Chapter 1
NAKATAAS ang mga paa ko sa mesang nasa harap ko habang ngumunguya ako ng kornik at may hawak na bote ng red horse.
"Hayahay ang gago," ani Pitchy, saka marahang sinapak ang balikat ko.
"Paglubayan mo 'ko. Baka ipukol ko sa 'yo 'to," buwisit na singhal ko sa kaniya at tinawanan lang niya ako.
"Alam mo, gorl, kung pinagbigyan mo lang sana ang mga magulang mo na mag-doctor ka, aba'y hindi ka sana stuck dito sa computer shop ko," anito at inagaw sa akin ang bote ng red horse, saka niya nilagok.
Umiling-iling muna ako bago nagsalita. "Paano ngang magdo-doctor? Nakakakita pa lang ako ng karayom, parang papanawan na ako ng malay-tao. Baka kapag nag-doctor ako, imbes na sumalba ako ng buhay, baka mapatay ko pa sila."
Hindi ako mayaman, medyo sakto lang. Parang mayaman, pero medyo hindi. Unica ija ako ng mga magulang kong trip yatang manduhan ang buhay ko. Alam kong nag-iisang anak ako, pero buhay ko naman ito. I have to live the way I want. Hindi puwedeng mabubuhay ako sa paraan na gusto nila.
"Gaga. Nasasayangan lang ako. Dami-daming kurso na puwedeng kunin, nagsayang ka ng pera sa culinary school. E, prito ngang hotdog hindi mo magawa. Ano'ng nangyari? Drop out kang gaga ka."
"Sesermonan mo lang din naman ako, hindi mo na lang sana ako inampon—"
"Excuse me, hindi kita inampon. Nagsumiksik ka po sa akin at kinonsiyensiya ako na ikaw ang nagpaaral sa kapatid kong bunso," putol niya sa akin kaya't nginisihan ko siya.
"Hoy! Ipon ko naman ang pinampaaral ko kay Polly sa mga sideline ko, hindi ko 'yon hiningi sa mga magulang ko."
Kaibigan ko si Pitchy—Pitchy Marie Adlanta. Kaibigan lang hindi best friend. Kapag best friend kasi tunog ahas, e.
Nagkakilala kami noong high school. Takaw bullying kasi si Pitchy kasi mataba siyang babae tapos scholar lang siya sa private school na pinapasukan ko. Dahil medyo gangster era ko ang high school years ko, ako ang nagtatanggol sa kaniya. Ten years ago na rin 'yon. Twenty-six years old na kaming pareho ngayon. Teacher na si Pitchy, at nurse naman na si Polly na kapatid niyang bunso. Ako? Hindi ako ang topic dito. Basta buhay ako at mahal ako ng Diyos.
"Nakuha mong mapatapos ang kapatid ko, pero ikaw hindi ko alam kung ano'ng plano mo sa buhay mo. Lagi kang hinahanap ni Tita Dara, gusto pa akong bigyan ng budget para sa pagkain mo, ako na lang ang nahihiya. Kontakin mo kasi ang mga magulang mo, nag-aalala 'yong mga 'yon kahit masama ang loob sa 'yo."
Ibinaba ko ang paa ko sa mesa, saka ko hinarap si Pitchy nang maayos. "Aba'y katibay naman na sila pa ang sasama ang loob sa akin. Pitchy, they want me to take up medicine and I refused. Tapos ano'ng kapalit ng pagtanggi ko? Bigyan ko raw sila ng apo. As if naman na makakapag-magic ako ng sanggol sa sinapupunan ko! I ain't Virgin Mary for goodness' sake! Jowa nga wala ako, anak pa?!"
Nakita kong bahagya siyang natawa bago nagsalita. "Vinn, hindi ka naman siguro pipilitin talagang hingan ng anak. Baka etchos lang 'yon ni Tita Dara at Tito Lucas. Maigi pang bumalik ka na muna sa mga magulang mo—"
"Ayaw mo ba 'ko rito?" asar na wika ko at sunod-sunod ang naging pag-iling niya.
