Kabanata 17
"Abree!" tawag sa'kin ni Lorynn pagkatanggal niya ng kaniyang helmet.
Tinawagan ko kasi siya at pinapunta rito malapit kila July. Sinabi ko na may emergency, kaya dali-dali siyang nagpunta.
Ang hindi niya alam ay pakana lang 'yon ni Blue para maisama namin siya. Panigurado raw kasing tatanggi lang ito na sumama sa'min kapag nalaman ang totoo.
Bumaba si Lorynn sa motor niya at nag-aalalang lumapit sa'kin.
"Anong nangyari? Ayos ka lang ba?" Hindi ako nakaimik at napayuko lamang. Nakakakonsensya.
"Oy Abree, ano ba kasing nangyari? May nanakit ba sa'yo? Bakit ka nga pala nandi─"
"Boo!"
"Ay putangina mong hayop ka!" gulat na sabi ni Lorynn nang biglang lumabas si Blue sa may gilid.
Parang bata naman 'to si Blue at nanggugulat pa. Muntik tuloy siyang masaktan ni Lorynn dahil sa labis na pagkagulat, buti na lang at nakilala siya nito.
"Hayop ka talagang lalaki ka! Sandali nga, bakit nandito ka?" Lalo pang nagulat si Lorynn nang magpakita na rin si July.
Napalingon siya sa'kin na nanlilisik ang mga mata. Alam na niya siguro na nagsinungaling ako sa kaniya. Patay ako ngayon.
"Abree! Anong ibig sabihin nito!"
"Uhh . . . Si NP kasi, ano kasi . . . Task ko 'yon! Oo, task ko 'yon na galing kay NP. Siya nag-utos sa'kin," dahilan ko sabay turo kay Blue.
Pero wala talaga akong task na gano'n. Sa isang linggo pa ulit ako makakatanggap ng bagong task.
"Isang beses mo lang ako p'wedeng lokohin, Abree ha. Kasama mo kaya ako sa paggawa mo ng task, baka nakakalimutan mo," taas-kilay na tugon ni Lorynn.
"Shet, oo nga pala." Napasapo ako sa noo ko. Nagtawanan naman ang dalawang mokong.
Kasalanan nila 'to, e. Pero gusto ko rin naman na maisama si Lorynn kaya pumayag na lang ako sa kanila.
"It was Blue's fault─ I mean NP. Don't blame it to my Abree," saad ni July sabay tabi sa'kin.
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niyang 'yon. Kailan pa ako naging kaniya! Pero bakit ba agad namumula ang pisngi ko sa mga linyahan ng lalaking 'to?
"My Abree?" takang tanong ni Lorynn na talagang diniinan pa ang salitang my.
Tumatawang lumapit si Blue kay Lorynn. "I don't want to be a third wheel, kaya double date na lang. He has his Abree and I have my Lorynn." Nilapit nito ang mukha kay Lorynn sabay bulong. "I missed you."
Bulong ba talaga 'yon? Ang lakas, e. Pero may something pala sa kanilang dalawa. Ang cute nila, kinikilig din ako.
"Tangina mo!" malutong na mura ni Lorynn sabay sipa nang malakas sa kaliwang biniti ni Blue.
Agad itong napadaing sa sakit at nagpaikot-ikot na parang bata.
Tuwang-tuwa naman si July at tinutukso pa ang pinsan.
"Ilang beses ko bang sasabihin sa'yo NP na hanggang doon na lang 'yon. Kaya p'wede ba!" saad ni Lorynn kay Blue.
Galit ang boses ni Lorynn pero hindi ko nakikita ang galit sa mga mata niya. Ang nakikita ko rito ay takot. Pero bakit naman siya matatakot?
"She's afraid to fall in love again. I can see it in her eyes." Napasinghap ako sa boses na 'yon.
Nakakagulat naman 'to si July at bigla-bigla na lang bumubulong lagi sa tainga ko.
Pero paano niya nalaman ang nasa isip ko. May powers ba 'to?
Muli kong tinitigan si Lorynn at tama nga si July. Iyon nga ang takot na namumuo sa mga mata niya.
Naalala ko ang kinuwento nito sa'kin noon. Kung paano siya niloko at sinaktan ng dati niyang kasintahan. Kaya siguro ganito na lang ang takot niyang umibig muli.
"Sorry Lorynn. I'm really sorry, but don't worry 'cause this will be the last time. I'll not bother you again, I promise you that, just please..."
