Kabanata 5
"Ako na po ang maghuhugas niyan, Ma," masiglang wika ko kay Mama saka kinuha sa kaniyang kamay ang mga hugasin na plato at diniretso ito sa lababo.
"Naku, ako na 'yan 'nak. Maligo ka na lang na do'n para maaga kang makaalis ng bahay, at baka ma-late ka na naman niyan."
"Maaga pa ho oh." Nakanguso kong tinuro ang aming orasan na nakasabit sa pader. "Kaya ko naman pong maligo ng five minutes," nakangising sabi ko.
Napatawa nang bahagya si Mama sabay sundot sa'king tagiliran, "Ito talagang anak ko."
"Unti rin lang naman 'to, Ma. Pahinga na po kayo do'n, baka 'yong paborito niyo na pong teleserye ang palabas."
Napasinghap si Mama at agad na kumaripas ng takbo papunta sa'ming sala. Pagkabukas nito ng TV ay tama nga ako, nagsisimula na ang gabi-gabi niyang inaabangan na teleserye.
Ibinalik ko na ang aking pansin sa mga hugasan at nagpatuloy na sa ginagawa. Habang naghuhugas ay muli kong naalala ang Watthell. Kinakabahan ako sapagkat nalalapit na ang pangalawang linggo at makakatanggap na naman ako ng mga panibagong task offer. Napabuntong hininga na lamang ako.
Matapos kong maghugas ng mga plato ay nakita ko sa'kin cell phone ang tatlong missed video chat galing sa group chat naming apat na magkakaibigan. Nag-call back ako sa mga 'to na agad naman sinagot nila Khea at Kate.
"Kanina pa kami tumatawag, friend!" bulyaw ni Kate na naging dahilan ng paglingon sa'kin si Mama at senyasan ako na huwag maingay sapagkat seryoso itong nanonood ng TV.
Pumasok na lamang ako sa'kin kwarto at baka tuluyan pa akong mapagalitan ni Mama dahil sa ingay ng mga 'to. "Ano ba 'yon? May bonggang chika ba kayo?" biro ko sa kanila.
"Hindi. Si Nikka kasi..." nag-aatubiling saad ni Khea.
Napansin ko ang pag-aalala sa mukha ng dalawa dahilan upang mag-alala rin ako. "Bakit? Anong nangyari kay Nikka?"
"Ano kasi . . . Napansin namin ni Kate na palagi na siyang tuliro at malalim ang iniisip. At nitong nakalipas na tatlong araw, hindi na siya naglalalabas ng bahay," tugon ni Khea.
"Tingin ko talaga that she's hiding something from us," wika ni Kate na may malungkot na tono.
Naramdaman ko ang biglaang pagkabog ng aking dibdib. May sumagi sa'king isip na kinakatakot kong mangyari. "Kailan pa siya naging gano'n? 'Di ba, umuwi ng Cebu ang mga magulang ni Nikka no'ng isang linggo?"
"Oo, 'yon na nga ang mas pinag-aalala namin e."
"Magwa-one week na ata siyang nagkakaganyan."
"May idea ba kayo kung anong huli niyang ginawa bago siya maging ganyan?" muli kong tanong sa mga 'to.
Umiwas ng tingin sa camera si Khea. "May naiisip ako na pwedeng dahilan," wika niya saka muling binaling ang tingin sa camera. "Naaalala mo ba Abree 'yong pinagtalunan namin ni Nikka no'ng bumisita ka rito?"
"Oo nga, 'yan ata talaga ang dahilan," sabat ni Kate. "What is it again? Watt . . . Watt D Hell─ Ay, Watthell pala."
Mas lalong bumilis ang pagtibok ng aking puso nang marinig ang pangalan ng website na 'yon. Hindi maaari. Hindi pwedeng mapasok din do'n si Nikka. Dahan-dahan lang akong tumango bilang tugon sa tanong sa'kin ni Khea.
"Last week kasi, no'ng dumalo kami sa birthday party ni Rose, napansin namin na abalang abala si Nikka sa cell phone niya. Paulit-ulit pa niyang sinasabi sa'min na makakapag-travel na raw siya at mabibili na niya ang mga gusto niya. Kapag titingnan ko naman kung ano ba'ng pinagkakaabalahan niya sa cell phone niya ay agad niya 'tong tinatago," ani Khea.
"Halata nga ang excitement sa mukha ni Nikka no'n . . . But also the last time na nakita namin ang masayang mukha na 'yon, dahil bigla talaga siyang nagbago after that day," wika ni Kate na nakabagsak ang mga labi.
