Kabanata 4
"Ay, oo sa'kin 'yan. Hala, salamat talaga miss ha," wika ng babae saka nilahad ang kaniyang kamay na tila ba'y hinihintay na iabot ko sa kaniya ang cell phone na aking hawak.
Ngunit hindi maalis ang aking tingin sa cell phone na 'to dahil sa nakikita. Hindi ako pwedeng magkamali, dahil sigurado akong Watthell ito. Isa rin kaya siyang manunulat dito, o isa siya sa mga walang pusong reader?
Pinasadahan ko siya ng tingin. Sa aking palagay ay mas matanda ito ng apat na taon sa'kin, dahil mukha siyang nasa 24-anyos na. Bilugan ang kaniyang mga mata, katamtaman ang tangos ng ilong at maninipis din ang labi. Perpekto ang hulma ng kaniyang mukha na siyang binagayan ng kaniyang hanggang balikat na layered black hair. Kayumanggi ang kaniyang balat at may magandang pangangatawan, kaya nadala nito nang maayos ang simple niyang kasuotan─naka-fitted crop top ito na pinatungan ng itim na bomber jacket, at tinernuhan ng itim na ripped jeans, sneakers at may suot na wireless headphones.
Ang matamis niyang ngiti kanina lang ay napalitan agad ng madilim na ekspresyon nang makita niyang nakabukas ang cell phone niya at nasasaksihan ko ang nilalaman nito.
Agad niyang hinablot mula sa'kin ang cell phone at walang paalam nang umalis, ngunit bago pa man siya makalayo ay hinabol ko na siya.
"Wait lang po. P-pasensya na po kung pinakialaman ko ang cell phone niyo . . . Itatanong ko lang po sana kung─"
"H'wag mo nang tangkain na alamin. Bawal 'yon sa bata," seryosong sambit nito at agad na inalis ang mga titig sa akin.
Akmang lalakad na itong muli nang sambitin ko ang Watthell sa kaniya, kaya agad niyang ibinaling ang mga titig sa akin. Nakita ko ang pagsalubong ng kaniyang mga kilay.
Napasinghap ako nang hablutin niya bigla ang aking pulsuhan. Hinatak niya ako palabas ng book store hanggang sa katapat na fine dine restaurant.
Dire-diretso siyang pumasok dito at sinenyas lamang sa receptionist ang dalawa niyang daliri, na maaaring ang ibig sabihin ay table for two. Natataranta naman ang receptionist na nagbigay daan sa aming uupuan.
Pagka-upo namin ay hinintay ko lang na matapos ang receptionist sa kaniyang spiel bago ako magsalita. Pagkaalis nito ay agad kong tinanong ang babaeng nagdala sa akin dito, "B-bakit po tayo nandito?" Bahagya kong nilapit ang aking mukha sa kaniyang tainga, "Mahal po ata rito, sa Jollibee na lang po tayo," pabulong kong sabi.
Napangisi lamang ito saka tumawag ng waiter upang manghingi ng menu. Pareho kaming binigyan ng menu ngunit hinayaan kong siya na lamang ang magbuklat nito.
"Safe dito at hindi crowded, malaya nating mapag-uusapan ang binaggit mo kanina," mahinahon na wika nito habang nakatutok ang mata sa menu na kaniyang hawak. Nilibot ko ang aking tingin sa apat na sulok ng restaurant na 'to, at tama nga siya dahil konti lamang ang narito. "Now tell me, pa'no mo nalaman ang website na 'yon?" dagdag niya.
Napalunok muna ako bago sumagot, "M-may nagbigay po sa'kin ng link . . . Wala po akong idea no'ng una kung ano po 'yon, kaya─"
"Ilan taon ka na ba!" Inalis niya ang kaniyang titig sa menu at ibinaling sa'kin habang nakakunot ang noo.
"Magtu-twenty po next month." Hindi ako makatingin nang diretso sa kaniya dahil sa nanlilisik nitong mga mata.
"So nineteen? Nineteen ka pa lang!" inis na sambit niya na talagang dinidiinan ang salitang nineteen. Padabog niyang nilapag ang menu sa mesa at sinandal ang kaniyang likod sa upuan. "Tanginang Watthell 'yan, kahit teenager na lang uutusan nilang pumatay!"
