CHAPTER 007 - Learn More


"NAGLUTO KA?" manghang tanong ni Susie nang sa pagpasok nito sa kusina ay inabutan si Lawrah na may isinasandok na sabaw mula sa cooking pot. Inililipat nito iyon sa porcelain bowl na nakapatong sa tabi ng electric stove.

"Sana po ay hindi kayo magalit sa pangingialam ko sa kusina," banayad na wari ni Lawrah na sandali lang nilingon si Susie bago ibinalik ang pansin sa ginagawa.

"Ay, naku, hindi ah. Sinabi ko naman sa 'yo na kapag gusto mong kumain ay magluto ka lang. Ano 'yang niluto mo? Karne ng baka ba iyang naaamoy ko?"

"Tama po kayo. Ilang araw na po kasing nariyan ang beef cutlets sa freezer; pinakialaman ko na po."

"Hay, Lawrah. Buti na lang at nagluto ka dahil susme, ang sakit na ng likod ko mula sa maghapong pag-upo sa harap ng mga manure. At kapag ganitong manure ang inatupag ko buong araw ay na-order na lang ako ng pagkain namin ni Sir Aris. Tamang-tama pala ay hindi ko na kailangan pang um-order para sa kaniya. O, siya. Ihanda mo na ang mesa at maliligo lang ako, ha?"

Akmang tatalikod si Susie nang muli siyang lumingon at tawagin ito. "Kakain kaya si Sir Aris nito?"

"Kakain 'yon ng kahit ano basta masarap."

Tumango siya at hinayaan si Susie na magpatuloy sa pag-alis. Nang makita itong pumasok sa banyo ay saka niya tinapos ang pagsandok saka dinala ang bowl sa mesa. Matapos iyon ay kumuha pa siya ng panibagong bowl, mas maliit, para naman kay Aris.

Hiling niya'y magustuhan nito ang luto niya para kahit makuha na niya ang interes nito. Isa iyon sa mga epektibo niyang paraan para gapangin ang loob ng mga naging targets nila ni Dexter.

Kailangan na niyang magmadali. Sa loob ng isang linggo ay kailangan niya itong bigyan ng desisyon tungkol sa psych evaluation test na ini-suhestiyon nito. Hindi niya iyon maiwasan. Kung may maiisip siyang dahilan para hindi sumailalim sa ganoon ay mainam sana. Kung magawa naman niyang pigilan ang pagkagulat para makombinsi itong kinailangan lang niyang masanay, mainam din. Magkaganoon man, kailangan niya ng back up.

At ito ang back up niya.

Ang unti-unting pag-gapang niya sa isip nito.

Dahil sa loob ng dalawang taong ginagawa niya ang bagay na ito ay napagtanto niyang iisa lang ang kahinaan ng mga lalaki.

Babaeng maalaga at maasikaso.

Kapag nagawa niya nang tama ay siguradong bibigay rin si Aris tulad ng mga naunang lalaking naging target nila.

Kapag nangyari iyon ay magagawa na niyang pasukin ang bahay nito.

At mayroon lang siyang isang linggo upang maisakatuparan iyon.

Napabuntonghininga siya.

Malabo ang isang linggo sa katulad ni Ariston Ghold. Kailangan niya ng mas mahabang panahon.

Mukhang kailangan talaga niyang takasan ang psych evaluation test na sinasabi nito...

Sandali niyang ibinaba ang hawak na bowl saka nilingon ang hallway palabas ng reception area. Kapag ganoong oras ay lumalabas na ng opisina si Aris para lumipat sa bahay nito sa likod na tanging ito lang at si Susie ang may access. Ayaw niyang magulat sa bigla nitong pagsulpot, kaya in-antabayanan niya ang pagpasok nito.

