Kabanata 1

Abree's POV

Nararamdaman kong magulo na ang aking nakalugay na buhok dahil sa patuloy na paghampas ng malakas na hangin sa'king likuran. Ang maiitim na ulap ay tila nagbabadya ng malakas na pag-ulan. Wala pa 'man din akong baon na payong ngayon, ngunit buti na lang at malapit na rin ako sa amin tahanan.

Nang makarating ako sa'min bahay ay hindi na ako nag-atubuli pang kumatok, dahil nitong mga nagdaang araw ay maaga nang umaalis si Mama ng bahay upang magtungo sa palengke at magtinda.

Salisi ang schedule namin ni Mama dahil siya ay nagtitinda sa araw at ako naman ay nagtatrabaho sa gabi sa isang call center company. Kaya naman minsan na lang kami kung magkita at magka-bonding.

Kinuha ko ang susi sa'kin sling bag saka pinasok ito sa doorknob bago ko ito pihitin. Pagbukas ko ng pinto ay bumungad sa'kin ang nakakabinging katahimikan ng aming tahanan. Maliit lang ito, ngunit ramdam mo ang kalungkutan sa munting tahanan namin. Sakto lang ang paupahan na bahay na 'to sa aming dalawa ni Mama, may dalawang maliit na kwarto, isang CR, sala at kusina. Wala kaming dining area dahil sa sala rin lang kami kumakain.

Ni-lock ko nang muli ang pintuan saka nagtungo sa aking kwarto. Isinabit ko ang suot-suot kong sling bag sa pakong nakausli sa likod ng pintuan saka hinubad ang aking kasuotan at nagpalit ng pambahay na damit.

Sinuklay ko ang lampas balikat kong dark brown hair at itinali ito. Naupo ako sa aking higaan at kinuha ang maliit na salamin. Kumuha rin ako ng bulak at nilagyan ito ng micellar water upang tanggalin ang make-up sa'king mukha.

Habang tinatanggal ko ito ay napansin ko sa aking mapupungay na mata ang paglalim ng aking eye bags, "GY shift pa more," sambit ko sa'kin sarili habang umiiling. Ibinaling ko na lamang ang aking tingin sa matangos kong ilong, makinis kong mukha at maninipis kong labi saka inilabas ang maganda kong ngiti, "Buti na lang at maganda ka, Abree," taas-noo kong pagpuri sa'kin sarili. Ganito na lamang ang aking self-confidence kapag ako lang mag-isa o kapag kasama ko ang mga taong komportable ako, dahil ang totoo ay mahiyain at tahimik talaga akong tao.

Tumayo ako upang ibalik ang mga gamit na nasa aking kamay saka itinapon ang aking sarili sa kama. Napabuntong hininga ako. Ang sarap talagang humilata 'pag galing sa trabaho.

Kinuha ko ang cell phone ko sa side table at binuksan ang Wi-Fi connection. Sunod-sunod ang mga notification na aking natatanggap, at karamihan ng ito ay galing sa Wattnote─isang website o app na kung saan ay malaya kang makakapagbasa ng mga libro at makakapagsulat ng sarili mong kwento.

Kung sa gabi ay nagtatrabaho ako, sa araw naman ay nagsusulat ako sa Wattnote. Ang sarap sa pakiramdam sa tuwing nakakatanggap ako ng mga positibong feedback galing sa'king mga mambabasa. Ang saya lang dahil nagugustuhan nila ang aking mga kwento, dahilan upang lalo akong ma-motivate na magsulat.

Matapos kong i-check lahat ng notification ko sa Wattnote ay nagtungo naman ako sa Messenger app. Nakita ko na may mensahe sa'kin si Bella─dati kong kaklase no'ng high school ako─walang alinlangan ko itong binuksan at binasa. Madali ko naman siyang ni-reply-an ng Oo, dahil ang tanong lamang nito ay kung nagsusulat daw ba ako sa Wattnote.

Wala pang isang minuto nang mag-reply ito sa'kin. Humihingi siya ng tulong na iboto ko raw siya sa isang competition sa Wattnote, wala naman kaso 'yon sa'kin kaya pumayag agad ako. May binigay siya sa'kin na link at isang code.

Sabi nito, pagkabukas ko raw ng link na 'yon ay papapiliin daw ako kung Reader o Writer, piliin ko lang daw ang Writer at didiretso na raw 'to sa paghingi ng code. I-type ko lang daw ang binigay niyang code sa'kin dahil iyon daw ang magsisilbing boto para sa kaniya.

Medyo nagtaka ako dahil parang kakaiba ang klase ng competition na ito, hindi tulad ng mga nakikita ko sa Wattnote. Pero dahil madali lang naman ang pinapasuyo niya sa'kin ay ginawa ko na lamang ito.