Napaawang ang aking labi at dahan-dahan na napatingin sa kaniya. Ibig sabihin, siya ay isang writer din kung gano'n. Akala ko ay reader siya dahil mukha siyang mayaman.
"W-writer din po kayo?" paniniguro ko rito.
"Oo . . . I'm Lorynn nga pala, nagsusulat sa Watthell for almost half a year. Ikaw, ano bang pangalan mo? At kailan ka pa naligaw sa website na 'yon?"
Napahawak ako sa'king bibig at tila hindi makapaniwala sa narinig. Gano'n na siya katagal na nagsusulat sa Watthell! Kung gano'n ilang beses na siyang tumanggap ng mga gawain na pagpatay.
Kinumpas nito ang kaniyang kaliwang kamay sa hangin nang mapansin na nakatulala na lamang ako, "Hello? Ok ka lang?" Muli akong napabalik sa ulirat at humingi ng paumanhin dito. "Alam ko iniisip mo . . . H'wag kang mag-alala, hindi ako pumapatay ng inosente," nakangising wika niya at tinawag nang muli ang waiter upang umorder.
Halos si Lorynn ang pumili ng lahat ng aming makakakain sapagkat hindi ako makapili sa menu dahil sa nakakalula na presyo ng mga ito.
"So, ano na nga name mo? Hindi mo pa rin sinasabi," mahinahon na sambit nito pagka-alis ng waiter.
"Abree po," matapid kong sagot rito.
"Abree? Nice name ha. H'wag mo na pala akong i-po. Alam kong mas matanda ako sa'yo pero ayos lang, at mas lalong h'wag mo 'kong tatawagin na ate ha."
Bahagya akong natawa rito saka tumango. "May gusto sana po─ Ay, sorry," napatakip ako ng bibig nang mapagtantong nagsabi na naman pala ako ng po. Tumuwid ako ng upo at muling ipinagpatuloy ang sasabihin, "Itatanong ko lang kung paano ako makakapag-quit sa Watthell na 'yon? Ayoko nang masangkot sa mga kasamaan ng mga reader do'n."
"Refer a friend lang. Bawat writer do'n ay may kaniya-kaniyang referral code. Kapag ginamit 'yon ng iba ay malaya ka nang makakaalis ng Watthell, dahil 'yon na ang papalit sa'yo," seryosong sambit nito.
Napasinghap ako at nagtayuan bigla ang aking mga balahibo nang maalala ang ginawa ni Bella. Hindi ako makapaniwala. 'Yon pala talaga ang purpose ni Bella kaya siya lumapit sa'kin. Nasapo ko ang aking mukha.
"Siguro, trinaydor ka rin ng akala mo'y kaibigan mo, ano? 'Yon ba ang nagbigay sa'yo ng link ng Watthell? Then may pinagamit sa'yong code, tama?" natatawang saad nito na para bang nangyari rin ito sa kaniya.
Dahan-dahan akong tumango rito habang nakatingin lamang sa lamesang nasa harapan namin. "Paanong nakakayanan ng konsensya nila 'yon? Pinasa nila sa walang kamalay-malay ang kademonyohan na pinasok nila!" nanggagalaiti kong sabi habang nakakuyom ang mga kamay.
Pakakalmahin sana ako ni Lorynn nang dumating na ang waiter upang ihain sa'min ang mga inorder nitong pagkain at inumin. Parang nabawasan ang aking inis na nararamdaman dahil sa nakikitang mga pagkain sa harapan. Hindi man pamilyar ang iba sa'kin ngunit sa itsura at amoy pa lang nito ay mukhang masarap na. Napapalunok na lang tuloy ako.
"Ikain na muna natin 'yan, pampabawas stress," biro ni Lorynn saka marahan na tumawa.
Habang abala kami sa pagkain ay muli itong nagsalita, "Alam mo ba, nakakain lang ako ng mga ganitong pagkain mula nang magsulat ako sa Watthell. Ikaw din, 'pag nagtagal ay makukuha mo na rin ang mga gusto mong bilhin na dati'y hindi mo mabili. Ngayon lang 'yan na galit ka sa Watthell, kinalaunan niyan ay magiging thankful ka na."
Halos mabilaukan ako sa sinabi niyang 'yon, kaya napainom agad ako ng tubig. "Naka-ilan task ka na nga pala? At kumusta naman, nagawa mo ba?" wika niyang muli habang nakatuon na ang pansin sa hinihiwa niyang steak.