Mag-iisang linggo na rin siya roon at saulado na niya ang araw-araw na schedule ni Aris. At sa loob ng isang linggong iyon ay hindi niya kailanman nakasabay itong kumain. Maliban kasing lumalabas ito sa gabi ay kaagad na itong lumilipat sa bahay nito pagkasara ng shop. Ayon kay Susie ay madalang itong kumain sa gabi. Kapag pagod lang o hindi nakakain ng tanghalian.

Sa araw na iyon ay hindi ito kumain ng tanghalian. At kanina lang ay nagsabi si Susie na plano nitong um-order ng pagkain para kay Aris kung hindi lang siya nakapagluto kaagad. Ibig sabihin ay matitikman ni Aris ang luto niya.

At siguradong magugustuhan nito iyon. At kapag nagustuhan nito ay baka sumabay na ito sa pagkain sa kanila ni Susie...

Nakahain na siya at naayos na ang mesa nang bumalik si Susie sa kusina– nakapaligo na at nakabihis ng T-shirt at pajama. Naka-balot pa ng towel ang basang ulo – kahit sobrang iksi naman ng buhok – at may mask sa ilong. Naupo ito sa harap ng mesa at muling inamoy ang pagkaing nakahain.

"Ang bango, Lawrah. At mukhang kompledo-rekado 'to, ah?"

"Tamang-tama po kasi na may mais din sa fridge."

"Ah, oo. Noong nakaraang linggo ko pang dala iyon pero hindi ko maluto-luto dahil wala pang sugpo at alimango. Plano ko sanang isahog 'yon sa mixed seafood na lulutuin ko." Naupo ito sa harap ng mesa.

Naupo na rin siya at sinulyapan ang tray na ipinatong niya sa dulo. Nasa ibabaw ng tray ang isang mangkok ng sabaw at mga kubyertos. "Ang iyon ay para kay Sir Aris. Kung pagod ka ay... ako na ang maghahatid."

Sumunod ang tingin ni Susie sa itinuro niya. "Naku, eh nakalimot ka na yata na hindi ka pwedeng pumasok doon sa kabila?"

Napakurap siya; nagpanggap na nakalimot. "Ah, oo nga po pala. Bakit po... ganoon ang sistema ni Sir Aris? May mahalagang bagay ba siyang itinatago roon para..."

Bumungisngis si Susie. "Para kasi sa kaniya ay pribadong lugar ang tahanan. Kung hindi ka parte ng pamilya ay hindi ka pwedeng pumasok doon sa glass house. Kahit nga mga kliyenteng naging kaibigan na niya ay hanggang sa receiving area lang ng shop, eh. At oo, naroon sa glass house ang mahahalagang mga bagay para sa kaniya, kaya nga may security camera na ni-install iyon sa paligid ng bahay. At sinasabi ko ito sa 'yo dahil alam kong isa sa mga araw na ito ay may darating na... babae."

"Babae?"

"Tama. Eh, alam mo kasi itong amo natin, masyadong... palikero. Minsan ay gino-ghost ang mga babaeng nakaka-fling, at kapag nahanap ng babae ang shop ay nagpupumilit na pumasok at makaharap si Aris. May isang beses na may nakalusot at umabot hanggang backdoor. Buti na lang at nahabol ko. Kapag nangyaring may dumating dito at wala si Sir Aris, paalisin mo na kaagad, at h'wag na h'wag mong hahayaang lumampas ng backdoor at umabot hanggang sa kabilang bahay dahil tayo ang malilintikan kay Sir."

"N-Naiintindihan ko."

Napasulyap si Susie sa wall clock na nakasabit sa pader ng kusina. "Itabi mo na lang siguro 'yang sabaw at initin na lang natin mamaya. Hindi pa kasi yata siya dumarating."