"Alam mo, advice lang talaga na magpakita ka muna sa parents mo. Walang mas masarap sa feeling na ayos ang relationship sa parents. Kaysa panay ka red horse, magnilay-nilay ka roon sa malaking bahay n'yo," aniya at marahang tinapik ang balikat ko.
Hindi talaga ako mananalo sa 'yo, Pitchy.
BILANG wala akong magawa sa mga pinagsasabi ni Pitchy, ito ako ngayon at minamaneho ang sarili kong sasakyan pauwi sa bahay namin. Pipitsuging sasakyan lang ito. Secondhand lang ito noong nabili ko. Halagang seventy thousand lang, pinatos ko na. Hindi ko ugaling manghingi ng pera sa mga magulang ko not unless bibigyan ako ng allowance noon.
Since high school, mahilig akong mag-ipon. Hindi ako maluho sa gamit. Hindi ko bibilhin kung hindi ko naman mapapakinabangan. Hindi ako suki ng shopee o ng lazada. Mas suki pa ako ng barteran at mga swap-swap na facebook group. Lagi akong nasasabihan na may kaya naman kami pero nuknukan ako ng kuripot, ang lagi ko lang sagot, "Magulang ko ang may pera, ako? Mahirap lang."
Ah, doktor nga palang pareho ang mga magulang ko. Ang tatay ko, surgeon. Ang nanay ko, ob-gyne. Ako? Hindi ako ang pinag-uusapan dito. Basta okay ako, humihinga ako, maganda ako. Okay na tayo roon.
Nang marating ko ang bahay namin ay bumusina lamang ako ng tatlong beses sa may gate bago iyon binuksan ng guard.
Tiningnan ko lang si Manong Guard kasi iyong tingin niya sa akin parang ang judger niya. Tipo bang, "Sa wakas umuwi na ang prodigal daughter." Ganoon na ganoon.
"Salamat, Kuya Bujong!" sigaw ko nang ibaba ko ang bintana sa gilid ko at sumibat na papasok.
Bumaba ako ng sasakyan at pumasok ng bahay. Pagpasok na pagpasok ko ay bumungad sa akin si Manang Lora at parang nangingiyak-ngiyak pa na makita ako.
"Vinniece!" sigaw niya, saka ako sinugod ng yakap. Magsasalita na sana ako nang bigla ako nitong pagpapaluin sa puwet gamit ang palad niya. "Lintik kang bata ka! Bakit ngayon ka lang umuwi! Alalang-alala ang Mommy mo sa 'yo! Lintik ka talaga!"
"Aray! Aray! Manang naman!" reklamo ko.
Kumalas ako sa kaniya, saka ako ngumuso. Ito si Manang hindi mo malaman kung mahal ako o bad trip sa akin, e.
"Saan ka ba kasi nanggaling—"
"Manang, ready na po ba ang breakfast? Magdadala sana ako—Vinn?!"
Napalingon ako at nakita ko si Mommy na nakaayos at mukhang papasok na dahil may duty siya. "I'm home," sabi ko at bahagya pang kumamot ng batok.
Inaasahan kong tatalakan ako ng nanay ko o pagmumumurahin pero bigla niya lang ibinuka ang mga kamay niya na para bang sinasabi niyang yakapin ko siya.
Bilang walang kuwentang anak, siya pa ang lumapit sa akin para mayakap niya ako.
Mahal na mahal naman talaga ako ng mga magulang ko, laging naibibigay ang mga gusto ko, pero sadya yata talagang may mali sa pagkatao ko o may tama ako sa utak. Gusto ko ng thrill sa buhay ko. Gusto kong laging pinaghihirapan ang mga bagay bago ko makuha. Ayaw ko nang instant. Ayaw ko nang isinusubo na lang sa akin. Tanga rin akong mag-isip minsan talaga, e.
