Chapter 4

HINDI maalis ang tingin ko sa kaniya habang nagmamaneho siya ng sasakyan. Sino ba namang nasa matinong pag-iisip ang iisipan pa rin siya nang maayos matapos ang lahat ng nasaksihan?

Sabihin na talaga ng madla na TH akong tao, pero ano namang magagawa ko? Nakaka-TH naman talaga siya. Tapos ngumisi pa siya sa akin na akala mo gusto niyang patunayan iyong hinala ko sa kaniya. Killer yata ambuwisit!

"Must I melt with the way you stare?" aniya habang nakatingin sa kalsada kaya't agad akong napalingon sa kabilang gawi. Mahirap na at baka isipin pa niya na pinagpapantasyahan ko siya—kahit na medyo ganoon naman talaga, pero hindi tayo puwedeng ma-attract sa killer. Hindi ako pinalaking malandi, baka saksakin ako nito, todas ako.

Hindi talaga ako kumibo kahit pa minaldito niya na ako. Baka may mali akong masabi, matulad ako roon sa babaeng walang tainga.

Nasa kahabaan pa rin kami ng biyahe nang bigla na lamang nagpaepal ang tiyan kong kulang yata sa lambing kaya papansin. Kumurug-krug ba naman bigla, amp!

Napalingon ako sa kaniya at nakita kong may kudlit na ngisi sa sexy—I mean mga labi niya.

"H–huwag kang gumaniyan-ganiyan diyan! Kasalanan mo kaya gutom ako!" utal na singhal ko sa kaniya. Pinipikon niya talaga ako.

"How did it become my fault?" seryosong sagot niya sa akin nang hindi pa rin ako nililingon. Putchakan! Hirap talagang emehin nitong tao na 'to.

"Ayaw ko kasing ipagluto ka dahil hindi mo 'ko cook, kaya pati gutom ko tiniis ko—"

"Then it's your fault for not cooking your own meal."

WOW! Lakas mang-gaslight. Kuhang-kuha ang gigil ko, Bossing Sir!

"Kasi nga ayaw ko rin nqa ipagluto ka—ay kinalabawang langaw!" Literal akong napatili dahil bigla na lamang niyang kinabig ang sasakyan paliko sa kung saan.

HOY! Dito na ba ako mamamatay? Ito na ba 'yon? Ako na ba ang susunod? Siguro bibig o dila ko ang aalisin niya sa akin dahil sa sobrang tabil ko. Ina kasing bibig 'to, e. Hindi magpigil, diretso kung diretso.

"Saan tayo p–pupunta?" Hindi ko mapigilan ang mautal kasi iyong dinadaanan namin ay mas liblib pa sa daan papunta sa mansyon niya. Mukhang tsutsugihin niya na yata talaga ako.

"To a place where I can satisfy you," sagot niya at ramdam kong agad ang pag-iinit ng mukha ko. Ako yata talaga iyong papatayin na lang at lahat, nakuha pang kiligin. May tama talaga ako sa utak, e.

"P–pinagsasasabi mo, B–Bossing Sir!" Ngunit imbes na sumagot ay muli lamang akong may nakitang kudlit na ngisi sa mga labi niya.

Malayo-layo na rin ang narating namin nang huminto kami sa may isang malaking haunted house—charot, para lang siyang lumang bahay pero may kung ano sa aura na hindi ko maipaliwanag.

Dito na yata ako ililibing—charot not charot. Forda nerbyos na ang ferson.

Bumaba siya ng sasakyan at ayaw ko mang bumaba ay wala akong nagawa kasi iyong tingin niya sa akin sa bintana ay tumatagos kahit pa tinted. Iskeri talaga, putchakan!

Sabay kaming pumasok sa haunted house at sumalubong sa amin ang mga white lady—literal na white lady kasi mga babae itong nakaputi.

Kulto pa yata itong amo ko. Balak pa yata kong ialay, amp!

"Good evening, Mr. Lewis," anang isa sa mga babaeng nakaputi. "Table for?"

"For two," sagot ng amo ko at iginiya kami ng white lady patungo sa isang table na nasa tabi ng isang grand piano.

Suki yata siya rito, kilalang-kilala, e.

Hindi ko naman inaasahan na ipaghahatak pa niya ako ng upuan kaya't naupo na ako nang mag-isa. Wala sa hilatsa ng pagmukmukha ng amo ko ang pagiging gentleman kaya auto pass.

Na-realize ko lang na kainan pala ang pinuntahan namin nang abutan ako ng bagong white lady ng menu.

Nag-browse ako at hindi ko magawan mabasa ang mga nakasulat. Hindi naman ako ignorante. Hindi lang talaga kabasa-basa ang nakasulat kasi sulay pancit-canton.

Excuse me! Pasaway akong anak pero never pa naman akong pinarusahan ng mga magulang ko at pinabasa ng pancit canton style of writing, duh!