Kinunutan siya ng noo. "Wala ba rito ngayon si Sir Aris? Hindi ba at bukas pa ang–"

Bumungisngis muli si Susie bago nag-umpisang kumuha ng sabaw mula sa bowl. "Alam na alam mo na rin ang schedule ni Sir, ah? Isang linggo ka pa lang at nasaulo mo na ang mga lakad niya. Umalis siya saglit para dalawin ang bagong tayong zen garden ng isa sa mga kliyente niya. Para kay Sir Aris ay kasama iyon sa responsibilidad niya bilang supplier ng mga halaman. Ganoon siya ka-dedikado sa negosyo niya."

Tumango lang siya at sinulyapan ang inihanda niyang bowl ng sabaw.

"Nga pala. Nabanggit ni Sir na mabilis kang matuto at maayos magtrabaho. Wala naman siyang problema sa 'yo maliban sa pagiging nerbyosa mo na hindi naman malaking bagay kung tutuusin, pero gusto niyang ipatingin ka para hindi ka habang-buhay na ganiyan. O, di ba? Saan ka nakakita ng amo na ganiyan ka-bait?"

Tama si Susie. Mabait na amo si Aris. Sayang lang at iba ang dahilan kaya siya nagtrabaho rito. At mukhang... mag-iiba na rin ang tingin nito sa mga bagong staff dahil sisirain niya ang tiwala nito.

Matagal siyang natahimik at pinanatili ang tingin kay Susie na ngayon ay nag-umpisa nang kumain. Nasa kalagitnaan ito ng pagsubo nang muli niyang kunin ang pansin nito.

"N-Nga pala, Susie... Pwede ba akong magtanong ng tungkol kay... Sir Aris?"

"Pwede naman." Hindi na ito nakatiis at kinamay na ang buto ng baka. "Pero depende sa uri ng tanong mo. Kung tungkol sa trabaho ay okay lang, pero kung personal ay hindi pwede."

"P-Personal?" Pero ang personal na mga detalye tungkol sa kaniya ang kailangan ko...

"Personal tulad ng... ano ang tipo niya sa babae. Anong pagkain ang gusto niya, anong uri ng babae ang dine-date niya, o anong size ng brief niya, ganoon. Hindi pwede iyon dahil kapag nalaman niyang nagtatanong ka ng ganoong personal na mga detalye ay paaalisin ka non." Kinagat ni Susie ang karne mula sa buto saka ninguya. At habang ngumunguya ay saka ito nagpatuloy. "Kasi, 'di ba nga nabanggit ko na sa 'yo na ayaw niyang nagpapakita sa kaniya ng interes 'yong mga staff niya? At kung magtatanong ka ng tungkol sa personal na bagay, ibig sabihin ay interesedo ka sa boss natin. At ayaw ni Sir Aris na unang magpakita ng interes sa kaniya ang mga babae– lalo kung isa sa mga empleyado niya. Eh sa akin, safe 'yon dahil katulong na nila ako dati pa sa bahay nila. At isa ako sa mga nag-pahid ng sipon no'n noong bata pa siya, at isa ako sa mga inutusan niya noong teenager pa lang siya na bumili ng condom para– ay, ano ba 'yan! Ang dami ko nang sinasabi!" Sumubo ng kanin si Susie at muling ngumuya. Itinuon nito ang tingin sa kaniya. At habang puno pa ang bibig ay nagpatuloy ito sa pagkuwento. "Kalaunan din naman ay makikilala mo siya nang husto, hindi mo kailangang magtanong. Madaling pakisamahan 'yon at sobrang bait. Kita mo nga, iilang araw ka pa lang dito ay handa na siyang tulungan ka para umayos ang pakiramdam mo. Pero sige, pagbibigyan kita. Ano ba ang gusto mong itanong?"

Napayuko siya at muling ibinaling ang pansin sa plato niyang wala pang laman. "G-Gusto ko lang siyang pasalamatan sa... pag-aalala niya sa kondisyon ko. Sa tingin ko naman ay hindi ko kailangan ng therapy dahil... wala naman talaga akong trauma. Nagugulat lang talaga ako sa kaniya dahil... ang tahimik niyang kumilos at bigla na lang siyang magsasalita sa likuran ko. Sino ang hindi magugulat?"

