ALAGA KO, MAHAL KO
Ako'y may tutang alaga
Siya'y masiyahin at mataba
Mahal ko siyang tunay
Ako ang nagsisilbi na niyang nanay.
Siya'y miyembro na ng aming pamilya
Naghahatid ng ngiti sa aming mukha
Sa aking mga supling, siya'y nakikipaghabulan
Punong-puno ng pag-asa ang kaniyang kabuuhan.
Ang mumunting tibok ng kaniyang puso
Na ramdam ko sa tuwing siya'y kinakarga ko
Tila nagsasabing, "Inay, ingatan mo ako
Sapagkat ako'y magiging kaibigang tapat mo."
Ang masigasig na pagbati niya sa umaga —
Ang pagwasiwas ng kaniyang buntot at sa aki'y pagdila
Nagpapahiwatig na magpasalamat tayo sa ating Tagapaglikha
Sa buhay na natamo sa bawat pagdilat ng mata.
Hindi man biro ang mag-alaga ng aso
Katulad ng isang sanggol na napakasensitibo
Subalit ibang ligaya ang aking nadarama
Na ipinagkatiwala ng Ama ang isang kaaya-ayang nilikha.
Magkakaiba man ang lahi ng mga aso
Nararapat na tratuhin natin silang pareho
Mapa-asong Pinoy man o may lahing banyaga
Kailangan nila ang ating haplos at aruga.
Nag-iba man ang inog ng aking mundo
Simula nang dumating siya sa buhay ko
Alam kong may magandang aral siyang hatid sa amin
Mabuting kalusuga't mahaba niyang buhay — tangi kong dalangin.
***************************************
"Ang taong matuwid ay mabait sa kanyang mga alagang hayop, ngunit ang taong masama ay malupit at walang awa sa kanyang mga hayop." - Mga Kawikaan 12:10 (Tagalog Contemporary Bible)
Itinatampok na awit: Bingo Song
[Flickbox Nursery Rhymes]
Sa panulat ni: J. Z. ROMEO
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top