Kabanata 7
Laglag ang panga namin ni Nikka dahil sa hindi naming inaasahan na pangyayari. Labis ang panginginig ng mga kamay ko at ang mga balahibo ko ay nakatayo pa rin hanggang ngayon.
Iika-ikang lumapit si Nikka sa katawan ng killer. Inabot niya ang kamay nito at pinulsuhan. Kaniya rin pinakiramdaman ang hangin sa may butas ng ilong nito.
"A-Abree . . . P-patay na siya."
Napahawak ako sa nakaawang kong labi at napailing-iling. Tumakbo ako papunta sa'king bag at kinuha ang cell phone.
"T-t-tawag tayo ng a-ambulansya," nanginginig ang boses kong sabi saka ni-dial ito.
----
"Bali ang sinasabi niyo ho ay hindi niyo nagawa ang pinag-uutos ng tinatawag niyong app─ Ano na nga 'yon?" wika ng pulis na pasimple pang tumawa sa kaniyang kasamahan. "Basta 'yon. Kaya sinugod kayo rito at nagtangkang patayin? Gano'n ho ba ang ibig niyong sabihin, Ms. Abree Bayec?"
Kasalukuyan kaming nasa labas ng bahay nila Nikka. Maraming police car at ambulansya na napapalibutan din ng mga tsismosang kapit-bahay. Ngayon lang kayo nagsilabas, kaninang nangangailangan kami ng tulong ay ang ihihimbing ng tulog niyo!
Napakuyom ang aking mga kamay na nakatago sa'king likuran. Bakit ba kasi ngayon pa nag-crash ang Watthell! Hindi ko tuloy mapakita sa mga bwiset na mga pulis na 'to ang demonyong website!
Napalingon ako nang may humawak sa'king kamay─si Nikka. Hinarap ko siya saka sinermonan, "Bakit nandito ka pa? Magpadala ka na sa ospital!"
Ngumiti lamang sa'kin si Nikka at humarap sa dalawang pulis. "Hindi po namin kilala ang lalaking nanloob sa bahay namin. Dati ko lang siyang nakita once na nagmamatyag sa labas ng bahay. Mukhang may pakay po ata talaga, kaya nagmakapilit na manghimasok ngayon dahil wala ang mga magulang ko," seryosong sabi ni Nikka na akala mo'y nagsasabi ng totoo.
Sinulat naman agad ng isang pulis ang mga sinabi nito. Mukhang mas interesado pa sila sa mga pinagsasabi ni Nikka, kaysa sa mga sinabi ko, samantalang ako naman ang nagsasabi ng totoo rito. Napabuga na lamang ako ng hangin.
Matapos ang lahat ng 'yon ay dinala nila ako sa police station at si Nikka naman ay sa ospital upang gamutin ang natamo niyang sugat.
Kahit na isang self-defense lamang ang ginawa ko ay nakapatay pa rin ako ng tao. Kaya ngayon ay nasa likod ako ng mga rehas na 'to.
Iyak nang iyak si Mama at hindi mawari ang gagawin. Namomroblema siya kung saan kukuha ng pampiyansa sa'kin. Wala rin naman kaming sapat na pera upang makakuha ng abogado.
Nakokonsensya tuloy ako dahil nagsinungaling pa ako kay Mama na papasok ako sa trabaho no'ng gabing 'yon, tapos ngayon mababalitaan niya nasa kulungan ako. Grabe ang problemang binigay ko kay Mama. Patawad Ma.
Wala pang limang oras ang pamamalagi ko sa kulungan nang palayain nila ako.
"Nand'yan na po ulit ang Mama ko? Napiyensahan niya na po agad ako?" sunod-sunod na tanong ko sa mamang pulis.
Pagkalabas ko ay wala naman si Mama rito. "N-nasa'n po ang─"
"'Yong kaibigan mong lalaki ang nagpiyensa sa'yo. Kaibigan mo ba 'yon o boyfriend mo?" wika ng isang pulis.
Napaawang ang aking labi. Kaibigan na lalaki? Wala akong kaibigan na lalaki, pero mas lalong wala akong boyfriend.
"Ano raw pong pangalan? Kanina pa po ba nakaalis?"
"Ayaw niyang ipasabi ang pangalan niya, e. Basta matangkad na lalaki na mestizo," tugon nito at muling ibinalik ang tuon sa kaniyang ginagawa.