Napalunok lamang ako at tila hindi mawari kung ano ang dapat kong sabihin sa kanilang dalawa. Hindi malabong iyon nga ang tinatago sa'min ni Nikka.
Pero kung mag-iisang linggo nang gano'n si Nikka . . . Ibig sabihin─ Napasinghap ako at kasabay nito ang pagtayuan ng aking mga balahibo. Napahawak ako sa nakaawang kong labi.
"Are you okay, Abree? Ano'ng nangyari?"
"Bakit, Abree? Alam mo na ba ang nangyari kay Nikka?"
"Ha? Uh..." Napaiwas ako ng tingin sa camera. Hindi ako sigurado kung tama nga ba ang duda namin, pero ayoko nang madamay din pa ang dalawa 'to. Mas makabubuti kung mag-isa ko na lang itong aalamin. "Uh─Wala, wala 'yon. S-subukan ko na lang na tawagan din si Nikka, baka sakaling mag-open siya sa'kin. Kailangan ko na rin maligo, papasok pa ko. Bye!"
Hindi ko na hinintay pa ang paalam ng dalawa at agad ko na itong binaba. Ibinato ko sa kama ang hawak kong cell phone saka dumiretso sa banyo upang maligo.
Matapos kong maligo ay nagbihis agad ako at hindi na nag-abala pang maglagay ng make-up sa mukha dahil sa pagmamadali.
"Bye, Ma. Pasok na po ako," wika ko sabay halik sa pisngi ni Mama.
"Tapos ka nang kumilos agad, 'nak? Bakit parang nagmamadali ka? Akala ko ba'y maaga pa?" aniya habang sinasabayan akong maglakad patungo sa pintuan.
Sa dami ng tanong ni Mama ay nginitian ko lang siya at kinawayan bago tuluyang umalis.
Habang naglalakad ay kinuha ko ang aking cell phone sa bag at ni-dial ang numero ni Nikka. "Shit! Cannot be reached!"
Ang totoo ay napagdesisyunan kong hindi muna pumasok sa trabaho. Kailangan kong puntahan ngayon si Nikka sa kanilang bahay, dahil iba talaga ang pakiramdam ko sa kung ano man ang tinatago nito.
Napatingin ako sa wrist watch na suot ko, pasado alas otso na ng gabi. Kailangan ko nang magmadali.
Paulit-ulit kong tinatawagan si Nikka hanggang sa makasakay ako ng bus, ngunit hindi ko pa rin ito ma-contact dahilan upang mas lalo akong mag-alala.
Hindi ako mapalagay, kung anu-anong pumapasok sa isip ko. Halos mapudpod na ang aking mga kuko dahil sa kakatuktok ko nito sa'king bag. Pakiramdam ko rin ay ang tagal ng aking byahe at nais ko ng palitan ang driver ng bus na 'to.
Sa gitna ng aking pag-iisip ay bigla kong naalala si Lorynn. Binigay niya nga pala ang number niya sa'kin. Binuksan ko ang cell phone ko at hinanap ang contact nito saka tinawagan.
"Hello? Si Abree 'to," sambit ko nang sagutin niya ang aking tawag.
"Oh, Abree napatawag ka. Pasensya na maingay, nasa bar kasi ako e. Tara, sunod ka rito," wika ni Lorynn na nasa kabilang linya.
"Ay, hindi. May itatanong lang sana ako."
"Ano 'yon? Wait nga, labas lang ako. Hindi kita masyadong marinig e." Hinintay ko na muling magsalita ito. "Ok na, ano bang itatanong mo?"
"Uh . . . 'Di ba sabi mo anim na araw ang palugit na ibibigay para gumawa ng task? At kapag hindi 'to nagawa, t-totoo ba na may papatay sa'kin?"
"Oo, totoo 'yon. Kaya kailangan mong gawin ang task. May bagong task ka na ba? Tulungan kita, saan ba 'yan?"
"Hindi, wala pa, naitanong ko lang . . . P-pero agad-agad bang may darating na killer para patayin ako 'pag natapos ang six days na 'yon?"
Napayuko ako at humarap sa may bintana nang mapansin na ang sama na pala ng tingin sa'kin ng aking katabi rito sa bus. Marahil ay nagtataka 'to sa mga pinagsasabi ko.
"Sa pagkakaalam ko, depende sa trip ng papatay sa'yo. Kung gusto niya agad-agad, or kinabukasan, or sa isang araw pa. Hindi ko sure, Abree e. Ang alam ko lang, it's a surprise."
