PAGPAPATAWAD
Hinugot ko na ang espada ko
Pinosisyon ko na ang aking palaso
Handa ko nang kalabitin itong gatilyo
Umiiskape na ang sinakyan kong kabayo.
Kinausap ko na ang abogado ko
Ikakasa na ang karampatang kaso
Espesyal kong bestida na'y plantsado
Tangke ng kotse ko, kanina pang pinuno.
Sa puntong ito — sisiguraduhin ko
Mga troso ay ihaharang sa mga mata ko
Matitikman ang bangis ng inaagrabyado
Lahat ng kalaban ko'y akin nang igugupo.
"Hindi ka ganyan, anak," ang boses na narinig ko
Natulos ako sa kinatatayuan at aking napagtanto
"Pinatawad na kita sa iyong mga kasalanan.
Hayaan mong ako ang gaganti, magtiwala ka lang."
Mga tuhod ko'y naibagsak sa tigang na lupa
Isa-isang nabitiwan ang hawak kong sandata
Ako'y nakakulong pala tulad ng kuneho sa hawla
'Di makaalpas dulot ng sukdulang poot at pangamba.
'Di ba't pagkahabag ang nakamit mo sa pagdilat ng mga mata?
'Di ba't dalisay na pagmamahal ang panligo mo sa umaga?
'Di ba't kapatawaran ang iyong pamunas na tuwalya?
Kaya't nararapat lamang na ipadama mo rin 'to sa 'yong kapwa.
***
"Ipagtatanggol kayo ni Yahweh, pumanatag lamang kayo."
- Exodo 14:14
Pinagkuhanan ng larawan:
Wikihow.com
Itinatampok na awit:
Grace by Laura Story
Sa panulat ni:
J. Z. ROMEO
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top