Matapos kong i-enter ang code na binigay sa'kin ni Bella ay bigla na lamang nag-glitch ang screen ng aking cell phone. Napabangon ako mula sa aking pagkakahiga at napakunot ang aking noo sa pag-aakala na nagloloko na naman ang cell phone ko dahil luma na ito, ngunit napasinghap ako at narinig ang paglakas ng tibok ng aking puso nang lumabas ito sa aking screen,

Welcome to Watthell

Tap here to continue

"Ano 'to!" tanong ko sa'king sarili. Gusto kong mag-back o lumabas dito ngunit walang ibang paraan, kahit ang power button ng aking cell phone ay hindi rin gumagana, kaya naman napilitan na lang akong i-tap ito gaya ng nakalagay dito.

Matapos ko itong pindutin ay may lumabas na thumb print sa gitna ng screen, at sa ilalim nito ay may loading bar. Dahan-dahan na napupuno ang bar na ito. Ilang sandali lamang ay natapos din ang paglo-loading nito.

"Oh, shit!" Napahawak ako sa nakaawang kong labi nang makitang lumabas ang lahat ng impormasyon ko. Ang aking mga balahibo ay siyang nagtayuan din dahil sa takot.

Ang buong pangalan ko, ang birthday ko, current at permanent address ko, maski ang buong pangalan ng nanay at tatay ko ay nakuha nito. At ang nakakatakot pa ay may picture ko rin ito. Kung hindi ako nagkakamali ay ang litratong ito ay nanggaling sa'kin NBI clearance.

"Shit! Shit! Anong ginawa mo Abree? Ano bang nangyayari? P-pa'no nakuha nito lahat ng impormasyon ko!" sunod-sunod kong tanong sa'kin sarili. Mas lalong bumilis ang pagtibok ng aking puso, hindi ko rin naramdaman na tumatagktak na pala ang aking pawis dahil sa labis na kaba.

Biglang sumagi sa aking isip si Bella, siya ang nagdala sa'kin dito. Babalik sana akong muli sa Messenger app para i-chat ito ngunit hindi pa rin ako makaalis sa website na 'to.

"Bwiset! Ano bang klase 'to?" inis kong sambit muli. Ni-click ko na lamang ang next button at nang lumabas ang Terms and Conditions ay madali ko rin pinindot ang agree button. Napamura ako nang mapagtanto kong hindi ko man lang binasa ang Terms and Conditions, baka mamaya pala ay kung ano nang nakasulat doon at basta na lang akong nag-agree.

Padabog kong kinamot ang aking ulo at ginulo ang aking buhok, "Napakatanga mo talaga, Abree!"

Ibinaling kong muli ang aking pansin sa cell phone ko. Nanlaki ang aking mga mata sa nakita. Nasa Wattnote na ko ngayon. Pero hindi, kakaiba ito, parang ibang bersyon ito ng Wattnote.

Iba ang logo rito, imbis na W ay WH ito. Naka-on din lang ang dark mode nito at bawal baguhin. Ang profile picture at background picture ko ay gano'n pa rin. Ang mga akda ko ay narito rin ngunit hindi ko ito nabubuksan. Nawala ang reading list ko, followers at following, at ang username ko ay ang buong pangalan ko na.

Mayroon din itong homepage kung saan ay makikita ang mga iba't ibang libro, ngunit parang iisa lang ata ang genre ng lahat, at ito ay Mystery/Thriller at Horror. Katulad ng mga story ko ay hindi ko rin maaaring basahin ang story ng iba. Hindi ko alam kung dahil ba pinili ko ang Writer sa umpisa kaya bawal na akong magbasa. Ang unfair naman nito.

Sinubukan kong hanapin kung pwede ba akong magpalit as Reader at nakita ko 'to sa settings. Pinindot ko ito ngunit napakunot lang ang aking noo dahil hinihingan ako nito ng account number. Hindi na lang ako tumuloy at nanatili na lang as writer.

Pumunta ako sa Create/Edit A Story section ngunit hindi ako nito pinahintulutan. Nakalagay dito na kailangan ko munang tumanggap ng Task Offer bago makapagsulat. Napangiwi ako at tila hindi maintindihan ang pinagsasabi nito.

Ayoko nang usisain pa ang website na 'to. Napagdesisyunan ko nang i-delete ang account ko dahil may Wattnote naman ako at dahil may pagka-weird din kasi 'tong website na 'to.

Nagtungo akong muli sa settings upang hanapin naman ang delete account. Halos limang minuto na 'kong nagkakalkal ng settings nito ngunit hindi ko talaga ito makita.

Nababalisa na 'ko. Hindi mapalagay ang aking kamay─kamot sa ulo, sabunot sa buhok at halos kagatin ko na rin ang aking hintuturo─dahil kahit ang log-out ay hindi rin matatagpuan sa website na 'to.

Ano ba talaga 'tong pinasok ko? Ok lang sana kung walang nakuha na kahit na anong impormasyon ko, ngunit hindi e, dahil halos lahat ng impormasyon ko ay siyang nakuha nito.

Nakahinga naman ako nang maluwag nang makitang gumagana na ang back at home button. Dali-dali akong nagtungo sa Messenger upang itanong ang lahat ng ito kay Bella, ngunit ito ang tumambad sa akin,

You can't reply to this conversation

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top