Hindi ko na narinig pa ang sunod na sinabi ni Blue rito dahil bumulong na siya. Ang bulong niyang 'to ngayon ay talagang mahina na.
Nakita ko ang biglaang pagbago ng ekspresyon ni Lorynn dahil sa huling sinabing 'yon ni Blue. Ano kaya 'yon?
Dahil din do'n ay pumayag na si Lorynn na sumama sa'min. Lalo tuloy akong na-curious kung ano ba ang sinabi ni Blue sa kaniya.
----
Alas dos na ng madaling araw nang makarating kami sa rest house nila July dito sa Batangas.
Halos malaglag ang panga ko sa sobrang ganda. Nasa tapat ito ng dagat.
Puti at pinong buhangin ang bumungad sa'min, at ang napakabangong simoy ng hangin na galing sa dagat.
Napakasarap din pakinggan ng malakas na alon. Talagang nakaka-relax ang lugar na ito. Mayroon din pang swimming pool sa harapan ng rest house.
Napalingon ako sa bahay at nakita ang naglalakihang glass wall nito. Ang sarap sigurong gumising sa umaga kapag ganitong tanawin ang bubungad sa'yo.
Habang abala pa sila sa pagbukas ng bahay ay umupo muna ako sa may bench na nakatapat sa dagat.
Malamim na buntong-hininga ang aking pinakawalan. "Ang sarap pagmasdan," saad ko sa sarili na may malawak na ngiti sa mukha.
Kitang-kita ko rin kasi mula rito ang nagkikislapan na mga bituin sa langit. Hindi tulad sa Maynila na isa o dalawa lang ang makikita, dito ay punong-puno ng bituin.
Buti na lang at sumama pala ako sa kanila. Kahit sa sandali man lang ito ay maginhawaan ang aking sarili.
Naalala kong mahal nga rin pala ni July ang dagat gaya ko. Kaya siguro dito niya naisipan na magpatayo ng bakasyunan.
Napalingon ako sa likuran ko nang mapansin na ilang minuto na pala akong nakamasid lang dito.
At paglingon ko ay wala na sila. Napakunot ako ng noo.
"Hindi man lang ako sinabihan ng mga 'yon na pumasok na sa loob," iiling-iling kong sambit sa sarili.
Tumayo na ako para pumasok na rin sa bahay ngunit napahinto ako nang mapansin na nakapatay pa rin pala ang mga ilaw.
"Nasa loob na ba sila? Bakit ang dilim pa rin sa loob?" Mas lumapit pa ako sa bahay at nakitang nakabukas na ang sliding door.
Biglang bumilis ang tibok ng puso ko at nakaramdamn ng hindi maganda. Nagpalinga-linga ako sa paligid.
"Hindi nakakatuwa, ha! H'wag niyo nga akong taguan!" sigaw ko para marinig nila kung saan sulok man sila nagtatago.
Ngunit wala pa rin tumugon sa'kin. Nanatiling tahimik ang buong kapaligiran at tanging alon ng dagat lamang ang maririnig.
Napalunok ako nang mariin. Binuksan ko ang flashlight ng aking cell phone at ginamit ito para magbigay liwanag sa'kin papasok ng bahay.
Dahan-dahan akong humahakbang habang patuloy na nililibot ang tingin. Namamasa na rin ang kamay ko dahil sa labis na kaba.
"A-ano ba! Lumabas na nga kayo... Hindi na ako natutuwa talaga!"
Tinutok ko ang liwanag ng flashlight sa may pader malapit sa hagdanan at nanlaki ang aking mga mata sa nakita.
Napahawak ako sa nakaawang kong labi saka unti-unting naramdaman ang pangingilid ng luha.
Mula sa madilim na bahagi ng bahay na 'to ay may lumabas na lalaking naliliwanagan ng kandila.
"Happy birthday to you! Happy birthday to you! Happy bithday, happy birthday... Happy birthday to you!"
"Happy birthday, Abree!"
Birthday ko? Oo nga pala October five ngayon. Never ko na kasing pinagdiwang ang kaarawan ko, at naging simpleng araw na lang ito sa'kin. Ngunit walang ibang nakakaalam ng birthday ko maliban sa mga taong malalapit sa'kin, ah?
Biglang lumiwanag ang buong paligid at may bumuhos na confetti.
Ang tatlong tao na kanina ko pang hinahanap ay nandito lang pala. Sinurpresa ako.
