Chapter Six
Chapter Six
Twins
Naabutan kong nandoon at nakatayo si Russel sa labas lang ng room ni Primrose. Agad kaming nagkatinginan at lumapit siya sa akin. "Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong ko sa kaniya.
Umiling siya. "Jewel," sandaling lumagpas ang tingin niya sa pinto sa likod ko. "Who's inside..."
Hindi ako nagsalita.
"Bakit hindi mo sinabi sa akin na..." hindi niya halos matuloy ang sinasabi.
Mukhang may nabanggit na nga si Melba sa kaniya. "Sinundan mo ba ako?"
"I was worried so I followed you... I want us to talk," aniya.
Hindi muli ako nagsalita. Hinihintay kong marinig sa kaniya ang nalaman na niya kay Melba. Naghalo ang emosyong nakita ko sa kaniya. "Jewel... ang sabi ng..."
"Ano'ng sinabi sa 'yo ni Melba?"
Malakas ang pintig sa dibdib ko. Unti-unti na rin namuo at nangislap ang luha sa mga mata ko.
"How... How old..."
"Six," sagot ko sa kaniya.
Bigong umiling si Russel. "You were pregnant when you left..." nanghina siya.
Alam na niya.
Sinabi marahil sa kaniya ni Melba kanina na nasa loob ako kasama ang mga anak ko.
Umiling siya. "Please don't lie to me." pakiusap niya. Nangingislap na rin ang luha sa mga niya. "Tell me-" parang hirap na hirap siya.
Pinutol ko na. "Nasa loob ang mga anak mo." diretso kong sinabi, pinatatag ang sarili.
Kitang-kita ko ang biglang paglaglag ng mga luha niya... Bahagya pang nanlaki ang mga mata ko habang nakatingin sa kaniya. Hindi ko pa yata siya nakita na ganito kahina sa harapan ko. Para siyang nilisan ng lakas...
"R-Russel-" nanginig ang labi ko.
"I... I want to see..." hindi na siya halos makabuo ng mga salita. Umiiyak siya sa harapan ko at naghahalo ang emosyon.
Tumango ako.
Tinalikuran ko siya at binuksan ang pinto ng room ni Primrose. Natutulog pa rin ang dalawang bata. Gabing-gabi na. Sa ganitong oras nalaman ni Russel ang tungkol sa mga anak niya. Agad napatayo si Melba nang nakita akong pumasok. "Melba, bibili ka pa ng pagkain?" pagpapaalala ko sa kaniya.
Mabilis naman siyang tumango. Lumabas din siya ng silid. Tumingin pa siya kay Russel bago tuluyang nakaalis.
Pinatuloy ko si Russel at hindi na naalis ang mga mata niya sa dalawang batang nadatnang nagpapahinga doon. Tahimik ang silid. Unti-unting humakbang at lumapit si Russel sa mga anak niya.
Tuluyang bumuhos ang luha ko na maagap ko rin pinunasan.
Nakita ko ang tahimik na pag-iyak ni Russel sa unang beses na nakita ang mga anak niya...
Lumabas din muli kami ng room at nakabalik na rin si Melba. Tulalang nakasandal si Russel sa dingding sa tabi lang ng pinto ng room ni Primrose. Nakatayo lang din ako doon sa tabi niya. Pareho kaming tahimik hanggang sa nagsalita siya. "I'm sorry..." iyon ang unang mga salitang lumabas sa bibig niya.
Nag-angat ako ng tingin sa kaniya at nagkatinginan kami. Kita ko ang tumulo muling luha niya. Pinunasan niya rin iyon. Nakita kong nasasaktan siya. Nanatili akong nakatingin sa kaniya.
Isang beses siyang nagmura at napatakip sa mukha gamit ang mga palad. Maagap kong pinunasan ang luhang tumulo mula sa mga mata ko.
"I didn't know... I'm sorry..." paulit-ulit niyang sinabi. Nang bahagyang kumalma ay muli siyang tumingin sa akin. "Bakit... hindi mo agad sinabi sa 'kin..."
"Nalaman ko lang noon na buntis ako nang nakalayo na ako... At hindi ko agad nasabi sa 'yo ngayong nagkita tayong muli dahil hindi ko alam kung ano ang magiging reaksiyon mo. Hindi ko alam kung tatanggapin mo ba ang mga anak ko. Naalala ko iyong mga sinabi mo sa akin noon... Iyong paratang mo sa akin... Hindi ko na kakayanin kung pati ang mga anak ko." tuloy tuloy ko lang na sinabi.
Kita ko ang pagsisisi niya. Labis na pagsisisi.
Nag-iwas ako ng tingin at nagbuntong-hininga. "Umuwi ka na. Madaling araw na. Nandito lang naman kami sa ospital at kung gusto mo ay bumalik ka nalang bukas-"
"Dito lang ako. I'm not going anywhere." aniya.