"Na-miss kita, anak," ani Mommy at bahagyang hinaplos ang buhok ko na malalaki ang kulot at halatang hindi nasuklay.
"Hindi na 'ko aalis ulit. Huwag n'yo lang akong pilitin na bigyan kayo ng apo—"
Bigla akong inilayo ni Mommy sa kaniya kaya't naputol ang sinasabi ko.
"I was just joking when I told you that. Para kang Daddy mo! Lahat na lang ay dinidibdib n'yo!"
Syempre, Mom. May dibdib ako. Buti pa nga ako, meron. Gusto ko sanang isagot kaso baka ma-offend si Mommy at tuluyan na akong mapalayas. 32A lang kasi siya. Negative pa yata. Kung may 28 negative A siguro, baka iyon siya.
"Pinagalitan ako ni Pitchy kaya ako umuwi. Kinukulit mo raw siya," nakangusong wika ko at sinamaan ako ng tingin ng nanay ko.
"Aso nga kapag nawala, hinahanap. Ikaw pa kaya na anak ko? Kahit maging sitenta anyos ka na, baby pa rin kita."
"Cringy, Mom!"
Anim na buwan lang naman ako roon kina Pitchy. Mas madalas ko pang kaharap ang mga computer kaysa makita si Pitchy kaya hindi rin ako nanggugulo halos. Ewan ko ba, wala lang talaga sigurong direksyon ang buhay ko. Soul-searching eme lang ba kahit ang totoo wala lang talaga akong magawang matino sa buhay ko.
Sinasahuran ako noon ni Pitchy nang 200 pesos per day. Libre naman ang tirahan ko at pagkain kaya pang-red horse ko lang talaga iyong sahod ko, solve na 'ko.
Walang kadeli-delikadesa ang pananalita ko, nakuha ko ang ganitong istilo sa gangster era ko noong high school, tapos panay mga anak pa ng kasambahay namin ang kalaro ko noon na mga gangster din. Hindi kasi ako iyong tipo ng anak-mayaman na nagpapaapi sa mga anak ng kasambahay na mga gangster. Kapag gina-gangster ako noon ng mga anak ni Manang Lora at pati na rin anak ni Mang Bujong, gina-gangster ko rin nang mas malala. Hindi ako nagpapaapi kasi iyon ang utos ng Daddy. Dapat kapag g-in-angster ka, gangster-in mo rin. Kapag pinag-trip-an ka, pag-trip-an mo rin. Hindi ka raw makakapamuhay nang maayos sa mundo kung tanga ka at api-apihan.
Halata kay Mommy na masayang-masaya siya na nakauwi na 'ko. Hindi ko naman babasagin ang trip niya at sasabihin na may chance na lumayas ako ulit kapag pinilit na naman nila ako sa gusto nila—bad 'yon, basag trip 'yon.
Saktong inaaya ako ni Mommy sa kusina nang makita namin si Daddy na pumasok ng bahay at bahagya pang nagulat na makita ako. As usual, nakabandera na naman ang poker face niya. Night duty ito kaya malamang puyat at bad trip. See? Paano akong magkakaroon ng kapatid, hindi sila halos magkatagpo. Suwerte ngang nabuo pa 'ko. Isa ito sa reason ba't ayaw kong mag-doctor. Wala akong sexy time sa mapapangasawa ko.
"Hi, Dad—"
"Huwag mo 'kong ma-Hi Dad riyan, Vinniece."
Magsasalita sana ako nang bigla na lamang may pumasok sa pinto na kasunod ni Daddy. "Shutangena! Saktong-sakto pala ang punta natin, Papa! Nakauwi na pala si Vinniece!"
Agad akong napasibangot sa nakita kong nagsalita. Nandito 'tong panget na 'to.
"Jice Isaiah," banggit ko sa pangalan niya at ang gaga, kinindatan ako.
"Vinniece Jan," balik na banggit niya sa pangalan ko.
