CHAPTER 001 - Angel From Hell
TATLONG MINUTO.
Tatlong minuto raw ang kailangang hintayin bago lumabas ang resulta mula sa hawak niyang pregnancy test kit. Iyon ang sabi ng nakasulat sa likod ng pakete.
Tatlong minuto...
Iyon na yata ang pinaka-mahabang tatlong minuto ng buhay niya. Pakiramdam niya'y hindi siya makahinga sa paghihintay. Pakiramdam niya'y tatakasan siya ng ulirat habang pinagmamasdan ang maliit na parihabang device na siyang magko-kompirma ng tadhana niya.
Itinaas niya ang kamay at gamit ang palad ay pinunasan niya ang pawis sa noo. Hindi niya namalayang sa labis na pangamba ay pinagpapawisan na siya nang malapot. Napaatras siya at sumandal sa pader ng banyo na nakatapat sa salaming nasa ibabaw ng lababo. Niyakap niya ang sarili saka muling itinaas ang isang kamay saka inumpisahang kagatin ang kuko sa hinlalaki.
Ramdam niya ang malakas na pagkabog ng kaniyang puso. Ramdam niya ang bawat pagpitik ng ugat mula roon. Tila may kung anong mabigat sa kaniyang dibdib na hindi niya mawari. Parang may sasabog mula sa kaloob-looban niya anumang sandali.
Mariin niyang ipinikit ang mga mata.
Hindi pa siya handang maging ina. At sa tingin niya ay kailanman, hindi siya magiging handa para sa ganoon ka-laking responsibilidad.
Hindi para sa kaniya ang pagkakaroon ng anak. Hindi para sa kaniya ang magkaroon ng ganoong buhay.
Hindi nga niya kayang buhayin at ipagtanggol ang sarili niya, ang magiging anak pa kaya niya?
Nakadepende lang din siya kay Dexter, at kung wala ito ay baka sa kalsada siya pupulutin.
Kung ang resulta ng test ay positibo, kailangan niyang mag-desisyon kaagad bago pa unang maka-gawa ng desisyon si Dexter. Hindi niya pwedeng hayaan na ito ang magpasiya para sa magiging anak niya kung saka-sakali. Hindi niya alam ang takbo ng isip nito. Ang alam lang niya ay walang mahalaga rito kung hindi ang kapakanan at kaligayahan nito. Hindi ito papayag na magbuntis siya. Wala siyang pakinabang rito kung magdadalangtao siya.
Oh, lalo siyang nangamba.
Paano kung sabihin ni Dexter na ipalaglag niya ang bata? Kaya ba niyang pumatay? Kaya ba niyang pumatay ng sarili niyang dugo't laman?
Hindi. Hindi niya pwedeng gawin iyon.
Kung positibo man ang maging resulta ay kokombinsihin niya si Dexter na pagbigyan siyang isilang ang bata, at kapag nakapanganak na siya ay iiwan niya ang sanggol sa bahay-ampunan. Kailangan lang na habang hindi pa malaki ang tiyan niya'y makahanap sila ng sunod na target na gagatasan nila para mabuhay sila sa loob ng ilang buwan.
Tutal, hindi niya kayang maging ina at bumuhay ng sanggol, mas maiging sa bahay-ampunan ito mapadpad kaysa ang magdusa kasama siya.
Ipinanganak na siyang malas. Habangbuhay siyang magiging malas. Kung saka-sakaling positibo ang resulta ng pregnancy test, hindi niya idadamay ang magiging anak niya sa kamalasan ng buhay niya, kaya nararapat lang na sa bahay-amponan ito lumaki.
Siyempre, kahit pa hindi niya gusto ang pagbubuntis na iyon at hindi niya mahal ang lalaking nakabuntis sa kaniya, ay may pakialam pa rin siya sa magiging anak niya.
"Raya, ano ba?! Kanina ka pa r'yan sa loob ng banyo!"
Napa-igtad siya sabay lingon sa pintong gawa sa plywood nang marinig ang sunud-sunod na pagkatok ni Dexter mula sa labas. Naka-lock ang barrel bolt mula sa loob kaya hindi iyon magawang buksan ng nasa labas.
"M-Malapit na," sagot niya sa nanginginig na tinig. Boses pa lang ni Dexter ay natataranta na siya.
Si Dexter ay alam ang dahilan kung bakit naroon siya sa banyo at nagkukulong.
"Bilisan mo na at kailangan na nating umalis! Darating na si Delia ay maniningil ng upa, siguradong may kasamang mga tanod 'yon kaya bilisan mo na bago pa tayo abutan!"
Sinapo niya ang ulo sa konsomisyon. Isa ito sa mga dahilan kung bakit hindi siya andang maging ina.
