MARIPOSA
Itinakwil mo ang maabo't madilim na mga ulap
Nahahalina ka sa maalwan na mga alapaap
Alam mo ba, ang ulang dala nito'y singhalaga ng 'yong hininga?
Pagkat pinapayabong nito ang mga halama't damo sa lupa.
Kinamumuhian mo ang mga nagsusuot ng maiikling palda
Mga dalagitang simpula ng Arabica ang labi'y halos 'yong isinumpa
Alam mo ba ang sanhi ng kanilang pagiging suwail?
Hangad lamang nila ay tunay na pagmamahal, kahit gabutil.
Halos luhuran mo ang mga taong nasa simbahan
Sapagkat akala mo sila'y walang putik na kadungisan
Saan na ba ang iyong pagpapakatao?
Niyurakan ang 'di mo kapanalig o kabaro.
Ngiti mo'y abot-tainga sa mga sikat o hitik sa sertipiko
Datapwat kilay mo'y umarko sa mga walang alam o bago
Alam mo bang ang uod na 'yong pinagtatabuyan?
Magiging marikit na mariposa iyan sa kalaunan.
Huwag magpalinlang sa nakikita ng pares na mga mata
Gabay ay hingin sa Diyos sa wastong pakikipagkapwa
Suriin palagi ang nasa isipan at damdamin ng tao
Iwasan ang panghuhusga, nang ito'y 'di babalik sa 'yo.
***
"Huwag ninyong husgahan ang iba, para hindi rin kayo husgahan ng Dios. Sapagkat kung paano ninyo hinusgahan ang inyong kapwa ay ganoon din kayo huhusgahan ng Dios."
- Mateo 7:1-2
Pinagkunan ng larawan:
Freepik
Itinatampok na Awit:
Lupa by Rico J. Puno
Sa panulat ni:
J. Z. ROMEO
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top