"Pero Lawrah..." Ibinaba ni Susie ang hawak na buto ng baka. "Binanggit ni Sir na sinaktan ka ng kuya mo at na baka isa iyon sa mga dahilan kaya ka laging nine-nerbyos. Tingin ko rin ay may trauma ka at kailangan mo iyong ipatingin."

"Maniwala ka, Susie. Wala talaga. Magkasundo kami ni Dexter at... at nasasaktan lang niya ako kasi... b-bastos akong sumagot."

"Kahit na. Anong klaseng lalaki ang nananakit sa babae?"

"Salamat sa pag-aalala ninyo, pero okay lang talaga ako. Hindi ko kailangan ng therapy. At... nagpapasalamat ako sa pag-aalala ni Sir Aris, at dahil doon ay gusto ko sana siyang pasalamatan. May... mga pagkain ba siyang gustong kainin madalas? Gusto ko sana siyang ipagluto bilang pasasalamat."

Sandali siyang tinitigan ni Susie bago ito nagkibit-balikat at ibinalik ang pansin sa pagkain. "Mangingialam ka na naman sa kusina ko, ganoon?"

Napangiwi siya saka napakagat-labi. Pailalim niyang sinulyapan si Susie na maganang kumain. "K-Kung hindi mo ikagagalit..."

"Okay lang, basta masarap ang iluluto mo. Paborito ni Sir ay honey orange chicken BBQ."

"Honey...ha?"

Nilunok muna ni Susie ang pagkaing nasa bibig bago sumagot. "Kung hindi mo pa napapansin, mahilig si Sir Aris sa orange. Walang ibang prutas na kakainin 'yan maliban sa oranges. Ang paborito niya laging niluluto sa kaniya ng Ma nila ay ang honey orange chicken BBQ. Gustong-gusto niya 'yon."

"P-Pwede ko bang hingin ang recipe?"

"Pwede naman, kaso, kung gusto mo talaga siyang pasalamatan sa paraang alam mo, bakit hindi mo subukang magluto ng ibang putahe na may orange? Lagi ko namang niluluto sa kaniya kasi iyon, hindi lang sa linggong ito dahil pansin mo naman, sunud-sunod ang dating ng mga kliyente niya at laging nasa opisina para asikasuhin ang mga emails mula sa mga suppliers. Itong linggo kasi ang dating ng bagong supply ng mga bulaklak mula sa Belgium kaya lagi siyang abala at nagpapalipas na lang ng gutom. Hindi rin nakain ng tanghalin 'yon, tamang gatas at orange lang. Pansin mo naman, 'di ba?"

Tumango siya.

"Maghanap ka ng recipe sa internet, kahit ano na may kahalong orange, kakainin non. Citrus at matamis– iyon ang panlasang gusto niya. Ayaw niya ng maalat at maanghang kaya h'wag kang maglalagay ng ganoon sa pagkain. Mahilig din siya sa sabaw kaya papasa itong bulalo mo." Akma itong susubo nang may maalala. "Ay, oo nga pala. Ayaw niya sa prito o kahit anong mamantika. Magagalit 'yon 'pag hinainan mo siya nang ganoon."

Muli siyang tumango at tinandaan ang lahat ng mga sinabi ni Susie.

Ilang sandali pa'y nag-umpisa na rin siyang kumuha ng sabaw at maglagay sa maliit na mangkok na katabi ng plato niya. Matapos niyang maglagay ng pagkain sa pinggan niya ay saka naman sumulpot sa kusina si Aris.

Natigilan siya at napatingin dito.

Si Aris ay nakapamulsang naglakad palapit sa mesa. Tahimik ang mga hakbang, ang tingin ay nasa nakahain. At dahil nakataikod si Susie ay hindi nito napansin ang paglapit ng amo at ang pagtabi nito.