Wala siyang sariling bahay. Sila ni Dexter ay palipat-lipat lang ng apartment na tinitirhan sa loob ng dalawang taon simula nang mamatay ang mga magulang nila sanhi ng aksidente sa barko. Papuntang Davao ang mga ito upang magbakasyon nang lumubog ang barkong sinasakyan. Sa mahigit dalawang daang pasahero, wala pa sa bente ang nakaligtas. Sa kasamaang palad, hindi kasama ang mga magulang nila ni Dexter sa bilang na iyon.
At simula niyon ay naging ulila na silang lubos. Nasa ikatlong taon siya ng kolehiyo noong panahong iyon at napilitang huminto dahil kailangan. Si Dexter naman ay hindi nakapagtapos at walang makuhang matinong trabaho dahil noong nasa unang taon ng kolehiyo ito ay maraming gulong kinasangkutan dahilan kaya namarkhan ang record.
Ang bumuhay sa kanila sa loob ng anim na buwan ay ang perang tinanggap nila sa pagbenta ng townhouse. Nang maubos iyon ay napilitan silang kumapit sa patalim.
Nag-umpisa silang manloko ng tao. Magnakaw, manlinlang.
Napilitan siyang...
"Ano ba, Raya?!"
Napa-igtad siya nang muling marinig ang pagsigaw ni Dexter. Tuwid siyang tumayo at nilapitan ang PT na nakapatong sa sementadong lababo. Lumampas na ang tatlong minuto kaya siguradong may resulta na siyang makukuha.
Sa nanginginig na mga kamay ay ini-angat niya ang PT at tiningnan ang resulat.
Isang pulang guhit.
"Oh!" Para siyang nabunutan ng tinik sa dibdib nang makita ang negatibong resulta.
Bitbit ang PT test ay lumabas siya ng banyo, sa tapat ng pinto ay naroon si Dexter na pulang-pula ang mukha sa inis.
Ang saya niya sa negatibong resulta ay kaagad na nagmaliw sa nakitang anyo ni Dexter. Hindi niya gusto ang anyong iyon.
May trauma siya roon.
Sa tuwing ganoong ang itsura ni Dexter ay alam niyang... dila lang niya ang walang latay.
"Akin na 'yan!" Hinablot nito mula sa kaniya ang PT at sinuri. Nang makita nito ang resulta ay kung papaano na lang nito iyong inihagis sa sahig saka siya hinawakan sa braso at hinila. "Sa susunod ay mag-iingat ka nang sagayon ay hindi tayo nagpa-praning! Kapag nabuntis ka ay papaano tayo mabubuhay?! H'wag mong kaligtaan na inumin ang pills mo, tonta!"
Bahagya siyang napangiwi sa higpit ng pagkakawak nito. Pero kahit na nakaramdam siya ng sakit ay hindi niya magawang bawiin ang kamay mula rito. Hindi niya gustong subukan, dahil ayaw niyang lalong galitin si Dexter.
"A-Araw-araw ko namang iniinom ang pills, kaya lang ay—"
"Kaya lang ay tonta ka!" Patulak siya nitong binitiwan. "Alam mong hindi ka pwedeng magbuntis! Kapag nagbuntis ka ay wala tayong kakainin sa loob ng ilang buwan! Iyong huling pinasukasan mo ay nawalan ng silbi dahil nahuli kang kumukupit ng pera— kung hindi ka ba naman kasi tanga!"
Sanay na siya sa masasakit na salitang lumalabas sa bibig ni Dexter, kaya balewala sa kaniya ang mga binitawan nito. Kahit noon pa ay ganoon na ito sa kaniya. At sanay na rin siya sa lahat ng klase ng sakit na idinudulot nito sa kaniya. Magkaganoon man, kahit sanay na siya'y hindi pa rin niya maiwasang mapa-piksi sa bawat pagsinghal nito, at sa bawat masasakit na salitang ibinabato nito sa kaniya.
"H-Hindi na mauulit," aniya sabay yuko. "N-Nagkataon lang talaga na... delayed ang dating ng dalaw ko ngayong buwan kaya nag-panic ako..."
"Manahimik ka na! H'wag ka nang sumagot pa!" Tumalikod ito at nilapitan ang dalawang traveling bag na naghihintay sa ibabaw ng katreng gawa sa kawayan. Kinuha nito iyon ay inihagis sa harapan niya. "Dalhin mo na ang mga ito at naghihintay na ang tricycle sa labas!"
Humakbang si Dexter patungo sa pinto ng apartment. Subalit bago ninto marating iyon ay muli siyang nagsalita.
"S-Saan tayo sunod na pupunta, Dexter?"
Huminto ito at lumingon. "Sinabi ko na sa 'yong sa bayan ng San Rafael, hindi ba? Nakikinig ka ba kapag kinakausap kita o talagang mahina lang 'yang utak mo?"