Tumambad sa'kin ang iba't ibang putahe na nasa malaking lamesa. May malaking letter balloons din na may nakalagay na Happy 20th Birthday Abree, at mga lobo na kulay ginto at itim sa paligid.
Hindi ko rin akalain na may mga petal ng rosas na napakalibot sa kinatatayuan ko ngayon. Naka-heart shape pa ito.
Pero ang pinaka-nagustuhan ko sa lahat ay ang makisig na lalaki na nasa harapan ko. Hawak-hawak niya ang paborito kong tiramisu cheesecake habang matamis na nakangiti sa'kin.
Nakapaskil na naman sa mukha niya ang ngiti na 'yan. Ang maganda at mapuputi niyang ngipin ay talagang binagayan ng kaniyang manipis at mapupulang labi.
Lalo pang lumakas ang appeal niya dahil sa suot niyang white long sleeves na nakataas hanggang sa kaniyang siko at naka-unbutton ang dalawang butones.
At heto na naman ang naka-brush up niyang mahabang buhok, bagay na bagay talaga sa matulis niyang jawline. Nakakagigil ka, July!
"Make a wish, my Abree," masaya niyang wika.
Tinatawag pa akong My Abree. Ano ba . . .
Napalingon muna ako sa dalawang nasa gilid namin na parehong kinikilig na rin.
Kanina lang ay kami ni July ang kinikilig sa kanila, ngayon naman ay sila.
Binaling ko ang tingin kay July at nakitang ngumuso ito sa cake. Napangiti ako saka pumikit upang humingi ng kahilingan para sa'king kaarawan.
Sana po, matapos na ang mga problemang kinakaharap ko ngayon nang hindi nadadamay ang mga taong mahal ko sa buhay. Salamat po.
Dumilat ako saka hinipan ang mga kandila. Kasabay ng pag-ihip ko ang pagsulpot ng makukulay na fireworks sa kalangitan.
Kitang-kita mula rito ang tanawin sa labas at ang mga paputok. Agad akong napatingin kay July.
Matamis siyang ngumiti ulit sa'kin. "Happy Birthday!"
Ang kanina ko pang nagingilid na mga luha ay tuluyan nang dumaloy sa'king pisngi.
Tumingkayad ako nang bahagya saka niyakap si July nang mahigpit.
Sobrang saya ng puso ko ngayon na animo'y gusto nang tumakas sa sobrang kakiligan at kasiyahan.
Ngayon ko lang kasi na-celebrate nang ganito ang birthday ko. Hindi ko ipinagbibigay alam sa iba ang kaarawan ko dahil ayaw kong sine-celebrate ito, dahil ang kaarawan ko ay malas.
Una, no'ng bata ako ay tinakbo sa ospital ang lola ko sa mismong kaarawan ko. Pangalawa, na-holdap ako sa mismong kaarawan ko. At pangatlo, naghiwalay sila Mama at Papa sa mismong kaarawan ko rin.
Kaya mula no'n ay hindi ko na pinagdiriwang pa ang aking birthday. Gusto kong maging normal na araw na lamang ito.
Ngunit ngayon ay pinaramdam sa'kin ni July kung gaano ka-espesyal ang araw na 'to. Pinaramdam niya sa'kin na dapat ay sine-celebrate pa rin ito.
Hindi ko akalain na ganito pala kasaya na mag-birthday. Ngayon ko lang naramdaman ang sayang ito para sa araw na 'to.
Niyakap niya ako pabalik kaya mas lalo ko pang hinigpitan ang pagyapos sa kaniya at sinandal ang ulo sa kaniyang balikat.
"S-salamat Yaw. I mean, salamat July. Maraming-maraming salamat," lumuluha kong wika.
Hinaplos niya lang ang likod ko bilang tugon. Naramdaman niya siguro ang pagpatak ng mga luha ko sa balikat niya.
"Kiss! Kiss! Kiss!" panunukso nila Lorynn at Blue.
Hanggang ngayon kasi ay nasa gilid pa rin namin sila at masaya kaming pinapanood.
Hinawakan ako ni July sa magkabila kong balikat saka nilayo ang katawan ko sa kaniya.
Nakangiti ang mga mata niyang tumitig sa'kin. Pinunasan niya ang mga luha ko sa pisngi gamit ang kaniyang palad.
Kahit na napunasan na niya itong lahat ay nanatili ang kamay niya na nakahawak sa mukha ko.
At dahan-dahan na nilalapit ang kaniyang ulo papunta sa akin.
Hindi ko alam pero napapikit na lang ako . . .
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top