"That looks delish," ani Aris na ikina-igtad ni Susie sabay ubo. Sa pagkagulat nito'y bigla ito nabilaukan.

Taranta siyang tumayo at binigyan ito ng tubig mula sa pitsel na inihanda na rin niya kanina pa. Kaagad na tinanggap ni Susie ang baso at nilagok ang laman. Nang umayos niya ang pakiramdam nito'y marahas nitong nilingon si Aris na napangisi.

"Ano ka ba, nanggugulat ka, eh!"

"Come on now. You know I always move in silence."

"Ewan ko sa 'yo, muntik ko nang malunok ang buto ng bakang sinipsip ko." In-ismiran nito si Aris na lumapad ang pagkakangisi. "Kaya lumalala 'yang nerbyos ni Lawrah dahil sa 'yo, eh."

Binalingan siya ni Aris sa naturan ni Susie. Ang ngisi nito'y nagmaliw.

Hinintay niyang may sabihin ito, pero nanatiling tahimik na nakatingin lang si Aris sa kaniya bago ito nagbaba ng tingin at binalingan ang malaking bowl ng sabaw. Muling umaliwalas ang mukha nito.

"I didn't know you're cooking tonight, Susie. Akala ko ay mag-o-order ka na lang?"

"Si Lawrah ang nagluto niyan. May itinabi kami para sa 'yo at mainit-init pa dahil kakahango lang niya. Sabay ka na ba sa amin?"

Nalipat ang tingin ni Aris sa tray na nasa dulo ng mesa. Matagal itong napatitig doon bago muling ngumiti at ibinalik ang pansin sa kaniya.

"Thanks for cooking, Lawrah. Pero hayaan mo nang si Susie ang maghanda ng pagkain dahil abala ka rin sa buong araw na pag-aasikaso mo sa mga dumating na kliyente."

Akma siyang sasagot at sabihin ditong walang problema sa kaniya nang mabilis na nagbawi ng tingin si Aris at muling niyuko si Susie. Tinapik nito sa balikat ang kasambahay saka nagsabing, "Sa 'yo na ang parte ko; pakabusog ka. Maliligo lang ako at aalis na rin."

Napaangat ng tingin si Susie. "Alis ka ulit?"

"Yeah. I'm heading out to meet Leila. Bukas ng gabi na ako uuwi."

Hindi na nakasagot pa si Susie nang tumalikod na si Aris. Kahit siya at nakasunod lang ang tingin sa malapad na likod ng amo habang naglalakad ito patungo sa backdoor. Nang makalabas na ito'y saka niya binalingan si Susie na napaismid lang at itinuloy na ang pagkain.

"Leila?" aniya.

"Naku 'day, h'wag mo nang tandaan ang pangalan ng mga babaeng binabanggit niyang amo natin dahil sa susunod na linggo'y ibang pangalan naman ang maririnig mo. May ilan siyang binabalik-balikan, pero hanggang tatlong beses lang at magpapalit din. Iyon ang mga babaeng pumupunta rito. Iniisip kasi na kesyo naka-tatlong date sila eh may relasyon na kaagad. Nalulungkot ako para sa mga babaeng iyon, pero wala eh. Kay Sir Aris pa rin ang loyalty ko kahit parang ogag 'yon pagdating sa pambababae. Sige na, kumain ka na rin."

Muli ay hindi na siya nagkomento pa at tahimik na lang na sumubo. Pero ang isip niya ay naglalakbay na sa kung saan.

Kung hindi pumipirme ang mga babae sa buhay ni Aris... ano ang gagawin niya upang mangibabaw siya at maisakatuparan ang mga plano?



***


A/N


Please be informed that the full story will be exclusively posted on my VIP group. I will be posting the first few chapters on Wattpad here and there, but if you wish to be updated with the current chapter, you will have to join the VIP group.

If you have inquiries, just let me know. 

Membership fee applies.

Thank you!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top