Nagpasalamat na lamang ako rito saka kumaripas ng takbo palabas ng istasyon. Nilibot ko ang aking tingin sa buong paligid ngunit wala akong nakikitang matangkad na lalaki at mestizo.
Sino kaya 'yon? Hindi man lang ako nakapagpasalamat sa kaniya.
Nilisan ko na lang ang lugar na 'yon at nagtungo sa palengke upang mabalita kay Mama na nakalaya na ako, at hindi na niya kailangan pang maghagilap ng taong mauutangan.
Nakahinga naman ito nang maluwag at muli na naman akong sinermonan dahil sa naging kasalanan ko sa kaniya.
"Umuwi ka na nga do'n nang makapagpahinga ka. Tingnan mo nga 'yan sarili mo, mukha kang gusgusin bata. Naku! Ang baho-baho mo pa, 'nak! Maligo ka muna ha!" bulyaw nito sa'kin.
"Ang ingay niyo naman, Ma. Nakakahiya!" Inamoy ko ang magkabilaang kili-kili ko. "Hindi naman mabaho. Amuyin mo pa oh!" natatawa kong wika saka pina-amoy ito kay Mama na kaniyang ikinagalit dahilan ng pagkaripas ko ng takbo.
Pagka-uwi ko ng bahay ay dumiretso agad ako sa banyo upang maligo, dahil ang totoo ay ang baho ko na nga talaga.
Matapos kong maligo ay kinuha ko ang aking cell phone at kinalikot muna 'to, habang pinapatuyo ko pa naman ang aking basang buhok.
Napakunot ang noo ko nang makita ang sunod-sunod na pagpasok ng mga mensahe galing sa iba't ibang readers ng Watthell.
Tiningnan ko ang mga 'to at puro papuri ang aking natanggap. Pinupuri nila ako dahil sa pagpatay na ginawa ko. Kami lang daw ni Nikka ang tanging nakagawa no'n sa killer ng Watthell.
Like WTF! Ganito ba talaga ka-weird ang mga reader ng Watthell? Grabe pa ang pagiging updated sa buhay namin ha.
Napahinto ako nang magsimula nang pumasok ang mga notification ng iba't ibang task offers. Oo nga pala ngayong araw ako makakatanggap ng panibagong gawain. Napalunok muna ako nang mariin bago binuksan ito isa-isa.
Nakahinga naman ako nang maluwag dahil ang karamihan sa kanilang inaalok na gawain ay isulat ko lamang daw ang brutal na pagpatay ko do'n sa killer na umatake sa'min ni Nikka. Ang pinagkaiba lang ng mga ito ay ang halaga ng pera na kanilang ibibigay.
Napasapo ko sa'king mukha. Hindi nga pagpatay ang inaalok nilang gawin ko, ngunit napakahirap pa rin ng gusto nilang mangyari.
Namatay na nga 'yong tao at ngayon pinagkakatuwaan pa nila. Hindi ko naman talaga ginustong mapatay 'yon. Labis nga 'kong nakokonsensya, at ngayon gusto pa nilang ikwento ko ang pangyayari.
Ibinagsak ko na lamang ang likod ko sa malambot kong kama at napatitig sa kisame . . . At dahan-dahan na pumikit.
----
Naalimpungatan ako at kinapa ang aking cell phone dito sa higaan. Nanlaki ang aking mga mata at agad na napalikwas sa kama.
Alas nueve na ng gabi at ang pasok ko ay 10PM. Bigla pala akong nakatulog kanina nang hindi namamalayan, kaya tuloy hindi ako nakapag-alarm.
Naghilamos at sipilyo na lang ako. Wala ng ligo-ligo, nakaligo naman na ako kanina. Light make-up na rin lang ang aking nalagay sa mukha dahil sa pagmamadali.
Bago ako tuluyang umalis ay sumilip muna ako sa kwarto ni Mama upang magpaalam. "Ma, pasok na po ako. Hindi niyo ako ginising, Ma."
"May pasok ka pala, 'nak? Akala ko in-excuse mo muna sarili mo dahil sa nanyari?" Tumayo si Mama at hinatid ako sa may pintuan ng bahay. "Ang sarap din kasi ng tulog mo kanina, 'nak e. Kaya hindi na kita ginising pa dahil alam kong grabe ang pinagdaanan mo no'n."