Napalunok ako bago muling nagsalita, "S-sige Lorynn, maraming salamat ha. Pasensya na rin sa istorbo. Ingat ka r'yan, bye!"
Pagkababa ko ng tawag ay dumako agad ang aking tingin sa labas. Hindi ko napansin na malapit na pala akong bumaba.
Maya-maya rin ay bumaba na ako ng bus. Napagpasyahan ko na sumakay na ng tricycle upang makarating agad ako kila Nikka. May kalayuan kasi ang kanilang bahay mula sa hi-way.
"Ito po bayad, manong," saad ko sabay abot ng aking bayad sa tricycle driver.
Ang dilim sa subdivision na 'to. Tila ang mga ilaw sa labas ng bawat bahay lamang ang nagbibigay liwanag sa kalsada, ngunit dito banda kila Nikka ay puro nakapatay ang ilaw ng mga bahay marahil ay walang tao. Kahit ang bahay nila Nikka ay wala rin ilaw dahilan upang magsimula na naman ang pagkabog ng aking dibdib.
Ang buong subdivision na 'to ay napapalibutan ng talahiban, at ang bahay nila Nikka ay nasa dulo kaya halos puro talahib na ang katabi nito.
Nagsimula akong lumapit sa kanilang bahay at kumatok. "Nikka! Si Abree 'to. Nikka!"
"Nikka, alam kong nandyan ka, pagbuksan mo naman ako."
"Nikka! Nikka! Sige na oh, buksan mo na 'to, please."
Paulit-ulit pa akong kumatok at halos nagsisigaw na rin ako rito ngunit hindi pa rin talaga binibuksan ni Nikka ang pinto. Hindi ko na alam ang iisipin ko. Ayaw kong mag-isip ng negative, pero hindi ko maiwasan. Hindi na rin tumigil sa pagkabog ang dibdib kong ito.
Tumayo ako nang tuwid at muling kumatok, "Nikka! Gusto mo ba na tumawag ako ng mga pulis dito para matulungan ka?"
Ilang segundo lamang ay may narinig akong kumaluskos na nagbigay pag-asa sa'kin. "Nikka! Ikaw ba 'yan? Papasukin mo na ako, please!"
Gumuhit agad ang saya sa'king mukha nang dahan-dahan na bumukas ang kanina ko pang kinakatok na pinto. Sumilip rito si Nikka at mahinang nagsalita, "Huwag, Abree."
Agad napalitan ng pag-aalala ang ngiti sa mukha ko nang makita ang hitsura ni Nikka─ang kaniyang may pagkakulot na buhok ay napakagulo, ang singkit niyang mga mata ay sobrang lalim na para bang ilang araw ng hindi natutulog, at ang maninipis niyang labi ay sobrang putla.
"Ano'ng nangyari sa'yo, Nikka?" Akmang hahawakan ko siya sa mukha nang lumayo ito at pinigilan ang pagbukas ng pinto para hindi ako makapasok.
"Ayaw kong madamay pa kayo rito, Abree. Kaya please, umalis ka na!" Tuluyan na sana niyang isasara ang pintuan nang iharang ko ang aking sapatos.
"Dahil ba 'yan sa Watthell!" nakakunoot-noo kong wika.
Napasinghap si Nikka. "P-paano mo nalaman?"
Parang may tumusok sa puso ko nang marinig ang sinabi nito, dahil halos kaniya na ring inamin na tama ako.
"Gago ka talaga! 'Di ba sinabihan ka na ni Khea!" bulyaw ko habang pinilit nang buksan ang pinto upang makapasok ako sa loob ng kanilang bahay. Wala na rin itong nagawa kundi ang yumuko na lamang.
Ni-lock ko ang pintuan at nagtungo kami sa kanilang sala at naupo sa sofa. Pinagalitan ko muna 'to nang husto bago inalam ang buong pangyayari.
May nakilala pala itong kapwa bisita sa dinaluhan nilang birthday party no'ng isang linggo. Nakakwentuhan niya 'yon habang hinihintay sila Khea at Kate, hanggang sa mapag-usapan nila ang Watthell. Sinabi nito kay Nikka na totoo ang mga impormasyon na alam niya patungkol sa nasabing website. Kaya naman na-excite siya at nagpapaniwala sa sinabi ng kaniyang nakausap. Tinanggap niya ang code na binigay nito at tuluyan na ngang nakapasok sa Watthell. Matapos daw no'n ay bigla na lang nawala sa kaniyang paniningin ang babaeng nakilala. Hanggang sa matapos daw ang party na 'yon ay hindi na niya ito muling nakita.