Nilingon ko iyong white lady na mukhan naghihintay ng order ko. "Miss, hindi naman tao itong ihahain n'yo sa akin, 'no? Hehehe. Iyong pinakamurang best seller n'yo na lang," sabi ko rito at ngumiti naman ito sa akin, saka nagsulat na.

"How about yours, Mr. Lewis?"

"Laab—"

"Lab? Labyutu?" pasok kong bigla. Mag-jo-joke lang naman sana ako, seryosong tao nga pala ang amo ko na walang pake sa akin.

"Laab, som tam, and tom kha gai," patuloy niya sa white lady. Hindi na ako nag-abalang tingnan sa menu ang mga sinabi niya dahil alam kong hindi ko rin naman mababasa—sulat pancit canton nga kasi!

Palinga-linga lang ako kasi naa-amaze ako rito sa restaurant. Mukha kasi siyang haunted house sa labas tapos ang ganda pala ng interior. Sa labas kasi literal na may vines at lumot-lumot, mukhang design lang talaga iyon.

"Salamat po, Bossing Sir," basag ko sa katahimikan sa pagitan namin.

Tiningnan lamang niya ako na parang sinasabi niya na napaka-TH ko lang kasi, samantalang gusto lang naman niya akong pakainin. Pa-satisfy-satisfy pa kasi siya, hindi na lang sinabi na pakakainin ako, 'di sana'y hindi na ako na-TH.

Dumating ang mga pagkain namin at natakam talaga ako dahil may nakita akong malalaking hipon na nakabalat na—sheeeet, my fave!

Isa-isa nang inilapag sa harapan namin ang mga pagkain at kulang na lamang ay magwala ako nang bigla na lamang ilapag ng white lady ang malalaking hipon sa harap ng amo ko at sa akin ay puro dahon at damo-damo!

MUKHA BA AKONG KAMBING, HA? MUKHA BA AKONG NAKIKIPAGBIRUAN?

"Gusto ko 'yan!" tantrums ko. Hindi talaga ako mapipigil lalo na't hipon ang nakataya rito.

"You eat what you ordered," sagot niya lang sa akin at sa mga oras na ito ay gustong-gusto ko siyang batukan.

"Gusto ko talaga niyan—" Hindi ko na natapos ang pagta-tantrums ko dahil bigla na lamang niyang inilapag sa umiikot sa gitna ng table ang hipon at inikot niya iyon hanggang sa akin.

Hindi ako nag-inarte at agad kong kinuha iyon. Para akong batang napagbigyan at wala akong pake. Maganda ako at love ako ni Lord—saka ni Bossing Sir kasi binigay niya itong mga hipon sa akin. Hehehe.

Hindi kami nagkaroon ng conversation the whole time na kumakain kami hanggang sa makauwi kami ng bahay niya. Nagi-guilty rin ako sa mga pinag-iiisip ko sa kaniya kasi kahit na may sa-demonyo ang istilo niya, mabait pa rin naman siya sa akin kahit paano—o baka Hansel and Gretel talaga ang lagay ko rito, ibibigay ang gusto at saka tsutsugihin. Ang overthinker ko talaga, putchakan!

NAGISING ako dahil may naririnig akong maingay sa may itaas. Hating-gabi na at antok na antok ako dahil sa mga windang na naramdaman ko kanina sa crime scene.

Pupungas-pungas akong lumabas ng kwarto ko. Nakamanipis na pantulog lang ako pero may bra at panty naman ako kaya kiber. Hindi naman itsura ng amo ko na maaakit sa ganda ko. Tuod yata iyon, hindi nakaka-appreciate ng gandang natural at puro.

Malapit na sana ako sa silid niya nang malingunan ko iyong kuwarto sa dulo ng pasilyo na noon pang nakakandado at kahit anong gawin ko ay hindi ko mabuksan. Doon nanggagaling ang ingay at doon din nanggagaling ang liwanag dito sa pasilyo.

Agad akong lumpit sa silid na iyon at idinikit ko ang tainga ko sa pinto.

Kinabahan ako nang makarinig ako ng tila tunog ng grinder at parang sirit-sirit ng dugo. Hindi ko maipaliwanag. Dinagdagan pa ang kaba ko nang pumailanlang ang malansang amoy sa paligid.

Sunod-sunod ang lunok na ginawa ko dahil nanginginig na ang mga tuhod ko.Hindi ko alam kung dapat ba akong tumakbo paalis o kumpirmahin ang mga hinala ko.

'Tang ina, parang hindi lang isang bote ng red horse ang deserve ko sa mga pinagdadaanan ko na 'to. Parang deserve ko ng tatlong case, putchakan!

Akmang hahawakan ko na sana ang seradura ng pinto nang bigla na lamang bumukas iyon at iniluwa niyon ang amo ko na puro dugo ang suot na puting long sleeves.

"B–Bossing Sir," taranta at utal na tawag ko sa kaniya.

Tiningnan lamang niya ako at hindi siya nagsalita. Lalong nanginig ang mga tuhod ko sa lalim ng tingin niyang iyon. Halo-halo ang nararamdaman ko sa mga oras na ito. Takot, kaba, kyuryosidad, pagtataka, at may ngingibabaw sa aking pakiramdam na hindi ko mapangalanan.