"N-Nasabi mong sa San Rafael tayo pupunta, pero hindi mo nabanggit kung sino ang papasukin natin at kung ano ang plano—"
Pumihit pabalik si Dexter at bago pa niya nahulaan ang gagawin nito'y nakapulupot na ang kamay nito sa leeg niya. Napatingala siya at sinalubong ang medyo namumulang mga mata nito.
"Hindi ito ang unang beses na gagawin mo ito, kaya alam na alam mo kung ano ang plano. Humagilap ka ng mahahalaga at mamahaling bagay na pwede mong kunin sa bahay ng susunod nating target. Ganoon ka-simple. At kung magawa mo siyang huthutan ay mas mainam. At kung kailangan gamitin mo muli ang katawan mo para makuha mo ang kailangan natin ay gawin mo—ganoon ang plano!"
Mariin siyang napalunok, at dahil mariin nitong hawak ang kaniyang leeg ay hindi rin siya nakasagot sa sinabi nito.
"Dalhin mo na ang mga bagahe sa baba at wala nang maraming tanong!" Muli ay patulak siya nitong binitiwan dahilan kaya napa-atras siya na muntik pa niyang ikatumba. Tumalikod si Dexter at itinuloy ang paglabas.
Nagpakawala siya nang malalim na paghinga saka sinulyapan ang dalawang malaking traveling bag na inihagis ni Dexter ilang dipa mula sa kinatatayuan niya.
Dahil kay Dexter ay natuto siyang magtrabaho nang mabibigat. Kung sa ibang mga babae ay hindi kakayanin ang dalawang malalaking traveling bag na iyon, subalit siya ay kayang-kaya niya. Sanay na siya. Kung gugustuhin niya ay kaya niyang buhatin ang kalahating sako ng bigas sa kabila ng payat niyang pangangatawan.
Humakbang siya patungo sa mga bag at isa-isang binuhat. Puro halos mga gamit ni Dexter ang naroon, at kakaunti lang ang sa kaniya. Naging alipin na siya nito simula noong mamatay ang mga magulang nila.
Inuna niya ang isang puno ng mga gamit ni Dexter at pumihit na patungo sa pinto. Nasa kalagitnaan siya ng paglalakad nang mapasulyap sa PT na inihagis ni Dexter sa sahig. Nahinto siya nang sandali at nagpakawala nang malalim na paghinga bago nagpatuloy.
Buti na lang talaga.
Buti na lang talaga hindi siya nagdadalangtao.
Dahil hindi niya alam kung may kinabukasang naghihintay sa magiging anak niya kung saka-sakali. Hindi niya alam kung ano ang kahihinatnan nilang dalawa.
Makalipas ang ilang sandali ay naibaba na niya ang dalawang traveling bags at ini-sakay sa trunk ng naghihintay na taxi sa ibaba. Naupo siya sa front seat habang si Dexter naman ay solo sa likod. Nagsindi ito ng sigarilyo at hinayaang bukas ang bintana.
Tatlong oras makalipas ay narating nila ang bayan ng San Rafael. Sa sentro mismo nagpahatid si Dexter. Ilang sandali pa ay huminto ang kotse sa harap ng isang... bahay?
Inalis niya ang pagkakakabit ng seatbelt sa katawan at bahagyang inilabas ang ulo sa bintana ng taxi upang suyurin ng tingin ang lugar na hinintuan nila.
Isa iyong elevated area na sa unang tingin ay parang residence place. Ang gate sa harapan ay may arko sa itaas—ang bakod ay gawa sa magkakadikit na kawayan na dalawang metro ang taas. Mula sa labas ay makikita ang nagtataasang puno sa loob ng bakod, at sa bakod mismo ay may halamang baging na nakasabit.
Ibinalik niya ang pansin sa arko na nasa ibabaw ng gate. Doon ay may nakasulat na,
GHOLD'S GARDEN
Kinunutan siya ng noo.
"D'yan ka papasok bilang bagong staff," ani Dexter na muling nagsindi ng yosi.
Napalingon siya nito. "Ano ang... gagawin ko?"
Binuksan ni Dexter ang pinto at lumabas. Inisara muna nito ang pinto bago humakbang patungo sa harap ng gate. Sumunod siya.
Nang sa tingin ni Dexter ay ligtas na silang makapag-usap nang hindi naririnig ng taxi driver na naghihintay sa loob ng taxi ay humarap ito sa kaniya at muling nagsalita,
"Kung ano ang gustong ipagawa sa 'yo ng target, iyon ang trabahong gagawin mo." Bumuga muna ito ng usok bago nagpatuloy. "Sa likod ng shop ay naroon ang bahay ng may-ari ng shop na 'yan. Pinasa ko na ang mga pekeng requirements mo at kaagad kang tinanggap. Alin na lang sa dalawa; atat siyang makahanap ng bagong staff o talagang bobo lang ang may-ari ng shop para hindi mapansing halos kalokohan lang ang mga inilagay ko sa resume mo. Kung ang huli ay mas maigi para sa atin. Madali mo siyang maloloko." Lumapit si Dexter sa doorbell sa gilid ng gate at diniinan iyon.