Gaya ko, wala rin kaide-ideya si Nikka na may magaganap na patayan sa Watthell hanggang sa masaksihan ito ng sarili naming mga mata.
Hindi ko na rin natiis na aminin kay Nikka ang katotohanang may account din ako do'n upang mas magkaintindihan kaming dalawa at mas paniwalaan niya ako.
Ngunit ang kinakatakot kong mangyari ay mukhang magaganap na ano man oras, dahil tumanggap na nga si Nikka ng isang pagpatay na gawain at ngayong araw na ang deadline nito.
Ito ang dahilan kung bakit naging ganito ang aking kaibigan. Ilang araw na siyang nagkukulong sa kanilang bahay sapagkat hindi niya kayang gawin ang inuutos ng kung sino man ang demonyong reader na 'yon.
Sa takot mamatay ay para na siyang mababaliw kakaisip kung ano ba ang dapat na gawin. Sobrang naaawa ako kay Nikka. Tama nga si Lorynn, hindi lahat ng writer do'n ay pinapalad na matulungan nila YAW at NP.
"Bakit ba kasi ayaw mong humingi tayo ng tulong sa mga pulis?" tanong ko rito.
"Pupunta sana ako sa police station no'ng nakaraang araw, kaso bago pa ko makalapit sa police station ay may napansin akong tatlong lalaki na ang sasama ng tingin sa'kin. Parang kilala nila ako at binabantayan nila ang bawat kilos ko . . . Natatakot ako, Abree. Natatakot akong mamatay," mangiyak-ngiyak nitong wika. Sinubsob niya ang kaniyang mukha sa kaniyang mga palad at tuluyan na ngang umiyak.
Hinagod ko ang likod ni Nikka. Kahit siguro ako ay masisiraan ng bait kung ako ang nasa sitwasyon niya. Bigla ko tuloy naalala na malapit na rin pala akong makatanggap muli ng bagong task offers. Sana ay matulungan akong muli ni Yaw.
----
Sinamahan ko si Nikka hanggang pumatak ang alas dose ng umaga. Hindi kami natulog dahil pareho kaming natatakot at baka biglang may masamang loob na pumasok sa kanilang bahay.
Tinago namin lahat ng kutsilyo sa kwarto ni Nikka at nagkulong lamang dito. Nagdala na rin kami ng pagkain kung sakaling magutom kami, at pati arinola ay dinala na rin namin para hindi na kami lumabas pa ng kwarto.
"Matulog ka na muna, Nikka. Gigisingin na lang kita kapag may marinig akong ingay galing sa labas," nakangiti kong sabi rito.
"P-pero natatakot ako, baka─"
"Nandito naman ako. Babantayan kita. Hanggang sumikat ang araw dilat lang 'tong mga mata ko," natatawa kong wika. "Sige na, matulog ka na. Alam kong ilang araw ng kulang ang tulog mo."
Hindi na nakatanggi pa si Nikka at humilata na sa kaniyang kama. Kita ko sa mga mata nito ang takot kaya hindi siya agad na nakatulog, ngunit maya-maya rin lang ay unti-unti nang bumabagsak ang talukap ng kaniyang mga mata.
Habang mahimbing na natutulog si Nikka ay abala naman akong nagsusulat ng kwento. Gusto ko sanang manood ng kdrama ngunit hindi maaari dahil baka hindi ko marinig kung mayroon man maging ingay sa labas.
Nasa kalagitnaan na ako ng chapter na aking sinusulat nang mapatingin ako sa wall clock. "3AM pa lang? Bakit parang ang bagal ng oras," saad ko sa'kin sarili.
Tumayo ako upang umihi sa dinala naming arinola rito sa loob ng kwarto, ngunit napangiwi ako nang makitang puno na pala ito. Gaano ba karami ang inihi nitong si Nikka. Napabuntong hininga na lamang ako.
Kinuha ko ito at lumabas ng kwarto. Dinala ko ito sa CR upang itapon na sa inidoro at umihi na rin. Bago ako bumalik sa silid ni Nikka ay naisipan kong mag-init ng tubig upang makapagtimpla ng kape.
Habang hinihintay ang iniinit kong tubig, parang may narinig akong kaluskos galing sa bintana rito sa kusina.
Dahan-dahan kong nilapitan ang bintana at hinawi ang kurtina upang sumulip.
"AAAAHHHHHHHHH!"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top