Tumango lang ako at hinayaan siya.
Naka-idlip ako sa tabi ng bed ni Primrose. Habang tingin ko ay wala namang tulog si Russel at naroon lang pinagmamasdan ang mga anak niya. Umaga na at pinauwi ko na rin muna si Melba. Maaga rin kaming binisita ng doktor ni Primrose. Naiwan pa sa labas si Russel na kausap pa rin ang doktor ni Primrose habang bumalik na ako sa loob.
Nakita kong naunang nagising si Prince. "Mama," agad siyang yumakap sa akin pagkagising. Niyakap ko rin ang anak ko at hinagkan.
Bumukas ang pinto at iyon ang naabutan ni Russel. Nagkatinginan kami. Nakatalikod sa kaniya si Prince habang nakayakap sa akin. Umawang ang labi ni Russel.
Bumilis ang pintig ng puso ko. Unti-unti kong pinakawalan ang anak ko at hinarap. Bahagya pa itong nagkukusot ng mga mata. Magulo ang humahaba na rin nitong buhok. Bumabalik na rin ang tunay na kulay ng balat nila ng kambal niya. Siguro ay sa pananatili rito sa ospital. Mapuputi talaga ang mga anak ko na namana nila kay Russel na mestiso. Ako kasi ay medyo morena.
"Anak..." Hindi ko pa alam paano magsisimula. "Anak, may ipapakilala si Mama sa 'yo..."
"Sino po?" tanong niya.
Nag-angat ako ng tingin kay Russel. Bumaling na rin si Prince sa tiningnan ko. Tumayo ako sa likod ng anak ko. Naghalo na yata ang mga nararamdaman ko sa dibdib ko.
"Hi," sinubukang ngumiti ni Russel sa anak niya pero para rin siyang nabasag at may tumulo muling luha mula sa mata niya. Pero mabilis niya rin iyong pinalis at nagpakatatag habang kaharap ang anak. Bahagya siyang lumuhod para mag-lebel sila ni Prince.
Mula kay Russel ay nilingon ako ng anak ko. May pagtataka sa mga mata niya. "Mama," tawag niya.
Hinawakan ko siya sa mga balikat niya. Tumango ako habang nakaangat ang mga mata niya sa akin. Muli siyang bumaling kay Russel sa harap namin.
"I... I'm your... Dad..." pakilala ni Russel sa sarili niya sa anak.
Muling nag-angat ng tingin sa akin si Prince. "Mama..." May luha na sa mga mata ng anak ko.
Bumuhos na rin ang mga luha ko. Muli akong tumango. Nang tumingin siyang muli kay Russel ay sunudsunod na ang paglaglag ng mga luha niya hanggang sa narinig kong humikbi ang anak ko. Maagap siyang niyakap ni Russel at panay ang hingi ng tawad sa anak...
Emosyonal ang pagtatagpong iyon.
Ganoon din ang nangyari nang nagising si Primrose at nakilala na rin ang ama... Umiyak ito at kinuha na siya ni Russel mula sa hospital bed niya at maingat na kinarga ang maliit na katawan ng bata.
Panay din ang pag-iyak ko sa tabi.
Hanggang sa tumahan at kumalma. Ayaw na halos umalis ni Primrose sa mga bisig ng ama niya. Si Prince ay nanatili rin sa tabi ni Russel. May tinawagan si Russel sa cellphone niya at hinatdan siya ng damit ng assistant niya doon sa ospital. Nagpa-deliver din siya ng pagkain para sa agahan namin.
Pinaliguan ko muna si Prince habang naghihintay kami sa pagkain. Pagkatapos ay si Primrose naman ang inasikaso ko. Pinunasan ko siya at pinalitan ng damit. Mabuti nga at tuluyan na siyang kumalma dahil makakasama rin sa kaniya.
Inasikaso ni Russel at sinubuan si Primrose nang dumating na ang pagkain namin. Nasa tabi lang din ng ama si Prince at magana rin kumakain.
"Kumain ka na. Hindi ka pa kumakain." sabi ko kay Russel nang natapos sa mga bata.
Nagkatinginan kami. Tipid niya akong nginitian. "Thank you... You were so strong for raising our twins alone. I just wish I was there..." bigo niyang sabi at puno ng pagsisisi.
Binaling ko ang tingin sa mga anak namin. Parehong naglalaro ang dalawang bata sa bed ni Primrose.
"Maliligo ka ba? Narito ang C.R.," tinuro ko sa kaniya ang pinto. "Kumain ka na rin pagkatapos."
Tumango siya.
Tinalikuran ko na siya at bumaling sa mga anak. Ngumiti ako at naupo doon sa tabi nila. Habang ramdam na nanatili pa sa amin ang tingin ni Russel.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top