"Problema mo?" singhal ko.
Pinsan ko 'yan—second cousin. Close ko 'yan, pero mas madalas akong bad trip sa kaniya kasi wala siyang kuwentang kausap.
Bigla niyang hinatak ang braso ko at kapwa kami naupo sa may sofa sa sala. Sumunod naman si Mommy, si Daddy, at ang tatay nito ni Jice na si Tito Dylan Saavedra.
"May kailangan ako sa 'yo," panimula niya at base sa tono ng boses niya, may masamang balak 'tong chongga na 'to.
"Wala akong pake," sagot ko sa kaniya at sinapok niya akong bigla. "ANO?!"
"Tita Dara, bakit ba ganito ang anak mo? Dapat kasi nag-anak ka na lang ng lalaki, tapos pinangalanan mo ng Vinnephew para naman hindi 'tong mahirap kausap na 'to ang kaharap ko." Natawa si Mommy sa sinabi niya pero parang na-slow yata ako.
"Anong Vinnephew?"
"Ah, shutangena. Iyong joke ko mauuwi na naman sa explanation. Vinniece ka, 'di ba? Kung nagkaroon ka ng kapatid na lalaki, Vinnephew—"
"Letse ka!"
"Tumigil na kayo!" singhal ni Tito Dylan. "Sabihin mo na ang totoong pakay mo, Jice Isaiah."
Muling lumingon sa akin si Jice at nagpungay-pungay pa ng mga mata.
"'Di ba, Vinn, wala ka namang trabaho? Tapos wala ka naman ding ginagawa? Wala ka rin namang kuwentang anak kaya may iaaalok ako sa 'yo."
Sira-ulo 'to, ah?!
"Ano?!"
"Encoder lang tapos taga-organize ng mga papeles. Writer ang magiging boss mo tapos wala naman sa Pilipinas. Magpapasarap ka lang doon sa bahay niya tapos hindi naman kabigatan ang trabaho. Medyo malayo ka nga lang sa kabihasnan pero keri lang. Madalas ipa-fax lang o ide-ideliver lang ang mga gagawin mo—"
"Ayaw ko," rektang sagot na putol ko sa kaniya at sinimangutan niya ako.
"Sure ka?" tanong niya ulit.
"Oo nga!"
"Fifty thousand a month—"
"HOY?! LEGIT?! HINDI SCAM 'YAN?!" gulat na gulat na sabi ko. Hindi ako makapaniwala. Silaw na silaw ako sa salapi dahil nga hindi ako mapaghingi.
Nilingon ni Jice ang Daddy at Mommy ko na nakikinig lamang sa amin.
"You should go for it, Vinniece. That would be a good training ground for you and for your behavior," ani Daddy at tinaliman ko siya ng tingin.
"Kakauwi ko lang, gusto mo na naman akong palayasin," sagot ko.
"I-go mo na, anak. Hindi sa pinapaalis ka namin, baka sakali sa trabaho na 'yan mo na mahanap ang gusto mong mangyari sa 'yo o sa buhay mo. You're no longer getting any younger. Habang iyong mga ka-edaran mo ay sigurado na sa mga buhay nila at sa gusto nila, ikaw ito at hindi pa rin alam ano bang gusto mo."
Para naman akong sinapak ni Mommy sa sinabi niya. Puntong-punto, e.
"G na?" tanong ni Jice.
"I-sure mo 'yang fifty thousand per month, kapag hindi 'yan, kahit nasaang lupalop ka pa, Jice Isaiah Saavedra, ibabaon kita sa lupa."
"Sure 'to, Vinniece Jan Saavedra. Hindi ako scammer. Baka Jice Isaiah 'to!"
Sira-ulong 'to. Hindi ko malaman kung pagkakatiwalaan ko ba o pagdududahan ko.
--
M A Y O R A
I C E _ F R E E Z E
**
Pinsan ni Jice pero hindi ito related sa kahit na anong Freezell. Tenchu.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top