"Hindi ko kayang gawin ang mga inuutos nila," mahina kong tugon dito habang nakayuko. Ngunit bigla akong napatuwid ng upo nang sumagi sa'king isip si YAW. "Pero buti na lang at may tumulong sa'kin, si Yaw. Kilala niyo po ba 'yon?"
"Ahh, 'yong dalawang magpinsan na 'yon," walang buhay niyang sabi.
"Magpinsan?"
"Oo, si Yaw at NP. Kilala ang dalawang 'yon sa Watthell bilang saviour para sa mga writer, at KJ naman para sa mga reader."
"Bakit naman sila naging KJ, porke't hindi sila nag-uutos na pumatay ng tao?" nakabusangot kong tanong.
"Yep . . . Pero Abree, h'wag kang masyadong umasa sa dalawang 'yon dahil hindi naman palaging nand'yan sila para tumulong sa'yo. Maraming tinutulungan ang dalawang 'yon, halos lahat ata ng writer. Kaya kailangan mo rin matuto sa sarili mo na magawa nang maayos kung ano man ang task na mapunta sa'yo," seryoso niyang payo sa'kin.
Nalungkot ako bigla dahil sa sinabing 'yon ni Lorynn, ngunit may punto rin naman siya. Hindi pwedeng idepende ko na lang palagi kila Yaw ang buhay ko. Pero anong gagawin ko, lalo na't ngayon na mukhang malabong makaalis pa ako sa Watthell na 'to, dahil hindi ko kayang gawin sa iba ang ginawa sa'kin ni Bella.
Nagpatuloy ang kwentuhan namin ni Lorynn. Ang lahat ng kaniyang nalalaman sa website na 'to ay walang alinlangan niyang ibinahagi sa akin. Isa sa nabanggit nito na every two weeks daw makakatanggap ng mga task offer. At sa oras na mag-accept ng isang gawain ay anim na araw lamang ang palugit na ibibigay nito, kapag hindi matagumpay na natapos ang gawain ay buhay ang magiging kapalit.
Hindi rin daw basta-bastang makakatakas sa website na 'to, dahil kahit anong palit ng cell phone, laptop o computer ay patuloy pa rin na makakatanggap ng mga task offer. Kaniya raw kasi itong sinubukan, bumili siya ng bagong cell phone ngunit nanatili pa rin ang Watthell na 'to.
Ibinahagi rin ni Lorynn kung paano siya nasali sa Watthell, at tama nga ako ng kutob─pareho kaming nagpa-uto nang bigyan kami ng isang link at code─ngunit mas malala ang sa kaniya sapagkat ang naturingan niya pang boyfriend ang nagdala sa kaniya roon, na kinalaunan ay naglaho rin na parang bula.
Ngunit sabi nito, sinadya raw ata talaga ng ex-boyfriend niya na isali siya sa Watthell, dahil ng mga panahon na 'yon ay nangangailangan siya ng pera pampagmot sa tatay niyang may cancer. Kaya labag man sa kaniyang kalooban ang pumatay ng tao, napilitan siyang gawin ito para sa kaniyang ama.
Hanggang sa nasanay na lang daw siya dahil hilig din naman niya ang pagsusulat, gaya ko nagsimula rin siya sa Wattnote, at doon niya raw nakilala ang kaniyang naging nobyo no'n.
Ang payo sa'kin ni Lorynn, tanggapin ko lang daw ang mga task na nanggaling sa mga reader na ang nais ay maghiganti. Dahil karamihan daw sa mga reader na nag-o-offer ng task ay ang gusto lamang ay makapaghiganti sa kanilang kaaway o may nagawang masama sa kanila. Nang sa gayon daw ay hindi isang inosente ang papatayin namin.
Napaisip ako sa sinabi niyang 'yon. Isang malaking kasalanan pa rin ang pumatay kahit na sabihin mong masamang tao ang 'yong papatayin. Maaari naman ang batas na lang ang magbigay parusa sa mga taong 'yon, ngunit bakit kami pa!
Hindi ko ma-imagine ang sarili ko na maging isang katulad ni Lorynn, ngunit ito na rin ata ang aking kakabagsakan. Makakayanan ko rin kayang gawin ang mga karumaldumal na gawain sa website na 'to?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top