Bumaling siya sa pinto, isinara niya iyon at saka ini-lock bago niya ako nilampasan na parang wala akong mga tanong sa isip ko at para bang wala siyang ginawang kahina-hinalang bagay sa harapan ko mismo.

Gusto ko siyang sundan at alamin kung ano ang ginawa niya sa likod ng pinto sa harapan ko pero para bang nawalan ako ng kapal ng mukha at tapang ng loob sa mga oras na ito.

Hindi ko na alam kung ano at sino ka ba talaga, Lancelot Haunter Lewis.

ALAM kong sa mga oras na ito ay itim na itim ang ilalim ng mga mata ko. Ikaw ba naman ang hindi makatulog magdamag dahil sa nakita mo, ewan ko lang kung maging okay ka pa. Magdamag akong nag-o-overthink kung magre-resign na ba ako o tatatagan ko ang loob ko kasi singkwenta mil ang nakataya rito sa pag-o-overthink ko.

Bumaba ako sa kusina at hindi ko siya nakita roon. Nagtimpla lang ako ng kape ko at kumuha ng tinapay at nilagay sa toaster. Kahit naman wala akong tulog, kailangan ko pa rin na kumain dahil ito lamang ang magbibigay lakas sa akin para sa kung ano na namang hamon na kakaharapin ko sa araw na ito.

Kumakain ako nang bigla na lamang bumuhos ang malakas na malakas na ulan. Sanay na sanay naman na ako sa lakas ng ulan sa lugar na ito ngunit hindi ako kailanman masasanay sa kidlat dahil kasunod ng malakas na ulan ay magkakasunod na pitik ng matatalim na kidlat.

Agad akong napapunta sa ilalim ng mesa, pumikit at nagtakip ako ng tainga ko habang kagat-kagat ko ang toasted bread. Napapadasal talaga ako sa takot sa kidlat.

Naiiyak na ako kasi ayaw huminto ng kidlat nang bigla na lamang akong makaramdam ng mainit na buga ng hangin sa sintido ko.

Unti-unti kong idinilat ang mga mata ko at napaigtad ako ng makita kong ilang hibla na lang ng buhok ang pagitan ng mukha namin ng amo ko.

Akmang magsasalita ako nang bigla na lamang niyang kagatan ang tinapay na kagat-kagat ko na ikinabigla ko. Wala na ba akong gagawin sa buhay ko mula nang makilala ko itong amo ko kung hindi ang mabigla?

"Nice taste. I like that too," anas niya at umalis na siya sa ilalim ng mesa. Kinuha ko ang tinapay mula sa bibig ko at agad ko siyang sinundan na para bang hindi ko na alintana ang bawat pitik ng kidlat.

"A–an'ong ginawa mo?" tanong ko sa kaniya ngunit hindi ko rin alam kung patungkol sa anong context ba ang tanong kong iyon.

Hindi siya sumagot, bagkus ay nag-toast siya ng tinapay niya, saka sumandal sa lababo at tinitigan ako habang hinihintay iyon na maluto.

"Tinatanong kita, ano'ng g–ginawa mo?" pag-ulit ko sa tanong ko.

"Are you afraid of me?" balik na tanong niya sa akin.

"Sino'ng hindi matatakot sa 'yo? Hindi kita maintindihan. Hindi kita kilala. Hindi ko alam kung anong klase ng tao ka," diretsong sagot ko sa kaniya.

Bigla siyang umangat mula sa pagkakasandal niya at lumakad papalapit sa akin. Hindi ko magawang kumilos dahil narito na naman ang panginginig ng mga tuhod at kalamnan ko.

"Lumubay ka sa akin. H–hindi ako nakikipagbiruan sa 'yo—"

"Who said I was kidding with you?" aniya sa seryosong tono.

Gusto kong mangapa sa likod ko ng kahit anong maaari kong magamit na pang-depensa pero hindi talaga ako makakilos. Salita at titig niya pa lamang ay sapat na para ma-stroke ako, putcha!

"S–sagutin mo lang ako, mananahimik na ako. Ano'ng ginawa mo? S–sino ka ba talaga?"

Imbes na sumagot sa mga katanungan ko ay bigla na lamang niyang hinawakan ang kamay kong may hawak na tinapay—na nagbigay ng kakaibang pakiramdam sa akin—at saka niya inilapit iyon sa mga labi ko.

Para ba akong namahika na kagatin ang tinapay—na mukhang hindi tama dahil napasunod niya ako sa nais niya.

Akmang aalisin ko na sana ang tinapay sa bibig ko nang bigla na naman niyang umumang papalapit sa akin at muling kumagat sa tinapay na nasa mga labi ko.

"This really tastes better. I think we will be sharing bread this way from now on."

Confirmed. Binabaliw niya ako . . . sa kaniya.

--

M A Y O R A
I C E _ F R E E Z E

VOTE | COMMENT

Bukas ulit. Hehehe.
06/20/2023

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top