PINAYAPA MO
Sa pagpinid ng aking mga talukap
Paningin ko'y tila naglalagablab
Mga masamang pangitaing aking natanaw
Ito'y namayani sa aking balintataw.
Sa hindi malamang dahilan
Mga luha ko'y nag-uunahan
Ang diwa ko'y masalimuot
Ito'y nababalot ng takot.
Salamat at pinayapa mo ako, O aking Ama
Pinayapa mo.
Sa aking pagkalunod sa maitim at mabahong karagatan
Ang 'yong mga salita'y nagsilbing balsang aking nakapitan
Sa aking paggunita ng walang katuturang mga bagay
Tila ako'y dahan-dahang ibinaon sa malalim na hukay.
Subalit nang marinig ko ang tinig mo
Kaginhawaa'y siyang nadarama ko
"Anak, nandito lang ako," ang sambit mo
Puso ko'y nagalak, luha ko'y pinahid mo.
Salamat at pinayapa mo ako, O aking Ama
Pinayapa mo.
Ang mga multong aking kinahihindikan—
Multong ako rin ang lumikha sa isipan
Pilit man akong nilulubog ng aking mga kaaway
Ngunit mga anghel mo'y tunay na mas matibay.
Sa lilim ng iyong mga pakpak, ako'y ligtas
Sa mga pagsubok sa buhay, ako'y 'di aatras
Pag-ibig mo sa amin ay dalisay at wagas
Ako'y mananalig sa 'yo magpahanggang wakas.
Salamat at pinayapa mo ako, O aking Ama
Pinayapa mo.
***
"Binibigyan mo ng lubos na kapayapaan
ang mga may matatag na paninindigan
at sa iyo'y nagtitiwala."
- Isaias 26:3
Pinagkuhanan ng larawan:
iStock
Itinatampok na awit:
Whom Shall I Fear ni Chris Tomlin
Sa panulat ni:
J. Z. ROMEO
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top