natin ang mga bata sa bubong ng library. Mahirap na. Balita ko nasira daw ang dam kaya ang bilis ng pagtaas ng tubig,"
Isa-isa kayong pinaakyat, maingat ngunit maliksi. Pagdating niyo sa taas ay nakita niyo na rin ang ibang mga estudyante na nasa bubong na ng kani-kanilang silid-aralan. Dahil nga mas mataas ang lugar na kinatitirikan ng silid-aklatan ay nakita mong halos bubong na lamang ang hindi inaabot ng tubig baha sa kanila.
Nagkatinginan na lamang kayong magkakaibigan na parang sinasabing- iba na yata 'to. Si Jessang iyakin na kanina pa nagda-drama ay naubusan na ng luha.
"Maám, nabasa na ang notebook ko," pag-aalala ng top 1 niyo sa klase.
"Hayaan mo na ýan. Mag-ipon kayong magkakaklase tapos magdikit-dikit kayo, para hindi kayo gaanong lamigin." pansin mo na ang panginginig ng baba ni Mrs. Guila. Nagsabog na ang buhok nito na kanina lamang ay nakaipit ng mataas. Hindi na rin maayos ang pagkakasuot ng kanyang antipara.
Habang nagsasalita siya ay narinig ninyo ang mga sigawan sa di kalayuan. Kitang-kita niyo kung paano tangayin ang mga mumunting katawan ng mga estudyante ng grade three ng daluyong ng tubig. Tuluyan nang nilamon sila ng agos. Wala kayong nagawa kundi ang pagmasdan silang unti-unting ilayo ng tubig hanggang sa tuluyan na silang mawala.
"Mamamatay na ba tayo?"tanong ni Carly.
"Ayaw ko pang mamatay,"sagot pa ng isa.
Hindi magkamayaw na Mama at Papa ang narinig mo sa mga bata. Pati ikaw nga ay nabahala na. "May load ka ba?" tanong mo kay Chester, "tatawagan ko lang si Papa, magaling lumangoy ýon."
"Nabasa na ang phone ko kanina, hindi ko na mabuksan. Vinci, ikaw meron ba?" baling naman ni Chester dito, pati ikaw ay hinihintay mo ang sagot niya.
"Wala. Tumawag na ako kanina. Sabi nila Mama, parating na raw ang rescue team,"
"Sana dumating na. Hindi ako marunong lumangoy," dasal mo.
Ngunit tila ba malayong dumating ang tulong na hinahantay niyo. Sa lakas ng alon ng baha, hindi iyon kakayanin ng simpleng rubber boat lamang. Imposible namang may lifeboat ang probinsya niyo. Uniporme nga sa eskwela hindi nila maibigay lifeboat pa kaya?
Ilang sandali pa ay naramdaman niyong gumagalaw ang bubong na kinatatayuan niyo. Umiingit iyon na tila ba dumadaing. Hindi na rin kasi bago ang bubong ng silid aklatan.
"Ang laki ng tax na binabayad namin, bubong lang ng eskwelahan, hindi pa nila mapaayos," reklamo ni Ms. Guila.
Para kayong mga basang sisiw nila Chester. Magkakayakap habang nanginginig ang buong katawan. Isang hampas pa ng malakas na alon sa silid aklatan at umalog iyon, dahilan upang madulas si Carly. Dire-diretso siyag nahulog sa may tubig. Wala ni isang nakasigaw sa inyo. Hindi pala totoo ang mga napapanood niyo sa pelikula na magsisigawan kapag may trahedya kayong nasaksihan. Para kayong mga pipi na nagkatinginan lamang, para bang tinatanong kung- ako na ba ang susunod?
"Carly,"huli na nang nakagawa nang reaksyon si Mrs. Guila. Wala na ang paborito niyang estudyante.
Sunud-sunod na paghampas ng alon ang sumunod na nangyari. Walang kalaban-labang ang gusali niyong panahon pa yata ni Cory Aquino noong tinayo. Ilang sandali pa nga ay kumalas na ang bubong. Kita mo kung paano nawalan ng balanse ang iba mong kaklase, kasama na si Chester at nalaglag sa tubig.
"Tulungan niyo ako," sigaw niya habang pasinghap-singhap. Nilinga-linga mo ang iyong mata habang hindi mo na namalayan na bumabagsak ang iyong mga luha. Pinahid mo iyon at naghanap ng kung ano man ang p'wede mong madampot, ngunit bigo ka.