Ilang sandali pa ay umatras ito at muli siyang binalingan. Humithit ito ng dalawang beses saka ibinuga ang usok sa harap niya.
Tinanggap niya iyon—tiniis.
"Siguraduhin mong makukuha mo ang loob ng amo mo. Hindi ko alam kung lalaki o babae ang may-ari ng lugar na 'to at siyang magiging amo mo. Kung babae ay kunin mo ang loob hanggang sa ipagkatiwala sa 'yo pati ang password ng ATM niya. Pero kung lalaki, alam mo na kung ano ang gagawin."
Napalunok siya.
Gusto niyang sabihin kay Dexter na hindi niya masikmura ang gusto nitong ipagawa sa kaniya, na pagod na siyang mabuhay sa ganoong paraan. Na ayaw na niyang kumapit sa patalim. Pero kapag ginawa niya iyon ay masasaktan siya, at ayaw na niyang patuloy siya nitong saktan.
"Gawin mo ang lahat nang makakaya mo. Kapag malaki ang mahuhuthot mo sa kaniya ay pagpapahingahin na kita. Magnenegosyo na lang tayo at magpapaka-layo-layo." Ibinaba nito ang sigarilyo at inihulog sa sementadong landing ng gate. Inapakan nito iyon saka ngumiti.
Ang ngiti nito ay banayad. Tila nanunuyo.
Pero... kilala niya si Dexter.
Alam niya ang ibig sabihin ng ngiting iyon.
Manipulasyon.
Itinaas ni Dexter ang kamay, at awtomatiko siyang napa-piksi sa pag-aakalang sasaktan siya nito.
Ngumisi ito at dinala ang kamay sa kaniyang balikat. "Kumalma ka, Raya. Hangga't hindi ka pumapalpak ay hindi dadapo ang palad ko sa mukha mo, o ang kamao ko sa sikmura mo. Basta gawin mo lang ang inuutos ko at wala kang dapat ikatakot."
Tango lang ang ini-sagot niya. Tulad ng madalas na mangyari.
Bumaba ang tingin ni Dexter sa suot niyang dilaw na blusa at mahabang palda. Ngumisi ito. "Talagang pinaninindigan mo ang ganiyang porma, ha, Raya? Siguradong proud na proud si Mommy sa 'yo habang nakatunghay mula sa langit."
May gumuhit na hapdi sa kaniyang dibdib nang banggitin ni Dexter ang kanilang ina. Nasa tinig nito ang pang-uuyam.
Kung nakikita man sila ng mommy nila mula sa langit, siguradong umiiyak ito. Siguradong naghihinagpis ito habang pinanonood ang nangyayari sa buhay niya. Siguradong masamang-masama ang loob nito kay Dexter.
At sana lang... sana... may ipadalang anghel ang mommy niya para tulungan siya at ilayo mula rito sa demonyong kasama niya.
Sana lang...
Sana lang talaga...
Nahinto siya sa pag-iisip nang biglang bumukas ang gate na gawa rin sa kawayan. Sabay silang napatingin ni Dexter doon.
Sandali siyang nawalan ng sasabihin nang mapatitig sa mga mata ng lalaking nagbukas ng gate.
Iyon na yata ang pinakamagandang kulay ng mga matang nakita niya sa buong buhay niya...
At... ang lalaki na yatang ito ang pinakamagandang nilalang na nakaharap niya.
"Good afternoon," anang lalaki sa baritonong tinig. Nagpalipat-lipat ang tingin nito sa kanilang dalawa ni Dexter bago natuon sa kaniya. Sandali siya nitong sinuri ng tingin mula ulo hanggang sa pares ng brown doll shoes na suot niya.
At hindi niya maintindihan kung bakit nagtayuan ang mga balahibo niya sa batok sa ginawang pagsuring iyon ng lalaki. Hindi niya alam kung bakit parang... may kung anong init na dumaloy sa kaniyang katawan...
"Are you the new staff?"
Napalunok siya kasunod ng pagtango.
"Can I have your name?"
Napasulyap muna siya kay Dexter na ngayon ay sinusuri rin ng tingin ang lalaking kaharap nila bago niya muling binalingan ang 'Anak ng Diyos'.
"A-Ako si... Lawrah Isbell."
Nang marinig ang kaniyang pangalan ay doon nagpakawala ng palakaibigang ngiti ang lalaki kasunod ng tuluyang pagbukas nito ng gate.
"My name is Ariston Ghold, and I am your new boss. Welcome to your new home."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top