"Ok na po ako, Ma. H'wag na po kayong mag-alala," nakangiting wika ko sabay halik sa kaniyang pisngi.
Nagsimula na akong lumakad palayo nang muling mapalingon dahil sa narinig na pahabol ni Mama, "Siguraduhin mo Abree na sa trabaho ang punta mo, ha!"
Tumanango lamang ako rito at napakamot sa'king ulo. "Si Mama talaga," saad ko sa'king sarili at binilisan na ang paglalakad.
Hindi naman ako nahirapan makasakay ng bus dahil gabi na rin at unti na lang ang nag-aabang.
Pagkaupo ko ay agad kong kinuha ang aking cell phone sa bag at binuksan ang data connection. Nanlaki ang mga mata ko sa nakita.
"May na-accept na 'kong offer?" sambit ko sa'king sarili. "Shit! Oo nga pala, nakatulugan ko!" Tinuktok ko ang aking ulo dahil tatanga-tanga na naman ako.
Automatic nga pala na maa-accept ang nasa unahan na task kapag hindi ako namili sa loob ng 33 minutes. Buti na lang at pinapasulat lamang nito ang pagpatay ko do'n sa killer.
Ayaw ko man, pero mukhang wala na akong choice. Nag-offer din kaya si YAW ng task? Bakit ba kasi tinulugan mo, Abree! Napabuga na lamang ako ng hininga.
Sa kalagitnaan ng aking byahe ay kanina ko pa napapansin na tingin nang tingin sa'kin ang lalaking naka-hoodie na naka-upo sa tapat ko. Nasa tatluhang upuan siya at ako naman ay nasa dalawahang upuan.
Pareho kaming walang ibang katabi kaya nakasisiguro ako na ako ang nililingon niya. Niladlad ko na rin kasi ang kurtina ng bintana dahil baka tinatanaw niya lamang ang labas, ngunit kahit nakasara na ito ay lumilingon pa rin siya sa'king gawi.
Kinikilabutan ako sa mga titig niya. Nagtatayuan ang mga balahibo ko sa tuwing mahuhuli ko 'tong nakatingin sa'kin.
Hindi ko man gaanong makita ang kaniyang mukha ngunit ang mga mata nito ay parang umiilaw na animo'y may laser at malulusaw ako ano man oras. Buti na lang at malapit na 'kong bumaba.
Nang matanaw kong malapit na ang Estrella ay tumayo na ko at nagpunta sa unahan ng bus. Nilingon ko ang lalaki bago ako bumaba, buti naman at hindi rito ang baba niya. Nakahinga na ako nang maluwag.
Ngunit nagtaka ako nang hindi pa rin umaalis ang bus hanggang sa maramdaman kong may sumunod na bumaba matapos ko. Dahan-dahan akong lumingon sa'king likod at laking gulat ko nang makita ang lalaking 'yon.
Muling bumilis ang pagtibok ng puso ko. Napayuko ako at sinumulan na bilisan ang aking lakad.
Alas-diyes y media na, kaya wala nang masyadong tao sa daan. May iilan akong nakakasalubong ngunit wala akong nakakasabay na maglakad, puro bahay-bahay pa naman lang din dito.
Tahimik ang buong paligid at ang tanging naririnig ko lamang ay ang yabag ng sapatos ng taong sumusunod sa'kin.
Bawat liko ko ay siyang liko niya rin. Halos lakad-takbo na ang aking ginagawa ngunit pakiramdam ko ay napakalapit niya pa rin sa'kin.
Tumatagaktak na ang aking pawis sa labis na pagmamadali. Nang makarating ako sa may stop light ng Kalayaan─maraming sasakyan ang nadaan─ay hinabol ko ang 4 seconds na natitira bago ito mag-red light.
Tumakbo ako patawid sa kabilang kalsada. Inabutan ako ng red light, pero buti na lang at nasa dulo na rin ako. Nilingon kong muli ang lakaki, naiwan siya sa kabila dahil hindi nito naabutan ang green light.
Malalim na buntong hininga ang aking pinakawalan saka muling nagpatuloy sa paglalakad habang hinahabol pa rin ang hininga.
Hindi ko na kayang bilisan pang muli ang lakad, sobrang hingal ko. Binagalan ko na lamang nang bahagya ang aking lakad.