Tanging pagngawa lamang ang naisukli mo kay Chester. Tila humihingi ng tawad dahil wala kang magagawa.
Tuluyan nang inanod ng daluyong ang inyong bubong lulan ang mapapalad na hindi nalaglag. Tuluyan na kayong nilayo sa mga kaklase mong lumalaban pa upang mabuhay habang inaagos na parang mga dahon sa batis.
Hindi niyo alam kung saan kayo dadalhin ng galit ng alon. Hindi mo na rin naiisip ang mga bagay na iyon. Ang gusto mo lamang ay umuwi at matikman ang mainit na noodles na niluto ng iyong Mama.
Napayakap kayong lahat kay Mrs. Guila. Kanina lamang ay kontrabida ang tingin niyo sa kanya, ngayon siya na lamang ang kaisa-isang nakakapitan niyo. Hindi mo alam ngunit naghahanap din siya ng makakapitan.
Kapagdakaý natanaw ninyo ang isang tulay. May mga tao doon na nagbigay kahit papaano sa inyo ng kaunting pag-asa. Kumaway ka habang umiiyak. Nais mo mang sumigaw ay hindi mo magawa, mas nangingibabaw ang pangangatog ng iyong baba na dulot ng lamig. Hindi ka rin naman makatalon at baka madulas kayo ni Vinci. Kinuha mo na lamang ang iyong panyo at winagayway iyon. Nagsisunuran naman ang iba at ginaya ang iyong ginagawa.
Kailangan niyo nang makaalis, kung hindi ay sasalpok sa may tulay ang bubong at magkakapira-piraso. Kapag nangyari iyon ay magagaya kayo sa mga naunang nilamon ng alon.
Sa wakas ay napansin kayo ng mga tao. Nakita mo ang pagkukumahog nila. Napansin mo rin ang paghagi nila ng lubid na may salbabida, ngunit sa lakas ng alon ay tinatangay lamang ang salbabida. Para bang bangkang de-motor ang bilis ng andar ng inyong bubong. Palapit nang palapit sa may tulay. Tatalon ka na lang ba? Mabubuhay ka ba kung gagawin mo iyon. Kung hindi ka tatalon ay babangga na sa tulay ang inyong kinalalagyan.
Sampung metrong layo...anim...tatlo...
Hindi mo namalayan ang sumunod na nangyari. Ang alam mo lamang ay umiikot-ikot ang iyong katawan na parang damit na nilalabhan sa washing machine. Anumang pilit na pagpupumiglas ang gawin mo ay wala kang laban sa lakas ng alon.
'Ganito ba ang naramdaman ni Chester kanina?' tanong mo sa iyong sarili. 'gusto ko nang umuwi at makita sila Mama at Papa," hanggang sa unti-unti ka nang mawalan ng malay.
***
Heto ka nga ngayon.
Kinukuwestiyon mo ang pagiging buhay nang mga oras na iyon. Biyaya ba ito o sumpa? Biyaya bang maituturing na buhay habang ang mga imahe ng iyong mga kaibigan na sumisigaw, umiiyak, humihingi ng saklolo ay nakabaon na sa iyong isipan.
Biyaya bang maituturing na ikuwento ang buong pangyayari? Na habang humihingi sila ng tulong sa iyo ay nakatayo ka lamang, walang ginagawa, dahil takot ka rin na lamunin ng alon ng baha? Sapat bang dahilan ang kagustuhang mabuhay?
Sandali pa nga ay bigla na lamang nagbukas ang pintuan mo. Bumati sa iyo ang pamilyar na mukha ng iyong Lola. Wala kang nagawa kundi ang umiyak at magsumbong sa kanya. Noon pa man, kahit paluin ka ng iyong mama ay sa kanya ka tumatakbo. Palagi mo siyang kakampi.
"Lola, tinangay kami ng baha. Pati mga kaklase ko saka si Maám kasama namin," sinalaysay mo sa kanya, kahit hindi na maintindihan ang iyong mga salita. Naghalo na ang uhog at luha habang hinihimas niya ang iyong likuran upang pakalmahin ka.
May sampung minuto din yata ang lumipas, bago ka tumigil at mahimasmasan. Napakunot ang iyong noo. Tiningnan mo ang iyong lola na nakangiti sa iyo, sabay sabing "Lola, bakit nandito ka? 'Di ba patay ka na?"
"Oo,"makahulugan nitong sagot sa iyo.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top