Lumiko ako sa isang shortcut na daan para mabilis akong makapasok ng BGC, mag-iisang oras na late na rin kasi ako.
Ang dilim dito at wala na akong nakakasalubong na naglalakad. Hindi ko alam pero patuloy pa rin sa pagkabog ang aking dibdib.
Napasinghap ako nang may dumamping malamig na kamay sa'king braso at hinatak ako nang pagkalakas-lakas papunta sa may gilid kung saan walang nadaan.
Sisigaw sana ako nang may maramdaman ako na matulis na bagay sa'king tagiliran. Marahas niya akong inumpog sa may pader at nilapit ang mukha sa'kin.
Dahil sa tulong ng liwanag ng buwan ay naaninag ko ang mukha niya. Mukhang nasa late 20s na siya. Ang kaniyang mga mata ay napakalalim at namumula, ang kaniyang napakalaking ngiti ay nakakatakot na animo'y mapupunit na sa sobrang haba.
S-siya 'yong lalaki kanina sa bus.
'Yong sumusunod sa'kin mula kanina.
Hindi ako makapagsalita. Sunod-sunod lamang ang aking naging paglunok at hindi makatingin dito. Nanginginig ang buo kong katawan. Hindi ko alam kung anong gagawin ko.
"A-a-anong k-kailangan mo? I-bi-bigay ko."
"You're much more beautiful in person, Abree . . . I'm you number one reader," masayang wika nito saka hinaplos ang aking pisngi.
Mariin akong napapikit kasabay ng pagtayuan ng aking balahibo.
Nilapit niya ang kaniyang mukha sa'king leeg at lumanghap ng amoy. "Hmmm . . . even your smell is as addictive as drugs."
Napaiwas na ako, na kaniyang ikinagalit. Bigla nitong hinawakan nang mahigpit ang aking pisngi at pinagharap ang aming mukha. Mas diniinan din niya ang pagtutok sa'kin ng patalim.
"Sige, laban lang, Abree! That's the reason why I like you."
Bigla niyang nilapat ang kaniyang labi sa'king labi. Agad akong nagpumiglas at kumalas sa pagkakahalik nito ngunit muli niya lang inuulit at mas dinidiinan ang patalim sa'king tagiliran na pakiramdam ko ay nagsisimula nang bumaon sa'king balat.
Napadaing ako sa sakit kaya hindi na ako muling nakagalaw pa. Pinikit ko na lamang ang mga mata ko at naramdaman ang pagbagsak ng aking mga luha.
Lalong bumuhos ang mga luha ko nang wasakin nito ang manipis kong long sleeves na suot.
Hanggang sa napapitlag ako nang marinig ang isang malakas na tunog ng nabasag na bote. Kasabay no'n ang pagdaing ng lalaki.
"Fuck! Who the heck are you!"
Binitawan niya ako at pati na rin ang patalim ay hindi ko na naramdaman pa. Nanlambot ang mga tuhod ko kaya napaupo ako sa lapag at yumuko habang nakahawak ang dalawa kong kamay sa ulo.
Iba't ibang ingay ang naririnig ko at ako ay patuloy pa rin sa pag-iyak, takot na takot at nanginginig ang buong katawan.
Hanggang sa nawala na ang mga ingay. Isang yabag ng sapatos na lamang ang aking narinig. Papalapit ito sa'kin.
Lalo 'kong sinubsob ang ulo ko sa'king tuhod at nanginig nang husto. Nang bigla kong maramdaman ang pagpatong ng isang coat sa'king balikat.
At may nagsalita na malamig na boses, "You're safe now. Please, go to the nearest hospital."
Dahan-dahan kong inangat ang ulo ko at nakita ang isang matangkad na lalaki na naglalakad na paalis. Napalingon ako sa'king kaliwa at nakita ang manyakis na lalaki na nakabulagta sa lapag, puro bugbog at dugo sa mukha.
Muli kong binaling ang tingin sa lalaking tumulong sa'kin bago pa man 'to tuluyang makaalis.
"Sandali..."
Huminto siya nang hindi ako nililingon. Tumayo ako.
"S-salamat."
Nakita kong tinaas niya ang kaniyang kamay habang nakatalikod pa rin. "Just read my U.N."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top